Agarang rumesponde ang mga pulis sa tawag na natanggap nila mula sa di kilalang babae. Dalawang babae ang natagpuan sa lumang gusali. Isang estudyante at isang babae na naka itim na cap, black leather jacket at black pants. Isinilid ng imbestigador ang patalim na natagpuan sa crime scene at ang bangkay ay kinuhanan ng litrato.
"Kahina-hinala talaga ang pagpatay dito. Tsk... Naalala mo ba yung natagpuang bangkay sa may eskinita? Parehong-pareho ang estilo ng pagpatay. May ekis sa noo at may death note din." Umiiling pang sabi ni Detective Jason sa pulis na katabi niya na kanina pa nakamasid sa kanyang ginagawa at tumatango-tango lang.
"Pakidala 'tong kutsilyo at paki-imbestigahan kung iyan ang parehong patalim na ginamit sa dalawang bangkay na 'to." Dagdag pa nito na tila ba nagdududa sa pagkakapatay sa dalawang bangkay dahil walang marka na ekis ang isa.
"Okay, Sir." Sagot naman ng pulis na kanina pa nakatunganga sa Detective. Matapos ang pagkuha ng ebidensya sa crime scene ay dali-dali nila itong nilagyan ng sticker na dilaw na nagsasabing "Crime Scene, Do Not Cross". Samantala dinala naman ang dalawang babae sa morgue upang ipa-autopsy. Agad din nilang pina-imbestigahan ang nakuhang ebidensya sa crime scene. Si Detective Jason naman ay bumalik sa kanyang opisina. Agad nitong in-unlocked ang laptop na kanina pa naka on. Iniscan niya ang mga litrato at pinagkumpara ang mga sulat dito. Matapos ang ilang oras na pag-aanalisa sa kasong ito ay naghanda na siya para lisanin ang opisina. Palabas na sana siya ng opisina nang makatanggap siya ng tawag sa kanyang kapatid. Si Justin. Ito ay kasalukuyan din nag aaral ng pagka-detective at gusto niyang tulungan ang Kuya niya sa pagreresolba ng mga unresolved cases nito. Sa kabila ng pagpigil ni Jason dito na huwag kunin ang kursong iyon ay nagpumilit pa rin si Justin.
"Kuya! Pauwi ka na ba?"
"Oo. Pauwi na 'ko. Bakit?"
"Sabay tayo, ha. Kakatapos ko lang sa klase. Sunduin mo ko ha!"
"Sabi ko na nga ba, e. Sige. Hintayin mo 'ko sa gate ng School niyo."
"Salamat, kuya! Kaya love kita e."
"Sus! Nambola ka pa susunduin ka na nga." Humalakhak si Justin sa tinuran ng Kuya niya. Rinig na rinig naman ni Jason sa kabilang linya ang malakas na tawa ni Justin kaya naman natawa na din siya. Mahal na mahal talaga nito ang kapatid niya na kahit na pagod na siya ay hindi pwedeng hindi niya pagbigyan ang nais nito. Naghintay si Justin sa harap ng gate na napagkasunduan nilang pagkikitaang magkapatid. Habang naghihintay ay nakita nito si Sheena na mukhang pauwi na rin. Kaklase niya ito at pareho sila ng kursong kinukuha. Dahil hindi na iba sa kanya ang dalaga ay niyaya niya itong sumabay pauwi. Kahit na alam niyang mailap ito sa lalake ay sinubukan niya pa rin itong alukin na sumabay. Bibihira din kasi itong makipag-usap sa lalaki. Aloof masyado sa tao at hindi mahilig makipag-usap. Pero hindi naman din siya nito iniiwasan. Kapag may tanong siya, lalo na related sa topic sa klase ay sinasagot siya nito. Kahit papano ay nakapag-usap na sila nito.
"Sheena!" Tawag ni Justin sa dalaga. Agad naming napalingon ang dalaga sa direksiyon niya. Tila alam agad nito kung saan at kanino nanggaling ang boses na 'yon.
"Pauwi ka na ba?" Tanong ni Justin nang makuha na nito ang atensiyon ni Sheena. Kahit naiilang ay sumagot naman ang dalaga sa kanya. Mahina pero sapat para marinig ni Justin.
"Ah... e. Oo, Bakit?!" Nagtatakang tanong nito. Bihirang-bihira kasi o minsan pa nga ay walang may pake sa kanya kung saan siya pupunta o kung pauwi na ba siya.
"Sumabay ka na sa 'ken. Susunduin ako ng Kuya ko. Pwede ka naming ihatid sa inyo. And... madilim na sa daan... Delikado na umuwi mag-isa." Sabi ni Justin na nag aalala para kay Sheena. Ngumiti lang ang dalaga at naglakad palayo. Hindi ito sumang-ayon at hindi rin naman ito tumanggi dito. Hindi naman sa ayaw niyang makasabay si Justin dahil mukha naman itong mabait. Kaya lang, ayaw niyang mahulog ang loob niya sa kahit kaninong lalaki. Ayaw niyang sumbatan siya ng magiging kasintahan niya tungkol sa nakaraan niya na kailanman ay hindi niya pinangarap na mangyari. Muli ay lumingon siya kay Justin. Ramdam niya kasing hindi nawawala ang mga mata nito sa kanya. Pakiwari niya ay hinahatid siya ng mga ito papalayo. Nakakailang hakbang pa lamang siya nang marinig niyang may humintong sasakyan sa harap nito. Malamang ay siya na 'yon. Ang lalaking madalas niyang makitang sumundo kay Justin. Ang lalaking kamukha ni Justin. Ang kapatid nito. Kilala ni Sheena ang kapatid ni Justin. Dati pa. At ito ang isa sa mga dahilan kaya ayaw niyang sumabay dito. Dahil sa lihim niya itong gusto. Kahit na alam niyang hindi sila pwede. Alam niyang imposibleng mapansin siya nito. Saglit na muling nilingon niya ang binata. Pagkatapos ay dumako ang paningin niya kay Justin. Ramdam niya ang bilis ng tibok ng puso niya. Naiiling na lamang siya sa kanyang nararamdaman.
"Salamat." Sabi ni Sheena sabay talikod dito at muling naglakad. Pero muling nagsalita si Justin.
"Ano ka ba? Bakit ka nagpapasalamat? Eh hindi ka naman din sasabay..." Nagtatampong sagot naman ni Justin. Alam niyang wala siyang karapatan magtampo. Unang-una ay hindi sila magkaibigan ng dalaga at pangalawa ay hindi naman sila close. Nalungkot ng bahagya ang binata. Ano nga bang magagawa niya kung ayaw nitong sumabay sa kanya. Hindi na narinig pa ni Sheena ang sinabi ni Justin dahil nakalayo na ito sa binata. Nang ibaba ni Jason ang bintana ng kotse para tawagin ang kapatid nito ay agad itong sumakay.
"Kuya, paki-businaan nga siya." Saad nito sabay turo sa babaeng nasa gilid ng daan. Nang matapat kay Sheena ang sasakyan ay binusinaan naman ito ni Jason. Napalingon naman si Sheena na kanina ay nakayukong naglalakad na tila ba kay lalim ng iniisip.
"Miss!" Tawag ni Jason sa kanya.
"Sumabay ka na. Hindi mapakali 'tong kapatid ko hangga't di ka niya nakakasabay." Sabi pa nitong muli.
"Uy, Kuya! Anong sinasabi mo diyan? Nakakahiya naman. Baka kung ano isipin niya." Sabi ni Justin na bakas ang pamumula ng mukha dahil sa kaputian ng kutis nito. Pero bahagyang nagalak ang puso niya dahil totoo naman ang sinasabi ng Kuya niya. Saglit na nag-isip si Sheena. Nang maisip niya na wala naman sigurong mangyayari sa kanya ay pumayag na siya. Hindi na niya nagawa pang tumanggi lalo na nang bumaba pa si Justin ng kotse para lang pagbuksan siya nito ng pinto sa bandang likuran. Naisip niya na napaka gentleman naman nito para alalayan siya kahit di naman sila formal na magkakilala. Inalalayan pa siya nito para hindi mauntog. Mas lalo pa siyang bumilib sa pagka gentleman nito.
"Mabuti naman at sumabay ka na. Nag aalala kasi ako. Baka kung ano ang mangyari sayo sa daan." Sabi ni Justin na sinang ayunan naman agad ni Jason.
"Oo nga. Babae ka pa naman. Baka may kung anong nag-aabang sayo sa paligid." Sabi naman ni Jason.
"Sabihin mo lang sa 'ken ang daan at ihahatid ka namin sa inyo." Sabi pa ni Jason na hindi naman napigilan ni Sheena na mapatingin sa mukha nito. Ang mga mata nitong mapupungay. Daig pa ang babae sa haba ng eye lashes nito. Idagdag mo pa ang magandang kurba ng labi nito. Kahit pa nakatingin ito sa daan ay kitang-kita niya ang mukha nito na parang perpektong hinubog. Kamukha nito ang kapatid niya pero mas magandang lalaki ito kaysa dito. Napakalalim pa ng boses nito na napakasarap pakinggan. Parang isang announcer sa radyo. Awtomatiko namang ngumiti ang kanyang mga labi kasabay nito ang paglakas ng tibok ng kanyang puso. Pero hindi siya nagpahalata sa mga ito at sumagot na lamang.
"Okay po... Diretso lang po. Tapos... Kakaliwa sa may kanto." Nakangiti pero nahihiyang sabi niya. Tumango naman si Jason at saglit na sumilip sa rear view mirror ng sasakyan niya. Pagkatapos ay nag focus na sa pagmamaneho. Pero ganun pa man ay naglalayag ang isipan nito. Naka ukit na sa kanyang paningin ang mukha ni Sheena. Ang maamo at maganda nitong mukha. Gandang-ganda siya sa classmate ng kapatid niya. Limang taon ang tanda ni Jason kay Justin at ang pagkakaalam niya at magka edad si Justin at Sheena. Matagal na niyang nakikita si Sheena. Tuwing magpapasundo sa kanya si Justin ay sakto namang pauwi ito pero ito pa lamang ang unang pagkakataon na nakasakay nila ito at nakausap.
"Wag mo na 'kong pino-po. Bata pa 'ko." Biro ni Jason. Nagkatawanan naman ang magkapatid pero nangiti lang si Sheena. Hindi na yata niya alam kung pano tumawa. Yung tawa na sasakit ang tiyan mo dahil hindi mo mapigilan. Yung tawa na alam mong totoo. Mabuti at kaya pa naman niyang ngumiti. Minsan peke. Minsan totoo. Pero isa lang ang nakikita ng mga tao. Panlabas niyang anyo. Kaya kahit ngumiti siya maghapon, walang magtatanong sa kanya kung okay ba siya. Kung peke ba ang ngiti niya. Pero sa pagkakataon ito ay totoo ang mga ito. Napapatalon ng lalaking ito ang puso niya kaya namana napalagay na ang loob niya sa dalawa. Matagal na niyang nakilala si Jason. Sa totoo ay may gusto siya dito noon pa. Kaya sa tuwing inaaya siya ni Justin sumabay sa kanila ay nahihiya siya. Pero dahil ito na ang nag imbita ay pumayag na siya. Hindi naman lingid sa kaalaman niya na may gusto sa kanya si Justin. Sa tagal na nilang magkakilala ay nakita na niya ang ugali nito. At nalaman niya ang damdamin nito para sa kanya. Hindi na lang niya pinapansin ang mga pagpaparamdam nito dahil ayaw niya din naman dito.
"Okay." Saad niya. Nang matanaw na niya ang nais niyang babaan ay inayos na niya ang sarili. Hindi niya kasi alam kung gaano kagusot ang palda niya sa pag upo niya dahil sa hiya at kaba.
"Pakitabi na lang sa gilid. Diyan lang naman ako nakatira." Sabay turo nung bahay sa kanto. Itinabi naman ni Jason ang kotse para makababa si Sheena.
"Salamat." Sambit niya at agad siyang bumaba. Naglakad siya papunta sa bahay na may gate. Hindi siya agad pumasok sa loob. Sa halip ay humarap siyang muli sa kotse at lumingon sa dalawa. Kumaway siya sa mga ito at nagpaalam. Gayun din naman ang dalawa. Kumaway din sila kay Sheena. Pinaandar na ni Jason ang kotse dahil naisip niyang safe na ang dalaga. Inihatid naman ito ng mga mata ni Sheena papalayo. Maglalakad na sana siya palayo sa gate nang may lumabas na babae.
"Miss, anong kailangan niyo?" Tanong nito.
"Ay, pasensya na po. Maling bahay pala." Sagot naman niya na kunwari ay nagkamali lamang siya. Tumango-tango lang ang babae saka muling pumasok sa loob ng bahay nito. Nang masigurado niyang naglaho na ang sasakyan nila Jason ay saka siya naglakad papalayo sa bahay na kinatatayuan niya kanina. Nag-abang siya ng masasakyan. Ayaw niya kasing may makakaalam ng bahay niya. Ayaw niyang ipaalam kahit kanino kung saan siya nakatira. Ilang minuto pa ay may humintong taxi sa harap niya. Ibinaba nito ang wind shield ng sasakyan marahil ay para Makita niya ito at makausap na rin.
"Neng sasakay ka?" Tanong ng Driver. Agad naman siyang tumango at binuksan ang pinto ng taxi para sumakay. Malayo-layo pa talaga ang bahay niya sa pinagpababaan sa kanya ng magkapatid. Madilim na nang makarating sila kanina sa lugar kung saan siya pinick-up ng taxi at ngayon ay mas lumalim pa ang gabi. Tinahak nila ang madilim na kalsada. Natutuwa siya kapag nakakakita siya ng madilim. Iyon na kasi ang nakasanayan niya. Kahit sa bahay ay ganoon siya palagi. Ayaw na ayaw niyang masisinagan ng liwanag. Nagpapasalamat siya sa gobyerno dahil hanggang ngayon ay wala pa rin ilaw ang poste sa dinaraanan niya. Nagsimula at natapos na lahat-lahat ang eleksiyon ay ganoon pa rin ang lugar nila. Wala naman siyang pakialam dun. Samantala ang magkapatid na Jason at Justin naman ay nakarating na sa bahay nila. Pababa na sila ng sasakyan nang basagin ni Justin ang katahimikang bumabalot sa parking lot. Halos ume-echo pa ang paligid habang nagsasalita siya.
"Ang ganda niya no, kuya?" Sabi ni Justin sa kapatid na parang kumikinang pa ang mga mata habang sinasabi ang katagang ganda.
"Oy, pag-aaral muna ang atupagin ha. Wag puro love love." Sagot naman ng Kuya niya. Sagot na iwas sa tunay na sagot sa tanong ng kapatid. Sa totoo ay nasasaktan siya. Gusto niya si Sheena at pakiramdam niya ay hindi niya kaya na may ibang magkakagusto dito. Pero mahal niya ang kapatid niya.
"Kuya naman! Ang KJ mo. Panira ka ng moment." Sagit nito habang isinasara ang pinto ng kotse.
"Tara na nga." Sabi pa nito. Nauna itong maglakad sa kapatid pero bigla itong may naalala at napahinto. Dahil nakatingin si Jason sa cellphone niya ay muntik pa itong mabunggo sa kapatid.
"Ooopps! Sorry. Ano pala food natin?" Tanong nito habang hawak ang likod na nabunggo sa cellphone. Medyo nabadtrip siya sa Kuya niya kanina pero dahil gutom siya bati na ulit sila. Si Jason kasi ang tagaluto ng food nila. Paminsan ay umoorder na lang sila ng food. Ulila na silang lubos at tanging ang isa't-isa na lamang ang karamay nila. Pagkatanggap palang sa trabaho ni Jason ay namatay na ang mga magulang nila sa isang aksidente sa probinsya. Kaya siya na ang tumayong magulang ni Justin.
"Magpadeliver nalangtayo. Di ako nakapagluto kasi nagpasundo ka pa kanina." Sabi ni Jason nang may paninisi kung bakit hindisiya nakapagluto. Pero sa totoo naman ay lagi talaga silang late kumain dahillagi din siyang nagpapasundo. Napangiti lang si Justin sa tinuran ng Kuya niya.Pag akyat nila sa bahay ay nagpadeliver sila ng pagkain.