14th: Fall in Love—este, Line
MAGKATABI kami sa higaan ni Hina. Nakikinig lang ako sa pagkukwento niya habang hinihintay na tamaan kami ng antok hanggang sa nauna siyang nakatulog. Tumalikod ako sa kanya at pilit na ipinahinga ang sarili ko pero hindi ako nakatulog buong gabi kahit gaano ko pa ipilit at kahit gaano pa naubusan ng enerhiya ang katawan ko. Pilit na ipinagkasya ko ang sarili sa gilid at hindi hinahayaang umukopa ng malaking espasyo sa kama.
Marahan akong bumangon upang hindi maistorbo si Hina. Hindi ko na kayang magtagal dito. Hindi ako mapalagay rito.
Kumuha ako ng mga damit, tuwalya sabon at shampoo sa bag ko at pumasok na ako ng banyo para maligo. Gusto ko mang ibabad ng matagal ang sarili ko sa bumubuhos na tubig mula sa shower upang mas lalong ikondisyon ang katawan ko, ay hindi maaari dahil nakikituloy lang naman ako rito. Kung pwede sanang maisama ng dumadaloy na tubig patungong drainage ang lahat ng sama ng loob ko. Mabura ng sabon ang lahat ng masasakit na pinagdaanan kong nagpapahina sa sarili ko. Ihilom nito ang mahahapding sugat na lumatay sa damdamin ko. Hanggang kailan ko kaya ito pagdadaanan at kakayanin?
Matapos kong magpatuyo at magbihis ay lumabas na ako. Nakita ko si Hina na nakaupo sa kama. Gising na pala siya.
"Pasensya na, nakigamit ako ng banyo," sabi ko.
"It 's okay. Ang aga mo naman gumising," aniya.
"Ahmm... Ano... Pinapauwi na kasi ako sa amin," dahilan ko na lang kahit hindi. Para madali akong makaalis dito. Hindi naman sa ayaw ko siyang kasama—well, slight, pero nababahala kasi ako sa nanay niya. Alam kong gusto niya akong tulungan at hindi niya ako hahayaang mapunta sa kung saang maaaring ikapahamak ko. Hindi niya ako hahayaang umalis dito kapag hindi niya natiyak ang kalagayan ko. Pero parang dito ako hindi safe.
"Oh, buti naman. Ihatid na kita," alok niya pero tumanggi ako.
"'W-wag na. Kaya ko naman."
"Are you sure?"
Pinilit kong tumango at ngumiti.
BUTI AT tanghali pa ang pasok ni Hina kaya hindi siya sumabay sa akin paalis at nag-stay muna siya sa bahay nila at pinili niya munang bumalik sa tulog. Sa school ako dumiretso dahil as usual ay may klase ako ng umaga. Saka ko na lang poproblemahin kung saan ako tutuloy mamaya, basta sa kung saan wala akong maaabala.
Pagkatapos ng pangalawa kong klase ay lumabas ako ng campus para kumain kahit maaga pa para sa lunch. Nagugutom na kasi ako at hindi ako nakapag-almusal kanina. Dahil wala pang masyadong customer sa karinderya ng ganitong oras ay maraming bakante at nailagay ko ang gamit ko sa kahit saang pwestong gusto ko.
Pumunta na ako sa counter para um-order. "Asado rice nga po."
Pagbulatlat ko sa wallet ko ay bahagya akong natigilan. Mauubos na pala ang pera ko. Sa susunod na linggo pa ang sweldo ko at problema pa ang tutulugan ko mamaya.
Dumukot na lang ako ng saktong babayaran ko at iaabot ko na sana nang may naunang umumang na kamay na may hawak na pera at nagsalita.
"Ako rin po, asado rice, 'eto po, bayad naming dalawa."
Gulat na napalingon ako kay Michael na basta na lang sumulpot sa tabi ko.
Nakangiti ang mukha niyang bumungad sa akin na lalong nagpakislot sa puso ko.
Napaiwas ako ng tingin. Hindi ko matagalan ang tignan siya. Sumibol na naman ang dalawang naghahalong damdamin sa akin. Ang magkaibang damdaming hindi ko pa rin matukoy pero una ko nang naramdaman sa magkaibang sitwasyon.
Pagkakuha ng kahera sa bayad ni Michael ay agad na nai-serve ang pagkain namin. Kukunin ko sana 'yung akin pero nauna niya nang hawakan iyon at boluntaryong dinala sa puwesto ko.
Sumunod lang ako sa kanya. Pagkalapag niya ng mga plato sa mesa ay inilahad ko sa kanya ang pambayad ko.
Nakangiting umiling siya. "'Wag na. Libre ko na 'to."
"Pero..." Hindi ko maituloy ang sasabihin ko. Hindi ko rin naman alam kung paano at ano ang sasabihin. Nilibre na naman niya ako at dahil doon ay lumala na naman ang kanina pang paghaharumentado ng puso ko. So, big deal na naman ito sa akin?
Imbis na hintayin niya ang dapat na sasabihin ko—tutal wala na rin naman ako masabi ay kumuha siya ng baso para sa aming dalawa at nilagyan ng tubig saka pinaghila niya ako ng upuan at inestima ako sa pag-upo. Nag-aalangan man ako ay umupo na rin ako at umupo na rin siya sa tabi ko.
"Anong ginagawa mo rito?" hindi ko napigilang itanong. Sa pagkakaalam ko ay may klase siya ng ganitong oras.
"Kakain," mabilis at maikling sagot niya.
"Alam ko. Pero, 'di ba may klase ka?"
"Wala 'yung prof, eh."
Nang magsimula kaming kumain ay namayani na ang katahimikan sa aming dalawa. Dama ko ang tensyon sa pagitan namin. Alam kong hindi lang ako ang nakakaramdam nito. Hindi lang ito dahil sa feelings ko na hindi niya batid.
Natapos kaming kumain pero wala pa ring umiimik sa amin hanggang sa binasag na niya ang katahimikan nang tumikhim siya.
"Alam kong iniiwasan mo ako dahil sa nakita mo."
Sabi ko na nga ba. Tungkol ito sa insidente na magtatalik sana sila ni Hina sa shower room ng gym ngunit naunsyami nang mahuli ko sila.
Hindi ako tumugon sa sinabi niya.
Marahan na tumawa siya at napakamot sa batok. "Nakakahiya," halos pabulong na sabi niya.
Naramdaman ko ang pag-init ng pisngi ko. Naikuyom ko ang mga kamay ko sa palda ko at mariin na itinikom ang bibig. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Nanlalabo na ang mata ko sa namumuong luha sa mga mata ko. Kaya nang hindi ko na makayanan ang pagkailang ko ay agad na kinuha ko ang mga gamit ko at napatayo ako 't iniwan siya.
Hinabol niya ako at tinatawag niya ang pangalan ko pero hindi ko siya nililingon.
Hanggang ganito na lang yata ang magagawa ko. Ang umiwas nang umiwas. Hindi ko alam kung paano ko siya haharapin ng walang pag-aatubili. Kung paano harapin ang damdamin kong ito para sa kanya. Sana sa pagtakas ko sa lahat ng ito ay tagumpay akong makawala.
Sa hindi inaasahan ay nakasalubong ko si Hina kasama si Spencer sa bungad ng entrance ng university. Napahinto ako sa paglalakad at nagpalit-palit ng tingin sa kanila. Aba 't magkahawak pa talaga sila ng kamay.
Napatingin si Hina sa hawak kong bag na dala-dala ko mula pa kahapon. "Ami, I thought you went home?"
"Ahmm..." Napahugot ako ng hangin at napalunok. Napapaisip na naman ako ng irarason. "Inuna ko muna 'yung class ko para diretso uwi na ako mamaya." Well, may katotohanan naman ang sinagot pero ang tiyak ko ay hindi ako makakauwi sa bahay namin.
Mukhang napaniwala ko na naman ulit si Hina.
Ngumiti siya. "Okay. We 'll go ahead." Kumindat pa siya sa akin at pangusong tinuro ang kasama niya. Parang nagpapahiwatig na may kalokohan na naman silang gagawin ni Spencer.
Buti na lang at sa kabilang direksyon ang tinungo nila dahil kung magkataong makasalubong nila si Michael ay may mamumuo na namang gulo.