Chereads / Finding Sehria / Chapter 16 - Chapter 15 - Back Up

Chapter 16 - Chapter 15 - Back Up

A/N:

Azi - means tita

Mezo - means tito

Dito lang po sa story ko. Hahaha

Third Person's POV

"Saan ka na naman galing kuya?" Nakahalukipkip ang mga kamay ni Azval habang nakasandal ito sa pader. Mag-isa lamang siya sa hide out nila at nabubugnot na din siya. Kanina niya pa hinihintay na umuwi si Sehria, sumama ito manuod ng soccer match.

"Nakipagkita lamang ako kay Azi Sadreen," tugon ng kakambal.

Nanlaki ang mga mata ni Azval. Nagliyab ito dahil sa matinding kasiyahan.

"Nakabalik na pala siya? Kailan pa?" tanong nito.

"Kagabi lang. Hindi pa alam ni Janus na nandito na siya."

Napatango-tango na lang si Azval. Sigurado siyang matutuwa si Janus na makita ito o baka hindi. Tiyak na sermon ang aabutin nito dahil umalis ito sa puder niya nang walang paalam. Ang kuya niyang si Azure ang nagsisilbing mata nito kay Janus habang nandito ang binata sa lugar na ito. 

"Hindi pa ba nakakabalik sina Sehria? Tapos na ang laban sa oras na 'to." 

Napakibit-balikat na lamang si Azval. Sinubukan makipag-usap ni Azure kay Fina para makibalita ngunit tila sarado ang isip nito, hindi niya magawang pasukin. Ito ang unang beses na hindi niya magawang padalhan ng mensahe ito. Parang kidlat na tinamaan siya ng kaba.

"Aalis muna ko," paalam muli ni Azure.

"Sasama na ko. Nakakabagot maiwan dito."

Hindi na kumontra pa si Azure at hinayaan na sumunod sa kanya ang kakambal.

Matalas ang pandama nilang dalawa, naramdaman nila ang kakaibang enerhiya mula sa labas. Bago pa man maganap ang pagsabog ng building na kinaroroonan ng secret hideout nila, mabilis silang nakalabas dito at nakagawa ng barrier para proteksyonan ang mga sarili nila. Mabuti na lamang at abandonado na ito. Walang taong masasaktan.

"Nagustuhan niyo ba ang pagbati ko?"

Napatingala sila sa kalangitan. Nakalutang sa ere ang isang pamilyar na lalaki. 

"Kael!" Hindi maiwasang maikuyom ni Azval ang kanyang kamay. Pagbabayaran nito ang ginawa niya sa kanila.

"Mukhang hindi kayo natutuwang makita akong muli. Nakakalungkot naman. Sinadya ko pa naman talaga kayo dito. Sinong mag-aakala na dito lang pala ang kuta niyo?" nakangising sambit nito.

"Kung ganun isang karangalan ba para sa amin ang pagdalaw mo?" nagngangalit ang mga ngipin ni Azval sa tindi ng poot na nararamdaman niya dito. "Pwes, tanggapin mo rin ang mainit na pagbati ko." 

Hindi na nagsayang pa ng pagkakataon si Azval, sinugod niya ang lalaking nagngangalang Kael. Walang habas na pinaulanan niya ito ng malalaking bolang apoy. Mabilis din ang naging galaw nito, nawala ito sa paningin niya na parang bula.

"Teka lang, masyado ka namang naging sabik sa pagkikita natin." Muli itong sumulpot mula sa likuran ni Azval. Nagbato muli ng bolang apoy si Azval ngunit nakalipad ito palayo sa kanya.

"Hindi ako nagpunta dito para makipaglaban, gusto ko lang makipagkamustahan," tumawa ito na tila nanlilibak.

"Wala kaming panahon para sa mga laro mo. Sabihin mo kung anong sadya mo," saad ni Azure. 

"Ayan ang gusto ko sa'yo, kaibigan. Kalmado lang. Malayong malayo talaga kayo ng kambal mo pagdating sa ugali.

Akmang susugod muli si Azval ngunit pinigilan ito ni Azure. Malakas na pumalakpak si Kael halatang iniinis lamang nito ang huli.

"Hindi ka namin kaibigan!" sigaw ni Azval.

"Ah oo nga pala. Ano nga bang rason? Dahil ba sa pagbihag ko sa ama niyo? Huwag kayong mag-alala, nasa mabuting pangangalaga naman siya ni Daphvil."

Sa sinabing iyon ni Kael, tila nauupos na kandila ang naging pagtitimpi ni Azure. Inilabas niya ang kanyang espada at inihagis niya iyon sa direksyon ni Kael. Hindi inaasahan ni Kael na gagawin iyon ni Azure, tumagos sa dibdib nito ang espada niya. Bumulwak ang masaganang dugo sa dibdib niya. Imbes na mapahiyaw ito dahil sa matinding sakit, ang malakas na pagtawa nito ang sumakop sa kanilang pandinig.

Unti-unting natunaw si Kael. Nalalag sa lupa ang espada ni Azure. 

"Sabi ko naman sa inyo. Gusto ko lang makipagkamustahan, wala namang ganyanan." Nasa harap nilang muli si Kael ngunit wala nang bahid ng sugat sa dibdib niya kung saan tumagos ang espada ni Azure.

Ilusyon. Isa lamang ilusyon ang natamaan ni Azure. Nakalimutan nilang mahusay ito sa paggamit ng ilusyon at panlilinlang.

"Ganito na lang, para hindi na kayo magalit sa akin. Ibabalik ko na sa inyo ang ama niyo tutal wala namang pakinabang pa yun sa amin."

"Huwag mong sasaktan si ama! Mapapatay kita!" pagbabanta ni Azval.

"Sabi ko nga ibabalik ko na siya sa inyo. Ikaw talaga, hindi ka talaga marunong makinig. Pero may isang kondisyon. Ibigay niyo sa akin si Sehria kapalit ng ama niyo. Alam kong nahanap niyo na siya."

Mas lalong nagwala sa galit si Azval, muli siyang nagpakawala ng malalaking bolang apoy. Sumugod na rin si Azure. Pinagitnaan nila si Kael. Maririnig sa hangin ang pagtatama ng mga espada nito. Panay lang ang pagdepensa ni Kael, hindi ito sumusugod. Napangiti na lamang siya dahil naisahan niya ang kambal na alab.

Tuso si Kael. Walang kamalay malay ang kambal sa tunay na intensyon nito. Pinapatay lamang nito ang oras nila. Siya ang humarang sa komunikasyon ni Azure sa kasamahan nito upang hindi sila makatunog sa pagdating ni Morela. Marahil sa mga oras na ito ay hawak na ni Morela si Sehria.

Ngunit hindi napaghandaan ni Kael ang pagdating ng dalawang Sehir. Kahit sina Azval at Azure ay hindi rin inaasahan ang pagsulpot nila. Natagpuan na lamang ni Kael ang sarili na nakagapos sa kakaibang lubid. Hindi siya makagalaw. Bahagyang napigilan nito ang kapangyarihan niya.

Nasa harap nila ang dalawang makapangyarihang Sehir, ang dating kanang kamay ng kanilang ama at ang magulang ni Austin. Isa lang ang maaaring ibig sabihin ng pangingialam nila, nasa panganib sina Sehria.

"Sundan niyo na sila. Tulungan niyo ang anak ko!" wika ng ama ni Austin. Hawak nito ang espadang gawa sa yelo. Gaya ni Austin, tubig din ang kapangyarihan nito. 

"Kami na ang bahala sa kutong lupa na 'to. Matagal tagal na rin mula nang huli kaming nakipaglaban. Magagamit na din namin ang costume namin," naaaliw na wika pa ng ina ni Austin.

Nakasuot pa sila ng ternong blue na t-shirt. Kung titignan sila, para silang normal na tao na lang talaga.

"Mga pakelamaro! Hindi ako makakapayag na sirain niyo ang plano ko!" Tinipon ni Kael ang kanyang lakas para makawala sa lubid na gumagapos sa kanya. Mabilis na naharang siya ng mag-asawa nang akmang sundan niya sina Azure.

"At saan ka naman pupunta? Kami ang kalaban mo," pigil ng ama ni Austin.

Bahagyag napaatras si Kael. Tila binasag ng dalawang Sehir na ito ang tapang niya. Narinig na niya ang mga kwento tungkol sa mga ito at alam niya na wala pa siya sa kalingkingan ng mga kakayahan nito. Sirang sira ang plano niya. Isa lang ang naisip niyang gawin, ang tumakas at magplanong muli. 

Napakurap-kurap ang ina ni Austin nang biglang maglaho sa harap nila si Kael. 

"Tinakasan tayo ng bubuwit? Akala ko pa naman makakaranas na ulit tayo ng aksyon! Honey, sayang 'tong couple shirt na pinagawa natin!" reklamo ng ginang. Natawa na lang ang asawa niya.

"Sumunod na lang din tayo kina Austin para naman hindi sayang ang get up natin," wika naman ng ama ni Austin. Inayos pa nito ang salamin niyang tumabingi.

"Okay!" 

*******

Hindi mapanatag ang kalooban ni Lei, gusto niyang balikan ang mga kaibigan ngunit tila malayo na sila sa kinaroroonan ng mga ito. Pinagmasdan niya si Glessy na wala pa ring malay. Kusa mang naghihilom ang mga galos nito sa katawan, hindi pa rin niya maiwasang mag-alala para dito. Hindi man lang sila tumigil kahit sa ospital. 

"Saan ba talaga tayo pupunta?" Ilang beses na niyang tinanong si Janus. Pinababa nito ang driver kanina at siya ang pumalit sa pagmamaneho.

Hindi umimik ang binata. Nagpatuloy lang ito sa pagmamaneho. Walang ibang laman ang isip nito kundi ang kaligtasan ng dalaga. Kailangan niyang mailayo ang mga ito at dalhin sa ligtas na lugar gaya ng bilin sa kanya. 

Hindi inaasahang nagkaroon ng pagyanig sa lupa. Nagpagewang-gewang ang ambulansyang sasakyan nila.

"Anong nangyayari?" Tarantang tanong ni Lei. Napayakap na lamang siya sa katawan ni Glessy upang hindi ito mahulog.

"Shit!" Mahigpit ang hawak ni Janus sa manibela, sinusubukan na huwag mawalan ng kontrol sa pagmamaneho. Ilang sandali lang ay nagkaroon ng bitak bitak sa kalsadang dinadaanan nila. Nabangga ang sinasakyan nila ng kotse mula sa likuran nila. Dahil madulas ang kalsada sa bahagyang pag-ulan kanina, nagpa-ikot ikot ang ambulansya. Tinapakan ni Janus ang preno ngunit tila nasira ito. Bago pa man sila tumama sa poste ay napatigil na ni Lei ang sinasakyan nila gamit ang kapangyarihan nito.

Agad siyang bumaba at pinuntahan ang dalaga. Ikinulong niya ito sa kanyang bisig nang makita ang panginginig nito. 

"I'm sorry. I should've been more careful. Ssshhhh. It's alright. I'm here," pagpapakalma nito.

Takot na takot si Lei. Kumawala ang lahat ng emosyong kanina niya pa pinipigilan. Takot na takot siya sa hindi malamang dahilan. Marahil ay ganun na lamang katindi ang koneksyon niya sa mga kaibigan kaya nararamdaman niyang nasa panganib ang mga ito.

"Balikan natin sila, please?" pagmamakaawa nito. Nahabag ang binata. Ayaw na ayaw niyang umiiyak ito.

"I'm sure they're okay." 

"Paano kung hindi? Janus, hindi ako tanga para hindi makaramdam sa mga nangyayari. Bakit kailangan nating umalis nang hindu sila kasama? May umaatake na naman bang Galur? Kung ganun mas kailangan natin silang balikan! Paano kung kailangan nila ng tulong?"

Marahas na napabuntong hininga ang binata. Nag-iwas siya ng tingin sa dalaga. Litong lito na rin siya sa kung anong dapat gawin. Ayaw niya ring iwan ang mga kaibigan, ngunit ayaw niya ring isugal ang buhay ng dalaga. 

"Kung ayaw mo, ako na lang mag-isa! Mauna na kayo ni Glessy. Protektahan mo siya." Kumalas si Lei sa pagkakayakap sa binata at itinulak ito. Bumaba siya sa ambulansya, ngunit isa na namang pagyanig ang naramdaman nila. Nawalan ng balanse si Lei at natumba ito sa kalsada. Tutulungan sana ni Janus ang kasintahan ngunit nabitak muli ang lupa, maging siya ay natumba na din. Tuluyan nang nahati ang kalsada. Tila nagkaroon ng malalim na bangin sa pagitan nila.

"Aaaaaaaaaaaaaah!"

"Leeeeeeei!" Nahihintatakutang sigaw ni Janus. Hindi niya naagapan ang pagkakahulog ni Lei sa malalim na espasyo na gawa ng pagkakahati ng kalsada. Gumapang si Janus patungo roon. Wala siyang makita kundi ang walang hanggang kadiliman.

"No! Noooooo! Leeeeeeeei!" Napaluhod na lamang si Janus. Parang naubos ang lahat ng lakas niya. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganitong katinding takot.  Tuluyang umagos ang luha niya, para siyang batang umiiyak, ngayon lang din siya umiyak ng ganito.

"Stop crying my boy, she's still alive." 

Pamilyar na pamilyar kay Janus ang boses na yun. Hindi siya maaaring magkamali. Nag-angat siya ng tingin dito, hindi niya alam kung nananaginip ba siya o totoo ang nakikita niya.

"Mom? How? When did you come back?" sunod sunod niyang tanong sa babaeng kawangis na kawangis niya. 

Gaya niya ay kulay ginto din ang mahabang buhok nito.

Karga karga nito si Lei na hindi rin makapaniwala sa nangyayari. Akala niya katapusan na niya nang mahulog siya kanina ngunit may dumating na anghel para sagipin siya. Oo ganun na nga, maitutulad niya sa isang anghel ang babaeng sumagip sa kanya. Wala nga lang itong mga pakpak. Napatitig siya sa maamong mukha nito, hindi siya mukhang nanay ni Janus. Mas papasa pa ito bilang kapatid niya dahil napakabata nitong tignan. Kulay brown din ang mga mata nito gaya nang kay Janus. Gumaan ang loob niya nang banayad itong ngumiti sa kanya. Ito nga lang ang kaibahan nila ng anak niya, mukhang laging may matamis na ngiti sa labi nito. Hindi gaya sa anak nitong bihira lang ngumiti.

Bahagyang nakalimutan ni Janus ang presensiya ng ina. Lumapit siya kay Lei at niyakap ito nang maibaba ito ng kanyang ina.

"Thanks goodness! I thought I lost you." Hinalik-halikan niya ang noo nito. Halos ayaw na rin niya itong pakawalan sa mahigpit niyang yakap. Takot na takot siyang mawala ito.

"Save that later, son. Where's Sehria?" 

Itinuro nila ang ambulansyang kinaroroonan nito.

"Okay kids! Let's get out of here!" Dire-diretsong naglakad ang ginang patungo sa sasakyan.

"Sandali lang po, babalikan ko po ang mga kaibigan ko," pag-alma ni Lei.

Nilingon siya ng ina ni Janus. May kasiguraduhan sa ngiti nito. "Don't worry child. Help is already on their way. Trust me."