Chereads / The Luckiest Dreamer / Chapter 2 - TLD | Chapter 1

Chapter 2 - TLD | Chapter 1

"Lilac! Peach! Ano'ng oras na, mahuhuli na kayo sa klase!" sigaw ni Via sa mga kapatid habang inihahanda ang mga baong kanin at ulam ng mga ito.

Pasado alas siete na at kailangan na nilang umalis. Alas siete y media ang unang klase ng mga ito at alas otso naman ang pasok niya sa trabaho.

"Heto na po," anang sampung taong gulang na si Lilac. Kinuha nito ang tupperware na may lamang kanin at ulam sa ibabaw ng mesa at isinilid sa bag. "Hindi na ako kakain ng almusal, Ate."

"Talagang hindi na dahil wala na kayong oras. Ang kukupad niyo kasing kumilos," sermon niya.

"Ang lamig kasi ng tubig, Ate.." ungot ni Lilac sabay sukbit ng backpack.

Doon sumulpot si Peach na nagsusuklay ng buhok. Dinilatan ni Via ang kapatid at inagaw mula rito ang backpack para isilid doon ang baon nito.

Sina Lilac at Peach ay kambal at bunso sa kanilang limang magkakapatid. Parehong nasa grade three at kabilang sa highest section. Sa kabila ng pagiging kambal ng mga ito ay magkaiba ng ugali ng dalawa. Si Lilac ay mas matured at behaved samantalang si Peach nama'y makulit at kikay.

"Ate, papaalahanan lang kita na sa makalawa na ang field trip namin ha?" sabi ni Peach nang makalabas na sila ng bahay.

Natigilan siya. Naalala niyang nabanggit na iyon sa kaniya ng kambal noong nakaraang linggo pero hanggang ngayon ay wala pa rin siyang naihahandang pambayad.

"Ngayon na po ang deadline ng bayarin, Ate." Dugtong ni Lilac sa sinabi ng kakambal.

Tumikhim siya, "Pwede niyo bang sabihin sa teacher niyo na bigyan ako hanggang bukas? Maghahanap ako ng mahihiraman mamaya sa mga katrabaho ko."

Sandaling nagkatinginan ang kambal bago siya sabay na hinarap.

"Okay lang naman na hindi na kami sumama sa field trip, Ate," Sabay din na sambit ng mga ito.

Marahas siyang umiling. "Sasama kayo dahil gagawa ako ng paraan. Hindi ako papayag na hindi ninyo maranasan ang field trip na iyan ngayong taon!" aniya. Noong mga nakaraang taon ay hindi nakasama ang kambal sa mga school trips na labis niyang ikinalungkot. Kaya ipinangako niya sa sariling babawi ngayong taon.

Nang makitang may dumaang tricycle ay mabilis na pumara si Via, "O, hayan. Lumarga na kayo at anong oras na. Bukas ay ibibigay ko sa inyo ang pambayad niyo sa trip."

Alanganing tumango ang dalawa bago sumampa sa humintong tricycle. Hanggang sa mawala sa tingin niya ang mga kapatid ay hindi umaalis sa kinatatayuan si Via. Habang lumalaki ang mga ito ay lumalaki at dumarami rin ang mga gastusin nila. Pero kahit na nahihirapan na siya ay alam niyang hindi siya maaaring sumuko. Giving up was never an option, lalo at nangako siya sa mga magulang na itataguyod ang mga kapatid sa abot ng kaniyang makakaya.

Tatlong taon palang ang lumipas matapos mamatay ang mga magulang nila sa isang aksidente. Ihahatid sana ng Papang nila ang kanilang Mamang sa bus station gamit ang motorsiklo nila nang may makasalubong ang mga itong pampasaherong bus na nag-overtake sa unahang sasakyan. Nagkamali ng liko ang Papang nila at nahulog ang motor kasama ang mga sakay nito sa bangin. Naidala pa sa ospital ang kanilang mga magulang subalit hindi nagtagal ay pareho ding binawian ng buhay.

Dating guro sa elementarya ang kanilang Mamang at patungo sana sa isang seminar sa Maynila noong araw na mangyari ang aksidente. Samantalang ang kanilang Papang ay dating kusinero sa pinakamalaking beach resort sa bayan nila. They were living a normal, but a happy life.

Until the accident.

Nakaramdam siya ng matinding lungkot nang maalala ang nangyari sa mga ito. Nangako siya sa mga magulang bago ang mga ito binawian ng buhay na aalagaan at po-protektahan ang mga kapatid sa abot ng kaniyang makakaya, at gagawin niya iyon sa lahat ng paraang alam niya.

Nagising siya sa malalim na pag-iisip nang may dumaang isa pang tricycle. Pinara niya iyon at nagpahatid sa Resort de Almira kung saan siya nagtatrabaho bilang housekeeping staff. Doon din dati nagta-trabaho ang kaniyang Papang noong nabubuhay pa ito.

Habang nasa daan ay wala sa sariling nakatingin lang siya sa malapad na palayan at maisan.

La Esperanza. Iyon ang pangalan ng kanilang bayan. Isa ang La Esperanza sa mga mayayamang bayan sa Hilagang Luzon. It's a four-hour drive from Manila at kalapit lang ng Bataan. Malinaw pa sa isipan niya ang araw na dinala siya ng Mamang at Papang niya sa lugar na iyon.

Ang totoo ay hindi siya tunay na anak nina Julio at Marinel Santimeda. Ipinanganak siya sa Maynila at apat na taong gulang nang mamatay ang tunay na ina. Dahil wala siyang kinagisnang ama ay naiwan siya sa poder ng malayong kamag-anak ng ina na naging malupit sa kanya. One day, she took her chance and ran away. Sa loob ng ilang linggo ay naging palaboy-laboy siya sa kalye, nanlilimos ng barya sa mga simbahan kasama ang ilang mga batang kalye para may pambili ng kaunting pagkain. Deep in her heart she wished she'd find someone to take care of her. At ang hiling na iyon ay nagkatotoo nang makilala niya ang mag-asawang Santimeda.

Isang araw ay nabundol siya ng isang kotse na agad ding tumakas. Ang mag-asawang Santimeda ang unang tumulong sa kaniya at nagdala sa kaniya sa ospital. Nang magkamalay siya ay naroon ang mga ito at nakabantay. They even offered to send her home, pero nang sinabi niyang wala na siyang pamilya at bahay na matitirhan ay hindi nagdalawanag isip ang mga itong isama siya pauwi sa La Ezperanza.

Naging mabait sa kaniya ang mag-asawa, inalagaan siya at minahal ng mga ito na parang tunay na anak. Ginawang legal ng Mamang niya ang pag-ampon sa kaniya. Makalipas ang isang taon ay nagdalantao ito sa unang pagkakataon at lumabas sa mundo si Blue.

Isang taon matapos maipanganak si Blue ay may inuwing batang lalaki ang Papang niya na ayon dito ay anak daw ng kumpare nitong namatay at walang mapag-iiwanan ng anak. Likas na mahilig sa bata ang mag-asawa at ikinatuwa ang pagkakaroon ng isa pang anak na lalaki na ka-edad lang din halos ni Blue. They adopted that child and named him Grey. Lumipas pa ang ilang taon at ipinagbuntis ng Mamang nila ang kambal.

Ni minsan ay hindi naramdaman ni Via na ampon lang sila ni Grey. Pantay-pantay ang turing sa kanila ng mga magulang at parehong minahal at inalagaan. Malaki ang utang na loob niya sa mga ito ay nangako siya sa sariling aalagaan din at po-protektahan ang mga kapatid.

Pinahid niya ang luhang dumaloy sa pisngi. Kapag ganoong naaalala niya ang mga magulang ay naluluha siya. It has been three years pero hanggang ngayon ay masakit paring isipin na wala na ang dalawang taong naging mabuti sa kaniya.

Suminghot siya at sinulyapan ang relos. Dalawampung minuto bago mag-alas otso, kailangan niyang umabot sa oras ng pasok dahil kung hindi ay si-sermunan siya ng Ninong Teban niya na siya ring Supervisor ng Housekeeping Department ng resort.

Nasa sangang daan na sila patungo sa resort nang huminto ang tricycle dahil sa sasakyang nakahinto at nakaharang sa gitna ng daan. Nilingon niya ang matandang tricycle driver at hinintay na bumaba ito para kausapin ang sakay ng kotse subalit tila wala itong planong gawin iyon kaya siya na ang bumaba. Nilapitan niya ang sasakyan upang pakiusapan ang driver ng magarang sasakyan na padaanin sila at huwag haharang-harang sa daan.

"Excuse me, baka naman pwedeng gumilid kayo at—" Natigilan siya nang makilala ang driver ng kotse.

Don Armando Castillano! Nakasandal ito sa upuan at sapo ang dibdib. Nakabukas ang mga bintana ng kotse kaya malinaw niyang nakikita ang pamumutla nito.

"Don Armando!" Nakita niya kung paanong tumaas-baba ang dibdib nito na tila naghahabol ng paghinga. Binuksan niya ang pinto ng kotse at tinanggal ang pagkakakabit ng seatbelt nito. "Ano po ang nangyayari sa inyo?"

"P-please bring me.. to the.. hospital. I.. can't.. breathe!" Hirap nitong sambit habang sapo parin ang dibdib.

Nataranta siya. Mabilis niyang sinigawan ang matandang tricycle driver at humingi ng tulong.

Ilang sandali pa ay sakay na sila ng tricycle patungo sa ospital sa bayan.

*****

Pasado alas-dies na at wala nang pag-asang makakapasok pa si Via sa trabaho sa araw na iyon. Hiling nalang niya ay hindi sana siya mapagalitan ng Ninong Teban niya. Kapag nalaman nitong sinagip lang naman niya ang buhay ng may-ari ng Resort de Almira, siguro naman ay papalampasin nito ang hindi niya pagsipot sa trabaho?

Napabuntong hininga siya. Plano pa man din niyang bumale sa Ninong Teban niya pambayad ng kambal sa field trip.

Sinulyapan niya ang pinto ng private unit ni Don Armando at saka bumuntong hininga. Ayon sa doktor na sumuri sa matanda ay nakaranas ito ng minor heart attack at kung hindi daw kaagad nadala sa ospital ay baka kung ano pa ang nangyari rito. Kasalukuyan nang nagpapahinga ang Don at bukas-makalawa ay maaari nang lumabas.

Tumayo siya at nagtungo sa nurse station para magsabing aalis na. Tumawag na siya kanina sa mansion ng mga Castillano para ipaalam sa mga naroon ang nangyari. Nakausap niya ang nagpakilalang si Yaya Selma at sinabi nitong kaagad na pupunta sa ospital, sigurado siyang ilang sandali pa ay naroon na ito kaya maaari na siyang umalis. Kailangan niyang pumunta sa resort para ipaliwanag sa Ninong Teban niya ang nangyari at nang maka-bale na rin siya.

Naglalakad na siya palabas ng ospital nang mapadaan sa emergency room. Natigilan siya. She couldn't help but think of the day their parents had an accident. Umabot pa ng emergency room ang Papang nila at sandali pa niyang nakausap bago ito nawala, samantalang ang Mamang naman nila ay tumagal pa ng ilang oras bago rin bawian ng buhay.

She sighed. Nasa ikalawang taon lang siya sa kolehiyo nang mangyari ang aksidenteng iyon na naging sanhi upang tumigil siya sa pag-aaral. Sina Blue at Grey naman ay pawang nasa grade seven samantalang ang kambal ay nasa unang taon ng elementarya. She was only eighteen then and she needed a job. Kailangan niyang magtrabaho para matustusan ang pag-aaral ng apat at pangangailangan nilang lahat. Ang perang nakuha niya mula sa insurance ng Mamang nila ay naubos lang din sa mga babayarin. Sina Blue at Grey ay nagsabi noong titigil na muna sa pag-aaral at sa edad na trese ay maghahanap nalang daw ng trabaho sa palengke. Ikinagalit niya iyon at sinermunan ang mga ito. Isinumpa niya sa sariling magtatapos ang mga kapatid niya at gagawin niya ang lahat para matupad iyon.

She brushed off all the sad memories and continued to walk. Papaliko na siya sa hallway nang biglang may mabanggang lalaki na humahangos sa paglalakad. Muntik na sana siyang matumba kung hindi ito naging maagap at nahila ang braso niya.

"Watch it!" Salubong ang kilay nitong sambit sa kaniya, nasa tinig ang inis.

Napatingala siya at napasinghap. Hindi makapaniwala sa nakikita. Naka-awang ang bibig na pinaglakbay niya ang tingin sa mukha ng kaharap. Alexandro Castillano!

Nakita niya kung papaanong lalong kumunot ang noo nito sa literal na pagkakaawang ng bibig niya. Binitiwan siya nito at walang ibang salitang nilampasan siya at itinuloy ang mabilis na paglalakad.

Parang lokang sinundan niya ito ng tingin.

Si Alexandro ang nag-iisang anak at tagapagmana ni Don Armando. Kahit kailan ay hindi niya makakalimutan ang lalaking iyon. Ilang taon niya rin itong hindi nakita sa La Esperanza kaya nagulat siyang makita ito roon.

Alexandro Castillano... Lihim siyang napangiti. She was barely fourteen when she first seen him. They were in the same school, she was in highschool while Alexandro was in college. Nasa huling taon na sa kolehiyo ang binata noon at unang kita palang niya rito ay tila na siya tinamaan ng pana ni Kupido.

Ang paaralan na pinasukan niya noon ay may iba't ibang departments mula primary hanggang college, iyon ang pinakamaganda at malaking unibersidad sa norte. Malapit lang ang college building sa highschool building kaya madali sa kaniyang pumuslit doon para makita lang si Alexandro o Xander sa malalapit na mga kaibigan nito. Mula malayo ay napagmamasdan niya ito na kasama ang mga kaibigan. Kapag nasa covered court naman ito at nagpa-practice ng basketball ay naroon din siya at nanonood. Hindi siya kilala nito at malamang na hindi siya napapansin pero hindi sa kaniya mahalaga iyon. Ang masilayan lang ito noon sa araw-araw ay higit pa sa sapat.

Xander was her biggest childhood crush. Nang magtapos ito sa kolehiyo ay umalis na ito ng La Esperanza upang kumuha ng master's degree sa America. Simula noon ay hindi na niya muling nakita pa si Xander. Until that day...

Wala na sa paningin niya si Alexandro pero para parin siyang loka na nakatingin sa dinaanan nito. Sa paningin niya ay tila may mga bulaklak na naiwan sa sahig na nilakaran ni Xander at namamangha siya. Ang puso niya ay mabilis at malakas ang pagtibok. Hindi niya maipaliwanag ang galak na nararamdaman, para siyang teenager na kinikilig na hindi niya mawari. Doon niya napagtantong hanggang ngayon ay si Alexandro Castillano pa rin pala ang lalaking laman ng pantasya niya.

Tila bigla siyang sumigla at nakangising lumabas ng ospital. Pagkalabas ay tumingala siya sa langit.

Lord, can you grant this poor dreamer's wish?

*****