12th: Ghost
Ami's POV
NAPASABUNOT ako sa buhok ko pagkagising ko. Grabe! Sobrang sakit ng ulo ko. Parang pinupukpok. Parang binibiyak. Ganito ba iyong hangover? Puta, hindi na ulit ako iinom sa susunod. Leche kasing pag-ibig iyan, eh. Umasa-asa pa ako, alam ko na ngang may girlfriend iyong tao. Sa lahat pa ng magugustuhan, si Michael pa.
Minasahe ko ang sentido ko pero hindi naibsan ang sakit niyon. Pilit akong tumayo upang kumuha ng tubig sa kusina. Iinom na lang ako ng pain killer.
"Late kang umuwi, ah."
Natigilan ako nang marinig ang nagsalita. Hindi ko napansin iyong tatay ko na nakaupo sa hapagkainan habang hinihintay ang kakaining tanghaliang niluluto ng mama ko.
Wow. Bago 'to, ah. Totoo bang kinakausap ako ng tatay ko ngayon? Concern ba siya?
"May trabaho nga ako, 'di ba?" cold kong pagdadahilan saka kumuha ako ng tubig na maiinom.
"Lasing kang dumating dito. Lalaki pa ang naghatid sa 'yo."
Oo nga, 'no. Buti nakauwi pa ako. Si Spencer ba ang naghatid sa akin? Paano kaya niya nalaman ang bahay namin? Baka dahil sa lasing ako ay hindi ko na maalala kung paano niya ako naiuwi rito. Ang naalala ko lang ay habang umiinom ako mag-isa samantalang siya ay pinanonood ako matapos ay umuwi kami sakay ng bus. Hindi niya ako iniwan at inaalalayan pa ako. Nice naman. Buti nagmagandang loob ang gunggong na madala ako rito. Or teka, baka hindi ko alam ay napagsamantalahan na niya ako. Humanda siya sa akin pagdating ko ng school.
Imbis na tumugon kay papa ay pinili kong bumalik ng kwarto ko.
Kinalabog ng tatay ko ang mesa at saka hinila ako sa braso para iharap sa kanya. "Lumalandi ka na ba?!" Dumagundong ang sigaw niya. Heto na naman siya 't kahit hindi lasing ay laging nagagalit. Pero sa sinabi niya ay nagulat ako. Ayos siya mang-akusa, ah. Nagpakalasing lang, lumalandi agad?
"Paki mo?"
"Pakawala ka na bang babae ka? Pinag-aaral ka namin, ah!" Dinuro niya ako.
Inalis ko ang kamay niya sa braso ko. "Talaga?" Tila hindi ko na mapigilang magsalita. May epekto pa rin ba ang alak kinabukasan? Sa hangover? Or dahil sa napikon na ako sa taong ito kaya parang malakas na ang loob ko. "Pinaaral niyo 'ko? May iniabot ka bang pera para sa tuition ko? O kaya kahit sa baon ko man lang? Saka si mama lang naman 'yung nagtatrabaho rito, ah."
"Bastos ka, ah." Dinakma niya ang panga ko pero nagpumiglas ako.
Tinabig ko ang braso niya.
Parehong nagtagis ang mga panga namin habang masamang nakatingin sa isa 't-isa. Hindi ko na hahayaang maghari-harian siya rito sa bahay. Hindi ko na hahayaang diktahan niya kami sa lahat ng bagay. Hindi ko na hahayaang magpakasasa siya sa paghihirap namin ni mama. Subukan pa niyang magsiga-sigaan dito, hindi na niya iyon magagawa pa ulit.
"Ikaw ang bastos! Hindi ba kawalang-h'yaan ang sinasaktan mo si mama? Huwag kang magmalaki na akala mo ang laki ng iniambag mo rito sa pamilyang 'to. Kahit kailan hindi ka nagkaroon ng matinong trabaho mula pa noon para may maibigay rito. Kain-tulog ka lang naman dito, eh."
"Ano ba? Tama na 'yan!" awat ni mama at pumagitan sa amin.
"Isa ka pa!" Dinuro ko si mama sa galit ko rin sa kanya. Sawang-sawa na ako sa ganito. Sa pagpapaka-martyr niya. "Hinahayaan mo lang siyang gawin ang gusto niya. Hinahayaan siyang saktan ka niya. Nagtatrabaho ka na nga para may pangkain tayo tapos pag-uwi mo pinagsisilbihan mo 'tong gagong 'to? Binibigay ang luho niya at ginagawa ka niyang punching bag tapos tinitiis mo lang? Bakit hindi mo siya palayasin dito sa bahay? Hindi naman sa kanya ang bahay na 'to. Kaya naman natin mabuhay kahit wala siya. Hindi naman siya kawalan, eh. Kahit tatay ko pa siya, 'di bali na kung ganyan siya. Wala na ngang kuwenta, peste pa rito."
"Kailan ka pa natutong sumagot nang ganyan?" galit na sabi ng nanay ko.
"Nang ma-realize ko na hindi pwedeng tanggapin na lang natin ang kahayupan ng gurang na 'yan!"
"Tama na, Ami!" sigaw niya. "Galangin mo ang ama mo. Anak ka lang at wala kang karapatan na ipakita 'yang pagiging walang modo mo. 'Wag mong sabihing walang naitutulong ang tatay mo. 'Wag mong sabihing wala siyang kuwenta dahil tatay mo siya at anak ka lang."
"Oo nga pala. Minsan din may nadala siyang pera rito," sarkastikong sabi ko. "Saan galing? Namamakla 'yan. Kahit gurang na, ma-appeal pa rin sa bakla."
"Tang-ina mo ka, ah!" Dumapo sa pisngi ko ang malapad na palad ng aking ama na muntik kong ikabuwal.
Napasigaw si mama saka napahagulgol na inaluan ako.
Napahawak ako sa mahapding pisngi ko.
Pinigilan kong bumagsak ang kanina pang nagbabadyang luha sa mga mata ko. Kaya ayaw ko rito sa bahay, eh. Ganito ang eksena. Magulo. Dahil sa tang-inang lalaking ito. Hindi man lang natinag sa mga pinagsasasabi ko. Ni wala man lang pahiwatig na posible siyang magbago. Sapagkat si mama naman, hinahayaang manatili siya rito. Kinukunsinti pa. Halos patayin na kami, ayos lang sa kanya.
"Ganyan ka naman, eh," sabi ko sa matandang lalaki. "Puro pananakit lang ang alam mong gawin. Diyan ka lang magaling."
"Tama na, Ami," pakiusap sa akin ni mama habang nakatingin sa akin ng may awa at patuloy ang pagtulo ng masaganang luha sa mga mata niya. "Lumayas ka rito... para wala ng gulo."
Nagulat ako sa sinabi niya. Bakit ako ang lalayas?
DINALA ko ang ilan sa mga gamit ko. Mga gamit kong sa pinagtrabahuhan ko mismo nanggaling. Hindi naman ganoon kalaki ang bitbit ko kaya hindi naman sagabal sa pag-commute ko.
Sa school ako dumiresto dahil may klase pa ako ngayong araw na hindi ko pwedeng palipasin. Hindi na ako nag-abalang maligo. Pinatong ko lang ang uniform ko matapos kong ayusin ang mga gamit ko saka umalis na ako 't sumakay. Alam kong mabaho ako ngayon lalo na at uminom pa ako ng alak kagabi.
Saka ko na lang iisipin kung saan ako tutuloy kapag sumapit ang dilim. Hindi pa rin nawawala ang pighati sa damdamin ko. Kung wala silang pakialam sa akin, ganoon na rin ako sa kanila. Lalo na sa magaling kong nanay na siyang nagpalayas sa akin. Mas pinili pa niya ang sampid niyang asawa kaysa sa anak niyang nag-aaral nang mabuti para sa kinabukasan namin ngunit nang dumating ang pagkakataong ito ay binali-wala niya lang. Wala nga siyang naiambag para sa pag-aaral ko ng college. Ako ang nagpapaaral sa sarili ko. Iyong kinikita niya bilang factory worker na imbis na maibigay sa akin kahit baon lang ay binibigay niya lang sa tatay na nag-iinom lang.
Sa shower room ako ng gym naligo kung saan doon din naliligo ang mga varsity player. Paminsan-minsan ay pwedeng makiligo rito basta walang pakialamerong staff. Nilagay ko ang gamit ko sa pader sa pagitan ng mga cubicle para alam ko kung may magtatangkang manguha niyon. Dukhang tao na nga ako ay baka manakawan pa ako.
Sinuot ko na ang uniform ko at bubuksan na sana ang pinto upang mas ayusin pa ang sarili ko sa harap ng salamin sa labas ng cubicle nang mayamaya ay may narinig akong kumalabog. May naririnig ako na kung ano na hindi ko mailarawan.
Babaliwalain ko na lang sana nang makarinig ako ng ungol.
"Uuhhh..."
Napasinghap ako. Lalaki iyong umungol! Pero sigurado ako na sa pambabaeng room ako pumasok.
"Hina..."
Lalo akong nagulat. Tama ba ng narinig ko?
Nakarinig ako ng bahagyang halinghing ng babae. Parang boses nga ni Hina. 'Takte! Pati ba naman dito ay gagawa sila ni Spencer ng milagro?
Hhmmm. Video-han ko kaya. Tinampal ko ang sarili. Ano ba na namang pinag-iiisip ko. Kaya lang, paano ako makakalabas? Hihintayin ko pa silang labasan?
Dumapa ako upang sumilip sa siwang ng pinto sa baba ng cubicle. Pero hindi sapat ang view para makumpirma kung sina Spencer ba at si Hina ang mga iyon.
Nilusot ko ang ulo ko at kitang-kita kong nakasandal sa pinto si Hina habang pinapapak ng lalaki ang leeg niya at pinipisil ang dibdib niya samantalang siya ay hinihimas ang ari nito.
Si Hina talaga, nymphomaniac yata. Masyadong humaling na humaling sa sex. Kahit saan na lang kapag nadatnan ng libog.
Bigla na lang napatili si Hina.
Sa pagkagulat ko 't pagmamadaling tumayo ay nauntog ako sa pinto. Napahimas ako sa ulo ko dahil sa sakit.
"May multo!" sigaw niya.
"Ano ba, Hina? Hindi totoo ang multo."
Natigilan ako sa narinig kong boses. Nagkamali ako sa pagkakakilanlan sa lalaki.
"May ulong nakadungaw doon sa ibaba ng pinto ng cubicle, eh. It 's really creepy."
"Tingnan natin."
Hindi ako makagalaw sa pwesto ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi dahil takot na makita ako rito. Kundi sa sakit na naramdaman ko sa nasaksihan.
Pagkabukas ng pinto ay unti-unting bumungad sa akin ang mukha ni Michael.