WORLD OF REALITY
Ivy Kallen
Jusko! Tatakasan ako dugo sa mga pinaggagawa ni Icarus! Biruin mo, pinatay niya 'yong killer nina King Achilles at Queen Athena sa pamamagitan lang ng eye to eye contact! 'Di pa natatapos doon ang kademonyohan niya, nakuha niya pang sunugin ang bangkay nito sa harap ng maraming tao!
Nakakatakot! Paano kung may gano'n sa totoong buhay? What if may real life version si Icarus tapos pagpapatayin niya lahat ng tao sa earth? Psychopath siya! PSY-CHO-PATH!
Kapag nangyari 'yon, tatalon ako sa pinakamalapit na building! Ayoko nang maranasan iyon! Hitsura palang niya, kinikilabutan na ako!
"Busy'ng-busy ah. 'Pag 'di mo tinigilan ang panonood niyan, I swear bukas nasa mental ka na," rinig kong sabi ni Shirley na nakatayo sa counter kung nasaan ako ngayon. May dala-dala siyang ilang piraso ng canned goods, softdrinks at chips.
Kinuha ko ang mga 'yon para i-punch. "140 pesos, madam," pang-aasar ko kay Shirley.
"Hmp!" Irap niya. "I'm too young! You should call me lady, 'kay?" Nakita kong dumukot siya ng 500 peso bill sa wallet niya at binigay sa akin.
Tinitigan ko lang 'yon for about five seconds. "Wala ka bang smaller bill?"
"That's the smallest money I've ever had. Hindi mo ba puwedeng ipa-barya kay Tita Marites?"
"A-Ah... Eh, you see..." Paano ko ipapaliwanag na kaaalis lang ni Tita papuntang department store?
"Anong problema, anak?" Bungad ni Tita sa entrance ng tindahan. Mukhang may nakalimutan siya.
Si Shirley na ang sumagot sa tanong ni Tita. "Good morning, Tita! May barya ba kayo sa 500? Pambayad ko sana sa binili ko," magalang na approach ni Shirley.
"500 ba kamo? Akin na, babaryahin ko. Pero bago 'yan, Ivy anak, pasuyo ako ng wallet ko sa taas. Naiwan ko kanina nang umakyat ako doon."
"Sige po!" sabi ko at mabilis akong umakyat sa hagdan na nasa gilid ng store. Sa taas niyon, bubulaga sa 'yo ang maliit na dining area, kusina at maliit na kuwarto. Nang mahanap ko ang wallet ni Tita sa ibabaw ng mesa ay nasapo ko ang noo ko. Ah, si Tita talaga, oh.
Bumaba rin ako agad. Pagkatapos bariyahin ni Tita ang pera ni Shirley, binigyan niya ako ng 140 pesos tapos sinuklian ko siya ng 360 pesos.
"Thank you, beshy! Hey, mamaya pasahan mo ako ng anime na 'yan, ha. Balita ko, sikat na sikat 'yan sa school lately," nakangiti niyang sabi.
"Sure, no problem," sabi ko naman. She waved to me before she finally left the store.
That's my best friend - Shirley Cordova. Anak ng pulitiko. Mayaman, sosyal, Victoria's Secret ang pabango, Louis Vuitton ang bag, kulay orange ang mahaba niyang buhok. Sweet, mabait, matalino. A perfect girlfriend material.
However, despite of her social status, she's living in apartment building across the street. Masyado raw kasing malayo ang bahay niya mula sa school kung saan kami nag-aaral - Franklin Academy - ang pinakasikat na Foreign school sa bansa wherein most of the students ay may lahing foreigners. Japanese, British, French, etc. Ang tinatanggap lang sa school na ito ay half-Filipino only. Si Shirley, technically half British because her mother came from UK.
As for my nationality, I'm half Japanese, half Filipino. Ivana Kallen here, but most people call me Ivy. Maybe you're wondering why I'm carrying a strange surname. Well, may lahing banyaga ang papa ko but he was born and raised here in the Philippines. He met my mother when he went overseas to Japan. Ayon sa kwento ni Mama, nagka-inlove-an din sila kalaunan at nagpakasal. Dito na rin sila nagsama at ako ang naging bunga ng pagmamahalan nila.
Iyon nga lang, maaga silang kinuha sa akin ni Lord. Since then, si Tita Marites na kapatid ni Papa ang kumupkop sa akin, nagpakain at nag-paaral. Single si Tita at wala ring anak kaya ganoon na lang ang kabutihang pinapakita niya sa 'kin. Gustong-gusto niyang magkaanak pero hindi siya pinalad na magkaroon and she's so blessed na dumating ako sa buhay niya, and so did I.
Dito ako nakatira sa second floor 11/11 Convinience Store na pag-aari niya. Kapag bakante ang schedule ko sa school, ako ang nagbabantay kasama si Suzaku, kaso naka-leave siya ngayon at may sakit kaya ako ang nakatoka sa tindahan ngayon. Sakto, wala akong pasok.
Maaga pa at halos walang customers sa tindahan. Tamang mukmok lang sa counter hawak ang cellphone habang nanonood ng WINZE. Sikat ang anime na 'to sa bansa dahil ito ang pinakaunang anime show na nakilala at na-recognize sa labas ng Pilipinas since 1999. Meron lang itong isang season sa bawat sequel pero umabot na sila ng halos twenty-one sequels. Itong pinapanood ko ngayon ay ang ika-21st sequel ng WINZE. Kilala ito sa title na The Black Wings of Icarus.
Bata palang ako, solid fan na ako ng palabas na 'to. Sinusubaybayan ko ang bawat episode ng WINZE, to the point na pati DVDs binibili ko. Maganda kasi ang story. Hindi ka mabo-boring dahil sa bawat sequel, iba-ibang characters ang makikilala mo. Ang pagkakapareho lang ng mga bida, meron silang kapangyarihan na ang tawag ay Winze. Isang special power na kayang manipulahin ang emosyon ng isang tao at magti-trigger ito na pumatay oras na hindi nito ma-control ang kanyang galit.
I'm on the third episode of the series. Grabe, ang intense ng mga pangyayari! Iniisip ko palang kung paano ang buhay ng mga Leuvanians sa kamay ni King Icarus, kinakabahan na 'ko! Tiyak isang maling kibot mo lang, patay ka.
Kung nanatili ka nalang na mabait, Merthin Icarus Vespaland, hindi ako magdadalawang-isip na jowain ka sa panaginip ko! Ang guwapo mo sana kaso ang sama ng ugali mo!
"Antipatikong psychopath!" inis kong sabi sa phone. It shows his face, smiling in his most devilish way with his oh-so-creepy look in his eyes.
'Kakagigil ka, Icarus!
***
WINZE: THE BLACK WINGS OF ICARUS
Merthin Icarus Vespaland
Sa pag-upo ko bilang hari ng Leuvania, masasabi kong maayos ang aking pamamalakad. Walang problema sa supply ng pagkain sa merkado, maganda ang relasyon ng Leuvania sa mga kalapit na bansa. Hindi ko masasabing isa roon ang Rhuilatha sapagkat 'di sila nagpaparamdam matapos ang digmaan. Suspetsa ko'y nagpapalamig lang sila at hinihintay ang pagkakataon na muling makapasok sa kaharian at angkinin ang bansang minsan nilang sinakop.
Kahit magsama-sama pa ang buong Rhuilatha, hindi nila ako mapapatumba. Nagasasayang lang sila ng oras dahil tiyak na mauuwi lang sa wala lahat ng pinaghirapan nila.
Ngunit sa kabila ng katahimikang bumabalot sa kaharian ay nabalot ito ng takot sa bagong batas na pinatupad ko. Tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo nagkakaroon ng public execution.
Wala akong pakialam sa kung sino ang hahatulan ko, anong ranggo niya, maski saan pa siya nagmula. Buhay ang kinuha, buhay rin ang kapalit.
Sa halip na sa korte nagaganap ang paghatol, napagpasiyahan kong sa Sphere of Death (ang lugar kung saan ko pinatay ang salarin sa kaso nina Ama at Ina) ang destinasyon ng bawat taong nahuhuli sa magkakaibang krimen na kanilang kinasangkutan. Ako ang humuhusga at nasa aking mga kamay ang magiging kapalaran ng sinumang umapak doon.
Hindi lang pagpatay ang maaaring kaso ng mahahatulan sa Sphere of Death. Nariyan din ang paulit-ulit na pagnanakaw, panggagahasa at paggamit ng pinagbabawal na gamot. Karamihan sa kanila, bigo nang masilayan ang pagsikat ng araw.
Iyan ay nangyari sa tulong ng Winze, ang kapangyarihang naging susi sa tagumpay ko at ang pangunahing sangkap sa paggawa ng pormula upang maiganti ang mga magulang ko. Dahil dito, masisiguro ko ang kaligtasan 'di lang ni Natalie kundi ng buong Leuvania laban sa mga taong nais kaming sirain muli.
Tuloy-tuloy ang gamutan ni Natalie. Linggo-linggo, bumibisita ang kanyang doktor para suriin ang mga paa ng kapatid ko. Kinalulungkot kong sabihin na walang pagbabago sa kondisyon ni Natalie at mukhang malabo na raw itong makalakad. Agad kong pinatawag si Calix at humingi ng malaking pabor.
"Ano pong maipaglilingkod ko, kamahalan?" nakaluhod na wika ni Calix pagkapasok niya sa golden throne.
"Gusto kong bantayan mong maigi si Natalie. Maging mga paa ka niya sa oras gusto niyang tumayo. Gabayan mo siya sa bawat hakbang na lalakarin niya at huwag mo siyang pababayaan."
Sa kabilang banda ng isip ko ay hindi ko mawari kung bakit iyon ang lumabas sa bibig ko. Bakit sa tono ng aking pananalita ay ibinibilin ko ang kapatid ko sa taga-alaga nito? Pakiramdam ko'y anumang oras mula ngayon, pansamantala akong mawawala at iiwan ang kahariang ito. Pero anong dahilan?
"P-Pero kamahalan... Sigurado po ba kayo? At... Bakit niyo po nasasabi iyan? Aalis po ba kayo?" tanong ni Calix, bagay na hindi ko nagustuhan.
"Mukha ba akong nagbibiro? Isa pa, huwag mo akong sagutin ng isang tanong," inis kong sabi. "May problema ba sa pinapagawa ko? Hindi ba't iyan ang trabaho mo rito, ang magsilbi sa amin ni Natalie? Gampanan mo nang mabuti ang responsibilidad mo at matuto kang sumagot lang ng opo at hindi. Naiintidhan mo?"
Yumuko ito, "Patawad, kamahalan. Hindi na mauulit."
"Mabuti kung gano'n. May katututran ka pa pala, akala ko'y katulad ka na rin ng mga tagasilbi ko noon na mapupurol ang utak. Makakaalis ka na."
Saglit na uminin ang mga mata ko, ngunit kalauna'y nawala rin pagkaalis ni Calix. Umalis muna ako sa trono at tinungo ang silid ni Natalie. Naabutan ko siyang nagbabasa ng makapal na libro. Huli na nang mapansin kong iyon pala ang kwaderno na pinagsulatan ko ng kuwento tungkol sa digmaan ng Leuvania at Rhuilatha.
"Brother, you're here," mala-anghel na tinig ang narinig ko mula kay Natalie. May kung anong tumusok sa dibdib ko at 'di ko maitindihan ang kalungkutang nararamdaman ko ngayon. Ano bang nangyayari sa akin?
Naupo ako sa bakanteng upuan at pinanood siya sa ganoong posisyon. Muling kumirot ang puso ko sa aking nakikita ngayon. Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Anong sanhi ng kalungkutang ito?
"Natalie," hinawakan ko siya sa braso dahilan para bitawan niya ang libro. Tumingin siya sa mga mata ko at makikita ko ang malinis niyang pagkatao. Oh, Natalie. Napakabuti mo pa rin sa kabila ng mga nagawa ko.
"Kuya, ayos ka lang ba?" mahinahong tanong ni Natalie. "Malungkot ka yata."
"Ayos lang ako, huwag kang mag-alala. Nat, salamat kasi hindi mo 'ko sinukuan kahit marami nang nagbago sa atin simula noong mamatay sila Ama't Ina. Pagpasensyahan mo na kung bihira na tayong magkasama. Masyado akong abala ngayon bilang hari."
"Naiintindihan ko," aniya. "Tayong dalawa na lang ang magkasama, ngayon pa ba kita susukuan? Ang akin lang, sana hindi mawala 'yong dating tayo - na masaya, puro tawanan, walang iniintinding problema. Kuya, may ipapakiusap sana ako sa iyo."
"Ano 'yon? Sabihin mo lang," sabi ko, walang ideya sa maaari niyang ipakiusap sa 'kin.
Tumulo ang ilang butil ng luha sa mga mata ni Natalie. "Itigil mo na ang paggamit ng Winze."
Bigla kong nabitawan ang kamay niya. "B-bakit mo naman nasabi iyan?"
"Kuya, hindi mo ba nakikita ang sarili mo sa salamin? Hindi na ikaw 'yan. Hindi na ikaw 'yong Kuya Merthin na kilala ko. Alam mo kung ano ang meron diyan sa katawan mo? Galit. Poot. Pagkamuhi. At dahil sa kapangyarihan mong iyan, nabuhay si Icarus. Si Icarus na makasarili, na walang ibang iniisip kundi maghiganti! Kuya, pumapatay ka na! Hindi ka na naiiba sa salarin na pumatay sa mga magulang natin! Isa ka na ring kriminal--"
"Tumahimik ka!" Dumilim ang paningin ko at wala sa sariling nasampal ko si Natalie. Nag-aapoy ako nang husto na kulang na lang, bumuga ako ng apoy at sunugin ang lugar na ito. H-Hindi, hindi maaari! Ayokong madamay si Natalie sa epekto ng kapangyarihan ko!
Lumayo ako at tinakpan ang mga mata ko. Oras na magtama ang aming paningin, tiyak katapusan na ni Natalie at wala akong kontrol para pigilan ang paglabas ng Winze sa katawan ko.
"P-Patawarin mo ako, N-Natalie! H-Hindi ko sinasadya! Patawad!" sabi ko. Para akong mababaliw gawa ng hikbi ni Natalie na naglalaro sa isip ko.
"Hindi ko inakalang magagawa mo 'to sa sarili mong kapatid! Pinilit kitang intindihin kahit gaano kahirap ang sitwasyon, pero sobra na ito! Nagagawa mo na akong saktan at malay ko ba kung isang araw, patayuin mo na rin ako sa tinatawag mong Sphere of Death at sentensyahan ng kamatayan dahil hindi ako sangayon sa gusto mo? Since our parents died, I never felt the presence of my big brother. It's as if he died at the time they are murdered. Ang meron lang ako ngayon? Isang demonyo na biglang namuno sa kaharian at inangkin ang tronong iniwan ni Ama!"
"Natalie..." pagsusumamo ko.
"Stop calling me Natalie! From now on, you're no longer my brother! Stay away from me, hindi kita kilala!"
Tama ba ang narinig ko? Itinatakwil na ako ng sarili kong kapatid?
"N-Natalie, pakiusap!" Napaluhod ako sa labis na pagmamakaawa. Anong saysay ng mga ito kung mawawala sa 'kin si Natalie? Hindi ako papayag na basta niya lang akong alisin sa buhay niya!
"Leave, Icarus! I declare this day that my brother Merthin is dead!"
"Hindi! Huwag mong gawin sa 'kin 'to, Natalie! Hindi mo ako mapapaalis sa kaharian! Ako ang hari ng Leuvania! Ako!" depensa ko. Nag-iba ang timpla ko at lalong namayani ang galit sa puso ko.
"Sinong nagsabing hindi kita kayang paalisin sa kaharian?" May pumasok na mga kawal sa loob. "Damputin siya! Magmula sa araw na ito, wala na si Icarus!"
Noong una'y nagdadalawang-isip pa sila kung susundin nila si Natalie ngunit sa huli, napilitan silang hawakan ako sa magkabilang braso at sapilitang inilabas sa palasyo.
"Bitawan niyo ako! Hindi niyo ba alam kung sino ako? Bitawan niyo sabi ako!"
Hindi pa man nabubuksan ang pinto, sinilaban na agad ako at napunta ang epekto ng Winze sa dalawang kawal na sinubukang damputin ako. May kumawalang apoy mula sa kamay ko at gawa ng matinding galit ay itinapat ko ito malapat kay Natalie.
Tumakbo ako palabas at kahit anong gawin ko, hindi mawala ang apoy na patuloy na tumutupok sa buong palasyo. Nasalubong ko ang papatakbong si Calix papunta sa silid ni Natalie. Ibig ko mang iligtas ang kapatid ko sa kapahamakan, wala akong magawa dahil nasa ilalim ako ng kapangyarihan ko.
Puro iyak, sigaw at paghingi ng tulong ang naririnig ko. Nag-iiwan ako ng apoy sa bawat hakbang ko palayo sa palasyo. Lahat ng bahay na madaanan ko, kusang nasusunog. Ultimo mga sasakyan at gusali.
Huminto lamang ako nang marating ko ang pribadong lupain ni Ama. Dito kusang tumigil ang paglabas ng apoy sa katawan ko. Sa harap ng cherry blossom tree, nakatayo si Calista - nakatalikod pero agad ding lumingon nang maramdaman ang presensya ko.
"Lumampas ka sa limitasyon ng iyong kapangyarihan, Merthin. Kabilin-bilinan ko pa naman sa 'yo na huwag kang magpapadala sa sama ng loob. Pero anong ginawa mo? Hinayaan mong lamunin ka ng galit mo, at ang resulta, nilagay mo ang Leuvanians sa sitwasyon na posibleng ikasira ng kaharian. Kahit ang sarili mong kapatid ay nagawa mong saktan."
"P-Paano mo nalamang---"
"Kagagaling ko lang sa libing ni Ama kung kaya't matagal din tayong hindi nagkita, ngunit 'di nangangahulugang wala na akong balita tungkol sayo dahil may kapangyarihan akong makita ang bawat kilos mo."
"Patay na si Faustus?" taka kong tanong kay Calista. Bakit wala akong nabalitaan sa pagkamatay nito?
"Oo, dalawang araw ang nakakaaraan. At nagiwan siya ng bilin sa akin bago siya namatay."
"Bilin?"
"Alam ni Ama na isang araw ay aabusuhin mo ang Winze at dumating na nga ang araw na iyon. Kapalit ng mga buhay na kinuha mo ay ang matinding konsekwensyang naghihintay sa 'yo, hindi rito, kundi sa lugar na walang katahimikan." Naguguluhan ako. Ano ba ang pinagsasabi ni Calista?
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko. Napakunot ako ng noo nang mag-kulay pula ang mga mata ni Calista. May kung ano akong naramdaman nang magtama ang mga mata namin.
"Hahayaan kitang lumipad at umalis ng Leuvania. Lumipad ka nang pagkataas-taas at kapag nakita mo ang bahaghari sa ulap, pumasok ka at huwag kang kikilos. Ipikit mo ang iyong mga mata."
Basta kong sinunod ang utos ni Calista labag man sa aking kalooban. Inilabas ko ang aking mga pakpak at lumipad gaya ng sabi niya. Pumasok ako sa bahagharing ulap at pumikit. Kusa akong napamulat nang...
"Aaaaaaaaaaah!" Ramdam ko ang unti-unting pagkalagas ng aking pakpak at tuloy-tuloy akong nahulog mula sa ulap.
Hinintay ko na bumagsak ako sa kung saan man ako nakatakdang mamatay. Ito na yata ang katapusan ko.
Paalam, Icarus.
Sumakit ang likod ko gawa ng pagkakalaglag ko. Buhay pa yata ako at swerteng nakakapit sa malaking sanga ng puno.
Sandali, puno?
Kumapit akong mabuti pero masyadong madulas ang kamay ko dahilan para mawalan ako ng kapit sa sanga. Natagpuan ko na lang ang sarili kong nalaglag sa puno at namimilipit sa sakit.
Nanatili akong nakapikit. Naririnig ko ang pagdagsa sa akin ng mga tao. Katakatakang iba ang kanilang mga sinasabi. Hindi ko maintindihan 'yong iba. Saan ba galing ang mga ito? Sila ba'y mga turista ng Leuvania?
"OMG! Are you alright?"
"Halaka girl, tulungan natin siya!"
"Ampogi ni Kuya! Taga-saan ka? Ihahatid ka na namin sa inyo."
"Taga-dito ka ba?"
"Parang galing sa costume party."
"Gosh! Kamukha niya 'yong crush kong anime sa TV! 'Yong sa WINZE!"
"Oo nga, cosplayer siguro 'to."
Costume party? Anime? Cosplayer? Anu-ano ang mga 'yon?
Sinu-sino ba ang mga ito? Gamit ang natitira kong lakas ay pinilit kong dumilat at tumayo. Magkahalong taka at pangamba ang naramdaman ko nang mapagtanto kong ibang lugar na itong napuntahan ko.
Hindi na Leuvania ito. Nasaan ako?