Sa isang dampa, malapit sa tabing dagat ay dali-daling bumangon sa kanyang papag ang magwa-walong taong gulang na si Lorena. Agad na tinupi ang kumot na ginamit at inayos ang unan at higaan. Kahit alas-kuwatro pa lang ng umaga ay gising na siya. Paano kasi hindi siya pinag-aral ng kanyang ina kaya siya ang inatasan na magluto ng pagkain para sa kanyang nakababatang kapatid na nag-aaral. Bukod doon ay naglilinis din siya ng bahay.
"Hay naku! Kailan kaya ako makapag-aral? Ang sarap sigurong mag-aral. Siguradong may marami akong matutuhang mga bagay-bagay mula sa mga guro. Ang sabi ni Nanay, noong nakaraang pasukan puwede na raw akong mag-aral pero hindi naman," malungkot pang sabi ni Lorena sa kanyang sarili habang nakaupo sa silya at nakatitig sa palayok na pinagsasaingan ng pagkain.
Pakanta-kanta pa siya ng paboritong awitin na siya mismo ang may likha nito nang biglang may narinig siyang boses.
"Asa ka pa!" sabi ng boses na bumasag sa kanyang pag-iisa.
Takot na takot na tumayo si Lorena mula sa kanyang kinauupuan.
"Sino ka? Magpakita ka nga?"ang nanginginig na tanong niya.
"Nandito ako sa likod mo, sister! Tumingin ka at makikita mo ang ganda ko," pabirong sagot ng boses.
Lumingon siya sa likod pero wala naman siyang makitang tao maliban sa . . .
"Pawikan! Ikaw ba ang nagsasalita?" takot pa ring tanong niya.
"E, sino pa ba sister? Ako lang naman ang tao rito este, pawikan pala," pabirong sagot ni Pawikana.
"Talaga? Nakakapagsasalita ka? Wow, ang galing mo naman! Ano ba'ng pangalan mo?" tanong niya ulit na may halong saya at pagkamangha.
"Isa-isa lang sister. Mahina ang kalaban. Hehehehe! Ako si Pawikana. Ako lang naman ang pinakamagandang pawikan sa ilalim ng dagat," ang pilyang sabi ng lamang-dagat habang hinimas-himas ang kanyang ulo ng kanyang kaliwang palikpik sa unahan at sabay ngiti ng pagkatamis-tamis na tila sumali sa timpalak ng pagandahan.
"Wow, ang gandang pangalan naman! Bagay sa iyo. Hehehe!" ang masaya pa ring sabi ni Lorena.
Maganda nga at kakaiba ang pawikan. Kulay ginto ang ulo at mga palikpik nito at matingkad sa pagkaberde ang kulay ng katawan. Hindi ordinaryong lamang dagat ito...ang naisaisip ni Lorena habang pinagmamasdan ang pawikan.
"Hehehe, sinabi mo pa sister! Maganda talaga ako at maganda ka rin. Kaya simula ngayon ay friends na tayo. Ok?" sabi ni Pawikana sabay kindat kay Lorena.
"Oo ba!" sagot ni Lorena sa bagong kaibigan.
"Ayyy, teka! Ang sinaing ko nangangamoy sunog na! Baka mapagalitan na naman ako ng Nanay nito. Umalis ka na rin kaibigan baka gawin ka pa niyang ulam," ang kinakabahang sambit ni Lorena.
Biglang naglaho si Pawikana. Nakadalawang hakbang pa lang si Lorena papunta sa palayok na pinagsasaingan ng pagkain nang marinig niya ang sigaw ng ina.
"Lorena! Ang sinaing mo, amoy sunog na!" galit na sigaw ni Aling Birang sa kanyang anak na kahit bagong gising pa lang ito ay nanlilisik na ang mga bilugang mata.
"Ikaw talagang bata ka! Kahit kailan, wala kang kuwenta! Pasaway ka!" galit na sambit ni Aling Birang sabay lapit kay Lorena at piningot niya ito.
"Inay ko po, ang sakit! Maawa na po kayo," ang mangiyak-iyak na sabi ng anak.
"A, maawa! Kulang pa nga 'yan, bata ka!" galit pa ring sabi ni Aling Birang sabay batok sa ulo ng anak. "Agang-aga pinaiinit mo ang ulo ko. Hala, kunin mo na ang basket sa likod ng bahay natin at pumunta ka kay Aling Maria. Kumuha ka ng isda sa kanya at maglako ka para may makain tayo mamaya," dagdag pa ni Aling Birang.
"Opo Inay," umiiyak na tugon ni Lorena.
Umiiyak na sinunod ni Lorena ang utos ng kanyang ina. Pinuntahan niya agad ang kamalig ni Aling Maria para kumuha ng isda para may ipanlalako sa karatig-pook.