Chereads / The Black Wings of Icarus / Chapter 2 - Chapter 1

Chapter 2 - Chapter 1

WINZE: THE BLACK WINGS OF ICARUS

Merthin Icarus Vespaland

Leuvania Royal Palace

Isinara ko ang kwaderno na nakatakip sa aking mukha. Hindi ko namalayang nakatulog pala ako sa pagbabasa ng kuwento ni Ama at ang aming paghihirap sa kamay ng mga Rhuihobians na ngayon ay Rhuilathans. Pitong-taong gulang ako noong salakayin nila ang aming teritoryo. Ayon sa taga-hatid balita ng Leuvanians tungkol sa naganap na digmaan, pinlano nilang sakupin ang kaharian at angkinin ang trono nina Ama at Ina.

Nalaman ko rin mula sa taong iyon ang buong detalye ng kuwento. Buhat ng malikot kong imahinasyon ay sinikap kong isulat iyon sa wikang ingles. Palagi ko itong binabasa sa tuwing napapatingin ako sa magandang tanawin ng Leuvania Palace na minsang sinira ng bagyong nagngangalang sakim.

Bumangon ako mula sa kama kung saan ako nakahiga. Lumabas ako ng aking silid at naabutan kong kumakain sa hapag sina Ama, Ina at ang kapatid kong si Natalie.

"Icarus," tawag ni Ama. "Sumabay ka na sa 'ming mananghalian."

Walang kibo akong umupo sa bakanteng upuan at sinaluhan sila sa pagkain. Makalipas ng limang minuto ay nagsalita si Ina.

"Oh, my dear Merthin, are you alright?" tanong niya. Sa aming apat, siya lang ang madalas magsalita ng ingles.

Sa kanya ko rin natutunan ang pagbabasa at pagsusulat ng iba't ibang kuwento at tula. Matalino ang aking ina, sa kanyang murang edad ay nabigyan siya ng pagkakataong makilala sa larangan ng literatura. Una siyang nakilala bilang manunulat bago niya napangasawa si Ama at naging reyna ng Leuvania.

"I'm fine, mother," malamig kong sagot.

Biglang sumingit si Natalie. "Brother hates to call him by that name."

"Icarus, wasn't it?" Bahagya akong tumango.

"Ako ang nagbigay sa iyo ng pangalang Icarus kung kaya't mas gusto kong tawagin ka sa pangalang iyan," ani Ama.

Nanatili akong tahimik at nakayuko. Totoo iyon. Binigyan niya ako ng pangalang nag-iwan ng malaking marka sa buong pagkatao ko. May mga tao na lagi akong kinukumpara sa kuwento ng Greek mythology na ang pangalan ay Icarus.

Hindi ako nakinig sa payo ni Ama na lumayo ako sa apoy. Dahil doon, nasunog ang kalahati ng mukha ko at nabulag ang aking mga mata. Tila isa akong ibon na nahulog mula sa taas matapos masunog mula sa nagbabagang init ng araw. Nangyari 'yon noong nagpasya kaming takasan ang mga Rhuilathans.

Tatlong taon akong nagdusa at naging alipin ng pangungutya ng mga batang nakakasalubong ko. Isang araw, nagising ako sa magandang panaginip na inakala kong hindi na magkakatotoo. Nawala ang malaking pilat sa aking mukha at nakakakita na ako! Ngunit kapalit nito ay ang kapangyarihan na nakapaloob sa aking mga mata na minsang binulag ng trahedya.

Minsan ko iyong sinubukan at ang resulta ay nakapatay ako ng pusa na walang kamalay-malay. Nagiging pula ang mga mata ko at bigla na lang akong nilalabasan ng maitim na mga pakpak. Hindi ko alam kung kailan ko ulit magagamit ang kapangyarihang binigay sa akin, ngunit mas mabuti pang hindi ko na lang iyon gamitin nang hindi ako makasakit ng iba.

"...si Athena ang nagpangalan sa 'yo ng Merthin. Hindi ako magrereklamo kung hindi niya nais na tawagin kang Icarus - anak, nakikinig ka pa ba?" Napaangat ako ng tingin. Hindi ko namalayang kanina pa pala nagsasalita si Ama.

"O-Opo, Ama. N-Naririnig ko po ang sinasabi niyo."

"Mabuti naman." Nagpunas na ito ng bibig at sumandal sa upuan. "Bago ko makalimutan, bukas ay magaganap ang selebrasyon bilang paggunita sa kalayaan natin mula sa mga Rhuilathans. Inaasahan kong makikita ko ang presensya niyong magkapatid. Lalo ka na, Icarus. Madalas kang nagkukulong sa iyong silid. Gusto ko, ikaw ang una kong masisilayan ko sa araw na iyan. Maliwanag?"

"Opo," tanging tugon ko lamang. Sa katunayan, wala akong balak magpakita bukas at alam niya sa sariling hindi niya ako mapipilit kahit na anong gawin niya. Maigi pang ubusin ko ang oras ko sa pagbabasa ng libro o kaya matulog.

Hindi na nadugtungan pa ang pag-uusap namin matapos niyon.

***

Dinala ako ng mga paa ko sa malaking hardin ng palasyo. Matatagpuan ito sa harap ng royal gazebo. Naabutan ko si Calista na matiyagang dinidiligan ang paborito kong halaman. Bakit niya binibilad ang sarili sa sikat ng araw?

Lumapit ako kay Calista. Bagama't hindi ko siya tawagin ay kusa niya akong nilingon.

"Tapos ka nang kumain, kamahalan?" aniyang may ngiting sarkastiko.

"Anong ginagawa mo rito?" ang tanong ko kay Calista.

Itinuro ng isa niyang kamay mabeberdeng halaman na nagsisilbing kanyang mga laruan. "Inaalagaan ko ang cactus mo. Sa tagal kong nagsisilbi sa inyo, ni minsan hindi ako nagsawang diligan ang mga ito."

"Bakit?"

Simpleng ngiti ang iginanti niya sa akin. "Dahil magkaibigan tayo. Nangako ako na mamahalin ko lahat ng malapit sa puso mo. Tao man o materyal na bagay."

Natuwa ako sa mga simpleng salitang pinakawalan ng kanyang bibig. Ang pagkakaibigan namin ni Calista ay kasing tagal ng kalayaang nakamit ng buong Leuvania kingdom. Siya ang anak ng aming hardinerong si Faustus at katulong nito sa pagpapaganda ng hardin.

Nito lang nakaraang buwan, bigo nang makapagtrabaho si Faustus dahil sa iniindang sakit kaya si Calista na ang sumalo sa trabahong iniwan nito. Maliban sa sweldong ibinibigay namin sa kanila ay hinayaan namin silang patirahin dito gawa na rin ng kabutihan nina Ama't Ina.

Si Calista lang ang nag-iisang kaibigan ko at lagi kong kasama kahit saan ako magpunta. May mga pagkakataong sumasama ang bunso kong kapatid na si Natalie na mamasyal sa malaking lumapin na pag-aari ni Ama. May malaking puno roon ng Cherry blossom at doon kami madalas nagpapalipas ng oras.

Siya rin ang nasa likod ng kapangyarihang taglay ko. May kakayahan si Calista na magbigay ng kapangyarihan kahit kanino at kaya niya rin itong gamitin sa mabuting paraan o masama.

"May nais akong itanong, Calista."

Ibinaba nito ang hawak na pandilig. "Ano iyon?"

"T-Tungkol pala sa... Sa kapangyarihang binigay ng iyong ama. Anong dahilan at pinagkaloob niya ito sa akin gayong may maidudulot itong hindi maganda?"

Sumagot si Calista, "Si Ama lang ang makakasagot ng katanungang iyan, Merthin. Inutusan niya lang ako na bigyan ka ng ganyang klase ng kapangyarihan. Nasa sa' yo kung magpapabulag ka sa bugso ng iyong damdamin."

"Anong ibig mong sabihin?" naguguluhan kong tanong.

"Huwag kang magpapadala sa matinding emosyon na nararamdaman mo sapagkat iyan ang magtutulak sa 'yo na gumawa ng hindi mabuti." Naglakad si Calista palapit sa kinatatayuan ko pero tumigil ito nang masalubong niya ako. Ipinatong niya ang kamay nito sa isa kong balikat.

"Calista..."

"Mag-iingat ka. Malakas ang kutob kong may mangyayaring hindi maganda sa mga susunod na araw. Iwasan mo ang mga posibleng dahilan upang lumabas ang iyong kapangyarihan. Kilala ko si Ama, may rason siya sa likod ng misteryong ito. Tiyak may nagbabadyang panganib na naghihintay hindi lamang sa 'yo, kundi sa buong Leuvania kapag hindi mo sinunod ang payo ko," aniya.

Pinanood ko lang na maglaho sa paningin ko si Calista. Sa mga oras na 'yon, wala akong magawa kundi ibulong sa hangin ang kanyang pangalan.

Kumuha ako ng isang maliit na cactus at pinagmasdan nang mabuti. Kung hindi dahil sa dugong tumulo mula sa aking hintuturo ay hindi ko pa napansing natusok pala ako ng cactus.