"Kung hindi mo naitatanong, fan din ako ng The Switch," sabi ni Thyago habang nagda-drive ito patungo sa Shangri La Hotel. "Kaya dapat ako ang kasama mo. Wala naman kasing hilig sa mga bands si Elvin. Matanda na iyon."
"Matanda ka na rin naman, ah!" aniya at sinulyapan ito.
"Hindi pa ako matanda. Nasa twenties pa rin naman ako, ah!" protesta nito.
"Late twenties," pagdidiin niya.
"Bata pa rin ako," giit nito. Tingin kasi niya dito ay ka-henerasyon ng Kuya Elvin niya na mas mahilig sa classic music.
"Sige nga. Kung fan ka talaga ng The Switch, ibig sabihin gumagamit ka rin ng Stallion Shampoo and Conditioner."
He threw his head back and laugh. "Hindi naman ako babae. Bakit kailangan kong makisali diyan? Baka sa susunod tatanungin mo rin ako kung gusto kong makapasok sa Stallion Riding Club."
"Why not? In the Philippines, that riding club is sensational."
It was a leisure-riding club exclusive for rich young men in the Philippines. At hanggang sa mga bansa kung saan sikat ang The Switch ay nagiging usap-usapan na rin ang exclusive riding club na iyon. Balita nga niya ay plano ng King Power Polo team na sumali sa susunod na tournament ng naturang riding club.
"May offer sa akin para maging polo manager nila," anito at nilingon siya.
Inalog niya nang bahagya ang balikat nito. "O? Talaga? Tinanggap mo ba?"
"Nope. May kontrata pa ako sa King Power Polo team at hindi ko pa maiwan ang kuya mo. I enjoy it here. Kayo na ang pamilya ko."
Ulilang lubos na rin si Thyago tulad nila ng Kuya Elvin niya. Namatay sa plane crash ang magulang nito matapos manggaling sa bakasyon limang taon na ang nakakaraan. Kaya naman mahalaga dito ang mga ka-team mates at kaibigan lalo na ang Kuya Elvin niya na daig pa sa kapatid ang turing nito.
"Di ako sanay na nagdadrama ka. Bigla tuloy akong nagutom."
"Saan mo gustong mag-dinner?"
Alas siyete pa lang ng gabi at alas nuwebe pa ang simula ng concert. Marami pa silang oras para kumain.
"Gusto ko doon sa restaurant kung saan may membership ka. Para naman mapakinabangan ko rin ang ipinagmamalaki mong membership."
"Ha?" anito at naramdaman niya na bahagyang bumagal ang takbo ng sasakyan nila. "Ano… nalagpasan na natin. Sa iba na lang na mas malapit."
"Bumalik tayo. Ang yabang-yabang mo pa noong niyayaya mo ako." Minsan na lang niya matitikman ang katas ng sweldo nito, di pa niya mae-experience.
"Nagsasawa na kasi akong kumain doon."
Taas-noo niya itong sinulyapan. "Hindi ko pa natitikman. Kapag si Kuya Elvin ang kasama ko, dinadala niya ako kahit saan ako gusto. Mas gusto ko talagang kasama si Kuya kapag umaalis."
"Alright! Alright! Whatever the princess wishes." Ibinalik nito ang sasakyan. Habang naka-stop sign ang traffic light ay tumawag ito sa restaurant. "I would like to reserve a table for two."
Nagpaikot-ikot sila sa siyudad. "Thyago, saan ba talaga tayo pupunta? Lahat na yata ng kalsada dito sa Bangkok gusto mong daanan natin. Andon lang sa kabilang kanto iyong kalsada na dinaanan natin kanina."
"Ha? Imagination mo lang iyon. Ganito talaga ang daan."
Naniningkit ang mata niya itong pinagmasdan. "Ayaw mo talaga akong isama sa restaurant, no? Siguro may tinataguan kang babae doon."
He smiled at her shyly. "You are right. May isa akong fan doon na waitress. Baka ma-harass pa ako kapag nakita ako. Kaya sa ibang restaurant na lang tayo."
"Ayoko nga. Gusto ko doon talaga kumain."
"Ipagtatanggol mo ba ako kapag sinugod ako ng fan ko?"
Ngumisi siya. "Depende kung magugustuhan ko ang pagkain nila. Kasi kasalanan mo iyan. Masyado kang guwapo. Wala kang kapintasan."
"Parang sarcastic ang pamumuri mo," sabi nito at nag-park sa harap ng Banyan Tree. Sa tuktok niyon ang Vertigo.
"Sarcastic nga," sabi niya at ipinagbukas siya ng pinto ng steward.
She really loved annoying Thyago. Lalo na kapag ipinakikita niyang di siya masyadong nai-impress sa kaguwapuhan nito. Saka na siya mai-impress kapag mas magaling na ito sa polo kaysa sa Kuya Elvin niya.
Pagbaba niya ng kotse ay napansin niya ang isang babae at lalaki na magkaakbay na lumabas ng building. They were laughing. Natigilan siya nang marinig niya ang halakhak ng lalaki. So much like her brother's. Pero imposible naman siguro na mapupunta doon ang kapatid niya. It was not his type of place.
Nang lingunin niya ang pareha ay natigagal siya nang makita ang Kuya Elvin niya na yakap-yakap si Eyna, ang dating girlfriend ni Thyago.
"Kuya Elvin!" tawag niya dito nang di nag-iisip.
"Liyah, don't!" anang si Thyago at pinigilan ang kamay niya.
Pumiksi siya at malalaki ang hakbang na lumapit. Halatang nagulat din si Elvin. Shock was written all over his face. Parang nahuli itong gumawa ng isang krimen. Well, she was shock and mad at the same time. Masyadong maraming salita ang tumatakbo sa isipan niya at malapit na siyang sumabog.
Humabol si Thyago sa kanya at hinawakan ang kamay niya. Matalim niya itong sinibat ng tingin. Sa pagtataka niya ay nakangiti pa ito. He looked calm and composed. Parang di na ito nagulat sa nakita.
"Eyna! Elvin!" tawag nito sa dalawa at kumaway pa.
Malungkot na ngumiti si Eyna. "Good evening."
The bitch! Ex-girlfriend nito si Thyago at ngayon naman ay ang Kuya Elvin niya ang kasama nito.
"Hello, brother!" walang kangiti-ngiti niyang wika habang pilit pinapahinahon ang sarili. "So what happened to your meeting with the sponsors? I hope everything turned out okay." Baka naman okay dahil nagawa pa nitong makipagtawanan kay Eyna… kung talagang may meeting nga ito.
Tumikhim si Elvin, halatang naiilang. "Everything's okay. How about you? Hindi ba dapat nasa concert na kayo ngayon?"
"Mamaya pang nine o'clock ang simula ng concert kaya magdi-dinner muna kami," sagot ni Thyago. "Dito nagyaya si Liyah."
"Funny. Dito rin pala ang meeting ninyo ng mga sponsors."
At kailan pa nakasama sa meeting ng mga sponsors ang isang polo groupie? Unless Eyna's father was also among the sponsors.
"No! Ipinakilala ko si Elvin sa daddy ko," sabi ni Eyna at kumapit sa braso ni Elvin. "And I am glad that they really get along."
"Hindi ba matagal na silang magkakilala?" tanong niya.
"But he never knew him as my boyfriend."
Napanganga siya sa sobrang pagkabigla. "E-Excuse me?"
Anong sinasabi ng babaeng ito? Na girlfriend ito ng kapatid niya? Di niya alam kung si Eyna ang nahihibang o siya.
Nanghaba ang nguso ni Eyna. "Elvin, akala ko ba sasabihin mo kay Liyah na boyfriend mo na ako. You even told me that she'd prepare a dinner for us. Bakit parang di niya alam na girlfriend mo ako?"