Chapter 338 - Chapter 13

Pangsiyam na araw na ni Keira sa riding club at marami na rin siyang naituro kay Serenity. Masunurin itong kabayo bagamat may pagka-matatakutin. And that would be their lesson. Kailangan nitong ma-overcome ang maari nitong katakutan para matiyak na ligtas ang sasakay dito.

Hinaplos niya ang leeg nito. "Serenity, are you ready for our lesson today?"

Maingat niya itong ipinasok sa round coral. Pinaglakad-lakad muna niya si Serenity sa loob ng round coral habang hila-hila nang lumapit si Eiji sa may handrail. "Good morning, Keira, Serendipity!" bati nito.

"Oy! Anong ginagawa mo dito? Wala ka bang practice?"

"May importanteng inasikaso si Coach kaya nag-iwan na lang siya ng activities para sa akin," paliwanag nito. "Manonood muna ako."

Nasanay na siyang tuwing umaga ay dumadating si Eiji para panoorin siya. Minsan nga ay kinakailangan pa itong sunduin ng coach niya kapag late na sa practice. Di daw ito magsisimula sa training hangga't di siya nakikita.

"Ilang minutes lang. Kailangan mong ituloy ang training. At tiyakin mo na di ka makikita ni Sir Reid o ni Doc Tamara. Paaalisin ka nila dito," paalala niya.

Sumaludo ito. "Sandali lang ako. I just want to see you."

She also wanted to see him. Di rin kumpleto ang araw niya kapag di ito nakikita. Di naman siya nadi-distract kapag nasa paligid ito. Mas ginaganahan pa nga siyang magtrabaho. She wanted him to be proud of her.

Matapos ang warm up ay ihinanda na niya ang susunod na activity para kay Serenity. Sa instruction niya ay pinapasok niya ang assistant niya na may ahas na nakalagay sa kulungan. Noong una ay hinayaan niya si Serenity na amuy-amuyin ang ahas. "That's good, Serenity." Inutusan niya ang assistant niya na ilabas ang ahas para mas lalo pang ma-expose si Serenity dito.

Akmang ilalapit ng assistant niya ang ahas sa kanila ni Serenity nang magsisigaw si Eiji. "Hoy! Anong gagawin mo kay Keira!" Sumampa ito sa bakod at nagtatatakbo palapit sa kanila. "Lumayo ka sa kanya!"

Namutla ang assistant. "Sir, hindi naman po…"

"Eiji, it's okay," mahinahon niyang sabi. Tinanguan niya ang assistant niya. "Sige na, Jay."

Hinarangan ito ni Eiji, naniningkit ang mga mata. "Subukan mo lang ilapit ang ahas na iyan sa kay Keira, gugulpihin kita. Wala kang karapatan na takutin siya. Sino ang nag-utos sa iyo para gawin iyan? Gusto mo bang makarating ito kay Kuya Reid? Sesesantehin kita pati na ang mga kasabwat mo…"

Hinila niya palayo si Eiji at pilit pinahinahon. "Eiji, okay lang iyan. Ginagawa lang ni Jay-R ang utos ko sa kanya. Hindi ako natatakot."

"Anong hindi ka natatakot? Siyempre matapang ka. Paano kung tuklawin ka ng ahas na iyan? Pananagutan ba nila ang gagawin nila sa iyo?" pasigaw na tanong ni Eiji. Pinagpapawisan na ito ng malapot. Mas mukha pa itong takot kaysa sa kanya.

"What is this commotion all about?"

Nang lumingon sila ay nakatayo sa gate ng round corals si Reid. He looked like an angry god of thunder. "Nothing, Sir. Hindi lang po kami nagkakaintindihan."

Itinuro ni Eiji si Jay-R. "Kuya Reid, inilabas ni Jay-R ang ahas sa cage. Gusto niyang takutin si Keira. Paano kung may masamang mangyari kay Keira?"

Hinawakan niya ang braso ni Eiji. "Relax. That snake is harmless. Walang venom si Pichan. Kailangan lang naming I-expose si Serenity sa ahas para di siya matatakot o magwawala kapag nakakita siya. Part iyon ng training niya."

Saka lang bahagyang kumalma si Eiji subalit nakatingin pa rin sa ahas. "Sigurado ka? Parte lang iyon ng training niya?"

"Saka sanay na ako sa ganito," sabi niya. "Gusto mo hawakan ko pa…"

Pinigilan ni Eiji ang kamay niya at hinatak siya palayo sa ahas. "Huwag na, please. Gusto mo bang atakihin ako sa puso?"

"And what are you doing here, Eiji?" Reid asked.

"Pinapanood ko lang ang training nina Serenity at Keira."

"Bakit? Hindi mo naman kabayo si Serenity. Hindi ka rin supervisor dito sa training center para ikaw bantayan si Keira. Nakakaabala ka."

Napayuko si Eiji. "Nag-aalala lang naman ako sa kanya."

"I am afraid that you created a ruckus here, Eiji. You are ban here during the training sessions. Maliban na lang kung may pag-aari kang kabayo na tine-train ni Keira. Pero dahil wala kang official business, di mo siya pwedeng makita kapag oras ng traaho niya. Ayokong masira ang performance ni Keira," anang si Reid sa mabigat na boses. "You look stupid freaking over a simple training. Ahas lang iyan."

Napakamot si Eiji. Daig pa nito ang batang nasermunan. "Kuya, huwag mo naman akong I-ban. Nakabantay na nga sa akin si Doc Tamara kapag magkikita kami ni Keira matapos ang trabaho niya. Tapos pati dito di ko rin pwedeng makita si Keira? Magpapakabait na ako. Kahit tigre pa ang isali ninyo sa training, di na ako magkakaroon ng violent reaction. Di ko na rin tatakutin ang mga tauhan mo."

Humalukipkip si Reid. "Oras na magpakita ka dito sa oras ng training ni Keira, tuluyan na kitang suspindihin dito sa riding club. Mas gusto mo siguro iyon."

Reid had the right to suspend even the influential members of the club. Kahit ang malalapit nitong kaibigan o ang kapatid nitong si Reichen ay pinapatawan nito ng disciplinary action kapag may nilabag na patakaran. He was fair to everyone.

Bagsak ang balikat na umalis si Eiji. "Sige. Ban po muna ako dito." Malungkot itong kumaway. "Bye, Keira."

Malungkot niyang sinundan ng tingin si Eiji. Sa pag-aalala nito sa kanya, na-ban pa tuloy ito sa premises ng training center at muntik nang suspindihin.

"Sir Reid, sorry po sa nangyari. Di po kasi alam ni Eiji na kasama ang exposure ni Serenity sa training. Nataranta po tuloy siya."

"It is not your fault, Keira." Pumitik ito. "Get back to work!"