Ulo naman ang kinamot ni Rodrigo. "Wala akong oras na makipagkwentuhan. Talon na!" Humalakhak ito na parang demonyo. "Tiyak na matatakot ang mga tao oras na makitang patay ka. Pwede nilang isipin na isang aksidente ang lahat pero mas marami ang magsasabi na itinulak ka ng isang multo. Wala nang pupunta dito sa sobrang takot. Ikaw rin magiging multo ka na rin dito."
Kinalabutan siya sa sinasabi nito lalo na't umihip ang malamig na hangin. Niyakap niya ang sarili. Anong kailangan niyang gawin para makaligtas? Hindi pwedeng doon na lang magtapos ang buhay niya.
"A-Anong kasalanan ko? May ginawa ba akong masama? May inagrabiyado ba akong tao?" tanong niya, parang iyon na lang ang paraan niya para kahit paano ay humaba pa ang buhay niya.
"Malay ko naman kung bakit gusto ka niyang ipapatay? Walang personalan, Ma'am. Trabaho lang," ngingisi-ngisi nitong sabi.
Pinagsalikop niya ang mga kamay. "Hayaan mo akong mabuhay. Babayaran kita. Di mo na kailangang pumatay ng tao para mabuhay."
Umiling ito. "Hindi pwede. Baka ako naman ang patayin ni amo."
"Makakapagtago ka pa kahit sa ibang bansa. Makakapag-bagong buhay ka pa. Basta pagbayaan mo lang akong makatakas."
Itinutok muli nito ang baril sa kanya. "Ang dami mong daldal. Pagbilang ko ng tatlo, tumalon ka na o babarilin kita. Isa."
Tatlong segundo na lang ba ang buhay niya? Nilingon niya ang bangin sa likuran niya. Nakakapangilabot ang magiging kamatayan niya. Katapusan na nga ba talaga niya? Walang katuturan ang kamatayan niya.
"Dalawa. Talon na!" mariing utos nito at humakbang palapit. Napaurong siya sa bangin. "Namumutla ka, Ma'am! Isipin mo na lang na mababa lang ang bangin."
Nakita niyang gumalaw ang isang pigura sa likod ng mga puno. May iba bang tao doon? Makakatulong ba ito sa kanya? Sumungaw ang ulo mula sa likod ng puno. Si Gianpaolo. Naroon ito para iligtas siya.
"Malulululain ako, Rodrigo," aniya at sumalampak sa damuhan. "Ayoko sa mga gilid ng bangin. Nahihilo ako." Iyon lang ang paraan niya para magkaroon ng pagkakataon si Gianpaolo na makalapit nang di napapansin ni Rodrigo.
Pumalatak si Rodrigo. "Ang dami mo namang arte. Mamamatay ka na nga lang, may hilo-hilo ka pang nalalaman." Inangat nito ang baril. "Tat…"
Itinakip niya ang tainga habang hinihintay ang pagputok ng baril. Subalit malakas na sigaw ni Rodrigo ang narinig niya. Sinugod nito ni Gianpaolo. Nagpambuno ang dalawa at isang sipa sa kamay ni Rodrigo ang nagpatilapon sa baril nito.
Napangubabawan ni Gianpaolo si Rodrigo at sinuntok sa mukha. "Dafhny, tumakas ka na!"
Ang saglit na pagkakalingat ni Gianpaolo ang sinamantala ni Rodrigo at ito naman ang nangibabaw. Kayang-kaya nitong igupo si Gianpaolo dahil sanay ito sa pakikipagbabag sa away. Isa itong mamamatay-tao. Hindi niya kayang tumakas habang alam niyang nanganganib ang buhay ni Gianpaolo. Di siya papayag na mamatay ito para sa kanya at wala man lang siyang ginawa.
Dinampot niya ang baril ni Rodrigo. Itinutok niya ang baril nito nang akmang magpapakawala ito ng malakas na suntok kay Gianpaolo. "Oras na saktan mo pa siya, pasasabugin ko ang ulo mo," banta niya.
Natigilan sa paggalaw si Rodrigo at lumingon sa kanya. Isang uppercut ang pinakawalan ni Gianpaolo at tumumba si Rodrigo.
NAKAYAKAP si Dafhny sa baywang ni Gianpaolo habang kausap ang imbestigador ng kaso ng tangkang pagpatay sa kanya ni Rodrigo. Naidala na si Rodrigo sa sentro ng bayan at kasalukuyang nakakulong nang walang piyansa. Nanatili naman sila ni Gianpaolo sa Stallion Riding Club hangga't di pa tapos ang imbestigasyon.
"Isang hitman si Rodrigo Valiente na mas alias na Boy Tigas. Isa siyang hired hitman na kinuha ni Don Teodicio Mareveles para ipapatay kayo," anang imbestigador. "Kilala po ba ninyo siya?"
Tumango siya. "Siya ang interesadong bumili ng Casa Rojo. Malaking presyo ang ini-offer niya pero tinanggihan ko siya. Importante kasi ang Casa Rojo sa akin at sa pamilya ko. HIndi ko maintindihan kung bakit gusto niya akong ipapatay. Kung itong lupa lang naman ang interes niya, marami pang iba diyan."
Anong mayroon sa Casa Rojo na di nito mapakawalan?
"Ayon sa imbestigasyon namin, planong gawing smuggling drop off ni Don Teodicio ang Costa Brava. Magandang lokasyon ang lugar na ito para sa mga illegal na negosyo at aktibidades. Kaya nga nagustuhan din ito ng mga pirata noong unang panahon. Drugs, armas at kung anu-ano pang kontrabando mula sa ibang bansa ang iba pang negosyo ni Don Teodicio. Naka-detain na rin siya sa Cebu kung saan siya nahuli. Malaki ang naitulong ng kaso ninyo para mahuli siya."
Nakahinga siya nang maluwag. Sa wakas ay tapos na rin ang problema niya. Wala na siyang kailangan pang katakutan.
"Mabuti na lang hindi namin ibinenta itong Casa Rojo. Sisirain lang nito ang legacy ng pamilya namin. Gagawin lang nilang pugad ng mga illegal activities."
Pinisil ni Gianpaolo ang balikat niya. "Pero matapang ka noong tutukan mo ng baril si Rodrigo. HIndi ka tumakbo at hindi mo ako iniwan."
"Kung kaya mong itaya ang buhay mo sa akin, kaya ko rin iyon. I promised that I'd stay alive for you. Kailangan ganoon ka rin. Wala nang kwenta ang buhay ko kung wala ka. At hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung hahayaan kitang mamatay dahil sa akin pero di kita naipagtanggol."
Hinaplos nito ang dulo ng ilong niya. "Mabuti na lang may nagsabi sa akin na naroon ka sa Blossom Cliff. Nagsakalisi daw tayo samantalang di naman kita pinapapunta doon. Plano ko nga ipasyal ka sa kabilang isla."
"It was a trap. Akala ko naman sa Blossom Cliff ang date natin noon."
Hinawakan nito ang mga kamay niya. "Dafhny, madaliin na natin ang project mo sa Casa Rojo. I have another special project for you."
Kumunot ang noo niya. "What special project?"
"Renovate my house and be my wife. What do you think?"
"I think it is lovely! I like it," aniya at kinintalan ito ng halik sa labi. "Dahil hindi na ako makakatagal pa na makita ang mga paintings ng ex-girlfriend mo."
"I love you, Dafhny!" bulong nito habang pinanood nila ang paglubog ng araw sa lake. She was not scared to face anything because Gianpaolo would protect her always.