Chapter 331 - Chapter 6

"UNCLE, huwag na po ninyong ilabas si Crash. Kami na po ang bahalang mag-train sa kanya. Delikado po siyang sakyan," pakiusap ni Keira kay Felipe.

Nakangiti pa nitong inayos ang breat plate ng kabayo. "Masyado ka namang nag-aalala sa akin. Sa palagay mo ba maitatayo ko itong rancho kung di ako marunong mag-handle ng mababalasik na kabayo?"

"Iba po si Crash." Ayaw nitong magpasakay kahit na kanino. Kadarating lang nito nang nagdaang araw at ilang tauhan na nila ang ihinagis nito. Natatakot siya sa kondisyon ng tiyuhin niya. Di na ito bata.

"Kayang-kaya ko iyan. Ako ang nag-train sa inyong lahat, hindi ba?"

"Mas mabuti pa po kung sa opisina na lang kayo," aniyang may himig ng pang-aayo. "Sabi po ninyo may aayusin pa kayong accounting papers, di po ba?"

Pumalatak ito. "Itetengga mo na naman ako sa opisina. Gusto ko namang lumabas. Nami-miss ko na rin na magtrabaho kasama ang mga kabayo. Kung itong si Crash lang, kayang-kaya ko siyang patinuin. Kita mo, maamo sa akin."

"Ang balakang ninyo," paalala niya. Bumagsak ito noong isang taon sa kabayo. Kaya nga iniiwas na nila ito sa mga mabibigat na trabaho sa rancho.

Tinapik nito ang balakang. "Magaling na. Noong isang taon pa ang aksidenteng iyon. Kayang-kaya ko na ito."

Subalit hindi pa rin siya makukumbinsi nito. Bagamat pinayagan na ito ng doktor, nag-aalala pa rin siya para dito. Lalo na't isang mabagsik na kabayo ang gusto nitong sakyan. "Ibang kabayo na lang po. Nandiyan sila Stargazer at Shiloh."

"Na-train na ninyo sila. Hindi katulad ni Crash, kadarating pa lang. Kapag hindi ko siya kayang I-train, saka ko ipapasa sa inyo."

"I don't want you anywhere near that horse," she commanded with a strong voice. Bingi na siya sa mga pakiusap nito.

Tumunog ang radyong bitbit niya. "Keira, may tawag sa iyo galing Japan. Si Sir Eiji," anang si Aling Pining. Di niya dala ang cellphone niya dahil low battery. Kaya sa telepono sa bahay ito tumawag.

Halos araw-araw siya nitong tinatawagan. Di lang niya alam kung bakit tumawag ito nang oras na iyon samantalang oras ng trabaho.

Huminga siya nang malalim nang makitang kinakausap na ni Felipe si Crash. Mukhang wala na itong balak na iwan ang kabayo hangga't di nasasakyan. Kinawayan niya si Taboy. "Bantayan ninyo si Uncle. Huwag ninyong hahayaan na umalis sila ni Crash dito sa stable. At huwag na huwag ninyong pasasakayin. Kahit pa magalit siya, huwag kayong papayag."

"Opo, Bosing!" anang si Taboy at sumaludo.

Patakbo siyang pumunta sa ranch house para sagutin ang tawag ni Eiji. "Hello, Eiji. Bakit bigla kang napatawag? Di ba sabi ko may trabaho ako kapag ganitong oras?" aniyang may himig na sermon.

"I just want to hear your voice before the game starts."

"Kinakabahan ka ba? Hindi ba marami kang fans?"

"Hindi ko naman maririnig ang boses mo na magchi-cheer sa akin."

Napangiti siya sa kakulitan nito. "Do your best. Kahit sa finals mananalo ka."

"Sige. Magkita tayo pag-uwi ko. I miss you."

Nag-init ang pisngi niya. "Anong I miss you? Babalik na ako sa trabaho. Bye!"

Nasapo niya ang pisngi nang ibaba ang telepono. Miss na daw siya nito. Ayaw niyang maapektuhan sa sinabi nito. Pero ramdam na ramdam niya ang mabilis na tibok ng puso niya. Gusto rin niya itong makita ulit. Miss na din ba niya ito?

Pabalik siya sa stable nang hangos siyang nilapitan ni Taboy. "Bosing, si Sir Felipe po sinakyan pa rin iyong kabayong si Crash."

"Ha? Hindi ba sinabi ko inyo na huwag siyang pasasakayin doon?"

"Masyado po kasing mapilit. Kaya na daw po niya."

"Sana tinawag agad ninyo ako!"

Halos liparin niya ang paddocks kung saan nito ite-train si Crash. Ingat na ingat sila sa kabayong iyon. At si Felipe ang huling tao na gusto niyang makitang sumakay doon. Wala siyang tiwala sa kabayo at lalong wala siyang tiwala sa estado ng kalusugan ni Felipe. He couldn't handle the horse.

Sa malayo ay nakita niya si Felipe na sakay ng kabayo. Kinawayan pa siya nito para ipakita na ayos lang ito. Subalit ayaw niyang magpakasiguro. "Uncle, bumaba na kayo diyan. Please!" pakiusap niya.

Nag-thumbs up ito at sinubukang I-maniobra ang kabayo. Napasigaw na lang siya nang biglang magwala si Crash. The horse was trying to dislodge Felipe from its back. Sinubukan ni Felipe na kontrolin ang kabayo at pakalmahin. Inangat ng kabayo ang dalawang paa at tumilapon si Felipe.

"Uncle!"