TULALA si Khamya nang makalabas ng conference room sina Reid at Tamara. Ngayon niya nakita kung gaano kalakas ang personalidad ng mga lalaki sa Stallion Riding Club. Kahit ang matapang na si Tamara ay walang nagawa. Ano naman kaya ang sasapitin niya kay Beiron?
"Dapat talaga na ipaghiganti tayo ni Kuya Reid. Akala ng mga babae na iyan kaya nila tayong sigaw-sigawan. Kaya lumalakas ang loob ng mga babae na iyan dahil hinahayaan sila. Akala nila magpapa-under tayo! Dapat itayo ang bandera nating mga kalalakihan. Right, men?" tanong ni Reichen, ang kapatid ni Reid.
Walang nakiayon dito. Ang ibang miyembro na naroon ay may nobya na.
"Amen," mahinang wika ni Rolf. "Sana lang hindi ako marinig ng girlfriend ko. Tiyak na magugulpi ako ni Evie nito.
Pumalakpak si Beiron. "Okay. The meeting is over."
Humikab si Eiji. "Mabuti naman. Dadalaw pa ako sa training arena. Wala naman akong reklamo kahit na anong project na iyan."
Pasimple niyang nilapitan ang laptop computer niya. "Then I am leaving, Sir."
Tumutok sa kanya ang mata ni Beiron. "Sila lang ang pwedeng umalis. You have to stay. Marami pa tayong pag-uusapan."
Bumalik sa pagkakaupo si Reichen. "Mamaya na tayo lumabas. Masarap ang aircon dito sa conference room. Ang lamig-lamig."
"Di pa ba kayo aalis?" pagalit na tanong ni Beiron. "May pag-uusapan kami."
"Okay lang na dito kami, Kuya Beiron," wika ni Reichen at prenteng sumandal sa upuan ni Reid sa head ng conference table. "Sige. Mag-usap lang kayo diyan. Hindi na ninyo kailangang mahiya sa amin."
Mariin siyang pumikit. At makiki-tsismis pa pala ang mga ito. Lalong imposible na magkausap sila nang maayos ni Beiron.
Hinampas ni Beiron ang mesa sa tapat ni Reichen. "Aalis ka ba o kailangan pa kitang pilitin na umalis dito?"
Naumid si Reichen. "A-Aalis na kami, Kuya."
"Alam ko na kung bakit ka nagngingitngit, Kuya Beiron. She's pretty and she looks intelligent. Mukhang mahihirapan ka sa isang iyan," pahabol ni Emrei na di agad lumabas ng conference room.
"I said get the hell out!" bulyaw ni Beiron.
Ilang sandaling di makapagsalita si Khamya nang sila na lang ni Beiron sa kuwarto. Maingat niyang iniligpit ang mga equipment sa presentation. Si Beiron naman ay nakasunod ang tingin sa bawat galaw niya. He was making her weak. Itinuon na lang niya ang atensiyon sa trabaho niya.
"Ano pa ba ang kailangan nating pag-usapan?"
"How dare you leave me just like that?" mariin nitong tanong. "Sana nagpaalam ka man lang sa akin nang maayos."
"I was on a hurry. Busy ka noon. Pangit naman kung kay Kashmir ko sabihin dahil siya ang tumatanggap ng tawag mo."
"Akala ko may emergency kaya basta ka na lang umalis. Nag-alala ako," pagalit nitong sabi. "Tapos wala ka namang sinabing dahilan sa sulat. Basta ka na lang ding nag-resign sa institute nang walang kaabog-abog."
"Napapagod lang ako. I want a new environment."
Kailangan niyang magdesisyon agad. Dahil kapag nagkita sila ni Beiron ay baka magbago pa ang isip niya. Habang may pagpapahalaga pa siya sa sarili niya.
"Hindi mo ba kayang sabihin sa akin nang harapan?"
Bumuntong-hininga siya. "What's the use of digging over an old issue? Ni wala kang pakialam sa akin, di ba? Ni hindi mo ako hinanap."
"Dahil sinabi mo na ayaw mo nang magkaroon ng kahit anong kaugnayan sa akin." Hinawakan nito ang braso niya at hinapit siya palapit. "But the case is different now. Ikaw mismo ang nagpakita sa akin."
"Hindi ko alam na member ka dito o pinsan mo si Sir Reid o ikaw ang magiging financier ng project. Kung alam ko lang, di ako dito magtatrabaho."
"Kung ganoon, magre-resign ka na."
"Aalis ako kung si Sir Reid mismo ang magsasabi," matapang na sabi niya.
"Reid will surely fire you. All he cares about is money. Kapag nag-backout ako sa project, matatagalan pa bago magawa ang project na gusto niya. I am afraid you really have to go."
"I hate you!" Paano niya nagawang mahalin ang tulad nito?
"Oh, please don't! Hindi ako kasing sama ng iniisip mo. Pwede ka rin namang hindi mag-resign kung gusto mo talaga dito." Hinaplos nito ang pisngi niya. "You can still have the job if you will come back to me."
"No!" tutol niya at lumayo dito. She didn't want to go back to that hell again.
"Think about it, Khamya," anito at lumabas ng silid.
She was still trembling from his touch. How she missed him! At binibigyan siya nito ng pagkakataon na makasama itong muli.
Pero alam niya ang tama. At sinasabi ng isip niya na di na sila maaring magkasama pa. Subalit paano naman ang sinasabi ng puso niya?
"ANG KAPAL ng mukha niya! Babaero talaga at di siya titigil hangga't di ka niya nabibiktima. Magpapakasal siya sa iba tapos gusto ka pa niyang gawing mistress. Ibang klase talaga ang lalaking iyon," nanggagalaiting wika ni Tamara matapos ikwento ni Khamya ang lahat dito.
Nasa lodging house sila kung saan magka-share sila. Di niya ugaling magkwento ng buhay niya sa ibang tao. Pero dahil nasangkot na si Tamara sa gulo nila ni Beiron, napilitan siyang sabihin dito ang totoo.
"Hindi siguro siya sanay nang nare-reject. Basta na lang kasi akong umalis. Kaya siguro nagalit siya sa akin at napag-initan niya ang trabaho ko."
"Sabi naman ni Reid pwede kang mag-stay dito hangga't gusto mo. Kaso tiyak na ipe-pressure ka ni Beiron. Kilala ko ang ugali ng magpinsang iyon. Kung di ka aalis sa utos nila, gagawa sila ng paraan para mapilitan kang sumunod sa huli. Kaya kung ako sa iyo, magre-resign na lang ako."
"Pero gusto ko ang trabaho ko dito." Mate-test din kasi di lang ang mga napag-aralan at natuklasan niya kundi pati ang leadership skills niya. Magandang opportunity iyon para sa kanya.
"Gusto mo bang maging mistress?"
"Siyempre ayoko."
"Pero ayaw mo pa ring umalis dahil mahal mo pa siya."
Iniwas niya ang tingin dito. "Wala na akong pakialam sa kanya mula nang ma-engage siya. Gusto ko lang maging tahimik ang buhay ko."
"Mahal mo pa nga siya," anito at bumuntong-hininga. "If you know what is best for you, follow my advice. Iwasan mo na siya. Lumayo ka dito. Kung kailangang tumira ka buwan malayo lang sa kanya. Walang buting idudulot ang mga lalaki."
Tumunog ang doorbell. "Ako na ang magbubukas."
"Kapag si Reid, sabihin mo nasa buwan na ako. Ayoko siyang makita!"
Mainit ang ulo nito dahil kay Reid. Ang di lang niya maintindihan ay kung bakit di na lang ito umalis ng riding club para umiwas. Di kaya pareho lang sila ng problema? Di rin nito kayang kontrolin ang tibok ng puso nito?
Pagbukas ng pinto ay di si Reid ang bumungad sa kanya kundi si Beiron. Natigagal na lang siya. Di niya alam kung babagsakan niya ng pinto, sisigawan o yayakapin. Nakuyom niya ang palad para di niya magawa ang huli.
"Anong kailangan mo? Tatanggalin mo na ba ako sa trabaho?" tanong niya.
"Aba! At malakas talaga ang loob mo na pumunta dito matapos ang ginawa mo kay Khamya," mataray na wika ni Tamara. "Ako ang makakalaban mo oras na pwersahin mo siyang umalis dito."
"Gusto ko lang naman siyang makausap," mahinahong wika ni Beiron. Wala na ang galit sa mga mata nito. Bigla itong naging maamong tupa.
Humarang si Tamara sa pinto. "Hindi pwede!"
"Kahit sandali lang. Please, Khamya!" kausapin mo naman ako.
Umalis sa pinto si Tamara at itinulak siya papunta kay Beiron. "Sumama ka sa kanya. Sayang naman. Nag-please na."
"Teka. Akala ko ba dapat ko siyang iwasan?" paalala niya.
"Mag-uusap lang daw naman kayo. Enjoy!" anito at isinara ang pinto.