Chapter 450 - Chapter 38

Dinig na dinig ang panaghoy ng Auntie Camilla niya at ng pinsan niyang si Precious sa buong restaurant. Ni hindi man lang nag-abala ang mga ito na hinaan ang pag-iyak. Parang gusto pa niyang ipagparangalan sa lahat. Hinayaan na lang niya ang mga ito. Pero  kung siya ang masusunod, sana ay nakipagkita na lang siya sa mas tahimik na lugar kung saan di sila makakabulahaw ng ibang tao.

"We are broke, hija," humihikbing wika ni Camilla. "We are so broke. Mabuti nga at may natira pa kaming pamasahe para makauwi ng Pilipinas. Pero walang-wala na talaga kami. Ni wala kaming tutuluyan."

"Kasalanan ito ng abogado na iyon. He ditched us. Pinagkatiwalaan namin siya ni Mommy. Sabi niya ii-invest niya ang pera namin sa isang resort sa Jamaica. Pinagkatiwalaan namin siya. Iyon pala nasasalin na sa kanya ang mga pera namin," galit na kwento ni Precious. "Tapos tumakas na siya tangay ang pera namin. Idinala niya kami sa Jamaica at pinagmukhang tanga. Iniwan niya kami sa hotel. Saka namin nalaman na wala na kaming kapera-pera."

The two had a grand time of their lives. Nang mamatay ang lolo niya ay paunti-unting naibenta ang mga properties na minana ng mga ito sa Pilipinas para tustusan ang luho ng mga ito sa ibang bansa. They didn't have to work. Pati ang kompanya ng lolo niya ay ibinenta ng mga ito palibhasa ay wala namang hilig ang mga ito sa negosyo. Their money could support them for life.

Nitong huli ay naisipan ng mga ito na mag-invest dahil sa pag-e-encourage ng abogado ng mga ito. Ni di man lang nakatunog ang mga ito na lolokohin lang ang mga ito. Akala yata ng mga ito ay ganoon lang kadaling magnegosyo.

"May mga pinirmahan ba kayong papeles, Tita?"

Napaisip si Camilla. "There's this special power of attorney that he asked me to sign. Kailangan ko daw gawin iyon para mai-process niya ang mga transactions na kailangan namin. Di ko alam na uubusin na niya ang laman ng bank account namin."

Tinapik niya ang kamay ng mga ito. "Huwag po kayong mag-alala. Pwede naman po nating hingan ng tulong si Attorney Cabral."

"Ang dating abogado ni Papa?" tanong ni Camilla.

Tumango siya. "Di na po siya iba sa pamilya natin. I am sure he would be glad to be of help. Sa ngayon po magpahinga po muna kayo."

Nagkatinginan ang mag-ina. "We checked in to this cheap hotel near the airport. Iyon lang ang pinagdalhan sa amin ng taxi driver dahil iyon lang naman daw ang kaya ng pera namin. Baka pwede mo naman kaming ilipat sa mas magandang hotel, Tamara," pakiusap ni Precious.

"At kaunti na lang ang damit namin dahil naiwan na namin sa flat namin sa New York. Mga damit lang na dala namin sa Jamaica ang nandito," dagdag ni Camilla. "Baka gusto mo rin kaming ipag-shopping, hija."

Ura-urada talaga ang request ng mga ito na parang may patago sa kanyang pera. Mabuti na lang at kilala na niya ang ugali ng mga ito.

"Bukas na po ninyo isipin ang pagsa-shopping. Walang tao sa condo ko ngayon dahil stay in po ako sa work ko. Doon na muna kayo."

Hinalikan siya ni Camilla. "You are a gem, hija. Katulad ka talaga ng mommy mo. Napakabait."

Pilit siyang ngumiti. Sa unang pagkakataon ay narinig niyang pinuri siya nito. Pero dati ay halos manginig ang laman nito magtanong lang siya ng tungkol sa mommy niya. Binubulyawan na agad siya at ipinagtatabuyan. Naalala pa kaya nina Camilla at Precious ang pang-aapi ng mga ito sa kanya?

"Maliit lang pala ang condo mo, cuz," komento ni Precious nang makapasok. "Tatlong beses nito ang laki ng condo namin ni Mama sa Manhattan."

"Mag-isa lang naman ako dito. Di ko kailangan ng malaking lugar," aniya.

Tuloy-tuloy na pumasok si Precious ng kuwarto niya nang walang pakundangan. As if she owned the place. Nakita nito ang mga nakahilerang stuffed toy sa ibabaw ng headboard ng kama niya.

Dinampot niya ang malaking panda bear. "Look, Mom! Hindi po ba may ganito rin akong panda bear dati?"

"Of course. Parang anak ko na itong si Tamara. Kaya kung anuman ang mayroon ka, ibinibili ko rin siya."

Yes, she could remember those times. Kapag may bagong laruan sa toy store ay ibinibili agad si Precious. Makalipas ang ilang buwan ay saka pa lang siya ibibili ni Camilla. Hindi niya inilalabas ang mga laruan niyang bigay nito dahil tinutukso siya ng mga kaibigan ni Precious na inggitera. Kung ano daw kasi ang mayroon si Precious ay mayroon din siya.

"Ready na po ang guestroom, Auntie."

Sumampa na si Precious sa kama niya. "Dito na ako matutulog."

"Hayaan mo na ang pinsan mo dito, hija," malumanay na wika ni Camilla. "Hindi rin naman kami makakatulog sa kama sa guestroom dahil maliit. Kahit nga ako pagtitiisan ko na lang."

"Sige po. Babalik na lang ako dito bukas ng gabi. Mag-iiwan na lang po ako ng pera para sa inyo," wika niya at nag-abot ng five thousand kay Camilla.

"Para ba ito sa breakfast?"

Five thousand para sa breakfast lang? Broke na broke na nga ang mga ito ay gusto pang masunod ang luho.

"Marami pong stocks sa ref at sa cupboard," sabi niya. "Saka may grocery rin po sa kabilang street. Di po kayo mahihirapang maghanap ng iluluto. Goodnight po."

Dali dali na siyang umalis bago pa makapag-protesta ang mga ito. Akala pa  mandin niya ay masaya ang magiging reunion nila. Problema pa yata ang idadala ng mga ito sa kanya. Subalit kailangan niyang magtiis. Di niya pwedeng itapon ang kamag-anak niya.

"NO offense meant, Tamara. But do you think it is wise to bring them here?" tanong ni Reid habang papunta sila sa main gate ng Stallion Riding Club upang sunduin ang Auntie Camilla niya at si Precious.

"Reid, nagulat na lang ako nang basta na lang tumawag sa akin ang guardhouse at sinabing nasa gate ang mga kamag-anak ko," wika niya.

Hindi makakapasok sa riding club hangga't walang permiso mula sa isa sa mga members. Kaya kailangan niya si Reid para mapapasok ang mga ito.

He tugged her arm. "Alam ko na kamag-anak mo sila. Pero di nila ito pwedeng gawin. You know that they are not on my favorite's list. Kita mo nga at itinaboy ka nila sa sarili mong condo."

"Ito naman. Hindi ko na nga iniisip iyon."

Nang dumating sila sa gate ay lukot na ang  mukha ng mga ito. "Tamara, ano ba namang klase ang accommodation dito sa riding club na ito. Hindi ba kami kilala ng mga tao dito? Napagod na ako kahihintay," reklamo ni Camilla.

"I am sorry, Ma'am. We are just following the rules of the riding club," anang si Reid sa pormal na boses. But he didn't look apologetic.

"Ang guwapo naman ng kasama mo," kinikilig na sabi ni Precious at humalik sa pisngi ni Reid. "Hi! I am Precious, Tamara's cousin."

Hinila ito ni Camilla palayo. "Baka driver lang iyan dito. Hindi ka pwedeng dumikit sa mga driver lang. Masisira ang kutis mo, anak."

Humawak sa braso ni Reid. "My boyfriend, Reid Alleje."