"Wow! Ang guwapo naman nung naka-blue, Rei," kinikilig na sabi ni Edmarie habang nagwa-warm up sila para sa practice nila sa hapong iyon.
Pareho silang member ng varsity team ng volleyball for women ng University of Tarlac. Inookupa nila ang basketball court habang paalis na ang members ng basketball team kaya may time sila ni Edmarie na tumingin-tingin sa mga guwapo. Pareho silang first year sa kursong Interior Designing at nasa ikalawang semester na nila. Kinuha silang scholar ng university dahil high school pa lang ay magaling na sila sa volleyball at nasasabak sa mga malalaking volleyball competition sa bansa.
Tumaas ang kilay ni Rei nang makita ang estudyanteng tinutukoy nito na kausap ang isa sa member ng basketball team. "Ano? Guwapo na iyan sa iyo?"
"Oo naman. Bakit? Hindi pa ba guwapo iyan?" nagtatakang tanong nito. "Matangos ang ilong niya saka maputi."
"Oo. Mas maputi pa siya sa batok mo. Saka baka nga mas matangkad pa tayo diyan," nakaismid niyang sabi. They were 5' 7" tall. At ayaw niya sa mga lalaking mas maliit pa sa kanya. Di complete package ang kaguwapuhan ng isang lalaki kung di naman ito makakapasa sa height requirement niya.
"O, sige. Iyon na lang kasama niyang naka-red," sabi nito.
"Maganda ang kulay ng damit niya. Red. Iyon lang ang na-appreciate ko." Bumuntong-hininga siya. "Never mind na lang, no? Nuknukan ng payat. Baka isang kulbit ko lang diyan tumumba na. Parang kawayang hahapay-hapay."
"Sobra ka namang magsalita," nakabusangot nitong angal at sumalampak sa sahig para abutin ang toes nito ng dulo ng daliri.
"Nagsasabi lang naman ako ng totoo. Ang hirap sa iyo wala kang taste."
"Ang yabang mo! Ikaw nga sa tanang buhay mo di ka pa nagkaka-crush."
"Anong magagawa ko kung wala pa akong nakikitang worth it sa atensiyon ko? Para naman hindi kahiya-hiya sa magulang ko kapag ihinarap ko sa kanila iyong lalaking magugustuhan ko. Ayokong so-so lang."
"Crush lang naman. Bakit kailangan mo pang iharap sa parents mo?"
"Sa tingin ko kapag tinamaan ako, todo talaga." Huminga siya nang malalim. "Dahil oras na makita ko ang lalaking mamahalin ko, pipikutin ko na siya agad!"
"Sa taas ng standard mo, malamang di ka makakakita ng lalaking magugustuhan mo. Abnormal ka kasi, eh!"
"Hindi ako abnormal. May taste lang ako kumpara sa iyo."
Malapit na ang Tarlac City Sports meet. Mataas ang expectations sa kanila dahil dati na silang nag-champion at inaasahang sasabak sa regional competition kung saan makakalaban nila ang ibang paaralan mula sa Central Luzon.
Napaka-sporty niya. Bata pa lang siya ay gusto na niyang subukan ang iba't ibang klase ng sports. Advantage sa kanya ang tangkad niya at ang pwersa niya. She was an all rounder player. She was the setter, spiker, bl0cker and reciever. Pero ang talagang designated position niya ay open spiker at quicker. Isa pa, ang sports din ang paraan niya para ilabas niya ang frustration niya sa buhay.
Nag-iisang anak siya. Menopause baby pa siya dahil forty-three na ang mommy niya nang ipanganak siya. Kaya naman kuntodo higpit sa kanya ang daddy niya. Dapat nga ay sa Manila siya mag-aaral pero ayaw ng mga ito. Kaya naman mina-maximize na niya ang kakayahan niya.
She would be a famous interior designer someday. At sa palagay niya ay makukuha na rin niya ang kalayaan niya pagdating ng panahong iyon.
Matapos ang warm up ay nagsimula na silang mag-jogging sa paligid ng court. Twenty rounds iyon dahil regular training lang sila. Tumatakbo siya nang mapansin niya ang isang lalaki na nakasuot ng uniform mula sa Fine Arts Department. Hindi pamilyar ang mukha nito sa kanya.
Di na sana niya papansinin nang magsalubong ang mata niya ay parang tumigil ang mundo niya. Maganda ang mga mata nito at pamatay din ang ngiti. Parang nakakapanginig ng tuhod. Saka niya tuluyang napansin ang kabuuan nito. He was tall. Tiyak niyang mas matangkad ito sa kanya. And he carried his uniform with ease. At higit sa lahat, ngiti pa lang ulam na. At ginawa niya ang di niya ginagawa sa ibang lalaking ngumingiti sa kanya. She smiled back.
"Ongcuangco, ano bang tinatayo-tayo mo diyan? Mag-jogging ka na!" utos sa kanya ng coach niya at pumito.
Napanganga siya at nilingon ito. "Ano po, Sir?"
Pinitik nito ang daliri sa mukha niya. "Di mo ba narinig ang sinabi ko? Tumakbo ka na! O gusto mong dagdagan ko pa ng ten rounds ang sa iyo?"
"Bakit po ninyo ako dadagdagan ng ten rounds?" tanong niya.
Hinila siya ni Edmarie na bumalik. "Coach, pasensiya na po. Medyo masama po ang pakiramdam ni Rei kaya medyo slow." Hinila siya nito. "Halika na nga!"
Pasimple pa niyang sinulyapan ang lalaki bago tumakbo ulit. "Nakakainis naman si Coach. Pinutol ang maliligayang sandali ko."
"Ano bang maliligayang sandali ang sinasabi mo diyan? Kita mo ngang nagalit na sa iyo si Coach dahil nakatunganga ka lang doon. Ano bang problema?" tanong nito habang patuloy sa pagdya-jogging.
"Problema. Walang problema."
"Ewan ko sa iyo. Parang di ka lang talaga normal ngayon."
Kahit siya ay di nanonormalan sa sarili niya. Tuluyan nang tumigil ang mundo niya dahil sa lalaking iyon. Sino ba ito? Ano ba ang pangalan nito? Bakit ginugulo nito ang sistema nito sa unang pagtatagpo pa lang ng mata nila?
Kailangan talaga niyang malaman ang pangalan nito. Kung may girlfriend na ba ito at kung anu-ano pa. Hindi siya matatahimik hangga't di niya nalalaman kung sino ito at di niya naipapakilala ang sarili dito.
Kailangan nitong malaman na siya – si Carmina Gabrielle Ongcuangco ay ang babaeng magiging girlfriend nito.
"Ongcuangco, bilisan mo pa!" utos ng coach nila.
Binilisan pa niya ang pagtakbo para makabawi. At tuwing dadaan siya sa tapat ng bleacher kung saan ito nakatayo ay ngumingiti sila sa isa't isa. Kung pwede lang takasan ang training niya para makipagkilala dito ay ginawa na niya.
Subalit nawalan na siya ng pagkakataon. Naka-map out na ang training nila sa araw na iyon. Kaya nagkasya na lang siya sa pagsulyap-sulyap dito.
Mabuti na lang at di pa rin umaalis ang irog niya. Naroon pa rin ito at nahuhuli niyang nakatingin tuwing tumitingin siya. Inspirado tuloy siyang magpasikat dito lalo na nang magsimula na ang practice match nila.
Inunat-unat niya ang braso. Magkahiwalay sila ng team ni Edmarie. At kapag iyon ang sitwasyon, nagkukumpitensiya silang dalawa. Kailangan pa niyang gumaling dahil magpapasikat pa siya sa kanyang irog.
Sa unang set ay nakalamang ang team niya. Nararamdaman kasi niya na pinanonood siya ng kanyang irog mula sa gilid. Nang minsan ngang nag-spike siya ay pinalakpakan siya nang sulyapan niya ito.
"Good work, Ongcuangco," anang coach niya at nilingon ang kabilang team. "Dapat gayahin ninyo ang energy ni Ongcuangco."
Dati ay naglalaro lang siya para sa sarili niya. Para sabihing magaling siya. Ngayon lang niya naranasanan na maglaro para magpa-cute at magpa-impress. At parang lumilipad ang pakiramdam niya. Di siya napapagod. Gagawin niya ang lahat para lang matuwa at mapansin siya ng irog niya.
Nasa kalagitnaan sila ng second set nang mapansin niyang wala na sa kinatatayuan nito ang irog niya. Natuliro siya at hinagilap ito ng paningin. Nanlaki ang mata niya nang makitang palabas na ito ng gymnasium. Hindi iyon maari. Di ito pwedeng umalis nang di sila nagkakakilala.
"Rei, ang bola!" sigaw sa kanya ng ka-team niya.
"Nasaan?" tanong niya.
Pagharap niya ay papunta na sa kanya ang bola. Bago pa siya nakagalaw ay sinalubong na siya ng bola at humampas iyon sa mukha niya.