Chereads / Finding Sehria / Chapter 15 - Chapter 14 - Blast From The Past

Chapter 15 - Chapter 14 - Blast From The Past

"Manong ano na pong nangyayari? Hindi na ba tayo uusad?" Maya't maya ang tanong ni Austin sa taxi driver sa tabi niya. Katulad ko ay hindi na rin ito mapakali.

"Naku hijo, matindi talaga ang traffic. Kita niyo naman o?" tila naiinis na tugon nito.

"Takbuhin na lang kaya natin?" Mungkahi naman ni Fina. Napapakagat na rin siya sa mga kuko niya dahil sa matinding frustration. Siksikan pa kaming apat dito sa likod ng taxi.

Saglit kong inilusot ang ulo ko sa bintana, hindi ko alam kung malapit na ba kami mula sa kinaroroonan nila Glessy. 20 minutes na ding nakahinto ang taxi namin.

"Nasabihan mo na ba sina Azure?" Baling ko kay Fina. Sa aming lahat, siya lang ang may kakayahan na makipag-usap sa kambal gamit ang isip nito.

Umiling ito. Tila naguguluhan. "Hindi ko alam kung anong nangyayari pero parang may humaharang sa akin. Hindi ako makapagbigay ng signal sa kanila."

Hindi maaari. Kakailanganin namin si Azure ngayon.

"Parang may mali. Parang may nangyayari sa hide out," nangangambang sambit pa nito.

"Huwag ganyan Fina. Nakakakaba," suway ni Elliot.

Napakagat ito sa ibabang labi niya. "Sana nga mali ang kutob."

Pagkatapos ng tila walang hanggang paghihintay, naramdaman kong muling umandar ang sinasakyan namin. Salamat naman.

Sana may mga rumesponde na din kina Glessy.

"Manong bilisan niyo magmaneho!" utos ni Elliot kaya sinamaan lang siya ng tingin ng driver.

"Paano ko makakalusot? Kita mong siksikan na ang kalsada, aber?" pakikipagtalo ni manong. Uminit na ata ang ulo niya dahil sa pangungulit namin.

Walang sabi sabing nagpreno ito, muntik pa kaming tumalsik na apat sa harap dahil ang lakas ng impact.

"Manong naman!" reklamo ko pero tila wala itong narinig.

Napatingin ako sa rearview mirror, nanlalaki ang mga mata nito at nanginginig ang labi. Maging si Austin  ay hindi na rin malaman ang gagawin.

"Shit! Shit! Sasalpok tayo!" sigaw nito.

Doon ko napagtanto na nagkakaroon na pala ng karambola sa harapan namin, may kotse pang tumilapon at parang papunta ito sa direksyon namin. Hindi kami magkamayaw sa pagsigaw. Nanginginig ang mga kamay ng driver sa manibela, hindi na nito magawang makapagdrive para iiwas kami.

Huminga ako nang malalim. Binuhos ko ang buong konsentrasyon ko sa kotse na ngayon ay malapit nang sumalpok sa amin.

"Freeze!" buong lakas na sigaw ko. Napapikit na rin ako sa tindi ng takot ko. Sana hindi ako pumalpak.

Tila nakahinga nang maluwag ang mga kasama ko. Unti-unti akong nagdilat.

"Muntik na tayo dun! Tangina! Akala ko dito na ko mamatay," kabadong saad ni Elliot.

Ilang pulgada na lang kasi ang kotse sa amin bago ito tuluyang sumalpok. Mabuti na lang at napigilan ko ito agad. Si manong driver naman nawalan ng malay sa tindi ng takot siguro. Wala na kaming choice kundi bumaba na lang.

Binuhat naman ni Elliot ang kotseng nakalutang pa sa ere at ibinaba iyon sa gilid ng kalsada. Nagkakagulo na ang mga tao sa paligid. Hindi na namin binigyang pansin kung nakita ba nila ang ginawa namin. Buburahin din naman ni Fina ang alaala nila.

Takbo lang kami ng takbo. Hindi namin alam kung malapit na ba kami sa pupuntahan namin. Pagod na pagod na kaming lahat, sumasakit na din ang mga binti ko, para na kong malalagutan ng hininga.

Nabuhayan lang kami nang makarinig kami ng mga sirena ng ambulansya. Natatanaw ko na ang mga ilaw na nagmumula dito. Napakarami nila parang galing pa sila sa iba't ibang ospital. Sigurado ako na maraming casualties.

Mabilis kaming nagtungo sa pinangyarihan ng aksidente. Nagkalat ang mga bubog at ilang bahagi ng mga sasakyan. May mga kotse na nagsalpukan at may mga taong sugatan na binibigyan na ng paunang lunas. Hinanap ko agad ang bus na sinasakyan nila Glessy, napatakip ako sa bibig ko nang makitang nakataob ito sa gitna ng kalsada. Nakakarinig pa ako ng mga iyakan mula sa loob.

Hahakbang na sana ako papunta roon pero may mga rescuer na pumigil sa amin.

"Mga bata, hindi kayo pwede dito. Umalis na kayo."

"Yung bus! Nandun po ang mga kaklase at teacher ko, iligtas niyo po sila," pakikiusap ko.

"Ano ba sa tingin niyo ginagawa namin hija?" sarkastikong tugon naman nito.

Napatingin ako sa bus kung saan napapaligiran ng maraming paramedics at rescuer, isa isa nilang nilalabas ang mga sugatang pasahero nito. Pinasadahan ko ng tingin ang mga estudyanteng isinasakay sa loob ng ambulansya pero hindi ko mahagilap si Glessy.

"Tabi! Tutulong kami!" Nagulat kaming lahat nang marahas na tinulak ni Elliot ang mga rescuer na humarang sa amin. Siguro hindi na rin nito kaya na manuod lang sa isang tabi.

Dali dali kaming nagtatakbo palapit sa bus, may mga humarang pa ulit sa amin pero hindi nila kaya ang lakas ni Elliot.

Nanlambot ang tuhod ko nang makita ko ang kalunos lunos na sinapit ng mga schoolmates ko. Mahigit sampu pa silang nasa loob ng bus, mga nag-iiyakan, nagmamakaawang tulungan sila. Nagtulong-tulong na kami nila Janus at Austin sa paglalabas sa kanila mula sa bus. Wala nang nakapigil sa amin. Mabuti na lang hindi masyadong napuruhan ang iba at kaya pa nilang maglakad. Inaalalayan naman sila ni Fina papunta sa mga ambulansyang nakaparada. Halos nailabas na naming lahat ang mga pasahero ng bus. Sina Glessy at Sir Hidalgo na lang.

"Masyadong mabigat yung bakal. Hindi ko maalis!"

Napatingin ako sa tatlong rescuer na tila hirap na hirap na sa pagbuhat ng malaking bakal. Agad ko silang dinaluhan para alayan ng tulong. Tila nayanig ang mundo ko nang makitang nadadaganan nito si Sir Hidalgo. Puno ng sugat ang katawan nito at may mga malalaking bubog pa na nakabaon sa braso nito. Nagdurugo rin ang ulo niya. Yakap yakap niya sa tabi niya si Glessy na walang malay. Marahil ay ginamit niya ang katawan niya para protektahan si Glessy.

Sinubukan kong tipunin ang natitirang lakas ko para tumulong sa pagbubuhat ng bakal pero masyado itong mabigat.

"Tulong! Tulungan niyo kami!" sigaw ako ng sigaw.

"Ano yun? Amoy gas. Umalis na tayo baka sumabog na yung bus! Hindi na natin sila maililigtas!"

Naikuyom ko ang kamao ko sa tindi ng galit. Anong klaseng rescuer sila?

"Tumabi kayo! Mga wala kayong kwenta!" Malakas na itinulak ni Elliot ang mga rescuer. Ngayon ko lang siya nakitang nagpupuyos sa galit. Gamit ang dalawang kamay ay binuhat niya ang mabigat na bakal na nakadagan kay Sir Hidalgo. Napanganga kaming lahat sa nasaksihan. Alam ko kung gaano kalakas si Elliot pero hindi ko pa rin mapigilang mamangha.

"Anong tinitingin-tingin niyo diyan? Ilabas niyo na sila!" Tila nagbalik sa reyalidad ang mga rescuer dahil sa dagundong ng boses ni Elliot. Dahan dahan nilang inilabas si Sir Hidalgo mula sa bus at inihiga ito sa stretcher. Para akong nabunutan ng tinik dahil galos lang ang tinamo ni Glessy.

"L-Lei?" Mahinang tawag sa akin ni Sir Hidalgo. Ipapasok na sana siya sa loob ng ambulansya pero pinigil niya ito. Halatang hinang hina na siya pero sinubukan niya pa ding magsalita.

"N-Nandito na siya...ilayo niyo na si Sehria...s-siya ang pakay niya." Napapaubo na siya ng dugo.

Napatingin ito kay Austin na nakasunod lang pala sa likuran ko. Para silang nag-uusap sa pamamagitan ng mga mata nila.

"Ilayo niyo na siya. Protect her with your life," mariing bilin nito. Tumango si Austin.

Hinigit ako ni Austin palayo at itinulak kay Janus. Hindi ko mabasa ang ekspresyon sa mukha nito, pero nakakasiguro akong determinado ito sa kung anuman ang naiisip niyang gawin.

"Ilayo mo na siya. Umalis na kayo!" Maotoridad na utos nito.

"Let's go." Hinila ako ni Janus papasok sa isang ambulansya kung saan nakahiga si Glessy na wala pa ring malay.

"Teka! Ano bang nangyayari? Kailangan na din madala ni sir sa ospital! Ano ba?"

"Huwag ka na makipagtalo, Lei! Kami na ang bahala nila Elliot dito! Umalis na kayo!"

Marahas na isinara ni Austin ang pinto ng ambulansya at inutusan ang driver na paandarin na ito. Gusto kong bumaba pero mahigpit ang pagkakahawak ni Janus sa kamay ko.

"Just trust them. They'll be okay," he said assuringly.

Third Person POV

Alas-tres palang ng hapon sa mga oras na iyon pero nag-aagaw na ang liwanag at dilim. Nakahinga nang maluwag si Austin nang makitang tuluyan nang nakaalis ang ambulansyang lulan sina Lei.

Nailikas na rin nila ang ilang tao sa paligid. Tanging sila na lamang ang naiwan sa gitna ng kalsada. Sarado na ang daan na ito dahil na rin sa nangyaring aksidente kanina.

Humarap siya kay Fina na nakaalalay sa sugatang adviser nila. "Sigurado ka bang magpapaiwan ka?"

Matamis na ngumiti ang dalaga. "Siyempre, kung nasaan ka nandun din ako."

"Pero baka hindi na tayo makauwi ng buhay pagkatapos nito. Dapat pala dati pa ko nagtapat sa'yo. Dapat nagpaturo ko kay Janus kung paano maging matinik," dinaan na lang sa biro ni Austin ang takot na nararamdaman niya.

"Kung mamamatay man tayo ngayon, then let's die together. Kung makauwi man tayo ng buhay, sasagutin na kita kahit hindi ka pa nanliligaw," determinadong sagot ni Fina.

Nabuhayan ng loob si Austin dahil sa narinig. "Then we won't die."

"At ayoko ding mamatay no! Madaya, kayo may love life tapos ako wala? Hindi pwede yan kay Enrile!" sabat ni Elliot.

Alam nila kung ano ang pinasok nila sa simula palang. Matagal na silang handa, dahil ito ang tungkulin nila bilang Hemore. Kung kinakailangan nilang isakripisyo ang kanilang buhay para maprotektahan si Sehria, gagawin nila.

Isang malakas na tawa ang sumira sa saglit na kapayapaan nila. Naging alerto sila sa paligid. Umihip ang napakalakas na hangin, tinatangay sila nito kaya napakapit sila sa poste upang huwag madala ng hangin.

"Mga hangal na Sehir."

Napatingin sila kung saan nanggagaling ang boses na naririnig nila. Isang pigura ng babae ang unti-unting lumilitaw sa harap nila. Hinahangin ang kulay gray at hanggang bewang na buhok nito. Sumasayad naman sa lupa ang mahaba at itim na itim na damit nito.

"Morela," may lungkot sa pagbati ng adviser nila Austin.

"Ako nga, Xenil. Kamusta ka na? Lalo ka atang naging mahina?" puno ng panunuya ang magandang boses nito.

"Xenil," wala sa loob na sambit ng guro. "Matagal tagal na rin mula nang may tumawag sa akin sa pangalan na yan." Napatitig siya sa kulay green na mata nito. Napakaganda pa rin nitong pagmasdan gaya ng dati. Ngunit wala nang pagmamahal sa mga mata na yun, galit na lamang ang nakikita niya dito.

Matagal na niyang ibinaon sa limot si Xenil at nabuhay siya sa mundo ng mga mortal bilang si Xander Hidalgo. Sinubukan niyang magkaroon ng normal na buhay habang tinatakasan ang mapait na nakaraan. Puno lang ng masakit na alaala ang nakaakibat. sa pangalan niyang iyon. Mga alaala ng nakaraan na gusto na niyang kalimutan pero hindi pala ganun kadali yun. Lumipas man ang maraming taon, babalik at babalik pa rin siya sa katauhang ito.

Ilang ulit man niyang itanggi, alam niya sa sarili niya na hanggang ngayon ay umaasa pa rin siya na darating ang panahon na babalik sa kanya ang babaeng dati niyang minahal. Gusto niyang marinig muli ang matamis na pagtawag nito sa kanyang pangalan. Ngunit mapaglaro ang tadhana, mukhang mamamatay na lang ata siya na hindi matutupad ang kahilingan niya.

Dismayado niyang tinapunan ng matalim na tingin ang dating kasintahan. "Hanggang ngayon pala ay bulag ka pa rin sa kasamaan ni Daphvil?  Hanggang kailan ka magiging sunud-sunuran sa kanya, Morela? May pinatutunguhan ba ang pagiging ganid niyo sa kapangyarihan?"

"Hinding hindi mo ko maiintindihan, Xenil. Hindi mo naman talaga ako sinubukang intindihin noon, sa pagkakatanda ko. Si Daphvil, siya ang nagbigay sa akin ng pangalawang buhay ng gabing pagtangkaan mong wakasan ito. Nakakalimutan mo na ba?" panunumbat nito.

"Dahil pinatay mo ang nag-iisa kong kapatid! Pinagkaitan mo ng ina si Sehria!" Inilabas niya sa pamamagitan ng malakas na sigaw ang galit na kinikimkim niya dito sa loob ng napakahabang panahon.

Hindi makapaniwala sina Austin, Fina at Elliot sa naririnig. Kung ganun hindi lang pala basta elder nila ang kanilang guro? Malaki pala ang koneksyon nito kay Sehria at sa kambal na Azure at Azval.

Pagak na tumawa naman si Morela ngunit walang nakapansin sa sakit na gumuhit sa mata nito. "Hanggang ngayon pala ay pinaparatangan mo pa rin ako sa pagkamatay ni Semira? Hangal ka nga."

Hindi malilimutan ni Xenil ang araw na natagpuan niyang wala ng buhay ang kapatid. Nakatarak sa dibdib nito ang espesyal na punyal, ang punyal na niregalo niya kay Morela. Natuklasan din niya ang kaugnayan nito kay Daphvil. Parang sinaksak din siya sa puso nang malaman niya ang kataksilan ng dating kasintahan. Masakit man, pinili niyang wakasan ang buhay nito para makamit ang hustisya para sa kapatid ngunit mas nanaig ang pagmamahal niya. Hindi niya kayang patayin ito kaya nagpakalayo-layo siya at nanirahan sa mundo ng mga mortal upang tuluyang kalimutan ang tunay niyang pagkatao.

Muling umihip ang napakalakas na hangin, nanunuot ang lamig nito sa buo nilang kalamnan. Gumuguhit sa hangin ang nagbabadyang panganib.

Unti-unting bumuhos ang napakalakas na ulan. Naging handa si Austin sa maaring pagsugod ng kalaban. Maging si Elliot ay naghanda na rin sa maaaring mangyari. Ikinuyom niya ang dalawang kamao, kasing tigas na ito ngayon ng bato. Itinago nila si Fina sa likuran nila at ikinulong sa loob ng barrier kasama ang kanilang guro.

May inilabas namang maliit na bote si Fina na naglalaman ng asul na likido. Pinainom niya ito sa kanilang adviser upang mabawi nito ang lakas na nawala sa kanya. Naturuan siya ni Andrea na gumawa ng gamot noong mga nakaraang araw. Malaking tulong sa kanila ito lalo pa't hindi niya pa rin mapadalhan ng mensahe sina Azure. Masyadong malakas ang pwersang pumipigil sa kanila para makapag-usap.

Malakas ang kutob niya. Tulad nila, marahil ay nasa panganib din ang mga ito.