Chereads / Finding Sehria / Chapter 18 - Chapter 17 - Twist of Fate

Chapter 18 - Chapter 17 - Twist of Fate

A/N: Flashback ito kaya naka-italicized

Incembe is tulips pala. Iniba ko lang name hahaha

Davini is like the imperial council.

Mezo is uncle, nasabi ko na din yan sa previous chap mehehe

Salamat pala kay edeleeeeen sa bagong book cover ko. ❤

Third Person's POV:

"Bitawan mo ko, Xenil! Nasasaktan ako!" Sinubukan magpumiglas ni Morela kay Xenil ngunit mas lalo lamang hinigpitan ng kasintahan ang pagkakahawak nito sa braso niya. Hindi niya maintindihan ang galit na nakikita niya sa mga mata nito. Ngayon niya lang nakitang galit na galit ito. May nagawa ba siya na ikinasama ng loob niya?

Itinikom na lamang niya ang kanyang bibig. Tahimik na lamang siyang sumunod dito. Dinala siya nito sa malaking hardin ng palasyo.

Hindi makapaniwala si Xenil sa binalita sa kanya ng mga tauhan. Ilang buwan na niyang pinasusundan si Morela dahil sa kakaiba ang mga kinikilos nito. Natuklasan niya na palihim palang nakikipagkita ito sa mortal na kaaway ng Sehira.

"Sabihin mo ang totoo, nakikipagsabwatan ka ba kay Daphvil?" tanong ni Xenil bago nito pakawalan ang braso niya na ngayon ay namumula na. Bumakat pa ang kamay nito dito.

Nakakunot noong tinignan ni Morela ang kasintahan. Pinagdududahan ba siya nito?

"Alam mong matagal nang ipinagbawal sa mga Sehir ang makipag-ugnayan pa sa kanya pero nakikipagkita ka pa pala sa kanya? Anong klaseng kapangyarihan ba ang pinangako niya sa'yo? Kalaunan ba ay magtatraydor ka na din sa amin gaya niya? Kagaya ng iba?" tiim bagang saad ni Xenil.

Isang malakas na sampal ang hindi inaasahang dumampi sa pisngi ni Xenil. Gulat siyang sinalubong ng tingin ang kasintahan, basang basa niya ang pagkadismaya sa magandang mukha nito.

"Ganun ba talaga ang tingin mo sa akin? Mapaghangad sa kapangyarihan?" luhaang sambit ni Morela.

Aminado si Morela na isa lamang siyang mababang uri ng Sehir, walang wala ang kakayahan niya kung ikukumpara sa mga tulad ni Xenil na galing sa angkan ng mga makapangyarihang Sehir. Kahit may pagkakataong nanliliit siya sa sarili niya, ni minsan ay hindi siya naghangad na maging kapantay ito o maghangad ng mataas na uri ng kapangyarihan.

Parang binagsakan ng mabigat na bagay ang puso ni Xenil, gusto niyang bawiin ang mga salitang binitawan niya pero alam niyang huli na. Nakagawa na siya ng malaking lamat sa puso nito.

"Kaibigan ko pa rin si Daphvil, alam kong alam mo kung gaano kahalaga sa akin ang pagkakaibigan namin, para ko na siyang kapatid. Hindi ganun kadaling talikuran siya."

"Nauunawaan mo ba ang sitwasyon, Morela? Hindi na siya si Daphvil! Hindi na siya ang matalik na kaibigan mo! Ginagamit ka lang niya, kailan mo ba makikita yun?" pilit na kinukumbinsi ni Xenil ang kasintahan. Natatakot siya na baka sa huli ay matulad ito sa iba.

"Hindi yan totoo. Oo, malaki na nga ang pinagbago niya. Oo nga't mas pinili niya ang kadiliman at baluktot na daan pero hindi niya ako sasaktan. Hindi niya ko gagamitin laban sa kung sinuman," giit nito.

"Pinoprotektahan lang kita! Lumayo ka sa kanya dahil kung hindi mo pa yun gagawin, makakarating sa Davini ang pagtataksil mo."

"Ano? Nahihibang ka na ba?!" Napasigaw na lamang si Morela sa labis ng sama ng loob.

Hindi niya akalaing lalabas ito sa bibig ng lalaking minamahal. Kilala niya ito, tapat sa tungkulin. Ang mali ay mananatiling mali sa paningin niya. Masyado itong patas kung batas na ng Sehira ang pag-uusapan, tiyak na paruruhasan nito ang mga lumalabag sa batas kahit sino pa ito.

Napabuntong hininga na lamang si Morela sa kawalan ng pag-asa. Mukhang hindi niya talaga makukumbinsi si Xenil na para sa kabutihan naman ng lahat ang ginagawa niya.

Kaibigan niya si Daphvil. Sabay silang lumaki. Naniniwala pa rin siyang magbabago pa ito at muling babalik sa tamang gawain, kailangan lang nito ng gagabay sa kanya at siya lamang ang makakagawa nun, sa kanya lamang nakikinig ang kaibigan. Ipinangako ni Daphvil sa kanya na hinding hindi niya sisirain ang kapayapaan ng Sehira basta't nasa tabi lang siya nito. Isa itong magandang proposisyon para sa ikatatahimik ng buong Sehira. Pagod na siya sa mga labanan.

"Maniwala ka sa akin, Xenil. Alam ko ang ginagawa ko. Kung hindi mo kayang panghawakan ang mga salita ko, mas makakabuti sigurong kalimutan mo na lang ako," matapang na saad ni Morela. Buo na ang desisyon niya. Mananatili siya sa tabi ng kaibigan.

Matagal na napatitig sa mukha niya si Xenil. Gumuhit ang sakit sa malamlam na mata nito. Hindi niya gustong matapos sila sa ganitong paraan. Mahal niya si Xenil, ngunit para sa kapayapaan ng buong Sehira, gagawin niya ang sa tingin niya ay tama. Ang sumama kay Daphvil.

Payapa ang Sehira sa loob ng maraming taon. Tahimik ang buhay niya sa tagong bahagi ng Sehira, ang siyang naging kuta ni Daphvil. Nanatili siya sa tabi nito gaya ng ipinangako niya.

Ngunit sa pagsilang ng babae sa propesiya, mas lalong naging ganid sa kapangyarihan si Daphvil. Isang malaking banta sa kanya ang sanggol na si Sehria. Nalaman ni Morela ang tunay na balak ni Daphvil. Hinihintay lang pala nito ang pag-iisang taon ng sanggol. Balak nitong kitlin ang buhay nito sa mismong kaarawan nito. Hangad ni Daphvil na makuha ang kapangyarihan nito; ang maging immortal at pagharian ang Sehira.

Nagpasya si Morela na ipaalam kay Xenil ang binabalak ni Daphvil. Wala siyang kamalay-malay na tahimik na binabantayan ni Kael ang mga kilos niya. Batid ni Kael ang tumatakbo sa isip ni Morela kaya gumawa siya ng paraan para hindi maisagawa ni Morela ang plano nito.

*****

Giliw na giliw si Xenil habang nilalaro niya ang sanggol na nakaupo sa kanyang kandungan. Nasa hardin sila ng kaharian, kasama niya ang kambal na alab. Mahal na mahal niya ang mga ito, ngunit hindi maitatanggi ang espesyal na trato nito sa sanggol na si Sehria. Kawangis na kawangis nito ang ina niyang si Semira, ang pinakamamahal niyang kapatid at kasalukuyang reyna ng Sehira.

Sa tuwing tinitignan niya ang kulay kastanyas na mata ng sanggol ay parang nakikita niya rin si Semira. Tiyak na kapag lumaki na si Sehria ay magiging kasing-ganda din ito ng kanyang ina. Sana mamana rin nito ang busilak na puso ng kanyang kapatid.

"Mezo, uuwi na ba si ama?" tanong ng sampung taong gulang na si Azval. Umupo ito sa tabi niya, hingal na hingal. Mukhang napagod sa pagtakbo. Samantalang si Azure naman ay nakaupo sa malambot na damuhan, sa tabi ng mga namumukadkad na incembe. Hawak nito ang paboritong libro at tahimik na nagbabasa. Nagmana talaga ito sa hari, masyadong tahimik.

"Ngayong araw na ang balik niya. Maya maya siguro ay nandiyan na ang ama niyo," sagot niya sa batang Azval.

Sandaling nagtungo si Cipyar sa mundo ng mga mortal upang dalawin ang mga malapit na kaibigan, ang dating kanang kamay nito. Ilang araw na lang ay kaarawan na ni Sehria, kaya hindi ito maaaring magtagal sa mundo ng mga mortal. Habang wala ang hari, siya ang naatasan na bantayan ang reyna at ang mga anak nito. Bagama't matagal nang payapa ang Sehira, hindi pa rin sila maaaring magpabaya.

Ngunit ang lahat ng bagay ay may katapusan.

Isang nakakakilabot na sigaw ang tuluyang sumira sa kapayapaan ng Sehira.

Mabilis na nagtungo si Xenil sa pinanggagalingan ng malakas na sigaw. Panandalian niyang iniwan ang mga bata sa mga taga-pangalaga nito. Parang sasabog ang puso niya sa kaba nang maabutan niyang nakahandusay na sa sahig ang dalawang nagbabantay sa silid ng trono. Wala nang buhay ang mga ito.

Mabibigat ang bawat hakbang niya habang pumapasok sa silid. Ang payapang mundo niya ay tuluyang nawasak sa tagpong nasilayan niya. Nakahiga sa malamig na sahig ang kanyang kapatid, naliligo sa sarili niyang dugo.

"H-Hindi..." Basag na ang boses niya. Nawalan ng lakas ang mga tuhod niya, sinubukan niyang tumayo ngunit makailang ulit din siyang bumabagsak. Nang makalapit siya sa minamahal na kapatid, parang nilipad ng hangin ang natitirang pag-asa niya.

"Semira! Gising! Andito na si kuya," paulit-ulit niyang tinatapik ang pisngi nito ngunit nanatili lang itong nakapikit. Napasabunot siya sa sarili. Wala siyang magawa habang yakap niya ito sa mga bisig niya. Wala siyang kakayahang magpagaling. Si Cipyar, ang asawa nito ang may kakayahang magpagaling.

Buong lakas niyang sinigaw ang pangalan ni Cipyar. Dumagundong ang boses niya hangang sa labas ng kaharian ng Sehira, kasabay ng isang malakas at nagngangalit na kulog sa langit. Hindi siya nabigo sa pagtawag sa hari dahil agad na tumalima ito. Ngunit huli na. Wala nang pulso si Semira, tuluyan nang tumigil sa pagtibok ang puso nito.

Kung paano nawasak ang mundo ni Xenil, mas triple ang pagkawasak ng mundo ni Cipyar. Sabay silang tumangis habang paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ni Semira. Sa isang iglap, nawala sa kanila ang babaeng buong buhay nilang prinotektahan.

Pumailanlang ang nakakabinging sigaw ni Xenil, ang pangungulila niya ay napatungan ng galit nang makilala niya ang punyal na nakatarak sa dibdib ng kapatid. Hindi siya maaaring magkamali. Iisang tao lang ang nagmamay-ari ng punyal na iyon. Siya pa mismo ang gumawa nito bilang regalo sa kanyang kaarawan.

Pero bakit? Anong kasalanan ni Semira sa kanya?

Para na siyang mababaliw. Tila nakakulong siya sa isang malagim na bangungot at alam niyang hinding hindi na siya makakawala pa dito.

*****

Nagluksa ang buong Sehira sa pagkawala ng kanilang reyna. Naging abala ang mga tauhan ni Xenil sa pagtugis kay Morela pero parang bula itong naglaho. Hindi nila mahagilap kung saan ito nagtatago. Ngunit isang gabi ay nakatanggap si Xenil ng mensahe mula dito. Napagpasyahan niyang makipagkita dito. Hindi niya pinaalam sa iba ang nais ni Morela na magtagpo sila. Gagamitin niya ang pagkakataon na ito para siya na mismo ang maningil sa ginawa nito kay Semira.

Mata sa mata. Ngipin sa ngipin. Buhay ang kinuha nito kaya buhay din niya ang magiging kapalit.

*****

Nakatayo si Morela sa harap ng puno ng Bahara. Ito ang pinakamalaki at pinakamatandang puno sa Sehira. Matatagpuan ito sa dulong bahagi ng kagabutan. Nagliliparan naman sa paligid nito ang mga makukulay na alitaptap. Tila sinasayawan ang puno.

Napayakap siya sa kanyang sarili nang umihip ang malakas na hangin. Napatingala siya sa madilim na kalangitan, walang mga bituin ngayon. Ilang oras na siyang naghihintay kay Xenil. Sabik na sabik na siyang makita ito, ngunit sa kabila ng kasabikan niya ay hindi niya maitatanggi ang takot na nadarama.

Nakarating sa kanya ang nangyari kay Semira. Labis din siyang nalungkot sa pagkawala nito. Ang hindi niya lang lubos maintindihan ay kung bakit siya ang tinuturo ng palasyo na siyang kumitil sa buhay nito. Ngayon niya mas kailangang makausap si Xenil, lilinisin niya ang pangalan niya. Alam niyang paniniwalaan siya nito. Alam nitong hinding hindi niya magagawa ang ganung bagay. Kailangan rin niyang ipaalam rito ang tunay na balak ni Daphvil kay Sehria.

Napalingon siya nang makarinig siya ng yabag. Labis ang galak sa puso niya nang masilayan niya ang mukha ng dating kasintahan ngunit napalitan iyon ng pagkahabag. Bakas sa mukha nito ang lungkot, namumula ang mga mata nito. Alam niyang nasasaktan ito sa pagkawala ng kapatid. Tanging kay Semira umikot ang buhay nito, mas naging mundo niya ito kesa sa kanya at nauunawaan niya yun.

Kusang naglakad ang mga paa ni Morela para salubungin si Xenil. Mahigpit siyang yumakap sa dating kasintahan. Matagal na panahon niya itong hindi nakita. Lumipas man ang maraming taon, hindi nabawasan ang pagmamahal niya dito. Kung pwede lang sanang ibalik ang mga nasayang na oras. Sana ay nakinig siya dito.

Hindi napansin ni Morela ang pagdidilim ng mukha ng dating kasintahan. Napasinghap na lamang siya nang makaramdam siya ng hapdi sa kanyang sikmura. Bahagya siyang napaatras palayo kay Xenil, matinding poot ang nakaguhit sa mukha nito.

"B-Bakit?" Sa paglabas ng katagang iyon ay umagos ang dugo mula sa kanyang bibig. Mahigpit na hawak ni Xenil ang kanyang punyal na may bahid na ng kanyang dugo. Litong lito siya. Paano napunta kay Xenil ang kanyang punyal?

Masakit ang sugat na ibinigay ni Xenil sa kanya, pero hindi matatalo nun ang sakit na nararamdaman niya sa puso niya. Parang hinihiwa ito ng paulit-ulit.

"Para yan kay Semira," walang emosyong sambit ni Xenil.

Muli siyang inundayan ng saksak nito. Isa, dalawa. Hanggang sa tumigil ito. Lupaypay siyang bumagsak sa lupa, parang gripong umaagos mula sa sikmura niya ang napakaraming dugo. Hirap na hirap siyang makahinga. Para siyang isda na nawala sa tubig. Sumisikip na rin ang dibdib niya. Nanlalabo na ang mga mata niya dahil sa luhang walang tigil na umaalpas sa mga mata niya.

Nabitawan ni Xenil ang punyal. Pinagmasdan niya ang kamay niya na punong puno na ng dugo. Doon lamang siya natauhan. Walang lingon na napatakbo na lamang si Xenil. Iniwan niya si Morela sa kagubatan na nag-aagaw buhay. Takbo lang siya ng takbo. Hindi niya na alam kung saan siya dadalhin ng kanyang paa. Ang sakit sakit na ng puso niya. Para na ring sasabog ang ulo niya. Nasusuka na siya sa samu't saring emosyon na nararamdaman niya.

Hindi niya kayang wakasan ang buhay ng babaeng minamahal niya.

"Patawad, Semira. Hindi ko maibibigay sa'yo ang hustisya," bulong niya sa hangin.

Tumingala siya at umiyak sa langit. Nananaghoy. Nagmamakaawang patawarin siya sa kanyang nagawa.

Muling nanumbalik ang katinuan sa isip ni Xenil. Punong puno siya ng pagsisisi. Binalikan niya ang dating kasintahan. Ngunit wala na ito sa lugar, kung saan niya ito iniwan.

Labis ang dalamhati niya ng gabing iyon. Nawala na sa kanya si Semira, tuluyan ding nawala sa kanya ang babaeng pinakamamahal niya na siya mismo ang may kagagawan. Hindi niya mapapatawad kailanman ang kanyang sarili.

Kaharap ang puno ng Bahara, isang desisyon ang nabuo sa utak ni Xenil. Lilisanin na niya ang lugar na ito. Hindi na niya kaya pang mabuhay pa sa mundong ito.