CHAPTER 1 – Love at First Sight!
ALDRED'S POV
"Kawawa ka naman…"
Nagising ako bigla mula sa pagkaidlip. Tila naging alarm clock ang boses ng isang batang babae na nitong nakaraan lang ay umuulit-ulit na dumadalaw sa aking panaginip.
"Kawawa ka naman... Tss."
Nangisi ako pagkatapos kong bumulong sa aking sarili.
Base sa mga piraso ng panaginip na naiiwan sa aking memorya ay isang batang babae ang nagsabi noon sa akin. Maputi siya at may mahabang buhok na hindi ko mahinuha ang kulay. Sa anggulo ng aking pagtingin sa kaniya ay masasabi ko na mas matangkad siya sa akin. Nakatingala kasi ako habang kausap siya.
Napalingon ako sa may bintana at napaisip saglit. Hindi ko nakikita ang aking sarili sa panaginip na iyon ngunit sigurado akong bata rin ako roon.
Sino kaya siya?
Pilit ko mang alalahanin ang kabuuan ng panaginip ay lagi lamang akong nauuwi sa pinakadulo nitong bahagi.
"Kawawa ka naman."
Kawawa ba talaga ako? Nakangiti hindi lang siya sa panaginip kundi pati ako ngayon. Kawawa raw ako ngunit bakit parang ang gaan ng puso ko? Tahimik at ang liwanag sa labas. Maihahalintulad sa kasalukuyang damdamin ko.
"Uy Aldred!"
Naagaw ang aking atensyon at napalingon ako sa may dulong bahagi ng kama. Nakalimutan kong nasa silid nga pala ako ng aking matalik na kaibigan. Hawak-hawak niya ang kaniyang laptop at nang makita ko kung ano ang nasa screen ay alam ko na kung bakit niya ako iniistorbo. Nitong mga nakaraang araw ay ilang beses at paulit-ulit akong tinatanong ni Carlo kung ano ba ang gusto ko sa isang babae. Hindi ko alam kung ano ang dahilan niya. Ayoko sana siyang sagutin pero dahil nga sa paulit-ulit ay tuluyan na akong narindi.
"'Maganda, hot, sexy," matabang kong tugon. Tumingin siya sa'kin at ngumisi.
Tss, kainis.
Marahil kung ni-post ko sa aking fb iyong tugon ko ay baka nakatanggap na ako ng preach mula sa sari-saring netizens, ''Ang tunay na kagandahan ay nasa kung ano ang kalooban,'' that's true but at the same time nagiging bullshit dahil sa kung paano ginagamit na dahilan. Ilang beses man kasing bumaligtad ang mundo, at the end of the day ay itsura pa rin ang unang dahilan kung bakit tayo napapalingon sa isang tao.
"Halika Aldred, bilis."
Naka-focus na ako sa pagtitipa nang marinig ko muli si Carlo. Paulit-ulit niya akong tinatawag at tila may nais siyang ipakita sa'kin.
"Istorbo," iyon ang nasabi ko sa aking isipan. Istorbo talaga siya kaya nisingkitan ko lamang siya ng tingin at hindi ko sinunod ang nais niya.
"Ang KJ mo talaga Al, Sige na o."
Tinignan ko lamang siya.
"Pfft, ako na nga lang lalapit dyan."
Kumamot si Carlo sa kaniyang ulo habang ako ay napatiimbagang na lang. Pinakaayoko sa lahat ay ang iniistorbo at iyon ang ginagawa ni Carlo.
Holiday ngayon pero hindi ko alam kung bakit at hindi ko rin alam kung dapat ba akong matuwa. Biyernes, walang pasok at weekend. May homeworks pero minimal lang. Partner ko si Carlo sa isa naming gawain kaya nandito ako sa kanilang bahay.
Tama, gagawa kami ng homework.
Tinitigan ko siya ng masama pero sinalubong niya lang ako ng isang malapad na ngiti. Kahit di ko itanong o di ko makita ay alam ko na kung ano ang ipapakita niya.
Utak munggo talaga.
Lumundag siya sa kama niya na nipipwestuhan ko.
"Tigilan mo ko Carl. Kung hindi ka naman tutulong pwede bang huwag mo na lang akong istorbohin," pakiusap ko sa kaniya habang pinagpapatuloy ang aking ginagawa.
"Baka gusto mo namang mag-break? Sige na bro tignan mo 'to," pilit niya.
Napairap ako.
Si Charles Carlos Ramirez o Carlo ay kababata ko. Magkaklase kami mula grade 3 to 6 at grade 10 to 12. Sa tuwing haharap siya sa laptop ay babae ang inaatupag niya. "Playboy" at "Flirt" siya kung ituring at uma-agree ako roon. 8 na ang naging legal gf niya sa pagkakaalam ko at iyon nga ay sa pagkakaalam ko lamang.
Suminghal ako habang nititignan siya pero sinuklian niya lamang ako ng isang ungas na ngiti. Iniling ko ang aking ulo. Nakakahiya mang sabihin ay ang katulad niya ang bestfriend ko. Matagal na kaming magkakilala at kahit kinaiinisan siya ng iba ay nasanay na ako sa kaniya.
Hindi ko na pinansin si Carlo. Wala dapat akong balak na pansinin siya pero bigla ay isinalansak niya sa paningin ko ang kaniyang laptop...
"What the hell!"
Nasambit ko dahil sa gulat. Napakuyom ako ng ngipin nang tignan ko ng masama si Carlo. Tumawa lang siya kaya mas nainis ako. Tinignan ko ang laptop at kabaligtaran ng naging unang reaksyon ko ang nadatnan ko.
"Oh, ano Al sa tingin mo? Ang ganda niya di ba?" tanong niya na malabong rumehistro sa utak ko. Hindi ko siya pinansin kagaya ng hindi ko pag-alis ng tingin sa screen.
Ewan pero parang may nag-click. Humawak ako sa aking dibdib, sa kung saan ang puso tapos sa ulo na pinaglalagyan ng utak. Hindi ako makahinga dahil sa naramdaman kong biglaang pagbabago sa aking sistema. Hindi ako mahilig manuod ng mga romance or lovestory pero ito iyon. Yung may mararamdaman kang kakaiba at parang may mahika na babalot sa'yo.
Lumunok ako saka tingin kay Carlo tapos tumitig ako sa picture tapos sulyap kay Carlo hanggang sa parang hindi ko makayanan na mawala sa aking paningin ang larawan. Pilitin ko mang hindi ipakita ang pagkamangha ay kanina pa nag-spark ang mitsa nito sa aking puson.
Kung sino man ang nasa picture ay para bang gigabytes per second niyang naihatid via electronic device ang ilang milyong boltahe ng kuryente para mabilis na tumibok ang puso ko.
"Oy, yung panga mo pupulutin ko ba?" tanong ni Carlo na kinunutan ko ng kilay. Ang hindi ko pagsagot ay ginawaran niya ng kahulugan.
"Oy!" Tumawa siya, "Ano Bro?! Teka a..."
Umakto siyang may pinulot at may nilagay sa aking pisngi.
"Nyeta! Your face bro! So dumbstruck, haha!" Hindi pa siya nakuntento at halakhak na ang ni-react niya.
"Maganda, hot and sexy yan!"
Nakaramdam ako ng inis sa akto niya pero pinanatili kong kumalma. Alam kong mas lalo niya lamang akong aasarin kung ipapakita ko ang aking tunay na damdamin. Marahan akong lumingon kay Carl saka umiling. Ni-shove ko ang laptop at kinuha ang aking panyo. Walang dahilan pero pinili ng aking kamay na punasan ang aking mukha. Huminga ako ng malalim at pilit binura ang dayuhang pakiramdam na sumakop sa akin.
"Iyan ba yung tinatawag na love at first sight?"
I was about to type on my laptop but instead clenched my fist right after hearing what he said.
Ungas! Sinong na love at first sight?!
"Baliw!" sambit ko bago muling umiling habang nakangisi. Nang tumigil na ako ay napatingin ako kay Carlo. Ngumisi siya na ikinayamot ko.
Tss!
"Diba diba? Ang ganda niya? Grabe, bulag lang ang tatanggi."
Siningkitan ko siya ng tingin.
Maganda siya. Maganda talaga. Hindi naman ako tumatanggi na maganda siya!
Bumalik ako sa pagtipa ngunit hindi ko maiwasang mapadiin dito lalo na't kung ano-ano pa ang pinagsasasabi ni Carlo.
"Whoever loved that loved not at first sight?"
"Gago ka ba? Tigilan mo nga ako. Love at first sight? Hindi ako naniniwala doon. Kahit multuhin pa ako ni Marlowe saka Shakespeare, tsk."
Sumipol-sipol si Carlo.
"Ngayon ko nga lang nakita yan, ni hindi ko nga kilala 'yan tapos sasabihin mo na ganoon? Gago talaga, Tsk," dagdag ko.
Umalis ako sa kama at lumayo kay Carlo dahil ayokong kulitin niya pa ako.
"Gago ka rin uy! Ang ano mo nakailang mura ka a. Sapakin kita dyan e. Saka sira lang? Kaya nga "love at first sight" kasi ngayon mo lang nakita."
Makailang ulit umiling-iling si Carlo.
"Parang hindi ka naman lalaki. Ano bang ginagawa kapag hindi kilala?" sabi niya saka inimita ang boses ko.
"Hey, babe! I'm Aldred Araun Cuzon, the ever handsome and famous model of SOMA. Fresh, never been kissed, never been to— " I cut him off.
"Bwiset! Tigilan mo nga 'yan. Nakakairita. Hibang ka. Hindi ba pwedeng nagandahan lang?"
"Oy OA! Masyadong defensive, dahan dahan naman," aniya sabay atras.
"Ba't di ikaw yung makipagkilala? Hindi ako interesado kaya tigilan mo ko sa kalokohan mo."
"Well, gusto ko sana kaya lang may GF ako ngayon."
"The more na dahilan kaya mas hindi ako sasakay sa kalokohan mo."
"But she's beautiful..."
Naningkit ang mata ko kay Carlo bago ako nagpakawala ng buntong hininga.
Blasphemy.
Matuturing na kalapastangan kung idi-deny ko ang kagandahan ng babae na nasa larawan.
I did say hell noong una kong makita yung pic niya but damn!
"Yeah, she is."
Aaminin ko na noong nakaramdam ako ng pag-click ay para bang nagbukas ang cloud 9 at may biglang lumitaw na anghel sa langit.
"She's cute," Carlo added, eyes sparkling.
"Oo," matabang kong sagot.
"She's one of a kind."
Ngumisi siya, parang nang e-entice.
Sumandal ako sa study table ni Carlo at naghalukipkip.
"I think so..."
"She has the 'Bs' and the 'S'!" He insisted.
Really?!
Napalingon ka agad kay Carlo pero mabuti't na-control ko ang aking emosyon.
Boobs and S-line... God, I'm sorry po tao lang po ako nagnanasa rin.
Tumikhim ako bago pa man sapian ng berdeng ispongha at sumigaw ng "Imahinasyon" ang mataba kong utak.
"So what?"
"You like her."
"No."
"But she caught your eyes."
"Yes."
"She's beautiful, sexy, and everything! You should fall for her!"
Napanganga ako sa mga binitiwang salita ni Carlo. Hindi ko alam kung ano ba ang issue niya't pinagpipilitan niya sa'kin yung babae. Naglaro muli sa isip ko yung mga sinabi niya at totoo naman, aaminin ko sa aking sarili na tipo ko yung tulad niya pero not to the point na gaya ng gustong mangyari ni Carlo.
"Anong problema mo? E di makipag-break ka sa gf mo ta's ikaw makipagkilala dyan. Tutal type mo rin naman," iritang sabi ko.
"Kaka-on lang namin kaya hindi ako pwedeng makipag-break. Saka maganda siya pero hindi ko siya ty— "' Nagtaka ako ng biglang tumigil si Carlo at masinsinan akong nitignan.
"Wait?! Anong sinabi mo?"
Nagtaka ako sa tanong niya. Bigla ay may malisyosong ngiti na gumuhit sa labi niya.
"BANG!" ani Carlo kasabay ang pagduro ng kaniyang hintuturo sa dibdib ko.
"Tutal type mo rin naman. Ibig sabihin interesado ka nga," maligaya niyang sabi na agad kong ikinataranta.
"Hoy, hindi, mali, gago..." saad ko ngunit hindi ko na siya napigilan.
Tahimik at maliwanag sa labas. Iyon ang larawan ng kaninang nararamdaman ko. Ngayon ay maliwanag pa rin naman pero yung init na epekto noon ay dama ko na sa naka-aircon na silid ni Carlo. Yung kaninang katahimikan ay natunaw na at ngayo'y lumalangoy-langoy sa kumukulo kong ulo na sinasabayan pa ng walang kapagurang pang-aasar ng matalik kong kaibigan.
"Naku, naku naku naku ang tagal na nating magkaibigan bro tapos nahihiya ka pa! Sus naman!"
Hinampas niya sa palad ko ang isang piraso ng papel kung saan nakasulat ang email address ng babaeng nasa larawan. Mas lalo akong nakadama ng irita dahil sa di ko malaman na dahilan. Wala naman talaga akong pakialam do'n sa babae. Maganda siya. OO, aminado ako. Hindi ko nga tinatanggi pero hanggang do'n lang nga iyon!
Napatiimbagang ako habang nakatingin sa papel.
"Sabi ko na nga ba ganyan mga tipo mo e. Pangmalakasan, yung mga almost perfect. Malandi ka ring bata ka e."
Sigurado akong nasa 99.9% na ang init ng ulo ko nang humalakhak si Charles Carlos Ramirez. Sinundan ko siya ng nananaksak na tingin habang gigil na nakakuyom ang aking mga kamay dahil sa inis.
"Basta, ask mo na lang ako kung anong tip o style at saka Aya ang name niya." Carlo mentioned before showing his lopsided grin. Sunod ay pumito-pito siya pabalik sa kaniyang kama.
Sinundan ko si Carlo ng tingin bago ako napabuntong-hininga na lamang para i-cooldown ang sistema ko. Kasabay ng pagkalma ng aking sarili ay nakaramdam ako ng kawalan ng ganang gawin ang homework namin. Nilukot ko ang papel na binigay niya.
"Uuwi na ako."
Nagulat siya, "Biglaan naman?! Bakit? Wala pa kaya tayong nagagawa."
"Bakit di mo kaya tanungin sa sarili mo kung bakit wala pa tayong nagagawa?" Kinuha ko ang bag ko.
Papalabas na ako ng kaniyang kwarto ng marinig ko muli siyang magsalita.
"Aha!" malakas na reaksyon niya. Hindi ko na siya binalikan pa ng tingin. Pinihit ko ang door knob at binuksan ang pinto. Paapak na ako palabas ng silid nang biglang umakyat sa maximum point ang init ng ulo ko ng marinig ko ang sumunod na sinabi ng magaling kong kaibigan.
"I see, I see. Sige take your time Al. Naiintindihan na kita. Mahirap nga namang i-stalk siya kung nakapaligid ako di ba?"
Humalakhak si Carlo dahilan para maburyong ako. Napangitngit ako. Tinapunan ko siya ng masamang tingin. Hindi ako nagsasalita pero alam kong alam ni Carlo kung gaano na karaming mura ang nakaukit sa paningin ko. Kahit ganoon ay malapad na ngiti pa rin ang pinairal niya.
Gusto ko sanang itapon sa pagmumukha ng bestfriend ko ang bag na aking hawak pero nasa tamang kaisipan pa naman ako. Baka masira ang laptop na dala ko kaya 'wag na.
"Bwiset! Ano bang problema no'n?!" Gigil kong reaksyon ng makalabas na ako ng bahay nila Carlo.
♦♦♦