Chereads / LEGENDARY DEVILS / Chapter 37 - KING'S VENGEANCE

Chapter 37 - KING'S VENGEANCE

"DAD? SI Inconnu? Nasaan ho siya?" takang tanong ni Sierra. Isang araw na ang nakakalipas matapos alisin ang benda sa mga mata. Excited pa naman siya dahil gusto na niyang makita ang lalaki. Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito bumabalik. Ang sabi ng daddy niya ay binabantayan siya ni Inconnu sa pagtulog. Hindi nga lang niya ito nagigisingan dahil nagkataon naman na inutusan ito ng ama. May mga pagkakataong wala ito dahil bumili ng gamot o minsan naman ay bumili ng pagkain o kausap ang doktor niya.

Napapaisip man, iniiwasan ni Sierra na magisip ng iba. Alam niyang hindi magsisinungaling ang daddy niya sa kanya. Tiwala siyang binabantayan ni Inconnu. Isa pa ay may mga gamit pa si Inconnu sa private room niya pati na rin si Nadia kaya naiisip niyang wala siyang dapat na ipagalala.

"Nasa labas. Pinapunta ko sa nurse station para itanong kung ano'ng oras darating ang doktor mo," paliwang ng matanda at napatikhim. Agad itong nagpunta sa lalagyanan ng mga pagkain at pinagbalat siya ng mansanas. "Binili ito ni Inconnu kanina. Nagbilin na pakainin kita kapag nagising ka,"

Tumango na siya at napaisip. Agad niyang sinuway ang sarili. Bakit ba siya nagiisip? Isang araw pa lang niyang hindi nakakasama ang binata, hindi siya dapat magisip ng iba. Napabuntong hininga si Sierra sa naisip.

"Sir, gising na ho si Inconnu!" tuwang bungad ni Nana Lilith at namutla ito ng makitang gising siya. "M-Ma'am..." kinakabahang anas nito.

Biglang kumabog ang dibdib ni Sierra. Nagtaka siya sa reaksyon ng matanda at napatingin sa ama. Lalo siyang nagduda ng mabitawan ng matanda ang mansanas at namutla din!

"Dad, what's going on?" pigilang hininang tanong niya. At habang tumatagal, binabalot siya ng pagaalala. Hindi na niya mapigilang magisip. Nagising si Inconnu? Bakit? Ang buong akala niya ay nasa labas lang ito kagaya ng sinabi ng daddy niya!

Tumiim ang titig niya sa ama at nanginig na siya ng magiwas ito ng tingin. "Dad! Please!" kinakabahang giit niya. Pigil na pigil na huwag maiyak dahil mahigpit siyang binilinan ng doktor na bawal munang ma-stress ang mga mata niya.

"Anak, please... calm down... n-nasa kabilang kwarto lang si Inconnu. S-Si Nana Lilith ang nagbabantay sa kanya..." natatarantang paliwanag ng matanda.

"What..." hindi makapaniwalang anas niya. Lalo siyang naguluhan at mariing ipinikit ang mga mata para pigilang maiyak sa sobrang desperasyon! "Dad, please. I am begging you. Tell me the truth. Mababaliw ho ako sa ganito... a-ano'ng nangyari kay Inconnu?"

Nanghihinang napaupo ang matanda sa tabi niya at nagsimulang magpaliwanag. "H-Habang inaalis ng benda mo, lumabas siya para sundan ang nurse na sinasapian ng demon. Sa isang kuwarto sila dito nakita pagkalipas ng isang oras. Walang malay si Inconnu at duguan. Patay na ang nurse at si... Nadia..."

Natutop ni Sierra ang mga bibig. Biglang-bigla siya. Kaya pala hindi niya nakikita si Nadia. Ang paliwanag din kasi ng daddy niya ay sinasamahan ni Nadia si Inconnu kaya hindi siya nagiisip ng iba. Bigla siyang naawa sa babaeng nadamay na naman. Kasabay noon ay sobra din siyang nagaalala kay Inconnu. Doon niya napatunayan na napakahirap ng kalagayan niya. Ni hindi niya magawang umiyak para mailabas ang kinikimkim na pagaalala!

"I-I want to see him... please..." pakiusap niya sa ama.

Tumango ito. "I'll see what I can do. Kakausapin ko ang nurse kung puwede kang sumakay sa wheelchair para makita siya," anito saka lumabas.

Hindi mapakali si Sierra sa kinauupuan. Panay siya dasal. Panay siya pakiusap sa diyos na sana ay huwag nitong hayaang mapahamak si Inconnu. Marami pa silang pangarap. Hindi mangyayari ang lahat ng iyon oras mapahamak ito.

"Pumayag sila," anunsiyo ng ama pagpasok. May kasama itong nurse at ito na mismo ang tumulong para maiupo siya sa wheelchair. SOP din naman iyon sa ospital kay naintindihan ni Sierra. Inayos na rin nito ang dextrose niya sa stand noon para madala iyon sa kabila.

Lumipat na sila. Habang papalapit sa katabing kuwarto ay kumakabog ng ubod lakas ang dibdib ni Sierra. Nanunuyo din ang lalamunan niya sa kaba. Saglit na parang tumahimik ang paligid at kabog lang ng dibdib ni Sierra ang naririnig niya.

Binuksan na ang pinto at nanghina siya ng tumambad sa kanya si Inconnu. Nakabenda ang mukha nito at maraming sugat at pasa sa braso. Bugbog sarado ito. Ang bigat-bigat at ang sakit-sakit ng dibdib ni Sierra dahil pinipigilan niya ang sariling maiyak.

"Hindi ko sinabi ang kalagayan niya dahil ayokong ma-stress ang mga mata mo. I am sorry kung maraming beses akong nagsinungaling," hinging paumanhin ng daddy niya.

Napabuntong hininga ito. "Hindi ko pa rin siya nakakausap. Nang makita sila ng mga staff ng ospital sa kabilang kuwarto, hanggang ngayon ay hindi pa siya nagkakamalay." dagdag na imporma ng matanda.

Malungkot na tumango si Sierra at hinawakan ang kanang kamay ni Inconnu na hindi apektado. Napakurap-kurap siya para pigilang maluha dahil sa sobrang awa dito. Sa sulok ng puso ni Sierra, bumubulong iyon. Hindi na ba matatapos ang lahat? Ang dami ng namamatay at nadadamay. Sino ang susunod? Si Inconnu? Ang daddy niya? Ang mga taong malalapit sa kanila? O siya na ang susunod?

Bumigat ang dibdib ni Sierra. Okay lang kung siya ang susunod basta doon na matitigil ang lahat. Posible kaya iyon?

"S-Sierra..." hirap na ungol ni Inconnu. Tumalon ang puso ni Sierra. Pinisil niya ang kamay ni Inconnu para maiparamdam ang presensya niya.

"I'm here, honey..." anas niya at masuyong isinandig ang pisngi sa palad nito. "This time, babantayan kita. Ako naman ang magaalaga sa'yo..."

"Y-You have to hide... S-Si Hades na mismo ang nagpunta dito para patayin ako..." hirap nitong paliwanag at sinabi ang mga nangyari hanggang sa mga sandaling iyon.

Napalunok si Sierra sa kaba. Ang king of hell na ang nagkahanap sa kanila! Anumang sandali ay nasisiguro niyang isa sa kanila ang isusunod nito.

"No. Hindi ako magtatago. Haharapin natin siya Inconnu," determinado niyang sagot.

Nagkandailing ito. "Mapapahamak ka," hirap na giit nito.

"Hindi kita iiwanang magisa," giit din niya at hinigpitan ang hawak sa kamay nito. "Hindi ko bibitawan ang mga kamay mo hanggang sa huli,"

"Sierra—"

"Inconnu, huwag mo na akong itaboy. Gagawa rin naman ako ng paraan para makasama ka," pinal na saad niya at masuyong ngumiti dito. "At nakahanda na ako sa mangyayari sa atin," makahulugang saad ni Sierra.

"Ma'am, nandito na ho ang mga pulis. Gusto nilang kausapin si sir tungkol sa nangyari sa nurse ay kay Nadia," singit ni Nana Lilith sa kanila.

Agad na siyang tumango at dinala muna ng ama sa sariling kuwarto. Nangako naman ang daddy niya na tutulungan si Inconnu. Nagtawag ito ng abogado para tulungan ito sa kaso. Naiwanan naman siyang nagiisap sa kuwarto hanggang sa puntahan ng isang nurse para tingnan ang suwero at dextrose niya.

At sa pagdaan nito ay hindi niya nakatakas sa pangamoy niya ang kakaibang samyo nito: sulfur! Napatitig siya sa babaeng nurse at ngumisi ito sa kanya.

"Hello, Sierra. Finally, we met," anito sa tonong lalaki. Nanayo ang mga balahibo ni Sierra dahil sa boses nito. Malagom iyon at parang galing sa ilalim ng lupa.

Nakaramdam ng takot si Sierra pero gayunman, kinontrol niya iyon. Huminga siya ng malalim at buong tapang na sinalubong ang mga tingin nito.

"Hades, ako na ba ang isusunod mo?"

Napahalakhak si Hades. Kinilabutan si Sierra sa malakas nitong tawa. Gayunman, pinatatag niya ang dibdib. Hindi siya kumukurap habang nakatitig dito at hinihintay ang sunod na sasabihin. "Exactly." simpleng sagot nito matapos ng walang halong katinuang pagtawa.

Napalunok si Sierra dahil sa napipintong kamatayan. Gayunman, pinagana niya ang isip. Kailangang makagawa siya ng paraan para mailigtas ang mga taong mahal.

"I-I have a proposal. You will love it. Hear me out first," pigil hiningang suhestyon ni Sierra. Umaasang makikinig si Hades at pagbibigyan ang ideyang naisip niya.

Doon unti-unting nawala ang ngisi ni Hades at naupo sa tapat niya. Napalunok si Sierra para pigilan ang sariling maduwal dahil sa amoy nito.

"Okay. Start convincing me," anito.

Isang mahabang hininga ang pinakawalan ni Sierra bago sinabi ang mga proposal kay Hades...

---------------------------------------------

"S-Sierra... where are you..." ungol ni Inconnu. Agad hinawakan ni Sierra ang mga kamay ni Inconnu. Sinalubong niya ng isang matamis na ngiti ang pagmulat ng mga mata nito. Pagkatapos nilang magusap ni Hades ay muli siyang nag-request sa ama na puntahan si Inconnu. Pinagbigyan naman siya ng matanda dahil nakaalis na rin ang mga pulis.

Dahil sa tulong ng abogado ng daddy niya ay nakatulong iyon para mapabilis ang kaso. Dumaan sa ngayon sina Nadia sa autopsy at hinintay na lang ang resulta. Ayon sa abogado ng ama ay makakatulong ang resulta para mapatunayang walang kinalaman si Inconnu sa pagkamatay ng dalawa.

Sa ngayon ay hinayaan naman silang magkaroon ng privacy ang ama. Aaminin ni Sierra, hindi na siya nakakaramdam ng takot ngayon. Magaan na ang kalooban niya dahil nasisiguro niyang ligtas na ang mga mahal niya sa buhay...

Lihim na napabuntong hininga si Sierra at ipinilig ang ulo. Nangako siya sa sarili kanina na hindi muna iisipin ang kasunduan nila ni Hades. Naisip niyang samantalahin ang pagkakataon kaya hayun siya sa harapan ni Inconnu. Inaalagaan ito. Kaya naman niya at alam niyang anumang araw ay magdi-discharge na rin siya.

"I am here, honey." masuyo niyang anas at pinisil ang palad ni Inconnu.

"Are you okay? Hindi ka pa ba pinupuntahan ni Hades?" nagaalalang tanong nito.

Napaisip siya kung sasabihin ang totoo dito hanggang sa nagpasya si Sierra na itago na muna. Hindi pa iyon ang tamang panahon para sabihin ang lahat dito. Natatakot si Sierra na baka mabinat si Inconnu kaya sa huli ay pinili niyang magsinungaling.

"Hindi. Huwag kang magalala. Wala akong demon na naramdaman. Tingin ko, ligtas pa tayo sa ngayon," pigil hininang anas niya at huminga ng malalim. "Huwag mo munang isipin si Hades. Magpagaling ka muna. Babantayan kita," pangako niya rito.

Dahil sa bigat ng pakiramdam, hindi na rin nakuhang makipagtalo ni Inconnu. Natulog ulit ito at matyaga niya itong binantayan. Umalis lang siya ng kailanganin na niyang bumalik sa sariling kuwarto para makapagpahinga.

Sa loob ng ilang araw na pagkaka-confine ni Inconnu ay naging ganoon ang sistema nila ni Sierra. Lagi itong pinupuntahan ng dalaga para alagaan hanggang sa tuluyang na-discharge. Si Inconnu naman ay naging maayos ang pakiramdam hanggang sa tuluyan na ring gumaling.

"Pagbalik natin sa Pilipinas, magpakasal na tayo," suhestyon ni Sierra habang nagbabalat ng mansanas. Nagiisa lang siyang nagbabantay ngayon kay Inconnu dahil kausap ng daddy niya ang abogado para sa kaso ni Inconnu.

Lumabas na ang resulta ng autopsy ng nurse at si Nadia. Nagkaroon ng cardiac arrest ang mga ito kaya namatay. Dahil doon ay tuluyang hindi nadamay si Inconnu sa pagkamatay ng dalawa. Sa ngayon ay isasabay nilang pauwi ang bangkay ni Nadia. Ang nurse naman ay ipinalibing na rin ng sariling pamilya.

At nasisiguro ni Sierra na iyon na ang simula ng katahimikan sa buhay nila. Katahimikang si Hades din ang nagbigay dahil sa deal na ginawa nila...

Napalatak si Inconnu. Takang napatingin tuloy si Sierra dahil sa reaksyon nito. "Ayaw mo?" hindi makapaniwalang tanong niya.

"Sierra, hindi sa ayaw ..." namamanghang sagot ni Inconnu saka napakamot sa batok. "I intend to do that. In fact, I already asked your father about this. He gave his blessings. Pumayag na siya basta pumayag ka lang din daw,"

Napanganga siya rito hanggang sa natawa. Kinikilig na naupo siya sa tabi nito at pabirong tinampal ito sa pisngi. "Nauna ka na palang nag-propose kay dad!"

"Pero nauna ka pa ring nag-suggest sa akin," anito saka napabuga ng hangin.

Natawa siya. Ngayon ay naiintindihan na ni Sierra ang naging reaksyon ni Inconnu: gusto nitong dito magmula ang proposal! Napahagikgik siya. "Okay, okay. Ask me now,"

"Okay then," naiiling na sagot ni Inconnu. Gayunman, wala namang halong inis sa tono at mukha nito kundi pagkaaliw. Ilang sandali ay sumeryoso ito at buong suyo siyang tinitigan. "Sierra Manaois, would you like to give me the honor to be your husband?"

"Yes!" agad niyang sagot at siniil ito ng halik. Naluha na si Sierra dahil sa sobrang saya at pananabik. Kasabay ng mga emosyong iyon ay nandoon din ang lungkot.

Dahil oras na makasal siya rito ay oras na rin ng paniningil ni Hades sa deal...

"I want a simple wedding," lumuluhang anas niya.

"No," agad na sagot ni Inconnu at tinitigan siya. "Hindi naman tayo nagmamadali. We have a lot of time to prepare."

Nagkadailing siya. Natataranta ang isip niya dahil siya ay kaunti na lang ang oras. Gayunman, hindi niya iyon masabi dito. Tuluyan na siyang naduwag. Natatakot siya at ayaw marinig ang sumabat nito...

"But I want you to be mine." seryoso niyang saad saka ito tinitigan. "Please, pagbigyan mo na ako."

Tinitigan ni Inconnu si Sierra. Kinabahan siya ng makitaan niya ito ng pagtataka hanggang sa minabuti niyang yakapin ito para hindi makita ang tunay na nilalaman ng puso niya. Natatakot siyang mabasa ni Inconnu ang totoo. Hindi pa siya handa para sagutin iyon...

"Please? Be mine legally, Inconnu..." lambing na pakiusap niya.

Doon na ito napabuntong hininga at ginawaran siya ng matagal na halik sa ulo. "Okay then." pinal na sagot nito.

Tuluyang naiyak si Sierra. She was happy but at the same time, sad...

And it was all because she had a deal with the beast. Again...