"Jaden, si Klein!...."
sigaw sakin ni Ate Cath sa baba. Masakit pa ang katawan ko. Galing kaming Palawan ng buong team. Nakipaglaban para sa National tournament ng buong bansa. Isa akong napili duon kasama si Aron at iba pang nasa ibang sports.
"Jaden!.." hiyaw muli nya. Kaya bumaba na ako para hindi na ulit sya sumigaw. Nakakahiya sa mga kapitbahay. Tanghaling tapat. Nag-iingay.
"Asan ba kasi si Niko?.." sambit ko habang hinahanap ang kapatid kong hindi ko mahagilap ang anino. Nang nasa sala na ako nilapitan ko ang higaan ni Klein saka dinuyan. Limang buwang gulang na ang anak ni Ate. Ewan ko ba kung saang lupalop na naman nagpunta yung asawa nya. Nagsugal na naman siguro.
Matapos kasi nitong makapagtapos at makahanap ng trabaho. Nag-asawa na agad. Tapos ang lalaking napili nya pa ay sugarol Kaya ayun, tuwing umaga nalang hindi mo makita ang kahit na kahibla ng kanyang buhok sa bahay. Kung hindi lang talaga nabuntis si ate noon, baka matagal ko nang nasuntok yun. Pasalamat sya at naaawa lang ako sa kapatid ko.
"Asan na naman ba kasi asawa mo?." tanong ko sa kanyan ng lumabas sya galing ng banyo. Naglalaba ata sya dahil sa mga sabon sa kanyang mga braso at hita.
"Maghahanap daw ng trabaho.."
"Mabuti naisip nyang maghanap. O baka naman nagsugal na naman ate.." Hindi ko mapigilan ang sarkasmo sa akin. Lagi nalang. Tuwing umaalis. Idadahilan nyang maghanap ng trabaho. Tapos, gabi na kung umuwi. Lasing pa. Mukha syang walang pamilya na binubuhay. Malapit ko ng masuntok ang lintik na gagong yun. Maghintay lang sya. Maswerte pa sya dahil may pinagkakakitaan si ate. Dahil kung hinde, matagal na silang baon sa utang.
"Magtigil ka nga Jaden.. Naghahanap yun ng trabaho. Yun ang sinabi nya sakin.." inis nitong sabi. Dinungaw nya lang ang anak. Saka nagmartsa pabalik ng banyo.
Kung sana andito pa si kuya Mark. Hindi sana umabot sa ganito si Ate. Alam ko naman na may namagitan sa kanilang dalawa bago sila umalis patungong Australia. Madali ko iyong nahulaan dahil sa mga galaw nila. Minsan pa nga, dito natutulog si kuya Mark. Uuwi lang pag umaga na.
Hindi ko alam kung anong nangyari sa kanilang dalawa. Naghiwalay ba sila o walang closure na naganap?. Gusto ko yung itanong kay ate pero ramdam kong iniiwas nya akong banggitin sa kanya ang tungkol sa kanila. Kaya hindi na rin ako nagtangka pang muli. Baka mas lalo lang syang masaktan.
Masakit malaman na umalis ang taong mahal mo. Ako man, hindi ko inasahan na sa araw na yun, duon ko pa malalaman na gusto ko rin sya. Na mahal ko na ata sya. Noon, ramdam ko nang gusto nya ako. Kahit hindi nya pa sabihin mismo sa harapan ko. Halata kasi sya masyado. Kung makatitig, malalim. Hindi ko tuloy mawari kung hihinga ba ako ng normal o lulunok nalang. Laging may kaguluhan ang kanyang mga tingin. Isa pa, kung ngumiti sakin, kumikinang lagi ang singkitan nyang mata. Tuloy lalo syang gumaganda. Hindi ko iyon makakaila.