Chereads / Sina Lorena, Pawikana at ang Kaharian ng mga Sirena / Chapter 2 - Sina Lorena at Pawikana ...

Chapter 2 - Sina Lorena at Pawikana ...

KABANATA II

Samantala sa kaharian ng Dagatlaot- ang lugar ng mga sireno at sirena, ay abalang-abala ang lahat para sa malaking piging upang ipagdiwang ang kaarawan ng anak ng reyna. Kakaiba ang mga sireno at sirena rito, kaya nilang tumayo, umupo at maglakad sa tuyong espasyo gamit ang kanilang buntot kasi nababalot ito ng mahiwagang tubig-alat dulot ng pag-inom ng espesyal na likido.

"Bilisan ninyo ang pag-aayos ng gintong mesa! Bilis mga amado at mga amada. Ihanda niyo na rin ang mga pagkain. Lagyan ng magagandang lusay ang mga gintong plorera. Bilis!" utos ni Amadiya, pinuno ng mga amado at amada.

"Handa na ba ang lahat, Amadiya?" tanong ni Reyna Landaya na biglang lumitaw mula sa likuran ni Amadiya at hawak-hawak pa ang kanyang mahiwagang traydon.

"Mga ilang minuto na lang po, kamahalan," ang magalang na sagot ni Amadiya sabay yuko rito.

"Magaling! Pasabihan mo na lang ako sa isa sa mga ating amada kapag handa na ang lahat. Pupuntahan ko lang ang aking anak sa kanyang silid," wika ng reyna.

"Masusunod po, Kamahalan," sabi ni Amadiya.

Pinuntahan ng reyna ang silid ng anak. Sa pintuan nito ay may nakabantay na dalawang sundalong sireno na may hawak-hawak na traydon sa kanilang kamay.Yumuko ang mga sundalo bilang paggalang sa bagong dating.

"Maaari ba akong pumasok, Prinsesa Sarina?" ang nakangiting tanong ng reyna pagkatapos buksan nang bahagya ang pintuan ng silid ng anak.

"Kayo pala ina. Pasok po kayo," sabi ng prinsesa na lalong tumingkad ang kagandahan sa suot na mga hikaw at kuwintas na yari sa mga perlas, ginto at diyamante.

Maganda si Prinsesa Sarina. Mapupula ang mga labi nito, matangos ang ilong, mapupungay ang mga matang binabagayan ng mga mahahabang pilik-mata at maamo ang bilugang mukha nito na siyang nagpapangiti sa lahat ng mga taga- Dagatlaot.

"Ang ganda-ganda talaga ng anak ko!" ang buong paghangang sambit ng reyna.

"Salamat, ina," tipid na sagot ng prinsesa.

"O, ano anak handa ka na ba? Maya-maya lang ay magsisimula na ang pagdiriwang," wika ng reyna.

"Handang-handa na ina," sagot ng prinsesa.

Hinahagud-hagod ng reyna ang mahabang buhok ng anak nang biglang . . .

"Kamahalan, sabi po ng adama, handa na po ang piging," wika ng sundalong sireno.

"Sige, susunod na kami," sabi ng reyna.

Lumabas ng silid ang reyna at ang prinsesa patungo sa magara't malaking bulwagan ng palasyo kung saan gaganapin ang ika-15 kaarawan ng prinsesa. Nakikita nila mula sa hagdan ng bulwagan na maraming mga sireno at sirena mula sa iba't ibang antas ng pamumuhay ang naroon. Masaya silang nagkukuwentuhan habang ang iba naman ay pasimpleng umiinom ng kulay berde na alak, na gawa sa mga katas ng halamang dagat.

"Your attention please, Ladies and gentlemen, Her Excellency Queen Landaya and Her Royal Highness Princess Sarina," ang pa-Ingles pang sabi ni Karuno, isang pambihirang seahorse na may pakpak, dalawang kamay sa bandang dibdib, at matalinong pinuno ng mga pantas ng mga sireno at sirena.

Nagpalakpakan ang lahat habang bumababa sa mahabang hagdan ng bulwagan ng palasyo ang reyna at prinsesa.

"Ang ganda-ganda talaga ng prinsesa! Walang katulad!" ang buong paghangang sabi ng isa sa mga poging sireno.

"At matapang pa! Hindi ba siya ang nagligtas sa atin mula sa dambuhalang pating minsan sa ating pamamasyal?" ang buong pagmamayabang pang sabi ng isang dalagita at mayamang sirena sa mga ka-grupong sosyalerang sirena.

"Masayang-masaya ako at pinaunlakan ninyo ang aking paanyaya! Bilang mga nasasakupan, bahagi kayo ng aming kasiyahan. Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang kaarawan ng aking anak, ang tagapagmana ng aking kaharian, si Prinsesa Sarina. Ito ay gabi ng aking anak kaya magsaya tayong lahat. Simulan na ang piging!" masayang wika ng reyna.

Masayang nagsasayawan ang mga sireno at sirena habang kumakain naman ang iba. Walang patid ang inuman ng mga ibang sireno samantalang nagkukuwentuhan naman ang mga matatalinong pantas at mayayamang sireno at sirena.

Lingid sa kaalaman ng lahat, may nakaambang na panganib sa kaharian ng Dagatlaot. Habang nagkakasiyahan ang lahat, nagkakaroon ng malaking ipu-ipo sa gitna ng bulwagan at biglang lumitaw si Lawudra, ang taksil at ganid sa kapangyarihang sirena.

Gulat na gulat ang lahat. Takot naman ang nararamdaman ng iba. Naging alerto naman ang mga sundalong sireno at sirena.

"Hahaha! Inimbitahan ko na lang ang aking sarili sa kaarawan ng prinsesa kahit hindi ako inanyayahan," ang pagmamalditang sambit ni Lawudra."Oh, oh, oh. Kumusta na Landaya? Kumusta na aking kapatid? Bakit tila nakikitaan ko ng takot ang iyong mukha? Hahaha!" dagdag nito.

"Ano'ng kailangan mo rito? Umalis ka na kung ayaw mong gawin kitang hipon!" galit na sabi ng reyna.

"O, takot ako! Hahaha!" ang panunuyang sagot ni Lawudra. "Tumahimik ka! Hindi ka ba nagtataka kung bakit ako nakapasok sa kaharian mo? Isa lang ang ibig sabihin niyan, nanghihina na ang kapangyarihan mo samantalang lumalakas naman ang sa akin!" galit na sabi ni Lawudra na nanlilisik pa ang mga mata.

"Hulihin siya, mga kawal!" utos ni Reyna Landaya.

Hindi naman nakikitaan ng takot si Lawudra, bagkus lumapit pa ito nang bahagya kay Reyna Landaya at Prinsesa Sarina. Hindi naman natitinag ang dalawa.

"Kung ako sa iyo, imbes na utusan mo ang mga kawal mo na hulihin ako, bakit hindi mo na lang sila utusan na hanapin ang gamot na magpapagaling sa 'yo?" ang panunuyang tanong ni Lawudra.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" pagtatakang tanong ng reyna.

"Hindi mo ba nararamdaman ang epekto ng lason sa iyong katawan ngayon? Nakalimutan mo na bang may ininom kang alak kanina? Bago pa man iyon dalhin ng isa sa iyong mga adama ay nalagyan ko na iyon ng lason. Hahaha!" nakasusuyang sagot ni Lawudra.

Biglang natigilan ang reyna. Kaya pala biglang sumakit ang batok niya kanina at may kung anong kirot na nararamdaman sa kanyang dibdib. Hindi niya naman ito pinansin dahil bigla naman itong nawala nang haplusin niya ang mga ito.

"Hulihin si Lawudra!" pasigaw na utos ni Karuno sa mga sundalong sireno.

Pero bago pa man tuluyang nakalapit ang mga sundalo ay biglang naglaho si Lawudra. Naiwang gulat at tulala ang halos lahat ng naroon sa bulwagan. Biglang nahilo ang reyna. Agad siyang dinala sa kanyang silid, sinuri at ginamot ng mga sirenong doktor. Pinainom ito ng katas mula sa espesyal na halamang dagat pero wala itong epekto. Nagtataka ang mga doktor dahil ito naman ang pinakamabisang gamot sa mga nalason.Segundo lang ang pagitan at gagaling na ang sinumang pasyenteng nakaiinom nito. Sa sitwasyon ng reyna, hindi ito nangyari.

"Hindi ito ordinaryong lason!" paniniyak ni Karuno.

Biglang kinumpas ni Karuno ang kanyang kamay at lumabas ang isang aklat—ang mahiwagang aklat na magkahalong pula, asul at dilaw ang kulay nito.

"Ang aklat ng Bohra! Mahabaging Neptuna! Paano napunta sa iyo 'yan?" gulat na wika ng isang pantas.

"Ipinagkatiwala ito ng mahal na hari sa akin bago pa man siya pinatay ni Oktupoda, ang kaibigang matalik ni Lawudra," sagot ni Karuno. "At ayon dito sa aklat ng Bohra, tanging ang pinagsasanib na liwanag ng buwan o ng araw at ang mahiwagang tinig ng anak ng reyna ang makapagpapagaling sa kanya," wika ni Karuno.

"Kung gayon ay walang problema. Mamayang sandali lang ay sisikat na ang haring araw. Paaawitin natin si Prinsesa Sarina," suhestiyon ng isa pang pantas.

Sumikat ang haring araw. Wala silang sinayang na sandali. Agad na pinaawit si Prinsesa Sarina ngunit nagulat ang prinsesa, ang tatlong pantas, at apat na sirenong doktor nang walang naganap na pagsanib. Napaiyak na lamang ang prinsesa.

"Hindi ito maaari! Kailanman ay hindi magkakamali ang Bohra. Ito ay biyaya ni Neptuna, ang diyosa ng pitong dagat!" gulat na sabi ni Karuno.

"Pero bakit nagkaganito?" pagtatakang tanong ni Sarina. "Ako lang naman ang nag-iisang anak ng reyna, hindi ba? Sagutin n'yo ako mga pantas." Habang humahagulgol, niyakap niya ang kanyang walang malay na Inang Reyna. Hindi n'ya lubos akalain na sa mismong kaarawan n'ya mangyayari ang lahat. Ang masaya sanang kaarawan ay nabalot ng pighati.

Walang nagawa ang lahat ng mga doktor at pantas sa sinapit ng reyna. Ginawa na nila ang kanilang makakaya pero naging palaisipan sa kanila ang nangyari sa reyna. Samantala, habang ginagawa nila ang ritwal, may mga matang kanina pa nagmamasid sa kanila.

"P'wede ba kitang makausap nang sarilinan, mahal na prinsesa?" tanong ni Karuno. "May ipagtatapat lang ako sa iyo, kung iyong mamarapatin."

"Sumunod ka sa akin." Tinungo ni Sarina ang balkonahe at sumunod naman si Karuno. Isinalaysay ng huli ang kanyang nalalaman. Hindi makapaniwala si Sarina sa kanyang narinig. Napakunot-noo s'ya. Nahihiwagaan sa sinabi ng pantas.

"Bakit hindi ko maalala na may kapatid ako?"

"Binura ng reyna sa iyong isipan ang alaala ng iyong kapatid para sa iyong kabutihan. Panay kasi ang iyak mo."

"Paano ko maibabalik ang alaala ng aking kapatid?"

"Tanging ang reyna lang ang makagawa niyan."

"Anong kalagayan ng aking kapatid ngayon?"

"H'wag po kayong mag-alala. May inutusan ako para palaging bantayan s'ya," pagtitiyak ni Karuno.

"Ikaw na ang bahala sa kanya."

"Masusunod po prinsesa. Sa ngayon, ang tangi nating magagawa ay ipanalangin ang reyna."

Tumango naman ang prinsesa bilang pagsang-ayon. "Hindi lang tayo manalangin, Karuno. May magagawa rin tayo para maipaghiganti ang aking ina. Magbabayad ka Lawudra sa ginawa mo," galit na sabi n'ya. Kinuha n'ya ang traydon ng reyna at mabilis na lumabas ng silid at inutusan ang sundalong sireno na magtipun-tipon ang lahat ng mga magigiting na sundalo sa bulwagan. Ilang sandal pa ay naroon na ang lahat.

"Pansamantala, ako muna ang hahalili sa Inang Reyna. Bilang anak ng reyna, inuutusan ko kayong mga sundalo na nasa ilalim ng reyna na halughugin ang buong karagatan, hanapin at dalhing buhay man o patay dito si Lawudra. Maliwanag?"

"Maliwanag Mahal na Prinsesa," sagot ng mga sundalo.

"Ang ibang sundalo ay magpapatrolya sa buong palasyo buong gabi. Salitan n'yong gagawin 'yan para hindi makapasok ang kalaban o alinman sa kanyang mga tauhan. Bilis, gawin n'yo 'yan, ngayon din."

"Masusunod mahal na prinsesa."

"Inuutusan ko ang lahat ng aming nasasakupan na wala munang lalabas sa palasyo at sa buong kaharian hanggat wala akong pahintulot. Ipinagbabawal ko rin ang paglabas masok ng mga mangangalakal mula sa Lumbanya. Ipagbigay alam 'yan sa lahat."

"Kayong mga sundalo na nasa pangangalaga ko, pangungunahan ko kayo sa pagtugis sa traydor ng ating lahi."

Gamit ang kapangyarihan ng traydon, binago ni Sarina ang kanyang suot tungo sa isang gayak-pandigma. Karuno, ikaw muna ang bahala rito sa kaharian." Tumango ang pantas bilang pagsang-ayon. "Basbasan mo kami, Karuno para sa ligtas naming pakikipaglaban. Yumuko ang lahat."

"Sa ngalan ng ating Mahabaging Dyosa ng Dagat na si Neptuna, ipinapanalangin ko na kayo'y magtatagumpay sa inyong laban," wika ni Karuno. Humayo kayo dala ang aking basbas."

"Nakuha na natin ang basbas ni Karuno. Ano pa ang hinihintay n'yo?" Kilos na.

Mabilis na kumilos ang lahat para sundin ang utos ng prinsesa. Lumabas siya ng palasyo dala ang kanyang hukbo para tugisin ang kalaban.

"Lumabas ang tapang ng pusong nasugatan," sambit ni Karuno habang nakatingin sa mga papalayong kapanalig.

Ginalugad ni Sarina at sampu ng kanyang mga tauhan ang bawat bahagi ng karagatan, pero hindi nila nakita ang kaaway. Papauwi na sana sila nang biglang nagkaroon ng ipu-ipo ilang metro sa kanilang harapan at iniluwa roon ang kanilang pakay at sampu ng kanyang mga kaanib.

"Ako ba ang inyong hinahanap?" tanong ni Lawudra na may tonong panunuya.

"Oo, at papatayin kita dahil sa ginawa mo sa aking ina," galit na sagot ni Lorena.

"Talaga lang ha? Iyan ay kung kayo mo akong patayin," pasigaw na sabi ng kalaban. "Hindi mo ako kayang kalabanin."

"Alam mo kung ano ang kapangyarihan ng traydon."

"Kaya ko 'yang pantayan."

"Tama na ang satsat. Simulan na ang laban." Kinumpas ni Sarina ang kanyang kamay. Gumalaw ang tubig na kanyang pinaglalanguyan at biglang umakyat pataas kapantay ng ipu-ipo ng kalaban. Nagpalabas s'ya ng kapangyarihan mula sa traydon. Nagliwanag ito at pinatamaan ang kalaban pero nakailag ito. Gumanti naman ito. Nagpalabas ng kuryente sa mga daliri nito at pinatamaan si Sarina ngunit agad namang sinalag ng huli gamit ang kapangyarihan ng traydon. Matinding labanan ang ginawa ng dalawa habang nagsasagupaan ang kanilang mga tauhan.

"Tunay ngang malakas ka na Lawudra. Nakaya mong magpalabas ng kuryente sa iyong mga daliri. Kapangyarihan 'yan ng itim na mahika. Tuluyan mo na ngang iniwan ang kabutihan."

"Oo, sinangla ko ang diwa ko sa dyablo para mapantayan ang lakas ng kapangyarihan ng traydon. Pantay lang ang ating kapangyarihan, Sarina. Bakit hindi natin daanin ito sa lakas?

"Ako pa ba ang hinamon mo? Sugod na."

Lumapit si Lawudra. Habang papalapit ito, kinumpas n'ya ang kanyang kamay at lumabas ang dalawang espada. Hawak ng dalawa n'yang kamay, pinunterya niya ang ulo ni Sarina pero sinalag naman ito ng huli gamit ang traydon. Labanan ng lakas. Walang sumuko sa kanilang dalawa. Hanggang biglang umalis si Lawudra papunta sa may isla. Sinundan s'ya ni Sarina. Pinagalaw at pinalipad ni Lawudra ang mga malalaking bato patungo kay Sarina. Hindi nakailag ang dalagang sirena sa ginawa ng kalaban at nataman s'ya ng mga bato. Nahilo s'ya nang sandali habang tumutulo ang dugo sa kanyang noo. Humahalakhak ang kalaban tanda ng kanyang tagumpay. Tunay ngang tuso ito. Ilang segundo lang ay nakarekober naman si Sarina. Bigla nyang kinumpas ang kanyang kamay at daan-daang mga ahas ang lumabas mula sa tubig malapit sa kalaban, umakyat ang mga ito sa ipu-ipo at kinagat ang kalaban. Gulat si Lawudra sa nangyari, hindi n'ya inasahan na inutakan s'ya ng sirena. Ginamitan n'ya ito ng bolta-boltaheng kuryente mula sa mga daliri, napatay n'ya ang ilan sa mga ito ngunit ang iba ay patuloy sa pagkagat sa kanyang mga binti, leeg at sa ilang bahagi ng kanyang katawan. Nanghihina siya, hindi n'ya na kayang patayin isa-isa ang mga natitirang ahas.

"Makamandag ang mga ahas na iyan. Hinihintay ka na ng sinasabi mong dyablo sa kabilang buhay," nakangiting sabi ni Sarina.

"Hindi pa tayo tapos. Hindi ko palalampasin ang kalapastanganang ginawa mo sa akin." Kahit nanghihina, ginamit n'ya ang natitirang kapangyarihan at bigla s'yang naglaho.

Naghihiyawan ang mga sundalong sireno. Ipinagbunyi ang tagumpay ni Sarina.

"Magaling, mahal na prinsesa!" nakangiting sabi ng sundalong sireno. Makisig at mala-adonis ang mukha nito. Tumingin ito nang may paghanga sa kausap. "Binabati kita."

"Maraming salamat, Leandro. Pero hindi pa tayo tiyak kung tuluyan s'yang napatay ng aking mga alaga." Tumingin ito sa dagat at naroon pa ang mga ahas, na nakangiting nakatingin sa kanilang prinsesa.

"Magaling mga alaga ko, humayo na kayo sa inyong lungga. Papadalhan ko kayo ng paborito n'yong mga pagkain." Isa-isang kumilos ang mga tubig-ahas at umalis.

Masayang bumalik sa kaharian sina Sarina at ang mga sundalo. Sinalubong agad s'ya ng mga pantas at ng konseho. Binati s'ya ng mga ito nang malaman nila ang kanyang tagumpay at kagitingang ipinamalas.

"Mabuhay si Prinsesa Sarina! Mabuhay!"

"Mabuhay ang ating tagapagligtas! Mabuhay!" Nagagalak sila sa tagumpay ng dalaga. Ipinamalita agad ng mensaherong sireno sa buong kaharian ang kagitingang nagawa ni Sarina. Hindi nila sukat akalain na ang mahinhing sirena ay may angking katapangan, lakas at kapangyarihan upang masugpo ang kalaban.

"Maraming salamat sa inyo. Salamat." Biglang iniwan ni Sarina ang kanyang mga nasasakupan at dumiretso sa silid ng kanyang ina.

"Kumusta na si Inang Reyna, Karuno?"

"Wala pa ring pinagbago, mahal na prinsesa. Hmmm, sa lakas ng hiyawan sa labas, alam kong nagtagumpay ka. Binabati kita."

"S'yang tunay, Karuno. Maraming salamat." Lumapit ito sa nakahigang reyna at hinahaplus-haplos ang buhok nito. "Ina naipaghiganti na kita." Hinalikan n'ya ito sa noo. Sandaling tinitigan ang reyna at biglang tinungo ang labas ng silid pero saglit na huminto sa pintuan.

"Ikaw na ang bahala rito, Karuno. Magpapahinga lang ako." Tumango ang kausap at tuluyan nang umalis.