Chereads / Sina Lorena, Pawikana at ang Kaharian ng mga Sirena / Chapter 3 - Sina Lorena at Pawikana ...

Chapter 3 - Sina Lorena at Pawikana ...

Kabanata III

Malubhang nasugatan at nanghina si Lawudra sa pag-atake ng mga ahas ni Sarina. Nagpasalamat s'ya sa kanyang panginoon at may natira pa s'yang lakas at kapangyarihan para magtungo sa kaharian ni Oktupoda, ang kanyang matalik na kaibigan. Ito ang kaisa-isang nilalang sa dagat na nagtiwala at kumalinga sa kanya nang talikuran s'ya ng lahat ng nilalang sa Dagatlaot.

"Lawudra!" gulat na gulat na sabi ni Oktupoda. "Anong nangyari sa 'yo?" Hindi lang s'ya ang nagulat pati na rin ang mga syokoy n'yang alagad. Halos maluwa ang mga mata nila sa pagkagulat.

"Pakiusap, Kamahalan gamutin mo muna ako, bago ko sagutin ang tanong mo," sagot ni Lawudra at nawalan ng malay.

"Mga alagad, dalhin s'ya sa akin." Sinunod ng mga syokoy ang utos ng kanilang reyna at binuhat ang walang malay na sirena.

"Marami s'yang sugat, Kamahalan. Sugat ng mga ahas," sabi ng isang syokoy.

"Mga ahas? Hindi ba at ako ang reyna ng mga tubig-ahas? Paanong nangyari 'yan eh alam ng mga alagad ko na kakampi natin ang sirenang 'yan? Ipatawag si Valasa at ang kanyang mga kauri." Sinunod ng isang syokoy ang utos nya at sa ilang saglit lang dumating si Valasa, ang itim na ahas at ang mga kauri nito na gumagapang. Nakita nila ang sinapit nang nakahandusay na bisita. Ginamot muna ni Oktupoda ang sirena gamit ang kapangyarihan ng tungkod na may bungo ng sireno sa dulo nito. Mga ilang minuto lang ay nagkamalay na at nawala ang mga sugat sa katawan ng sirena.

"Valasa, anong klaseng mga ahas ang kumagat kay Lawudra? Hindi ba sila nabibilang sa iyong hanay?"

Gumapang si Valasa tungo sa kanyang reyna at pinaikot-ikot ang kanyang ulo. Saksi ang mga naroon sa pagbabagong anyo nito, ang pagkakaroon ng ulo kagaya ng sa tao, katawan, mga paa ngunit ang balat ay sa ahas. Naging ganap na babaeng ahas s'ya at saka tumayo. "Kamahalan, hindi po. Ang kumagat sa sirena ay ang mga puting ahas na nasa pangangalaga ng anak ng reyna ng Dagatlaot," sagot ng babaeng ahas sabay labas ng kanyang mahabang dila.

"Paanong nangyari 'yan na may mga ahas na hindi natin kakampi?"

"Noong unang panahon na maganda pa ang relasyon namin sa reyna ng Dagatlaot ay binigyan ko s'ya ng puting ahas tanda ng aking pakikipag-alyansa. Sa pagkakaalam ko, iniregalo naman ito ng reyna sa kanyang anak noong unang kaarawan pa lang ng prinsesa. Mula noon binabantayan na ng ahas ang batang sirena at nagkaroon ng magandang relasyon ang dalawa hanggang sa sila'y lumaki. Dahil sa mabuting pangangalaga ng prinsesa, dumami ang mga puting ahas."

"Dahil sa 'yo naman nanggaling ang mga ahas na 'yan, hindi mo ba p'wedeng kausapin o diktahan sila na makipag-alyansa sa atin?"

"Sa tingin ko ay hindi. Mahihirapan akong kumbinsihin sila lalo pa't inalagaan sila ng prinsesa nang mabuti. Pinakain nang husto at sinabihan na kalaban nila ang mga itim na ahas kagaya namin."

"Kung gayon, makakaalis ka na Valasa at ipagpatuloy mo ang iyong pagmamatyag."

"Salamat, Kamahalan. Aalis na kami." Bumalik sa pagiging ahas si Valasa at gumapang palabas ng kweba, ang nagsisilbing kaharian ni Oktupoda, kasama ang mga kauri nito.

"Lawudra."

"Kamahalan."

"Isalaysay mo ang pangyayari."

"Naglaban kami ni Sarina. Pinatamaan ko s'ya ng mga malalaking bato sa isla at gumanti s'ya sa akin. Pinakagat n'ya ako sa daan-daang mga ahas n'ya."

"Bakit kayo nagsugapaan ni Sarina?"

"Ipinaghiganti n'ya ang kanyang ina na nilason ko sa mismong kaarawan n'ya."

"Magaling, magaling Lawudra! Pinasaya mo ako sa iyong sinabi. Kung gayon ay walang malay ang reyna ng Dagatlaot at nakahiga lang sa kanyang kama buong araw. Napakabisa ng lason na iyong ginamit at walang nagawa ang pinuno ng mga pantas at mga doktor na sireno at sirena."

"S'yang tunay, Kamahalan."

"Dahil d'yan ay gagantimpalaan kita." Itinaas ang kanyang tungkod at lumabas ang itim na liwanag at bumalot sa katawan ni Lawudra. Naginginig pa ang sirena sa ginawa ng reyna ng dilim.

"Dinagdagan kita ng kapangyarihan. Taglay mo ang lakas ng isang daang pating at kailanman hindi na tatalab sa 'yo ang kagat ng mga puting ahas. Wala ng panama sa 'yo ngayon ang prinsesa.

Biglang nagkakulay itim ang mga mata ni Lawudra. Naging mabagsik ang kanyang mukha. "Maraming salamat, Kamahalan."

"Halika, samahan mo ako at magdiwang tayo sa iyong ginawa."

Dumadagundong na halakhak ang maririnig sa buong kweba. Masayang-masaya ang magkaibigan sa nangyari sa reyna ng Dagatlaot.

Hating-gabi na nang matapos ang kasiyahan. Agad na nagpahinga si Lawudra sa kanyang silid. Napakalaking kweba ang nagsisilbing kaharian ni Oktupoda. Marami itong silid. Punung-puno rin ng hiwaga ang mga ito.

Sa kanyang mahimbing na pagtulog ay napaginipan n'ya ang kanyang kabataan. Masayang-masaya s'ya kasama ang isang batang sirena, ang kanyang kapatid na si Landaya. Naghaharutan sa ilalim ng tubig, namamasyal sa buong kaharian, sabay na natutulog at nag-aaral sa Akademya hanggang sa sila'y nagdadalaga. Tuwang-tuwa rin ang sinaunang hari at reyna sa dalawa. Kambal-tuko kung sila'y tawagin kasi walang sandali na hindi sila magkasama. Likas s'yang mabait. Minsan sa kanyang kabataan ay tinulungan niya ang isang electric eel na naipit sa malaking bato. Nagbibigay ng masasarap na pagkain sa ibang mga batang sirena. Nagbibigay ng mga palamuti sa mga kapos palad n'yang kauri. Sa lahat ng mga gawaing n'yan, kasa-kasama n'ya si Landaya. Nagbago ang lahat nang umibig si Lawudra sa isang lalaking mortal. May malaki itong sasakyan at nanghuhuli ng isda. Tinulungan n'ya ito na magkaroon ng maraming huli. Palihim s'yang lumalabas sa palasyo at nakipagkita rito hanggang sa sila'y nagkakamabutihan.

"Mahal ko, salamat at dumating ka na. Sabik na sabik akong mayakap ka," ang sabi ng mortal. Nakaupo ito sa isang malaking bato malapit sa dalampasigan.

"Oo, Mahal kong Marco. Narito na ako," sabi ng prinsesa at niyakap ang lalaki. "Hindi ko matiis na hindi kita makita kahit isang araw lang. Kumikirot ang aking puso sa sandaling tayo'y maghiwalay. Walang sandali na hindi kita iniisip."

"Gayundin ako, Mahal ko. Mahal na mahal kita. Ikaw lang ang tinitibok nitong puso." Kinuha niya ang kanang kamay ng prinsesa at inilagay sa kanyang kaliwang dibdib. "Damhin mo ang tibok ng aking puso. Ikaw ang sinisigaw n'yan."

Niyakap s'ya ng prinsesa. "Hanggang kailan tayo ganito mahal ko?"

"Wala bang paraan na magkaroon ka ng mga paa para makapamuhay tayo ng normal sa aking mundo?"

"Sa pagkakaalam ko ay mayroon. Ngunit, imposibleng makuha ko iyon kasi itinago ng aking ama ang mahiwagang kabibe para sa pagbabagong anyo."

"Sadyang mapaglaro ang tadhana. Dalawang magkaibang mundo ang nagmahahalan. Kay dami-daming magagandang babae sa aming lugar ngunit sa iyo ako umiibig. Maraming nagugustuhan pero ni isa walang nagpapatibok ng aking pihikang puso." Hinaplus-haplos n'ya ang buhok ng prinsesa.

"Matalinghaga ang iyong pananalita, mahal ko. Ako rin, maraming mga makikisig na mga lalaking sireno sa aming kaharian ngunit binihag mo ang aking puso unang araw pa lang nang masilayan ko ang napakaguwapong mukha sa gitna ng karagatan."

"Talaga, guwapo ako?"

"Oo, mahal ko."

"Sige nga kung gwapo ako, titigan mo ako ng isang minuto."

Tinitigan ng prinsesa ang nobyo nang matagal. "Mahal kita."

"Mahal na mahal din kita."

Matagal na nagtitigan at magkayakap ang mag-nobyo. Hanggang sa nagkaroon ng ingay ang tubig, tanda ng may paparating.

"May kalaban, mahal ko. Maghanda ka."

Lumingon ang binata. Bahagya itong natawa nang ang napagkamalang kalaban ng kasintahan ay ang mga barkada n'yang lalaki. Walang damit pang itaas ang mga bagong dating. Bakat na bakat ang mga masel nito sa katawan. Nahihiyang nakatingin ang prinsesa.

"Musta lovebirds?" sabi ng isa.

"H'wag kang mahiya sa amin prinsesa. Kaibigan kami ng nobyo mo," sabi naman ng pangalawang lalaki.

"Oo nga ligtas ang inyong sikreto sa amin. Si Marco pa, malakas 'yan sa amin," sabi ng pangatlo. "Marami bang magagandang kagaya mo sa iyong mundo?"

Tumango ang prinsesa.

"Ipakilala mo naman kami."

"Mga maniac!" pagpuputol ni Marco. Maligo na nga kayo." Umalis ang mga kaibigang lalaki ni Marco na nagtatawanan ilang metro ang layo sa kanila at masayang nagtatampisaw sa dagat.

Tiningnan ng sirena ang mga papalayong lalaki. "Ang saya-saya nila. Malaya nilang gawin ang kanilang nais. Mahal?"

"Bakit, mahal ko?"

"Gusto mo bang mamasyal sa ilalim ng dagat?"

"Oo ba. Basta kasama kita, kahit saan mo ako dalhin ay sasama ako sa 'yo."

May kinuhang halamang-dagat ang sirena at ibinigay sa nobyo.

"Ano 'to mahal ko?"

"Kainin mo iyan para makahinga ka nang matagal sa ilalim ng dagat."

Kinain ng binata ang ibinigay ng sirena. Magkahawak-kamay silang lumusong sa dagat. Namangha ang binata sa kariktan ng karagatan. Hindi n'ya sukat akalain na may natatanging ganda rito. Habang namamasyal binabati sila ng iba't ibang isda, alimango, sugpo at mababait na dikya na kanilang nasasalubong. Tuwang-tuwa ang binata. Hanggang sa sila'y napunta sa isang bahagi ng karagatan na may tumutubong halaman na hitik na hitik sa mga nagkikislapang bunga.

"Wow, ang gaganda naman nito? P'wede bang kainin 'to?"

"Oo, naman mahal ko." Lumapit ang sirena sa halaman at pumitas ng isang bunga. Kainin mo."

Tinanggap ng binata ang binigay ng sirena, kinain, ninamnam ito, tapos sabi. "Masarap."

Tuwang-tuwa ang sirena sa narinig. Tinakpan pa ang bibig.

"Anong nakakatawa, mahal ko?"

"Ang boses mo nagbago. Lalo pa itong naging kaaya-aya sa aking pandinig. Subukan mong umawit, mahal ko."

"Ha? Hindi ako marunong kumanta, mahal ko."

"Basta, subukan mo lang, mahal ko."

Napa-isip ang binata kung anong magandang awitin ang nais ihandog sa nobya. Inawit n'ya ang "Basta't Kasama Kita ng isang sikat na mang-aawit sa mundo ng mga tao. Nasorpresa s'ya sa kanyang sarili. Hindi n'ya sukat akalain na kaya n'ya palang umawit. "Pambihira!"

"Napakahusay, mahal ko. Napakagandang awitin. Tagos sa kaibuturan ng aking puso ang mensahe ng awit. Anong pamagat mayroon ang awit na iyan, mahal ko?"

"Basta't Kasama Kita, mahal ko. Napakaganda talaga ng awiting ito. Lahat magagawa natin basta nagmamahalan tayo. Walang makakahadlang sa ating pag-iibigan."

"Siyang tunay, mahal ko." Napayakap sa isa't isa ang magkasintahan.

"Anong klaseng prutas ba ito at ako'y biglang nagkaroon ng kakayahang kumanta?"

"Prutas ng halamanderya. Isang kakaibang halaman na nagbubunga ng mga bilog na prutas na may kapangyarihang baguhin ang iyong boses, pisikal na anyo, at kahit ang magbalat-kayo."

"Totoo, mahal ko? Pambihira. Sana'y may ganito sa aming daig…." Biglang napahinto ang binata sa kanyang sasabihin. "May paparating, mahal ko.

Napalingon ang sirena. "Dito ka lang sa likod ko, mahal ko. Akong bahala sa 'yo."

"Anong kapangahasan itong nagawa mo sirena?" Nanlilisik ang mga mata ng bagong dating. Lalo pang lumuwa ang mga ito nang makita n'yang may kakaibang nilalang na kasama ang sirena.

"Sino ka?"

"Aba, aba hindi mo ako nakikilala." Nakataas ang kilay nito habang pumipilantik ang buntot at mga kamay nito.

"Tatanungin ko ba kung kilala kita?''

"Aba, aba, medyo mataray ha. Gusto ko 'yan. Lumalaban. Anong ginagawa mo rito sa pasyalan ko?"

"Pasyalan mo? Sa pagkakaalam ko, ang lugar na ito ay sadyang malaya. Walang sinumang nilalang sa dagat ang nagmamay-ari rito."

"Ako ang nagtanim ng halamang 'yan daang taon na ang nakalipas. At hindi p'wedeng kainin ang mga bungang iyan ng walang pahintulot mula sa akin."

"Pasens'ya kana kung ganoon. Hindi ko alam na sa iyo pala ang halamang 'yan. Sa pagkakaalam ko, walang nagmamay-ari sa lugar na ito kasama kung anumang mayroon dito. Ako nga pala si Lawudra, ang prinsesa ng Dagatlaot." Biglang huminahon ang boses ng dalaga.

"Oh my gosh! Prinsesa ka rin? Well, Ako naman si Prinsesa Merfara, ang napakagandang prinsesa ng mga engkanrena, kalahating engkantada, kalahating sirena."

"Ikinagagalak kong makilala ka, Prinsesa Merfara."

"Ganoon din ako Prinsesa Lawudra. At sinuman ang nilalang na kasama mo? Napakaguwapong syokoy."

Pautal-utal na sumagot ang sirena. Nakatingin lang ang binata habang nag-uusap ang dalawa. Napangisi ang engkanrina. Lumapit ito sa binata. Ipinikit ang mga mata at inamoy ito.

"Oh my gosh! Kapangahasan! Hindi s'ya lamang-dagat. Hindi s'ya tagarito."

"Isa akong mortal," sabat ng binata.

"Sabi ko na nga ba, at hindi ka malansa. Kaya pala, dahil isa kang mortal." Tumingin ito kay Lawudra. "Malandi ka, nakikipagrelasyon ka sa isang mortal?"

"Sssshh. Tumahimik ka. Baka marinig tayo ng mga isda at ng ibang lamang dagat."

"Oh my gosh. May kapalit ang aking katahimikan."

Naabot ng dalaga ang ibig sabihin ng kausap. Hinubad n'ya ang suot na kuwintas at ibinigay ito sa engkanrina.

"Oh my gosh. Ang ganda. Perfect! Love it!"

"Ayan, ibinigay ko na ang aking kuwintas kapalit ng iyong katahimikan."

"Well, nakaugalian ko na ang pagsagawa ng dalawang bagay. Una ang paghingi ng magagandang gamit at pangalawa kailangan mo akong labanan sa isang pagsubok para ilihim ko ang inyong relasyon."

"Hindi kita uurungan. Simulan na ang laban." Tumingin siya sa binata at nagwika. "Mahal ko, tumabi ka muna." Sumagot naman ito ng, "Ingat, mahal ko."

"Oh my gosh, hindi tayo maglalaban ng lakas at kapangyarihan. Hinahamon kita sa isang sabayang paglangoy.

Napangiti ang sirena. May angkin s'yang kahusayan sa paglangoy na tila sumasayaw. May naisip s'yang gagawin kasama ang binata. "Mauna ka, Merfara."

Sumunod kayo sa akin. Gagawin natin 'to sa isang isla malapit dito. Sinundan ng sirena at ng binata ang enkanrina. Ilang saglit lang ay narrating nila ang abandonadong isla na may naglalakihang mga bato at napapalibutan ito ng malinaw na kulay asul na tubig.

Naunang nagpakitang gilas ang engkanrina. Gamit ang kanyang mahika, umangat ito sa tubig, lumabas ang mga pakpak, lumipad sa ibabaw ng tubig at sa kumpas ng kanyang magic wand, ay lumabas ang mga apat na kauri n'ya. Kinumpas uli ang kanyang magic wand at isang napakandang musika ang kanyang pinatugtog. Bumalik s'ya sa tubig kasama ang mga nilalang na likha ng kanyang mahika at nagsimulang sumayaw. Well-coordinated ang mga galaw ng buntot, ng mga kamay at ng mga ulo. Napakagandang routine ang kanilang ipinamalas. Nagpalakpakan sina Lawudra at ang binata.

"Kayo naman, lovers! Ito ang musikang bagay sa inyo."

Magkahawak-kamay ang dalagang sirena at ang binata. Hinalikan n'ya muna ng banayad ang mga labi ng binata bago nagsimulang gawin ang kanyang routine. "Kaya natin ito. Pagmasdan at sundan mo lang ang indayog ng aking katawan," wika ng sirena. Tumango ang binata bilang tugon. Lumayo s'ya ng bahagya rito. Nagsimulang umikot-ikot ang kanyang buntot sa saliw ng musika. Kinukumpas-kumpas ang kanyang mga kamay at pinapalapit ang binata. Lumapit naman ito at hinawakan ang beywang ng kasintahan. Ang kamay ng sirena ay nasa balikat ng binata at nagsimula silang sumayaw. Kay gandang pagmasdan na paikot-ikot ang kanilang mga katawan habang hawak-hawak ang mga katawan at mga kamay. Umangat sila sa tubig at sabayang lumusong. Mga paa ng binata at buntot ng sirena ang makikita mo sa ibabaw na gumagalaw-galaw nang sabay. Marami pang tricks at estilo ang ginawa ng magkasintahan na nagpamangha sa engkanrina.

"Napakahusay lovefish! Pinahanga n'yo ako. Sa aking paniniwala, kayo ang nagwagi sa ating paligsahan. Hindi ba girls?" sabay tingin sa mga kauri nito. "And now, your secret is safe with me. 'Bye lovefish. Bigla itong lumipad kasama ang kanyang mga kauri. Naiwang masaya ang magkasintahan sa pagkapanalo.

"Uwi na tayo, mahal ko. Mukhang napagod ako sa ating ginawa, "ang sabi ng binata.

"Ikaw ang masusunod, mahal ko."

Magkahawak-kamay nilang tinungo ang lugar pauwi. Dapit-hapon na nang marating nila ang dalampasigan.

"Hanggang sa muli nating pagkikita bukas," mahal ko. Hinalikan ng binata sa pisngi ang sirena. Yumakap naman ito nang mahigpit sa kanya.

"Paalam, mahal ko." Lumusong na sa dagat ang sirena at kumaway-kaway sa binata.

Halos araw-araw ginagawa ito ng magkasintahan. Isang araw sinundan s'ya ni Landaya at nasaksihan ang pakikipagmabutihan sa mortal. Pinagsabihan s'ya rito na bawal umibig sa isang mortal pero hindi s'ya nakinig. Isusumpa s'ya ng hari at reyna at nang buong sangkaisdaan, palalayasin sa kaharian at mamumuhay sa pinakailalim ng karagatan na walang mga nilalang ang naninirahan.

"Kapatid ko, iwanan mo na ang lalaking 'yan bago pa matuklasan ng Amang Hari ang inyong relasyon."

"Hindi p'wede, kapatid ko, mahal na mahal ko si Marco. Ikamamatay ko kung mawawala s'ya sa piling ko."

"Pero alam mo ang batas natin. Hindi tayo p'wedeng umibig sa mortal."

"Hindi mo naman ako isusuplong, 'di ba?"

"Alam mong kataksilan kay Amang Hari ang paglihim ko sa aking nalalaman. May mabigat ding parusa ang naghihintay sa akin."

"Magkasanggang-dikit tayo mula pagkabata. Marami tayong pinagsamahang dalawa higit kina Ama at Ina. Pakiusap, ilihim natin ito." Niyakap bigla ni Lawudra ang kanyang kapatid na mangiyak-iyak. Tumango si Landaya bilang tugon.

Nagpatuloy ang relasyon ng dalawa hanggang sa dumating ang panahon na kinumbinsi s'ya ng binata na mamumuhay sa kanyang mundo. Hinikayat n'ya rin ang dalagang sirena na kumuha ng maraming perlas nang sa gayon ay makapagsimula sila ng panibagong buhay. Magpapatayo sila ng malaking palasyo at ng isang malaking espasyo para sisidlan ng tubig-alat para mabuhay ang kasintahan sa kanyang daigdig. Nabulag sa kanyang pag-ibig ang sirena at ninakaw ang mga perlas sa isang silid sa palasyo hanggang sa mahuli s'ya ng hari at ni Landaya. Sinundan s'ya ng mga ito at nakita mismo ng hari na ibinigay n'ya ang mga ninakaw na mga perlas sa lalaking mortal. Galit na galit ang hari sa ginawa ng kanyang anak. Nagulat at napalingon si Lawudra at ang mortal nang biglang nagkaroon ng malaking alon sa di-kalayuan at nakita n'ya ang kanyang ama at si Landaya.

"Anong kalapastanganan ito, anak? Nagnakaw ka para sa mortal na 'yan!" Dumadagundong ang galit na boses ng hari.

"Ama, huminahon ka. Pakiusap," sabi ni Landaya.

"Sagutin mo ang tanong ko. Magpaliwanag ka!"

"Ama, patawad po. Hindi ko po sinasadya," sagot ni Lawudra

"Hindi sinasadya? Bakit may relasyon ba kayo ng mortal na 'yan? Sagot! Gusto kong mula sa 'yo manggagaling ang katotohanan."

"Wala po. Wala po kaming relasyon. Kaibigan ko lang po s'ya," pagsisinungaling n'ya. "Maniwala po kayo, Ama."

"Totoo ba ito Landaya?"

Nabigla si Landaya sa tanong ng kanyang ama. Natahimik s'ya. Hindi n'ya alam kung ano ang isasagot. Kung magsasabi ba s'ya ng katotohanan na s'yang ikapapahamak ng kanyang kapatid o magsisinungaling s'ya sa kanyang hari na kailaman ay hindi pa n'ya nagawa sa buong buhay n'ya.

"Landaya, tinatanong kita?"

Nakita ni Landaya ang galit sa mga mata ng hari at ayaw n'yang mapahamak s'ya rito. Sa kabilang dako, nakikita rin n'ya ang mga mata ng kanyang kapatid na puno ng takot at mga luha. Naguguluhan s'ya sa komprontasyong nagaganap. Tila s'ya pa ang nalagay sa alanganin.

"Patawad, kapatid ko, pero natatakot ako kay Ama. Madaling sabihin pero mahirap gawin." Tumingin sa kanyang Ama at nagwika. "Ama, ang totoo po may relasyon silang dalawa."

Nagalit ang hari sa kanyang narinig. Gamit ang kanyang daliri, pinagalaw ang tubig at pinilipit nito ang leeg ng mortal. Nahihirapang huminga ang lalaki. Sinaklolohan ito ni Lawudra dahil hindi n'ya kayang makitang nasasaktan ang kanyang mahal pero hinarangan s'ya ng hari. Unti-unting nalagutan ng hininga ang lalaki. Nagsisigaw si Lawudra habang nakatingin lang at walang nagawa si Landaya.

"O, ano masaya ka na, kapatid ko?"

"Patawad, kapatid ko."

"Kapatid? Kapatid ba ang tawag mo sa taong pinagtaksilan mo? Akala ko ba, magkasanggang-dikit tayo?"

"Patawad, nalagay ako sa alanganin."

"Ang sabihin mo, inggit ka lang dahil walang lalaking nagmamahal sa 'yo."

"Tahimik!" sigaw ng hari. "Ikaw, mag-uusap tayo sa palasyo at harapin mo ang konseho." Gamit ang kapangyarihang maglaho, narating ng hari at ng magkapatid ang palasyo sa ilang saglit lang.

"Ama, pakiusap. H'wag nating iparating ito sa konseho. Alam kong alam mo, Ama, na kahit magdesisyon pa ang konseho sa bagay na ito ay sa bandang huli, ang desisyon mo pa rin ang masusunod," pagsusumamo ni Landaya.

"Ang batas ay batas." Nang sinabi iyon ng hari ay s'ya naming pagpasok ng reyna sa silid.

"Anong nangyayari rito, mahal ko?" tanong ng reyna.

"Iyang magaling mong anak nahuli kong nagnakaw ng mga perlas at ibinigay sa kanyang karelasyon na mortal."

"Totoo ba ang winika ng iyong Ama, anak?" Tumango naman si Lawudra sa tanong ng kanyang Ina.

"Paano mo nagawa ito, anak? Alam mong mahigpit na ipinagbabawal sa ating batas ang makipagrelasyon sa mga mortal." Iyak lang ang naging tugon ni Lawudra sa tanong ng ina.

"Ihaharap kita sa konseho ngayon din para sila ang magdesisyon ng kaparusahan sa 'yo. Ikaw pa na anak ko ang inaasahan kong magpapatupad ng batas ay s'ya pang susuway nito. Isang kalapastanganan ang ginawa mo," galit pa ring sabi ng hari.

"Maghunos-dili ka mahal ko," pakiusap ng reyna sabay lapit sa kanyang pasaway na anak at pinagaan ang loob nito.

"Ang batas ay para sa lahat at kailangang ipatupad ito para magsilbing aral sa lahat." Dinala ng hari ang pasaway na anak at iniharap sa konseho na pinamumunuan ni Karuno, ang isang lifesize-seahorse. Inilahad ng hari ang naging kasalanan ng anak sa konseho.

"Mahal na Hari, ikinagugulat namin ang pangyayaring ito. At pinahanga mo kaming lahat dahil ikaw pa mismo ang nagdala sa iyong anak para iharap sa amin. Tunay ka ngang dakila. Pag-aaralan muna ng konseho ang kasong ito. Pansamantala, ilalagay muna sa piitan ang inyong anak mahal na hari at reyna." Yumuko ito bilang paggalang.

"Mga kawal, dalhin sa piitan ang anak ng hari." Kahit nagtataka, sinunod ng mga kawal ang sinabi ni Karuno. Panay pa rin ang iyak ng dalagang sirena habang nakatingin ang kanyang Inang Reyna na parang dinudurog ang puso nito sa papalayong anak.

Iniwan ng mahal na hari at ng reyna ang konseho habang nagpulung-pulong ang mga ito. Tinanong nila si Landaya, ang tanging saksi sa pangyayari. Isinalaysay naman ng prinsesa ang lahat. Masusing debatehan ang naganap. May nagbigay ng suhestiyon na ipatapon na lang ang pasaway na prinsesa sa Lumbanya, ang lugar ng mga lumba-lumba. May nagsabi rin na ikulong na lang ito nang habambuhay. Pero nagdesisyon ang karamihan ng miyembro sa konseho na patawan ito ng mabigat na parusa.

Kinaumagahan, nagtipon-tipon ang lahat ng mga sireno at sirena sa bulwagan. Sinuspende ang klase sa Academya at ng lahat ng gawain sa buong kaharian para saksihan ang pagpapataw ng parusa sa anak ng hari. Nakaupo sa kanilang trono ang hari, reyna at si Landaya. Sa harapan ng mga tao nakapuwesto ang nasasakdal. Nangingilid ang luha ng reyna habang pinagmamasdan ang anak.

"Narito ang lahat para sa isang hindi kaaya-ayang pagtipun-tipon upang masaksihan ninyo ang kaparusahan na ipapataw sa anak ng reyna at ng hari," wika ni Karuno.

Biglang nagbulung-bulungan ang mga sireno, sirena at ibang mga lamang-dagat. Nagtataka ang karamihan kung bakit paparusahan ang prinsesa. Pinatawag pa silang lahat, tiyak mabigat ang kasalanan ng prinsesa, ang nasaisip ng bawat isa sa kanila.

"Nakapagdesisyon na ang konseho. Pinapatawan ng parusang kamatayan ang mahal na prinsesa na si Lawudra sa salang pakikipagrelasyon sa mortal, pagnanakaw ng mga perlas at pagsisinungaling sa hari."

Nabigla ang lahat sa parusa maliban sa hari. Walang ekspresyon ang kanyang mukha. Lumuhod at nagmamakaawa ang reyna sa hari na baliin ang parusa gayundin si Landaya.

"Mahal ko, pakiusap. Dugo't laman mo ang nasasakdal. Baliin mo ang parusa ng konseho at patawan ng magaan na parusa ang iyong anak. Gawin mo ito hindi bilang hari kundi bilang isang ama. Nakikiusap ako sa 'yo, mahal ko."

Tumayo ang hari sa harapan ng bulwagan, kaharap ang kanyang nasasakupan.

"Ginagalang ko ang desisyon ng konseho. Bilang inyong hari, obligasyon ko na ipatupad ang batas. Ngunit aking napagtanto na masyadong mabigat ang kaparusahan na kamatayan. Bagkus, pinapatawan ko ng habambuhay na pagkakulong ang nasasakdal."

Nagyakap ang Inang Reyna at si Landaya sa desisyon ng hari. Tumalikod naman ang hari pagkatapos sabihin ang pasya. Inutusan ni Karuno na ibalik ang pasaway na prinsesa sa kulungan, ngunit nabigla ang lahat nang dumating ang isang electric eel at niligtas ang prinsesa. Kinuryente n'ya ang mga sundalo at nangingisay ang mga ito. Nabigla ang lahat sa pagdating ng lamang dagat. Agad na nagsisipag-alisan ang mga sireno at sirena para iligtas ang kanilang sarili. Sinugod naman ng mga kawal ang lamang dagat pero sadyang mabilis itong kumilos at itinakas si Lawudra.

"Maraming salamat sa iyong pagligtas, kaibigan," wika ni Lawudra. "Utang ko sa 'yo ang aking buhay."

"Tumanaw lang ako ng utang na loob mahal na prinsesa. Minsan mo rin akong niligtas," sagot ng lamang-dagat.

"Ha?!" pagtatakang tanong niya. Saan? Kailan?"

"Nakalimutan mo na ba na may niligtas kang maliit na lamang- dagat na kauri ko sa iyong kabataan?"

Sandaling nag-isip ang prinsesa. "Ay, oo nga. Ikaw na ba iyan? Ang laki mo na ah."

"Oo naman, ako na ito," magiliw n'yang sagot."

"Anong pangalan mo kaibigan?"

"Elya."

"At ako naman si…"

Pinutol ni Elya ang sinabi ng prinsesa. "Prinsesa Lawudra."

Naghagikhikan ang dalawa. "Paano mo nalaman ang pangalan ko?"

"Balita sa buong kaharian ang pagiging mabuti mo. Isa na ako sa natulungan mo."

Biglang nalungkot si Lawudra. Naalala n'ya ang kaharian. Ang Inang Reyna, ang hari at ang Academya pati na rin ang taksil n'yang kapatid. Napaiyak s'ya.

"Bakit ka umiiyak?"

"Naalala ko lang si Inang Reyna at ang kaharian. Paano na ako ngayon? Saan na ako pupunta? Tiyak akong tinutugis na tayo ng mga kawal ngayon."

"Tutulungan kita kaibigan. Hindi kita iiwan. May alam akong kaharian na p'wede nating tirhan. Sasama ka ba?"

Tumango lang ang prinsesa bilang tugon. Sinundan n'ya ang direksyong tinungo ng lamang-dagat.