Nagising si Blue sa malakas na tunog ng kulog. Nakita niya ang liwanag na dala ng kidlat at ang nakakabinging pagkulog na kasunod nito. Tila ba hinahati ang langit. Napakalakas ng ulan sa labas ng kanyang bintana.
Tumayo siya at lumabas ng kanyang kwarto. Narinig niya ang boses ng kanyang ama sa ibaba ng hagdanan. Nagmamadali nitong isinuot ang suit nito at puno ng pagaalala ang mukha.
"Sir, ipapaalam po ba namin ito kay Senyorito?"
"Hwag muna. Mag-aalala lang siya."
"Yes Sir."
Tuluyan nang lumabas ng bahay ang kanyang ama, matapos non ay umandar ang kotse nito paalis.
***
"Senyorito Blue, may bisita ka," anunsyo ng kanyang Yaya.
Ibinaba ni Blue ang kanyang sinasagutang math textbook at tumingin sa kanyang yaya.
"Naghihintay sa hardin si Tammy," sabi nito na nakangiti.
Si Tammy...
Halos dalawang buwan niya rin itong hindi nakita. Mabilis siyang umalis sa kanyang kinauupuan at lumabas ng kanyang study room.
Nang makalapit sa hardin si Blue, nakita niyang nasa duyan si Tammy. Nakatalikod ito sa kanya.
"Blue!" bati nito nang makita siya. Tipid ang ngiti nito sa labi. "Sorry, ang tagal ko'ng hindi nakapunta rito."
Tinitigan ni Blue si Tammy. Pakiramdam niya ay isa itong oasis sa gitna ng disyerto. Hindi niya alam kung ito ay totoo o ilusyon lamang.
Ipinatong niya ang kanyang kamay sa tuktok ng ulo ng batang babae. Totoo. Hindi ilusyon.
"Blue..." Nakagat ni Tammy ang kanyang ibabang labi. Biglang nabasa ang mga mata nito. Pilit nitong pinipigilan ang iyak. "Blue, kailangan naming umalis. Pupunta na raw kami sa ibang bansa sabi ni Mama. Doon na ako mag-aaral."
Aalis...? Iiwan mo rin ako katulad nila?
Hinawakan nang mahigpit ni Blue si Tammy sa kamay nito.
"Aray, Blue!"
Hindi ka pwedeng umalis. Hindi mo ako pwedeng iwan!
"Bitawan mo ako, Blue. Masakit. Blue!"
Hindi narinig ni Blue ang sinasabi ni Tammy. Ang tanging laman ng isip niya ay ang sinabi nitong aalis ito at mag-aaral sa malayo.
Sinasabi na nga ba niya, katulad lang ito ng iba. Darating ang araw na aalis din ito at iiwan siya. Hindi siya makakapayag. Hindi siya pwedeng iwan nito!
***
"Blue, saan tayo pupunta? Hinahanap na ako sa amin. Magagalit si Mama kapag hindi ako bumalik kaagad," naiiyak na sabi ni Tammy habang hila siya sa kamay ni Blue.
Pumuslit sila sa garden at tuluyang lumabas ng mansion.
Tinignan ni Blue ang mga sasakyan na dumaraan. May alam siyang lihim na lugar. Kailangan niyang dalhin si Tammy doon upang itago ito. Sa ganoong paraan ay walang makaagaw sa kanya rito.
Biglang umulan.
Unti unting nabasa ang dalawang bata na naglalakad sa tabi ng kalsada. Ngunit parang walang nararamdaman si Blue. Patuloy ang paghigit niya kay Tammy papunta sa isang lugar.
Makalipas ang isang oras, nakarating sila sa playground. Doon, nakatayo sa isang tabi ang tree house. Pinauna niyang paakyatin si Tammy bago siya sumunod.
"Blue, g-gusto ko nang umuwi," sabi ni Tammy. para itong basang sisiw at nanginginig sa lamig. "Hi-Hinahanap na ako sa amin, Blue."
Basang basa ng ulan ang katawan ng dalawa. Tumingin si Blue sa paligid mula sa itaas ng tree house. Sa lugar na ito, walang makakahanap sa kanila.
'Dito ka lang,' ang bilin ni Blue kay Tammy gamit ang sign language. 'Walang makakakuha sa'yo rito. Dito ka lang. Hwag kang aalis.'
"Blue, saan ka pupunta?" tanong ni Tammy nang makita na pababa si Blue ng tree house. "Blue, hwag mo akong iwan dito! Blue!"
Hindi pinansin ni Blue ang tawag ni Tammy. Patuloy siya sa pagbaba. Kailangan niyang bumili ng pagkain para sa kanilang dalawa.
"Blue!"
Nakakailang hakbang palang si Blue nang may marinig siyang bumagsak na bagay.
Kaagad siyang napalingon sa likuran niya. Na-estatwa siya sa nakita. Nasa lupa si Tammy at hindi kumikilos.
Mabilis niya itong nilapitan. Nakita niya ang dugo sa ulo nito nang hawakan niya. Tila nag-yelo ang buo niyang katawan.
Tammy!
Bumilis ang tibok ng kanyang puso at napuno siya ng takot. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. May dugo...
Naibuka niya ang kanyang bibig ngunit walang boses na lumalabas.
Ilang ulit niya itong tinawag. Walang malay si Tammy sa kanyang mga braso. Tumingin siya sa paligid. Tinignan niya ang abandonadong playground at ang malakas na buhos ng ulan.
Nahugasan ng tubig ulan ang dugo sa kanyang kamay at sa ulo ni Tammy.
"T...Ta...mmy... Tam...mmy...."
"TAMMY!" sigaw ng isang babae. Basa ang buong katawan nito na tumatakbo palapit sa kanya. Puno ng takot ang mukha nitong kasing puti na ng papel. Mabilis na namula ang mga mata nito habang nakatingin sa walang malay na anak. Para itong mababaliw sa tindi ng emosyon.
"Tammy, gising Tammy! JARED, NANDITO SILA!"
Ilang segundo pa, nakita ni Blue ang kanyang ama na humahangos ng takbo. Puno ng pag-aalala ang mukha nito.
"Blue!"
"Jared, si Tammy! Ang anak ko, tulungan mo si Tammy!"
"Ano'ng nangyari sa kanya?"
"H-Hindi ko alam. Jared, tulungan mo ako. Dalhin natin siya sa ospital."
Napakabilis ng mga pangyayari. Napatingin si Blue sa walang malay na si Tammy. Doon pumasok sa isip niya, kung pipilitin niyang manatili sa kanya ang isang taong gustong umalis... kapahamakan lang ang naghihintay sa kanila.
Ito rin siguro ang dahilan kung bakit namatay ang kanyang ina. Isang siyang isinumpang bata.
Buong puso na nagdasal si Blue habang ipinapasok sa emergency room si Tammy.
Hindi na niya pipilitin pang manatili sa kanyang tabi si Tammy. Ang gusto lang niya ay maging ligtas ito at hindi tuluyang mawala katulad ng kanya ina. Kapalit nito, hindi na niya ulit lalapitan pa si Tammy.
Itatago niya sa kanyang memorya ang kanilang alaala.
***
"Blue, sumagot ka! Bakit mo ba ako iniiwasan? Nagpadala ako sa iyo dati ng mga sulat pero hindi ka sumagot kahit isang beses lang."
Hindi alam ni Tammy kung bakit napaka-laki ng epekto sa kanya ni Blue. Napaka-bata pa nila non. Pero naging parte si Blue ng kanyang kabataan at maliwanag sa isip niya ang mga ginawa nila noon. Malapit sila sa isa't-isa. Para niya itong kapatid. Palagi silang magkasama. Palagi siya nitong pinasasaya.
Noong mga panahon na okay pa ang lahat... At nang sumapit ang trahedya sa kanilang pamilya, ginusto niyang makita si Blue. Ngunit hindi ito nagpakita sa kanya. Para bang isang panaginip lang ang buong isang taon niyang kasama ito.
Si Blue ang kanyang unang bestfriend. Pero ano ba siya para rito? Kaibigan din ba ang tingin nito sa kanya?
Naging magkaibigan ba sila para rito? Pointless lang ba lahat ng ginagawa niya?
Hindi niya mabitawan ang alaala nila. Iyon ang panahon kung saan okay pa ang lahat.
Pero siguro nga, may mga bagay na hindi dapat ipilit.
"Blue, ito na ang huling beses na lalapit ako sa'yo. Pagkatapos nito, kakalimutan na kita," mahinang sabi ni Tammy. Huminga siya ng malalim. "Sana man lang, sabihin mo sa akin kung bakit mo ako iniiwasan. May nagawa ba ako'ng mali sa'yo? Blue, sabihin mo. Don't shut me out, please."
Tinignan ni Tammy ang likod ng binata. Sa tagal ng paghabol niya rito, palaging ito lang ang nakikita niya. Hindi na niya mabilang kung ilang beses siya nitong tinakbuhan.
Naghintay siya ng ilang minuto sa sagot nito ngunit nanatili itong tahimik.
Bumuntong hininga siya at tumalikod na. Naglakad na siya palabas.
Mukhang hanggang sa huli, hindi parin niya malalaman ang sagot.
Dalawang braso ang yumakap kay Tammy mula sa likod. Ramdam niya ang mainit nitong katawan at ang mabilis na pintig ng puso nito. Nagulat siya nang mapasandal sa dibdib ng binata.
"Natasha..." bulong ni Blue sa gilid ng kanyang tenga na kumiliti sa kanya.
"Blue..." Bumilis ang tibok ng puso ni Tammy nang marinig ang boses ni Blue.
"Don't leave."
Napalunok siya sa mga dumaang emosyon sa kanya.
"Tell me. Ano ang rason kung bakit mo ako iniiwasan?"
Isinandal ni Blue ang noo sa balikat ni Tammy. Sa mahinang boses, nagsalita ito.
"You are so beautiful, Natasha. So precious. I don't want to destroy you." I want to put you in a cage. Lock you up and throw the key away. I want to keep you all to myself. Tu es à moi et je suis à toi.
"You won't. I'm not a delicate flo—"
"I know, King."
"Blue, let me see you."
Humigpit ang yakap sa kanya ni Blue na tila ayaw nitong magpakita.
"Let me look at you, Blue. Please."
Unti-unting humiwalay sa kanya si Blue. Nakita niya ang kabuuan ng mukha ni Blue. Wala ang hood nito, wala ang mask nito.
Wala na sa mukha nito ang bakas ng batang kalaro niya. Napalitan na ito ng isang matangkad at makisig na binata.
Sinalubong ni Tammy ang mga mata ni Blue. Kaagad siyang napalunok. Nawala ang atensyon niya sa paligid. Ang tanging nakikita lang niya ay ang itim nitong mga mata. Tila ba lalamunin siya ng tingin nito.
"Ang tagal nating hindi nagki—nagharap."
Tumango si Blue, hindi nito inaalis ang tingin sa kanya. Hindi kinaya ni Tammy ang tindi ng emosyon sa mga mata ni Blue, yumuko siya saglit bago tignan ulit ang binata.
"Don't run away from me again. Hwag kang... basta biglang mawawala."
Hinawakan ni Blue ang isang kamay ni Tammy. Idinikit nito ang palad ng dalaga sa pisngi. Totoo. Hindi ilusyon.
"Hindi na ulit kita hahabulin sa susunod na takasan mo ako," seryosong pahayag ni Tammy.
"You caught me. This time... I won't let you go." Even in death, I will not let you go. I will not give you a second chance to leave me again. I will follow you wherever you go. Tu es à moi... à moi seul...
***
"Kanina mo pa sinasabi nandyan lang si Tammy, malapit na. Ano ba?! Isang oras na tayo paikot ikot dito, ah! Niloloko mo lang ba ako?!" inis na tanong ni Willow kay Nix.
"Isang oras bago nakahalata..." bulong ni Nix saka kumagat sa barbeque.
"Ano'ng sinabi mo?!"
"Ang sabi ko, ang ganda mo."
"..." Natigilan si Willow at napatingin kay Nix. Bigla siyang namula. "T-Talaga? Hehe... Thank you."
"..." Oi. Ano'ng klase ng reaksyon iyan? "Si Tammy!"
"Niloloko mo na naman ba ako?" Gusto na talagang sapukin ni Willow ang binata.
"Si Tammy nga 'yon, may kasamang... Asul?" Napaubo si Nix nang makita ang dalawa. Seryoso?
"TAMMY!!!" Tumakbo si Willow palapit kay Tammy. Yayakap sana siya rito ngunit may humila bigla sa kaibigan niya. Sa hangin lang tuloy siya napayakap.
Kaagad na napatingin si Willow sa lalaking kasama ni Tammy. Teka... ito ba yung...?
Nang makita ni Willow na hawak ng lalaki ang braso ni Tammy, bigla siyang nainis. Tinignan niya sa mata ang lalaki ngunit hindi siya pinansin nito. Ang buong atensyon nito ay nasa bestfriend niya.
Kinilabutan si Willow bigla. Hindi niya alam kung bakit hindi niya gusto ang tingin na iyon. Para bang... maaagaw sa kanya si Tammy ng lalaking ito.
Puno ng kuryosidad si Nix sa nangyari kina Tammy at Blue. Hindi niya inakala na magiging ganoon kadali ang pag-aayos ng dalawa.
Magkaganon pa man, nagpapasalamat siya at nag-usap na ang mga ito. Sana lang ay hindi umiral ang sakit ni Blue.
Hindi man ito pansin ni Tammy, malinaw kay Nix ang obsesyon ni Blue sa alaga niya. Kasing liwanag ito ng araw at tanging si Tammy lang yata ang hindi nakakahalata.
Bumuntong hininga si Nix. Mabuti pa ay ihanda na niya ang sarili sa mga mangyayari sa hinaharap. Kapag nagka-problema, siya na naman ang kawawa. Haay. Pwede kaya siyang kumuha ng maternity leave?