Mainit ang panahon sa Thailand dahil kasagsagan ng summer. Alas sais na ng gabi pero di pa rin tuluyang lumulubog ang araw. Pinili na lang ni Liyah na maglakad pauwi. Pagkakataon na rin niya iyon para mapag-isipan ang problema ng kapatid. Dapat ba siyang manghimasok sa problema para tulungan ang kapatid niya.
Ilang araw na kasi itong di kinikibo ni Eyna. Di lingid sa kanya na nasasaktan ang kapatid niya pero pinipili na lang nitong manahimik.
Sa di kalayuan ay narinig niya ang pagkakaingay ng ilang mga kababaihan sa may paddock. Ang alam niya ay katatapos lang din ng practice match ng mga male polo team. "Go out on a date with me, Thyago. Just for a night."
Halos iyon ang pakiusap ng lahat. Lalong dumami ang followers ni Thyago nang mag-asawa ang Kuya Elvin niya. Nasolo na nito ang atensiyon ng mga babae dahil ito ang walang permanenteng girlfriend.
Kung tutuusin nga ay mas simple pa ang problema nito kumpara sa kapatid niya. At mukhang kahit kailan ay di nito magiging problema ang ma-in love dahil di ito mai-in love. Mas simple nga yata ang mundo kapag walang pag-ibig.
"Liyah!" narinig niyang tawag sa kanya ni Thyago.
Lumingon siya sa direksiyon nito. Nasa gitna ito ng mga babaeng halos nakayakap na dito. He surely loved all those female attention. "Hi!"
Ngumiti siya at kumaway dito saka ipinagpatuloy ang paglalakad. May pagkakataon na nararamdaman niyang espesyal siya kay Thyago tulad nang pumunta ito sa tournament niya sa Netherlands para sa kanya. But there were times when she felt like she was just any ordinary girl in his life.
"Liyah!" tawag ulit nito sa kanya. Nakita na lang niya ito na pilit na kumakawala sa babaeng nakapulupot dito. Maya maya pa ay tumakbo na ito palapit sa kanya. "Saan ka pupunta?"
"Uuwi na ako. Napagod ako sa training namin, eh!"
"You can't go home yet. We still have a date, remember? And you are late!"
Nagulat siya. "Late with our date? What date?"
Sa halip na sagutin ang tanong niya ay hinawakan nito ang balikat niya. Then he claimed her lips in a hot, passionate kiss.
Nanlaki ang mga mata niya. That kiss was really unexpected. Awtomatikong tumigil ang isip niya sa paggana. Maging ang mga pag-aalala niya tungkol sa kapatid niya ay nakalimutan niya. All she felt was sensation.
Sa tinagal-tagal nilang nagkakilala ni Thyago, noon lang siya nito hinalikan nang totoo. Drat! Bakit noon lang? She felt like she missed a lot in her life.
"Is she your girlfriend?" narinig niyang tanong ng isang babae.
"Liyah Vitaliz of King Power Women?" anang isa pang babae.
Napadilat siya. Parang isang panaginip lang ang lahat. At naririnig na niya ang mga mumunting bangungot. Hinalikan siya nito at nakita ng mga babaeng iyon? Bakit ba nawala siya sa sarili niya at nakalimutan niyang may mga tao?
Awtomatikong naghiwalay ang labi nila ni Thyago. There was a smile on his lips. Parang balewala lang ang mga tanong dito habang siya ay di alam kung ano ang gagawin. He kissed her. At ngayon ay sa kanya na naka-focus ang mga fans nito.
Inakbayan siya ni Thyago. "Yes, Liyah is my girlfriend. That's why I can't go out with you, girls."
Nakatulala na lang siya habang nakatitig sa guwapong mukha ni Thyago. Ano bang sinasabi nito na girlfriend siya nito? Hindi na niya maintindihan kung ano ang nangyayari. Di pa nga siya nakaka-recover sa halik nito, heto at girlfriend na rin siya nito. At di niya maintindihan kung bakit sa halip na magalit ay kinikilig pa siya.
Umayos ka, Liyah. Nahalikan ka lang, di ka na normal, sermon niya sa sarili.
Bumakas ang disappointment sa mukha ng mga babae. "Oh, that's too bad. You are already taken," anang isa at naglakad palayo.
"Well, we'll just wait until you two break up," anang isa pa at iniwan sila.
"Thank God! It's over! Whew!" usal ni Thyago. "Mabuti na lang dumating ka. Kundi baka nilamon na nila ako nang buo."
Saka lang niya naintindihan ang lahat. It was all a pretense. Gusto lang nitong itaboy ang mga babaeng nagkakandarapa dito.
Hinampas niya ito sa balikat. "Ah! So hinalikan mo ako at sinabing girlfriend para lang sagipin ang sarili mo. How dare you!"
"Bakit? Gusto mo bang totoong girlfriend kita?"
That was a nice idea. Bakit hindi? Kung totoong girlfriend siya nito, wala namang problema sa kanya. Inirapan niya ito. "Sana nakipag-date ka na lang sa kanilang lahat kaysa naman ginamit mo pa ako."
"Ayoko nga silang maka-date. Good boy na ako ngayon."
Hinarap niya ito at hinipo ang noo nito. "May lagnat ka ba?"
"Wala."
Tinapik-tapik niya ang pisngi nito. "Ikaw ba talaga iyan, Thyago? O baka naman nagpapanggap ka lang."
Natawa ito. "Ano bang sinasabi mo diyan? Anong magpapanggap?"
"Ang Thyago Palacios na kilala ko, walang pinalalagpas na babae. Kahit ano yata ang itsura o edad, idine-date mo. Anong nangyari sa iyo?"
Hinawakan nito ang balikat niya at tinitigan siya nang direkta sa mga mata. "I am in love, Liyah!"
Napanganga siya. "What? In love ka? Hindi yata ako maniniwala diyan."
"In love nga ako kaso hindi naman siya naniniwala," malungkot nitong sabi.
"Kahit naman ako hindi maniniwala. Mas maniniwala pa ako sa mga alien kaysa mai-in love ka. And you are such an ass. Hahalikan mo ako para lang protektahan ang babaeng mahal mo? Di ba unfair naman iyon sa akin?"
"Naitanong mo na ba kung kanino ako in love?"
Napipilan siya. Di niya alam kung dapat ba siyang magtanong. Parang ayaw na kasi niyang malaman kung sino ang bruhang babae na bumihag sa puso nito.
Tinalikuran niya ito. "Uuwi na ako."
Marami na siyang problema para isipin pa ang tungkol sa babaeng iyon. Bakit ba siya naiinis maisip lang na in love ito sa ibang babae?
Niyakap siya nito mula sa likuran."At sino ang may sabing makakauwi ka na."
Pumiglas siya. "Thyago, let me go!"
Nanlalambot ang tuhod niya. She knew it was not right. May ibang babae na itong gusto. Pero bakit parang di sapat ang pagpupumiglas niya? Deep inside her, she wanted him to keep on holding her. And she was really stupid!
Napatili siya nang buhatin nito. "Hindi pwede. Magde-date pa tayo."