Chapter 277 - Chapter 12

"Miss Tesorio, kakampi mo kami sa kahit anong kasong gusto mong I-file laban kay Crawford Oreña. Handa akong maging abogado mo," anang si Atty. Lobregar, legal counsel ng Soltera Women's Group. Inimbitahan siya ng grupo upang mag-dinner kasama ang mga ito.

Ginagap ni Rosita ang kamay niya. Ito ang secretary-general ng women's group. "Natutuwa kami dahil may isang matapang na babae katulad mo na handang ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan. Hanga kami sa iyo. Kaya naman dapat lang na parusahan ang lalaking iyon! Dapat sa kanya ay turuan ng leksiyon."

Pakiramdam ni Nicola ay lumulutang ang utak niya habang pinakikinggan ang mga suhestiyon ng mga ito. Tama nga ang sinabi ni Crawford. Nagbabanta ang mga ito na magsampa ng kaso. Mabilis kumalat ang apoy. Di na simpleng laban ang nasimulan niya dahil marami nang naaapektuhan.

"Ma'am, salamat po sa grupo ninyo. Salamat po sa pagtulong at sa concern ninyo sa akin pero hindi na po kailangan," malumanay niyang sabi.

"Why? May private lawyer ka na ba?" tanong ni Attorney Logarta. "Gusto pa rin naming tumulong. We can get supporters from all over the country and even abroad. Gagawa kami ng mga sulat. Magsasagawa kami ng rally para makakuha ka pa ng maraming sympathizers."

"I am not planning to file a case against Crawford," she declared.

Lalong bumakas ang pag-aalala sa mukha ng mga ito. "Tinakot ka na ba niya at pinagbantaan? Ganyan talaga ang mga mayayaman at sikat. Kaya nga nandito kami para alalayan ka," wika ni Atty. Logarta.

"No. Maayos po akong kinausap ni Crawford. Wala rin naman po akong dahilan para mag-file ng kaso laban sa kanya. He didn't harass me or anything. Kung nasaktan ko man siya tulad ng nasa video, personal po ang rason ko. Hindi na po kailangan pang humantong sa husgado at di na rin po kayo kailangang ma-involve. We decided to solve it on our own," paliwanag niya. "And I will truly appreciate it if you will let us handle things on our own."

"Sigurado ka ba, hija?" tanong ni Rosita.

Nakangiti siyang tumango. "Ibigay na lang po ninyo sa mga taong higit na nangangailangan ang tulong ninyo." Saka siya nagpaalam.

Natapos na niya ang misyon niya. Siguro naman ay huhupa na ang isyu gayundin ang mga protesta. Nangako rin si Crawford na kakausapin ang mga fans nito para di na siya guluhin. Ito na lang ang kailangan niyang harapin.

Papunta siya sa abangan ng taxi nang may tatlong babaeng lumapit sa kanya. Mukhang mga sosyal ang mga ito at uso ang mga damit. "Miss, are you Nicola Tesorio?" nakataas ang kilay ng isa na may hawak pang sigarilyo.

"Yes. Bakit?" inosente niyang tanong.

Itinulak nito ang balikat niya. "What the hell is your problem? You are not really pretty so you have no right to hurt Crawford."

Another fanatic. Di na ba mauubos ang mga ito. At mukhang walang intensiyong makipagkwentuhan lang ang mga ito. "Kung anuman ang problema namin ni Crawford, sa amin na lang iyon. So if you will excuse me…"

Di pa natatapos ang sasabihin niya ay mas malakas siyang itinulak ng babae. Napasadlak siya sa daan. Mabuti na lang at naitukod niya ang palad niya. Kundi ay sumubsob na siya sa semento. Hinawakan ng pinakalider ang mukha niya at inumang ang maliit na kutsilyo sa mukha niya.

"Well, you aren't bad looking. Tingnan nga lang natin kung papansinin ka pa ni Crawford oras na ukain namin ang mukha mo," banta nito at humalakhak.

Ginapangan siya ng kilabot. Di matao sa bahaging iyon ng parking lot. Di niya alam kung may tutulong sa kanya. Kung sisigaw naman siya, tiyak na tutuluyan siyang saktan ng mga ito. "P-Pwede bang pag-usapan natin ito nang maayos. Kung gusto ninyo si Crawford, sa inyo na lang siya. Di ako interesado sa kanya."

"Kahit na. Sinaktan mo si Crawford," anang isa sa mga babae na nakamasid lang. "We should teach you a lesson."

Naramdaman niya ang malamig na dulo ng kutsilyo sa balat niya. Akala niya ay hihiwa iyon sa balat niya nang marinig niya ang igik ng babaeng may hawak ng kutsilyo. "What do you think you are doing to Nicola?" anang boses ni Crawford. Dumilat siya at nakitang mariin nitong hawak ang kamay ng babae. He looked so mad. Matalim na matalim din ang tingin nito.

"C-Crawford, we are just having fun," anang babaeng lider ng grupo habang di naman makakibo sa takot ang mga kasama nito. "That bitch hurt you, right? So we just want to avenge you."

"Hindi ko kayo papayagan na saktan si Nicola," mariing wika ni Crawford at padarag na binitiwan ang kamay ng babae. Dinaluhan siya nito at inalalayang tumayo. "Are you okay?"

Tumango siya. "Hindi naman nila ako sinaktan." Nanginginig ang katawan niya. Parang noon tuluyang kumawala ang lahat ng takot na nadarama niya.

Niyakap siya ni Crawford. "Its okay. I am here now."

She felt safe with Crawford's arms around her. She wanted to stay that way forever. He was her hero. Kung wala ito, baka kung ano na ang nagawa ng mga babaeng iyon sa kanya.

"Why are you defending her? Sinaktan ka niya, di ba?" Bakas ang sama ng loob at pagkapahiya ng mga ito.

"Kung anuman ang problema namin ni Nicola, kami na ang bahala doon. Hindi na ninyo kailangang ma-involve. Ayokong may masasaktang tao dahil lang sa akin. Ayoko nang malalaman na lumalapit pa kayo kay Nicola. Or else, kayo ako ng ipapakulong ko," banta ni Crawford.

"Girls, lets go," taas-noong sabi ng lider at umalis.

Nahigit niya ang hininga nang buhatin siya ni Crawford. "Doon tayo sa sasakyan ko," anito at idinala siya sa kotse nito na nakaparada sa harap mismo ng restaurant. "Mabuti na lang nakita kita. Kung hindi, baka ano na nangyari sa iyo."

Di siya tumutol nang buhatin siya nito. She gave in. Aminado siyang mahina siya. At ito lang ang mapagkukunan niya ng lakas nang mga oras na iyon. "Thank you. Mabuti na lang nandiyan ka," mangiyak-ngiyak niyang wika. Di naman siya iyakin. But she was relieved because she was safe now.

Marahan siya nitong ibinaba at binuksan ang kotse. "Huwag ka nang umiyak. Di ka na nila masasaktan." Binuksan nito ang dashboard at inilabas ang medicinal kit. Maingat nitong nilinis ang sugat niya sa palad. Parang bata lang siya na sumunod dito. Wala kasi siyang lakas para tumutol. And she was touched. For such a tall person, he had been gentle with her. She remembered Joanna Grace's question if he was good in bed. Was he a gentle lover as well? Nanuyo ang lalamunan niya nang maisip ang tanong na iyon. "Feeling better?" untag nito sa kanya.

Tumango siya. "What are you doing here?"