DEBORAH'S POV
Halos mabiyak na ang aking ulo sa kaiisip kung ano'ng nangyayari. Ang gulo. Hindi ko alam kung bakit may nagte-text sa amin na may nagnakaw ng draft ko sa essay gayong nakita rin ito sa mga gamit ko. Ang dami kong tanong ngunit parang ang hirap hanapan ng sagot.
"Sino ba kasi iyan? Totoo pa ba iyan o ginugulo na lang tayo?" reklamo ni Watt makaraang malaman nila na may nagpadala rin ng text message sa akin.
Nakita ko kung paano gumalaw ang panga ni Byeongyun. Kita sa hitsura niya na napipikon na siya.
"Hindi ko talaga alam na narito ang mga papel na pinagsulatan ko. Wala na akong matandaan," sabi ko saka sinimulang ayusin ang aking mga gamit na nakakalat sa lapag. Agad naman akong tinulungan ni Einon.
"Kahit ako ay naguguluhan na rin," sambit pa ni Einon saka niya iniabot sa akin ang aking bag.
"Ayaw ko na talaga ng gulo. Hangga't maaari, sana huwag na natin itong palakihin pa. Let's just drop this issue, okay?" sambit ko pero laking gulat ko na lamang nang biglang humangos palabas ng classroom si Byeongyun nang walang pasabi.
"Byeongyun!" tawag namin sa kaniya ngunit parang wala siyang narinig.
"Saan pupunta iyon?" nagtatakang sabi ni Watt.
"Hayaan mo," saway ni Einon nang tangkain itong sundan ni Watt. "Hindi mo siya mapipigilan."
Napabuntong-hininga na lamang ako habang iniimpis ang nagkalat kong notebook at mga papel.
Pagkatapos niyon ay halos buong araw na akong balisa. Hapon na at tapos na ang klase at ni isa sa amin ay hindi alam kung saan nagtungo si Byeongyun. Wala rin ang tatlo na sina Soobin, Selena at Wyn.
"Masama talaga ang pakiramdam ko. Baka may nangyari na sa apat na iyon. Sigurado ako na sila ang sinundan ni Byeongyun," sabi ni Watt habang naiiling.
"Hindi ninyo pa rin ba makontak?" tanong ko habang pinipilit na tawagan si Byeongyun. "Nasaan na kaya ang lalaking iyon?"
"Malaki na si Byeongyun. Kung nasaan man siya, alam kong ayos lang iyon," sabat ni Einon. "Huwag ka ng mag-alala masyado sa future mo."
Agad na kumunot ang aking noo dahil sa narinig ko. Tiningnan ko si Einon habang itinatago ko sa aking bulsa ang aking telepono.
"Ano, pre?" natatawang sabi ni Watt.
"Hoy, Einon! Ano kamo? Tama ba ang narinig ko? Future?" tanong ko. "Future ano? Future kaaway sa korte?"
Bahagyang tumawa si Einon bago niya ako tinitigan. Dahil doon ay bigla naman akong nakaramdam ng hiya nang maalala kong may gusto—nagkagusto nga pala sa akin si Einon.
Parehas kami umiwas ng tingin sa isa't isa. Pareho siguro kami ng naisip.
King ina.
"Bakit? Magle-level up pa ba ang pababangayan ninyo at aabot pa sa korte?" tanong ni Watt. "Saka mukha namang ayos na kayo ni Byeongyun... sandali. Ano'ng nangyari sa inyong dalawa?"
"Ha?" nauutal at sabay na tugon namin ni Einon kaya mas lalo lang naging hindi kumportable ang paligid. Umigting din ang hawak ko sa strap ng aking bag.
"Ano ba'ng sinasabi mo, Watt?" maang na tanong naman ni Einon saka ito inakbayan.
Ngumuso si Watt. Naliit din ang kaniyang mga mata habang panay ang tingin sa aming dalawa.
"May hindi ba ako alam? Bakit parang may naaamoy ako?" tanong pa niya kaya napakagat-labi ako. Napakamot naman si Einon sa kaniyang batok sabay sapok sa kaniyang kaibigan.
"Utot mo lang iyon."
"Hindi. Fishy e," giit pa ni Watt.
"Ikaw lang iyon. Ikaw lang naman ang amoy malansa dito e."
Inamabahan ng suntok ni Watt si Einon sabay sabing, "King ina!"
Agad namang nasalag ni Einon ang suntok na iyon.
"Biro lang. Tara na nga! Kung anu-ano'ng naaamoy mo e," sambit ni Einon saka hinila si Watt. Kinindatan pa ako ni Einon bilang senyas na siya na ang bahala kaya bahagya akong natawa.
Pasado alas singko na ng hapon. Paglabas namin ng gate ay nagkatinginan kaming tatlo.
"Wala ang sasakyan ni Byeongyun. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nagpapakita. Ni text ay wala. Paano na itong bag niya?" tanong ni Watt saka ipinakita sa amin ang hawak niyang bag.
Tumingin ako kay Einon sabay ngiti naman niya sa akin.
"Let Deborah take care of it, Watt. Okay lang ba?" tanong niya.
"Ha?" usal ko.
Ngayon na lang ulit ako nawala sa composure dahil sa ngiti ng isang lalaki. Sa totoo lang ay kung hindi siguro siya palabiro ay mas hiyang-hiya ako kapag kasama ko siya.
"Sige," pagpayag ko rin sa huli sabay kuha kay Einon niyong bag ni Byeongyun.
"Mauna na ako sa inyong dalawa."
Agad kaming napalingon sa nakangusong si Watt.
"Saan ka pupunta?" tanong ni Einon.
"Uuwi na syempre," sagot niya. "Alam ko namang balak mong ihatid si Deborah kaya mauna na ako, okay?"
Napangiti ako sa reaksyon ni Einon dahil sa sinabing iyon ni Watt. Huling-huli siya roon ni Watt kaya naman agad siyang nakatanggap ng mahinang sapak mula rito.
"Ang dami mong alam," pabirong bulyaw ni Einon sa kaibigan. Tumawa naman si Watt bilang tugon.
"Sana maayos na ang lahat bukas. Sige na, aalis na ako," sabi pa ni Watt bago siya tumalikod sa amin saka umalis.
Sana nga.
Ilang segudo pa'y narinig kong muling nagsalita si Einon.
"Unang beses kong nakitang nag-alala nang sobra si Byeongyun simula nang nakilala ko siya noong Senior high school," aniya. Humarap siya sa akin saka nagpatuloy. "Akala ko noon ay allergy siya sa babae kasi ni hindi siya naging interesado sa kahit sino pero nang maging kaibigan namin siya ni Watt at nalaman namin ang kuwento niya noong nasa South Korea pa siya ay naintindihan na namin."
Hindi ako nagsalita, bagkus ay nakinig lang ako sa kaniya. Kung tutuusin ay marami pa akong hindi alam tungkol kay Byeongyun kumpara kina Einon at Watt na kaibigan na niya noong Seniors pa sila.
"Puwedeng naka-moved on na si Byeongyun kaya ganito siya sa iyo... I mean, it's obvious and we both know na mahalaga ka sa kaniya," sabi pa niya dahilan para mapaiwas ako ng tingin sa kaniya.
"Ano ba'ng sinasabi mo riyan?" maang kong tanong.
Hindi siya sumagot. Mahaba ang kaniyang naging paghinga habang nakatingin sa akin.
"Wala naman. Basta ang alam ko, may tama sa iyo si Byeongyun."
Natigilan ako sa sinabi niya. Yumuko ako saka agad na bumuwelo para bigyan siya ng isang hampas sa braso.
"Iyan ang tama. Isa pang kalokohan at tatamaan ka ulit!" banta ko na halatang ikinagulat niya ngunit agad din naman siyang natawa sa ginawa ko.
Sa loob-loob ko ay hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa birong iyon ni Einon. Imposible ang iniisip niya tungkol sa amin gayong pare-pareho naming alam na may hinihintay pa rin si Byeongyun.
Hindi ko alam kung kailan ako magkakalakas ng loob para tanungin si Byeongyun tungkol sa nakaraan niya lalo pa ngayon na panay ang away nila ni Soobin dahil sa akin. Posible kasi na ilang sandali na lang ay mahalungkat ang lahat ng kuwento nila.
"Marami akong gustong malaman tungkol kay Byeongyun. Naguguluhan ako sa kung ano talaga ang kuwento nila ni Soobin. Gustuhin man kitang tanungin ay mukhang hindi iyon makakabuti," sabi ko.
Dagdag ko pa, "Wala rin kasi akong karapatan na pangunahan si Byeongyun. Hindi ko alam kung may pagkakataon ba na hahayaan niyang malaman ko ang lahat kasi ayaw ko na talaga ng gulo sa amin at ni Choi Soobin."
Ngumiti si Einon. Aniya, "Payo ko lang, huwag kang magsasawa kay Byeongyun. Malaking parte ka na sa buhay niya. Selos na selos nga kay Bavi iyon kaya absent ng tatlong araw. Akala niya ay naunahan na siya sa iyo. Buti hindi na-dropped."
"Einon!"
"Sige na. Biro lang," natatawa niyang sabi nang ambahan ko siya ng suntok. "Pero totoo. For the past 2 years na nakilala namin siya, ngayon lang siya ulit naging malapit sa babae. Wala akong ideya kung ano talaga ang rason, hindi ako sigurado. Si Byeongyun lang ang nakakaalam ng totoo niyang nararamdaman."
Hindi na ako nagsalita dahil okupado na ng mga tanong ang aking isipan kung ano na ba ang nangyayari ngayon kay Byeongyun.
"Huwag ka na ring mag-alala kay Byeongyun," untag pa niya sa akin. "Halika na. Ihahatid na kita sa inyo."
"Teka," pigil ko sa kaniya. "Sigurado ka ba? Okay lang?"
Pinanliitan niya ako ng mga mata saka ako binigyan ng nakakalokong ngiti.
"Ayos lang. Bakit? Nag-aalala ka ba sa akin?"
"Ha?"
Ngumiti siya lalo. Aniya, "Wala. Huwag ka nang mag-alala sa akin. Hindi ba't sinabi ko na sa iyo gamit iyong poster noong nakaraang Buwan ng Wika? Huwag ka nang mag-alala sa nararamdaman ko sa iyo, ex-crush."
Para akong saglit na nalugatan ng hininga dahil sa kaniyang sinabi bago ko siya hinabol ng hampas habang nasa parking area kami.
"Einon!" naaasar kong sabi habang tinatawanan niya ako.
But at the back of my mind, masaya akong naging kaibigan ko si Einon.