"PARANG diyosa ka na rin ng kagandahan tulad ko! Si Crawford Oreña na pantasya ng mga kababaihan, ikaw ang pinili para ilaban na Miss JS. Ang taray!" sabi ni Carlo habang nagbe-break sila. Nakaupo sila sa may covered gymnasium habang nanonood ng mga nagpa-practice ng tango para sa P.E. Mamaya ay sila ang sasayaw ng swing. Subalit wala sa susunod na subject ang utak niya kundi kay Crawford.
"O, e ano ngayon?" walang interes niyang sabi at sumimsim ng orange juice para di nito makita ang pinipigil niyang ngiti.
"Kunyari ka pa na walang pakialam pero kinikilig ka naman," anito at siniko siya. "Maugong na nga ang pangalan mo dito sa campus. Kumalat na kasi na si Crawford mismo ang nag-nominate sa iyo. Naku! Ako ang bahala sa pagpapaganda sa iyo. Pati na rin sa gown mo. Matutuwa si Mommy dito," tukoy nito sa tatay nito.
Napansin niya si Crawford na parating at pasimple niyang hinaplos ang buhok niyang tinatangay ng malakas na hangin. "Naku! Baka gulo-gulo ang buhok ko kapag nakita niya ako. Bakit ba kasi mahangin ngayon?"
Natutuliro sa paghahanap ng suklay nang may tatlong estudyanteng lalaki na nagkukulitan at naghahabulan sa likuran niya. Naramdaman na lang niya na may tumama sa ulo niya na mukhang ibinato ng mga ito.
"Ano ba?" asik niya at matalim na tumingin. Nagtawanan lang ang mga ito at nagtakbuhan palayo. Mabuti na lang at hindi siya nasaktan sa kung anumang ibinato ng mga ito. Nag-concentrate na lang siya sa paghahanap ng suklay sa bag niya.
"Cola, anong nasa buhok mo?" tanong ni Carlo.
"Ha? Bakit?" aniya at hinawakan ang buhok niya. Malagkit iyon at parang nagdikit-dikit. Nag-panic siya. "Ano iyon, Carlo? Tanggalin mo."
"Bubble gum! Mukhang bubblegum ang ibinato sa iyo ng kanina. Nagbuhol-buhol na ang buhok mo. Kailangan na natin itong gupitin."
"AYAW mo nang sumali sa Miss JS?" bulalas ni Carlo nang sabihin niya ang plano. Papasok pa lang sila sa eskwelahan nang umagang iyon.
"Tingnan mo nga. Maikli na ang buhok ko. Sa tingin mo ba makakalaban pa ako sa pageant na iyon?" Pakiramdam kasi niya ay di na siya ganoon kaganda mula nang putulin ang buhok niya. Dahil dumikit ang bubble gum at nagkabuhol-buhol na ang buhok niya, sobrang ikli na ng buhok niya.
"Pinilit naman ni Mommy na maging stylish pa rin ang pagkakagupit sa iyo. Maganda ka pa rin kahit di na ganoon kahaba ang buhok mo. Ang pagiging feminine, di naman dahil sa haba ng buhok. Ikaw rin ang nagsabi noon, di ba? Saka matalino ka naman at confident. Kaya mong I-develop pa iyon. Mananalo ka pa rin."
Malungkot siyang ngumiti. "Thank you, Carlo. Pero sasali lang ako sa pageant kung sa tingin ni Crawford maganda pa rin ako kahit maikli na ang buhok ko."
Depress pa rin siya dahil sa pagkakagupit sa buhok niya. Hindi na kasi basta-basta maibabalik pa ang buhok na naputol. Pinahaba lang naman niya iyon dahil mas bagay daw sa kanya iyon ayon kay Crawford.
"Sige. Ikaw ang bahala. Anuman ang desisyon mo, nandito lang naman ako."
Napansin niya si Crawford na pumasok sa orchard. Doon ito nagpupunta kapag breaktime o kaya ay bago magsimula ang klase nila kung gusto nitong mapag-isa. Iyon na ang pagkakataon para matanong niya ito nang sarilinan.
"Mauna ka na sa room. Kakausapin ko lang si Crawford," wika niya.
Hindi na niya hinintay pa ang sagot nito at sumunod kay Crawford sa orchard. Dapat kasi ay ito ang unang makaalam na gusto na niyang mag-quit sa pageant. Pero kung sasabihin marahil nito na di na siya ganoon kaganda tulad ng dati, tiyak na masasaktan siya nang todo.
Sa palagay niya naman hindi ganoon kababaw si Crawford. Hindi lang naman buhok ang nagdidikta na maganda ang isang tao. Ito na ang nagsabi na gustong maging kaibigan siya. At di lang iyon dahil mahaba ang buhok niya. Gusto nito ang totoong personality niya.
Papasok sana siya sa orchard nang mapansin niyang kasama nito ang mga kabarkada nito. Aalis na sana siya dahil ayaw niyang makigulo sa usapan ng mga ito dahil mukhang seryoso ang mukha ng bawat isa nang marinig niya si Crawford.
"Guys, she's not pretty at all. Pangit talaga siya," sabi ni Crawford. "Ngayon ko lang na-realize na di naman siya ganoon kaganda. Iyon ang ayaw ko sa babae."
Parang may isang malaking bato na dumagan sa dibdib niya. Sinabi nito dati kay Belle na mas gusto nito sa babae ang mahaba ang buhok. Siya ba ang tinutukoy nitong pangit dahil maikli na ulit ang buhok niya?
"Paano iyan? Di ba plano mong mag-suggest na ikaw ang escort niya sa Miss JS? Anong gagawin mo ngayon?" taong ng kabarkada nitong si Troy.
"Ngayong nakita ko kung gaano talaga siya kapangit, sa palagay mo ba magugustuhan ko pa siya," sagot ni Crawford. "Natural, hindi na. Managinip na lang siya ng gising pero ayoko na sa kanya."
Masamang-masama ang loob niya na tumakbo palayo. Nakayuko siya sa sinumang makakasalubong dahil ayaw niyang makita ng mga ito ang pinipigil niyang luha. Walang kwenta si Crawford. Mas gusto nitong tumingin sa panlabas na anyo lang ng isang lalaki. Hindi ito ang lalaki na madalas niyang pinapangarap. Hindi rin ito ang lalaking nagbigay ng lakas ng loob sa kanya para mas pagandahin ang personality niya at maging mas mabuti ang pakiramdam niya sa sarili niya.
Nakuyom niya ang palad. "Wala siyang ipinagkaiba kay Daddy. Hindi siya ang lalaki na dapat mahalin." At mula sa araw na iyon, ayaw na niya kay Crawford. For her, he was the lowest life form on earth. A scum.
"LIZZY, galingan mo na lang, ha? Sa tingin ko naman talaga mas bagay kang lumaban na Miss JS kaysa sa akin," wika ni Nicola dito. Ito na kasi ang pinili ng klase nila bilang bagong representative ng klase nila. Matagal na itong sumasali sa mga beauty pageant kaya malakas ang bentahe nitong manalo.
"Ikaw pa rin ang gusto naming lumaban na Miss JS," sabi nito. "Maganda ka pa rin naman kahit na maikli ang buhok mo."
Umiling siya. Nakita kasi niya ang suporta ng mga kaklase niya kahit na nag-backout na siya. Subalit di na siya napilit pa ng mga ito kahit na nagkaisa na si Crawford at ang mga kaklase niya na igiit na siya pa rin ang representative.
"Sorry, ha? Pero sa palagay ko kasi hindi naman talaga itong pageant ang forte ko. Napilitan lang akong pumayag noong una."
"Nanghihinayang talaga ako sa iyo," wika ni Crawford nang matapos niyang kausapin si Lizzy. Nagulat siya nang makitang nasa likuran lang ito at mukhang kanina pa nakikinig sa usapan nila.
Matinding iritasyon ang naramdaman niya nang makita ito. Umaalingawngaw sa isip niya kung paano nito sabihing pangit siya. "Sinabi ko nang hindi ko talaga hilig ang pageant na iyan," walang kangiti-ngiti niyang sabi.
"Hindi na kita pipilitin. Pero may ka-partner ka na ba JS Prom?"
Kumunot ang noo niya. "Bakit mo naman naitanong?"
"Kung pwede sana ako na lang ang ka-partner mo."
She wanted to laugh out loud. How ironic! Matagal na niyang pangarap na sabihin iyon ni Crawford sa kanya. Na parang siya ang pinakamagandang babae para dito at siya ang pipiliin nitong makasama para sa isang memorableng okasyon. But she didn't feel a bit happy at the moment. Lalo lang siyang nairita. Di niya alam kung anong nakain nito para magprisintang escort niya sa pageant samantalang pangit nga ang tingin nito sa kanya. Nang-iinsulto ba ito o naaawa? O akala nito ay magtatatalon siya sa tuwa dahil isang pangit na tulad niya ang napili nito.
She smiled grimly. "Crawford, I'm sorry. Marami na kasing nagyayaya sa akin na maging escort ko sa JS Prom. Masyado nang magulo ang utak ko para mamili pa sa kanila. Huwag ka nang dumagdag."
"M-Marami nang nagyayaya sa iyo?" anitong nagulat pa sa sinabi niya.
"Oo naman." Nag-unahan pa sa pagyayaya ang mga kaklase niya nang pumasok siya sa classroom kanina. Walang pakialam ang mga iyon kung anuman ang haba ng buhok niya. They simply took her for what she was. "Mabuti pa si Belle na lang ang yayain mo. Bagay na bagay kayong dalawa."
"Ikaw nga ang gusto kong ka-partner," giit nito. "Saka di ka pa naman nagde-decide kung sino ang gusto mong escort, di ba? You can consider me."
Tumaas ang kilay niya at sinuyod ito ng tingin mula ulo hanggang paa. "Well, I am really sorry. Kasi hindi naman kita type," aniya at tinalikuran ito.
Naiwan niya itong tulala at nakasunod lang ng tingin sa kanya. Di marahil inaasahan na ire-reject niya ito. Nakadama siya ng tagumpay. Eh, di nakita mo rin ang hinahanap mo. Dapat lang iyan sa iyo. Di ka naman ganoon kaguwapo, Crawford. Di kita dapat isipin. For me, you are a monster. I hate you!