Kabanata VI
Mula sa lagusan, lumabas ang magkaibigan. Masayang-masaya si Lorena dahil masisilayan n'ya na ang kanyang kaibigan.
"Nandito na tayo, Sihara. Pakibaba mo ako diyan sa puting buhangin," sabi ni Lorena.
"Masusunod, batang sirena," sabi naman ni Sihara. "May napansin ako, nawala ang markang tatsulok sa iyong kamay." Nagthumbs-up lang si Lorena na parang sinasabi, okay lang iyan.
Habang ibinababa ng seahorse si Lorena ay natatanaw niya si Pawikana habang binabantayan ni Nympha.
"Maraming salamat at nakabalik ka ng buhay, Lorena. Maligayang pagdating, pati na rin sa iyong kasama!" bati ni Nympha.
"Salamat po, Nympha! Siya nga pala, si Sihara, galing siya sa ikaanim na dagat at alaga ni Prinsesa Manara, isang mabuting prinsesa," sabi ni Lorena.
"Ikinagagalak kong makilala ka Sihara", sabi ni Nympha at biglang binaling ang atensiyon kay Lorena. "O, ano dala mo na ba ang gamot?" tanong ni Nympha kay Lorena.
"Oo," sagot ni Lorena habang lumalapit sa kaibigang pawikan bitbit ang kabibe at dahan-dahang ibinuhos ang lamang likido sa nasugatang palikpik.
"Ayan na, gumagaling na ang sugat ng kaibigan mo," masayang sabi ni Nympha.
Biglang nagmulat si Pawikana at nakita niyang nakapalibot sa kanya sina Lorena, Nympha at pati na rin si Sihara. Medyo nagulat pa siya ng konti nang makita ang dambuhalang seahorse.
"Pawikana, salamat sa Diyos at magaling ka na," nakangiting sabi ni Lorena.
"Salamat sa iyo friendship. Kung hindi sa tulong mo ay siguradong wala nang magandang pawikan sa ilalim ng dagat, hehehe!" sabi ni Pawikana.
"Hehehe, 'kaw talaga, puro ka biro. Teka, sila pala ang mga bago nating kaibigan. Si Nympha, ang tagapangalaga ng islang ito at siya naman si Sihara, ang tumulong sa akin para maihatid ako rito nang sa gano'n ay magamot kita," buong giliw na sabi ni Lorena.
"Maraming salamat sa inyo mga bago kong friends," sabi ni Pawikana.
"Walang anuman," sabay-sabay na sabi nina Nympha at Sihara.
"Teka, kailangan na nating makapunta sa Dagatlaot. Kailangan munang magamot ang iyong ina bago mahuli ang lahat. Tingnan niyo, malapit na ang kabilugan ng buwan," sabi ni Pawikana.
"Lorena, kailangan n'yong magmadali. Sigurado akong maraming kampon ng kadiliman sa ilalim ng dagat ang handang maghasik ng lagim, tuwing kabilugan ng buwan," sabi ni Nympha.
"Oo nga," sabi ni Pawikana.
"O, ano pang hinihintay niyo, sakay na sa likod ko at nang maihatid ko na kayo," sabi ni Sihara.
"Diyan tayo sa likod mo?" tanong ni Pawikana kay Sihara."Friendship, afraid ako," sabi naman nito kay Lorena.
"H'wag kang matakot Pawikana, safe tayo sa kanya," sabi naman ni Lorena.
"Promise?" tanong ulit ni Pawikana.
"Promise," sabat ni Sihara.
Natawa na lang si Lorena sa dalawa. Binuhat niya si Pawikana at sumakay na sila sa likod ni Sihara at agad naman itong lumipad. Biglang nagliwanag muli ang kanyang kaliwang kamay at nagkaroon ng tatsulok na marka. Samantala, nalula si Pawikana pero 'di nagtagal ay nasiyahan na ito sa kapapanood sa ibaba.
"Friendship, nagtataka lang ako sa 'yo. Bakit hindi ka nanghihina kahit wala ka sa dagat? Hindi ba kanina ka pa sumasakay kay Sihara?" sunud-sunod na tanong ni Pawikana. "Iyang buntot mo fresh na fresh pa rin."
"Aba, ewan ko," sagot naman ni Lorena.
"Sabagay iba na ang may powers," sabi naman ni Pawikana.
Patuloy sa paglipad si Sihara habang patuloy rin sa pagkukuwentuhan ang dalawang magkaibigan. Hindi pa sila tuluyang nakakalayo sa islang Luli ay may nararamdamang kakaiba si Lorena.
"May sumusunod yata sa atin. Hindi ko lang masyadong maaninag," sabi ni Lorena sa mga kaibigan.
"Ha?" takang tanong ni Pawikana. "Baka guni-guni mo lang iyan friend."
"Hindi, parang may sumusunod talaga sa atin," sabi naman ni Lorena sabay lingon sa likod. "Lumingon kayo, Pawikana at Sihara, mga ibon, ang lalaki nila."
Agad namang lumingon ang dalawa nang maramdaman nilang halatang takot na takot si Lorena.
"Mga ibyoy!" sabi ni Sihara.
"Anong ibyoy?" sabay na tanong ni Lorena at Pawikana.
"Sila'y uri ng ibong bumubuga ng apoy. Tiyak akong matutusta ang sinumang matatamaan nito," sagot ni Sihara.
"Gano'n? Ano pang hinihintay natin, bilisan mo na Sihara ang iyong paglipad, go, go friend!" sabi ni Pawikana.
Binilisan ni Sihara ang kanyang paglipad pero sadyang mabilis din ang mga ibyoy. Bumuga ito ng apoy at muntik nang matamaan si Lorena buti na lang at agad siyang nakailag. Naghihiyaw naman si Pawikana sa takot.
"May naisip akong paraan para maitaboy natin ang mga ibyoy na iyan," suhestiyon ni Sihara.
"Ano naman, Sihara?" tanong ni Lorena.
"Si Dracono, ang dragong bumubuga ng tubig at yelo," sagot ni Sihara. "Natatandaan mo ba siya Lorena?"
"Oo nga, siya 'yong dragon na una kong nakilala sa ikaanim na dagat," sagot ni Lorena. "Pero papaano natin siya mahihingian ng tulong, e, ang layo-layo na natin mula sa ikaanim na dagat?"
"Sa pamamagitan ng maliit na kampana na nakakabit sa aking leeg. Sa tuwing kakalampangin ko ang kampanang ito, darating si Dracono para iligtas tayo mula sa panganib," sagot ni Sihara at agad na kinalabit ang kampana.
Wala pa yatang tatlong minuto ay natatanaw na ni Sihara sa may di kalayuan na may paparating.
"Si Dracono. Tingnan niyo siya, nandito na siya para iligtas tayo," sabi ni Sihara kay Lorena at Pawikana.
"Oo nga," sabay na sabi Lorena at Pawikana.
"Ang bilis naman niya," dagdag na sabi ni Lorena.
"My gosh, akala ko'y isang alamat lang ang tubig-dragon. Totoo pala siya," dagdag na sabi ni Pawikana. "Sa tanang buhay ko rito sa ilalim ng dagat ay ngayon lang ako nabigyan ng chance na makita siya. Amazing!"
Biglang umungol nang malakas na malakas ang tubig-dragon. Agad namang napalingon ang mga ibyoy. Sabay-sabay silang bumuga ng apoy pero agad ding ito nakontra ng dragon nang bumuga ito ng tubig. Matagal ang labanan ng magkakalabang puwersa hanggang isa-isang natalo ng dragon ang mga ibyoy nang bumuga ng malalaking yelo ang una.
"Huh, napagod ako a," sabi ni Dracono sa kanyang sarili at dahan-dahang lumapit sa kinaroroonan nina Lorena at sa kanyang mga kaibigan.
"Salamat at dumating ka, Dracono," sabi ni Sihara.
"Walang anuman, Sihara. Obligasyon kong tulungan ka," nakangiting sabi ng dragon.
"Ang galing mo friend, akalain mong natalo mo ang mga ibyoy na iyon," masayang sabi ni Pawikana na ngiting tugon naman ang nakuha sa kausap.
"Maraming salamat sa 'yo Dracono," tipid na sabi ni Lorena na halatang may phobia pa sa kausap dahil sa una nilang pagkikita.
"Walang anuman, batang sirena!" sabi ni Dracono. "Hanggang ngayon ba ay takot ka pa rin sa akin?" Pasens'ya na kung naging marahas ako sa 'yo no'ng una."
"Wala iyon, niligtas mo naman kami ngayon kaya friends na tayo," nakangiting sabi ni Lorena.
"Oo ba," nakangiti ring tugon ng tubig-dragon.
"Mga friends, mawalang-galang na kailangan na nating pumunta sa Dagatlaot, hinihintay na tayo roon, para magamot ang reyna," paalala ni Pawikana. "Wala na tayong sapat na oras."
"Oo nga, pumunta na tayo, kailangan na ako ng ina ko," sabi pa ni Lorena na medyo nalungkot pa nang maalala ang ina.
"H'wag ka nang malungkot. Makakarating din tayo roon, Lorena," sabi ni Sihara. "O, sige kumapit na kayo nang mabuti, dahil bibilisan ko pa lalo ang aking paglipad. Sumunod ka na rin, Dracono."
Humayo na nga ang magkakaibigan patungo sa Dagatlaot. Abot-tanaw na ni Lorena ang inaasam-asam na kaharian. Kaya naman, masayang-masaya siya. Mga ilang metro na lang yata ang kanilang liliparin nang biglang sumulpot si Lawudra sakay din ng isang dragon.
"Hahaha! Saan naman kayo pupunta, sa Dagatlaot?" sabi ni Lawudra. "Hindi kayo makakarating doon, over my dead tail!"
"Hay naku ang bruha talaga, bigla na lang sumusulpot kung saan-saan. Panira talaga ng moment," sabi ni Pawikana.
Bahagya pang natawa sina Sihara at Dracono sa sinabi ni Pawikana.
"Sihara, iligtas mo muna sina Lorena at Pawikana, ako nang bahala rito," sabi ni Dracono."
Sinunod ni Sihara ang sinabi ni Dracono ngunit agad namang bumuga ng apoy ang alagang dragon ni Lawudra, buti na lang nakailag si Sihara. Kung kanina'y apoy din ang buga ng mga ibyoy, wala itong panama sa laki ng apoy na buga ng dragonoy, isang uri ng dragon na bumubuga ng malalaking bolang apoy. Pinilit naman ni Sihara na makaalis sa puwesto para makalayo kay Lawudra sakay ng kanyang alagang dragon ngunit bigla itong nagpalabas ng kapangyarihan at nilagyan ng harang ang daan tungo sa Dagatlaot. Tuloy, hindi siya makaalis kasama sina Lorena at Pawikana. Para malito at mabaling sa kanya ang atensiyon ng kalaban, agad namang nagpalabas si Dracono ng tubig na may kasamang yelo tungo sa kalabang dragon at sa kay Lawudra at natamaan naman niya ang mga ito. Bahagyang nasaktan ang dragonoy at si Lawudra. Agad na pinunterya nito si Dracono at nagpalabas din ng malalaking bolang apoy tungo sa huli ngunit sadyang mabilis umilag si Dracono at naiwasan ang bolang apoy. Matagal ang labanannila habang nanonood naman si Lorena at ang kanyang mga kaibigan sa di-kalayuan, hanggang sa tuluyang matalo ang puwersa ni Lawudra.
"Umalis na tayo rito, ngayon din, alaga kong dragon. Malala na ang sugat sa iyong katawan. Kailangan na nating magamot iyan bago pa tayo tuluyang mapuruhan ng tubig-dragon na iyan," sabi ni Lawudra. "Hindi pa tayo tapos batang sirena, my araw ka rin sa akin!" banta naman nito kay Lorena.
"Nek-nek mo!" pasigaw na sabi ni Pawikana habang pinagtatawanan ang papaalis na masamang sirena. "Naku mga friends, winners tayo. Ang galing talaga ni Dracono!"
"Oo nga, salamat friend. Kung wala ka, siguradong patay na kami," sabi ni Lorena kay Dracono na ngiti naman ang tugon sa natanggap na pasasalamat at papuri.
"O, sige, umalis na tayo rito at baka rumesbak pa sa atin ang mga kakampi ni Lawudra," sabi ni Pawikana.
Lumipad na si Sihara, kasunod si Dracono hanggang sa marating na nila ang pintuan ng palasyo ng reyna.
"Nandito na tayo Lorena at Pawikana. Sa wakas, makikita mo na rin ang iyong ina," sabi ni Sihara.
"O, sige ano pang hinihintay natin mga friendster, pumasok na tayo, go, go, sago!" masayang sabi ni Pawikana.
"Hanggang dito na lang kami, Pawikana. Kailangan na naming bumalik sa aming kaharian. Baka nag-alala na si Prinsesa Manara sa amin," sabi ni Sihara na agad din namang sinang-ayunan ng tubig-dragon.
"Kung gano'n, maraming salamat mga kaibigan sa inyong pagtulong," sabat ni Lorena.
"Hanggang sa muli," magkasabay na sabi nina Sihara at Dracono at agad ding lumipad nang mabilis hanggang sa sila'y tuluyan nang makalayo.
Kabanata VII
Dumapo sa ibabaw ng k'weba ni Oktupoda ang dragon. Gamit ang kapangyarihan, ginamot ni Lawudra ang kanyang alaga. Nang gumaling na ito, pumunta s'ya sa baybayin. Nagwika ng orasyon, biglang umihip ang hangin at gumalaw ang tubig.
"Haraya. Haraya. Dinggin mo ang aking sinasabi. Haraya."
Biglang umihip ang malakas na hangin sa kinaroroonan ni Haraya sa daigdig ng mga tao at narinig n'ya ang ibinubulong ng hangin.
"Prinsesa Lawudra. Ano'ng kailangan mo?"
"Maglakad ka sa tabing-dagat para makita mo ako."
"Masusunod, prinsesa." Tinungo ni Haraya ang dagat at nakita nila ang isa't isa sa tubig.
"Bakit mo hinayaang makabalik ang batang sirena sa karagatan?"
"Ipagpaumanhin n'yo mahal na prinsesa. Pero wala akong kapangyarihan na pigilan ang batang sirena kasi sa palagay ko ay may tumutulong sa kanya."
"Ang pawikan."
"Si Pawikana? S'ya ang tumutulong sa bata?"
"Oo."
"Pero kailanman ay hindi ko siya nakita."
"Ginamit n'ya ang kapangyarihang magpakita't maglaho."
"Ha? May ganoong kapangyarihan si Pawikana. Matagal na kaming magkaibigan n'yan pero ni isang beses ay hindi n'ya ginamit ang kapangyarihang sinasabi mo."
"Sa palagay ko'y may kinalaman si Karuno rito."
"Baka nga."
"Haraya. Napapanahon na ang iyong pagbabalik sa karagatan. Ilapit mo ang iyong mga paa sa tubig."
"Pero mahal na prinsesa, ang aking anak."
"Alam mo at alam ko na hindi mo s'ya anak. Ampon mo lang ang batang 'yan. Anak iyan ng kinakasama mong namatay."
"Pero napalapit na ako sa bata. Hindi ba pwedeng isama ko s'ya?"
"Saka na 'yan. Gawin mo na ang inuutos ko."
Sinunod ni Haraya ang inutos ni Lawudra. Nang mabasa ng tubig ang kanyang binti ay biglang lumitaw ang mahiwagang kabibe mula sa tubig. Kinuha n'ya ito at kinuskos sa kanyang mga paa at nagiging buntot ito.
"Lumusong ka na, dalhin ang kabibe at hihintayin kita rito sa kuweba ni Oktupoda."
Tumango si Haraya at sa isang pilantik ng kanyang buntot ay unti-unti na s'yang nawala sa paningin ng mga matang kanina pa nagmamasid sa kanila. Tinungo n'ya ang kaharian kung saan naroon si Lawudra. Malayo-layo rin ang kanyang nilangoy bago narating ang nasabing kuweba. Gumagapang s'yang pumasok sa madilim na lugar.
"Maligayang pagdating, Haraya."
Nagulat pa si Haraya nang makitang nakatayo si Lawudra gamit ang buntot. Manghang-mangha s'ya na binabalot ito ng tubig.
"Anong kapangyarihan mayroon ka at nagawa mo ang bagay na iyan?"
"Haraya, ito na ang uso ngayon sa mga sireno at sirena. Ang mga matatalinong lumba-lumba sa kaharian ng Lumbanya ay nakaimbento ng likido na kayang magpatayo ng mga sirena gamit ang kanilang buntot. Maraming perlas ang ibinayad namin sa kanila para bentahan kami ni Oktupoda."
"Kahanga-hanga!"
"Siyang tunay!"
"P'wede mo ba akong bigyan ng likido?"
"Oo naman." Tinawag ang isang syokoy. Tinungo nito ang isang silid at pagbalik nito, bitbit na ang kabibeng may likido."
"Narito na po, mahal na prinsesa," sabi ng syokoy at tinanggap naman ito ni Lawudra.
"Haraya inumin mo ang itim na likido." Yumuko si Lawudra at inabot naman nito ang kabibe na naglalaman nito sa nakagapang na sirena. Maya-maya lang ay biglang nararamdaman ni Haraya ang puwersa sa kanyang buntot at napatayo ito. Tuwang-tuwa s'ya na binabalot ng mahiwagang tubig na kulay itim ang kanyang buntot.
"Kahanga-hanga, mahal na prinsesa."
Napangisi si Lawudra. Nagkuwentuhan sila nang matagal nang biglang dumating si Oktupoda.
"Anong kasiyahan mayroon dito?"
"Kamahalan," sagot nina Lawudra at Haraya. Napayuko sila sa reyna ng dilim.
"Sino ang sirenang 'yan, Lawudra?"
"Kamahalan, siya si Haraya. Isa sa aking tapat na alagad."
"Tapat na alagad? Anong silbi mayroon siya sa iyo?"
"Haraya, magpakitang gilas ka sa Kamahalan." Sinunod ni Haraya ang utos ng prinsesa. Pinaikot-ikot n'ya ang kanyang ulo at ginaya ang wangis ng reyna ng dilim. Halos lumuwa ang dalawang mata nito sa pagkagulat.
"Kahanga-hanga. Nakaya mo akong gayahin?" Napangisi si Oktupoda.
Pinaikot-ikot muli ni Haraya ang kanyang ulo at ginaya naman ang wangis ng reyna ng Dagatlaot na si Landaya. Tumawa nang malakas si Oktupoda habang napapangiti lang si Lawudra.
"Magaling na magaling bagong kaanib! Magbigay pugay tayo sa reyna ng Dagatlaot." Tonong pangungutya na sinabayan nang malulutong na halakhak ang pinakawalan n'ya.
Nagbalik si Haraya sa kanyang totoong wangis. Napangiti ito nang makitang naligayahan ang reyna.
"Kamahalan, siya ang nagnakaw ng bunsong anak ni Landaya at dinala niya sa daigdig ng mga mortal."
"Talaga? Balita ko'y halos mabaliw si Landaya nang mangyari iyon? Paano n'ya iyon nagawa?"
"Ginaya n'ya ang wangis ni Landaya, ibinigay sa akin ang bata upang aking maisumpa at pinadala ko sa kanya sa mundo ng mga mortal."
"Kahanga-hanga. Ngunit paano mo nakuha ang kapangyarihang magbalat-kayo? Sino ang nagbigay ng kapangyarihang ito?"
"Kamahalan, isang sinaunang lumba-lumba ang nagbasbas sa akin nang minsan ko siyang mailigtas sa lambat ng mga mangingisda. BIlang gantimpala, ay binasbasan n'ya ako."
"Kaya pala. Binabati kita sa iyong natatanging kakayahan. Halika, samahan mo kami ni Lawudra. Magkaroon tayo ng munting salu-salo.
Tumango naman si Haraya at sinundan sa loob ng bahagi ng kuweba ang mga panginoon.
Kabanata VIII
Mag-uumaga na nang magising si Sarina sa kanyang mahimbing na pagtulog. Masyado s'yang napagod sa laban nila ni Lawudra. Bumangon s'ya at naupo sa gilid ng kanyang kama nang may mapansing lamang-dagat na gumagapang papunta sa kanya. Napangiti s'ya.
"Maraming salamat, kaibigan sa iyong tulong kanina." Kung hindi dahil sa iyo ay hindi ako magtatagumpay sa aking laban."
Gumapang papalapit ang puting ahas. Pinaikot-ikot nito ang kanyang ulo hanggang sa magkaroon ito ng katawan ng tao, ulo at mga paa. Nagbagong anyo ito bilang isang babaeng ahas. "Walang anuman, kaibigang prinsesa."
Nagyakap ang dalawa. "Ikinagagalak ko na makitang muli ang iyong anyo, Soraya."
"Ako rin Sarina."
"Salamat muli sa iyong ginawa. Kung hindi dahil sa iyo ay hindi ako magtatagumpay sa aking laban."
Napangiti ito. "Ang tagumpay ng aking kaibigan ay tagumpay ko rin. Nga pala, maraming salamat din sa iyong ipinadalang pagkain."
"Walang anuman."
"Naparito ako para ibalita sa iyo ang bulung-bulungan ng mga lamang-dagat."
"Ang ano kaibigan?"
"Pinagaling ni Oktupoda si Lawudra mula sa mga kagat namin. At nagsasanib puwersa sila kasama ang taksil na si Haraya."
"Nandito na ang taksil?"
"Ayon sa ibinalita sa akin ng aking mga anak na ahas, napag-alaman nila mula sa mga isda na kakarating lang ni Haraya sa kaharian ng reyna ng dilim.
"At saan naman siya nanggaling?"
"Namumuhay ito sa mundo ng mga mortal."
"At doon n'ya itinakas ang aking kapatid? Bruha!"
"Buhay ang munting prinsesa?" Hindi makapaniwala si Soraya sa ipinagtapat ng prinsesa.
"Siyang tunay, kaibigan. Ayon kay Karuno, ligtas ang aking kapatid."
"Mahabaging Neptuna. Salamat sa d'yosa at ginagabayan n'ya ang munting sirena."
"Pinilit kong gunitain ang alaala ng aking kapatid pero hindi ko magawa. Hindi ko alam kung anong wangis mayroon s'ya ngayon."
"Binura ng iyong ina ang iyong alaala sa kanya. Pinakiusapan niya rin ako na ilihim ito sa iyo. Patawad aking kaibigan."
"Wala kang kasalanan kaibigan. Sinunod mo lang ang utos ng Inang Reyna."
"Salamat prinsesa sa pang-unawa. Kung may magagawa lang sana ako."
Sasagot pa sana si Sarina nang may marinig s'yang mahihinang katok sa pintuan. Agad namang bumalik sa pagiging ahas si Soraya at nagkubli sa ilalim ng kama. Tinungo ni Sarina ang pintuan at nagtanong bago binuksan ang pintuan.
""Sino iyan?"
"Hindi mo ba nakikilala ang mga katok ko, mahal ko?
Napangiti ang dalaga. "Ikaw pala, mahal ko. Pasok ka."
Bumalik sa kanyang kama si Sarina at umupo sa may gilid nito. Sinundan naman siya ng makisig na sireno.
"Mahal ko, binabati kita, sa iyong tagumpay at pagkapanalo mo sa iyong laban kay Lawudra. Kahanga-hanga ang iyong ginawa."
"Maraming salamat, mahal ko." Tumayo si Sarina at tinungo ang balkonahe sa kanyang silid. Sinundan s'ya ng binata at niyakap mula sa likuran. Hinalikan ang kanyang batok at napapikit sa kaginhawaang nadarama.
"Tila may bumabagabag sa iyo, mahal ko. Maaari ko bang malaman?"
"Wala ito, mahal ko."
"Hindi ka magaling magsinungaling. Sige na, baka may maitutulong ako sa 'yo."
"Inaalala ko lang ang aking kapatid."
"Bakit mahal ko, naalala mo ba ang kanyang diwa?"
"Hindi siya patay, mahal ko. Buhay siya."
"Totoo ba ang iyong winika?" Nagulat ang binata.
"Oo, mahal ko."
"Kanino nanggaling ang balitang iyan, mahal ko?"
"Kay Karuno."
Napatango ang binata. "Ano ba ang gusto mong mangyari ngayon?"
"Gusto kong alamin ang nangyayari sa kanya."
"Hindi mo ba p'wedeng gamitin ang traydon?"
"Hindi ko alam ang orasyon. Si ina lang ang may alam niyan."
"Ganoon ba. "May kinuha sa kanyang bag ang binatang sireno na nakatali sa kanyang beywang. Kinuha ang bagay na parihaba ang sukat at may kinontak. Napakunot-noo ang prinsesa nang makita ang bagay na iyon. Bago iyon sa kanyang paningin.
"Halika na. May pupuntahan tayo, mahal ko."
"Saan naman tayo pupunta?"At anong bagay 'iyan?"
Napangiti ang lalaki. "Bagong kagamitan, mahal ko, para makontak mo ang isang sireno o sirena na gusto mong kausapin. Gamit ito, hindi na ako mag-aaksaya ng panahon na pupuntahan ang nilalang kung wala naman s'ya sa lugar na iyon. Isang pindot lang, malalaman mo agad ang impormasyon."
"Kahanga-hanga. Bagong imbensyon ba iyan ng mga lumba-lumba?"
Tumango ang binata. "Kalalabas lang nito sa kanilang pamilihan. Mga piling mayayamang sireno at sirena lang ang binentahan nito. Sobrang napakadaming perlas ang ibinayad ko sa punong mangangalakal ng Lumbanya para magkaroon lang nito. Halika na, mahal ko, may pupuntahan tayo para makatulong sa problema mo." Magkahawak-kamay na lumabas ng silid ang magkasintahan habang si Soraya ay nakatingin sa papaalis na mga kaibigan.