Unang pasok pa lamang niya sa kumpanya ay pinapunta na kaagad siya ng kanyang boss sa opisina nito. Agad naman siyang tumalima ng hindi alam kung ano ang nakalaang kapalaran. Basta ang nasa isip niya ay sumunod at magpakitang gilas. Walang kaalam-alam sa bawat magaganap. Sa kung ano man ang mangyayari.
Pag-apak pa lamang niya sa lobby ng building na iyon ay kakaiba na ang kanyang pakiramdam. Lalo pa nang makapasok sa opisina ng CEO nila. Isang sound proof na opisina kung saan ay sila lamang ang makaaalam kung ano ang napag-usapan sa loob nito. Pinasadya iyon ni Marty upang maitago ang kanyang lihim. Nang ipatawag si Meenah sa opisina nito ay agad naman siyang nagtungo roon.
The next thing she knows is she had already signed the agreement.
Kasunduang kailanman ay hindi niya pinagsisisihan. Kasunduang patuloy niyang panghahawakan para lamang sa ikagaganda ng kanilang buhay. Sa ikatutupad ng mga pangarap ng kanyang mga magulang. Sa ikaaahon nila sa hirap. Kasunduang hindi niya alam kung hanggang kailan matatapos. At kung may katapusan pa nga ba.
Nang magbalik sa ulirat mula sa malalim na pag-iisip ay dali-dali siyang tumawag sa kanyang kapatid. Agad naman nitong sinagot ang tawag niya.
"Leen. Pakisabi kay papa hindi na 'ko makadadaan diyan. Tinanghali na kasi ako ng gising. Baka ma-late ako sa work kapag umuwi pa ako." sabi niya dito. Sa totoo lang ay hindi na niya kailangang magpaliwanag. Hindi na siya bata para sa ganoong paliwanagan.
"Ate." halata sa boses ang pagmamaktol na saan ni Leen.
"Alam mo naman si papa. Sa 'yo lang makikinig 'yon dahil kumikita ka na. Hindi makikinig sa 'kin 'yon..." may halong pagdaramdam na sabi pa ng kapatid niya.
Paano'y sa tuwing nalalasing ang kanilang ama ay hindi ito maawat ni Leen sa pagwawala. Lalo na kapag hindi si Meenah ang umaawat dito. Halos atakihin na rin minsan ang kanilang ina kaaawat pero siya lang talaga ang pinapakinggan nito. Wala nang nagawa si Meenah kung hindi ay kausapin ang kanyang ama. Alam niyang hindi ito titigil nang pangungulit sa kapatid hanggat hindi siya nito nakakausap.
"Sige na bigay mo kay papa ang cellphone. Ako na ang kakausap." agad naman nitong ibinigay ang telepono sa kanilang ama.
"O, pa. Sabi ni Leen uminom ka na naman daw. Ang aga-aga alak na naman ang inaatupag mo. Akala ko ba may kontrata ka ngayon kay Mang Ambo?" nag-aalala na medyo naiinis nitong sabi sa ama.
"Ay alam mo naman shi papa mo. Kailangan ng gashulina paminshan-minshan. Pagbigyan mo na shi papa mo, neng." sumisinok pang sabi nito. Halatang lasing na dahil hindi na nito mabanggit ng maayos ang bawat salita.
"Tss. Hindi na 'ko makakauwi para dumaan diyan dahil deretso na 'ko sa work. Huwag ka na uminom. Aatakihin na naman niyan si mama." paki-usap niya sa ama niya na kahit papa'no ay alam niyang susunod naman ito sa bawat sasabihin niya.
"Okay, neng. Hindi na 'ko iinom. Ubosh na e. Hayaan mo 'yan shi mama mo. Papanshin lang 'yan." nagpapatawa pa na saad ng ama niya pero hindi na lang niya pinansin. Naiinis siya rito minsan dahil hindi niya alam kung bakit ito naglalasing. Noon namang mga bata pa sila ay naaalala niya na kahit na kapos sila ay hindi ito umiinom.
Hindi rin ito nagpapabaya sa trabaho. Simula lang nang nagipit sila at nabaon sa utang ay naging ganito na ito. Sa halip na mas umiwas sa bisyo dahil lubog na sa utang ay siya pang lalo nito paglalasing. At ang ina naman niya ay laging wala sa bahay. Matapos mag-usap ay ibinalik na ng kanyang ama kay Leen ang cellphone.
"O bantayan mo si papa ha. Sabihin mo sa 'kin pag uminom pa 'yan. Tawagan mo 'ko agad baka magwala na naman 'yan sa kapitbahay." sabi nitong may pag-aalala.
"Okay 'te. Siya nga pala pahingi ako ng pam-project ha. Kaunti lang kasi kaming magshi-share do'n. Five hundred pesos each kami. Pero kapag nagback out yung isa malamang ay aabutin ng seven hundred fifty bawat isa." sabi ng kapatid na may pagpapaawa pang kasama. Napasapo na lang si Meenah sa batok habang kausap ang kapatid. Nadadalas kasi ang paghingi nito para sa project nito. Nang mapansin ni Meenah na tapos nang maligo si Marty at papalabas na ng banyo ay nagpaalam na siya sa kapatid.
"Sige na. Idi-deposit ko na lang sa account mo. Dagdagan ko na lang ng isang libo. Bigay mo kay mama ha." sabi ni Meenah saka nagpahabol pa ng bilin.
"Huwag kay papa baka ipang-inom lang niya 'yon. Sabihin mo rin kay mama na pandagdag 'yan sa gastusin sa bahay kaya 'wag ipangbi-bingo. Okay?" sabi pa niya sa kapatid na may paninigurado.
"Okay, ate. Thank you. Love you!" sagot nito saka ibinaba ang telepono. Makalipas ang ilang minuto pagkababa ng tawag ay nakatanggap ng alert message si Leen na natanggap na niya ang pera na ini-transfer ng ate niya.
"Wohoo!" sigaw ni Leen na napapatili pa sa tuwa. Agad siyang nag-dial sa telepono saka may tinawagan.
"Erp, makakasama na 'ko sa inyo bukas. Night swimming tayo ha! Walang indyanan." puno ng excitement na sabi nito sa kausap. Dinig naman sa kabilang linya ang pagtili ng kausap nito. Tila ba tuwang-tuwa sa ibinalita ni Leen.
"Kasama ba si Reid?" tanong pa nito. At nang makumpirmang sasama ang nabanggit ay nagtatalon pa ito sa kilig. Habang busy ito sa telepono ay nakatulog naman ang ama nito sa upuang kahoy sa labas ng bahay. Hindi alintana ang sinag ng araw na dumadampi sa mukha nito. Parang sanay na sa sinag ito at hindi na ito natitinag sa pagkakapikit.
"Tss. Inom kasi ng inom. Hindi naman kaya." sambit ni Leen nang mapansin ang ama na natutulog matapos kausapin ang kaibigan ukol sa swimming.
Hindi naman mapigilan ni Meenah na mapalunok sa nakita nang makalabas ng banyo ang boss niya. Kahit na makailang ulit na niya iyong nakita at nadama ay hindi pa rin nawawala ang pantasya niya sa hubog ng katawan ni Marty. Abala naman ang binata sa pagpupunas ng basa niyang buhok. Makailang punas pa ay napahinto ito at napatingin sa kanya.
Nang mapansin niyang nakatingin ito ay agad niyang inilihis ang paningin dito. Matapos ay dali-daling pumasok sa banyo para maligo na rin. Nang nakahanda na si siya para pumasok sa opisina ay lumabas na siya ng kwarto habang si Marty naman ay nag-aalmusal na. Kahit nakita na siya nito ay patay malisya lamang ito at patuloy sa pagkain. Nang naramdaman nitong nakatingin siya ay tinitigan lamang siya nito nang matalim. Agad din namang napawi ang matalim na titig nito nang ngitian niya ito.
Pero seryoso pa rin itong tumingin sa kanya. Mayamaya ay inalok siya nitong kumain pero seryoso pa din ang ekspresyon ng mukha. Hindi yata nito alam ang salitang ngiti kapag kaharap siya. At dahil sanay naman siyang hindi nag aalmusal ay tumanggi siya sa alok nito. Maari naman din siyang magkape pagkarating sa opisina.
"Mauuna na 'ko. Marami pa akong aasikasuhin sa opisina." saad niya dito. Matalim lamang siyang tinitigan ni Marty. Kahit makailang beses na silang nagtalik ay malamig pa rin ang trato nito sa kanya kapag wala sa kama. Hindi man niya aminin na kahit ganoon ang trato nito sa kanya ay mahal niya ito. Minahal na niya ito. Pero kay Marty? Wala. Wala siyang maaasahan dito.
Paano nga ba nagsimula ang kanilang ugnayan? O sabihin nating ang malaswang ugnayan nila.
"Ms. Kameenah Laurente, right?" tanong ng secretary ni Marty.
"Yes." agad naman siyang tumango at sumagot sa secretary ng magiging boss niya.
"Pinatatawag ka ng CEO namin. Si Sir Martin Alfonso. Siya ang last na mag-iinterview sa 'yo. Lahat ng nakapapasa sa final screening ay dumaraan sa kanya." nagtataka man ay sinunod niya ito. Bihira kasi o baka nga itong kumpanya lang na ito ang company na ang mismong CEO ang nagpa-final screening sa magiging employee nito. Napakahands-on naman nito sabi niya sa isip niya.
"Okay." sagot niya rito. Iginiya siya ng secretary sa opisina ng CEO. Maka-ikatlong katok pa bago sumagot ang tao sa loob ng opisina.
"Please come in." sabi ng lalaking nasa loob. Agad naman silang pumasok sa loob ng kasama niyang secretary.
"Sir, she's Ms. Kameenah Laurente. The new accounting manager." saad nito.
"Okay. Thank you, Ms. Zaina. You may go back to your office." pagkasabi ng CEO sa secretary nito ay agad naman itong nagpaalam. Sa boses pa lamang ng CEO ay nakaramdam na ng kaba si Meenah.
Hindi niya alam kung bakit. Mukha namang mapagkakatiwalaan ang boss niya. Idagdag mo pa ang gwapo nitong mukha. Hindi mo rin kakikitaan ng anumang maaring dahilan ng naramdaman niyang takot. Lalo na kapag ngumiti ito. Tila anghel na bumaba sa lupa kung titingnan ito.
Pero kakaiba ang nararamdaman niya. Halos magsitayuan ang balahibo niya sa katawan. Pagkalabas ng secretary nito ay tila nanlamig siya. Kung paano siya titigan ni Martin. Kung paanong ang mga mata nitong nangungusap ay halos pabilisin ang tibok ng kanyang puso.