"JEN, sama ka naman. May art exhibit kami saka live band concert. Tiyak na magugustuhan mo iyong bagong banda na sumisikat ngayon," yaya sa kanya ni Illyze habang kausap niya ito sa telepono. "Huwag mong sabihin na hindi ka pa rin pwede? Ipinagpaalam na kita kay Ate Evie."
Itinapik niya ang lapis sa drawing pad niya. "Hindi ako pwedeng lumabas ngayon. Kailangan ko pa ng design na ipapasa para sa fashion design competition. Apprenticeship sa isang fashion designer sa Paris ang prize. Exciting, di ba?"
"Masyado mo talagang dinidibdib ang contest na iyan. Kahit saglit lang?"
"Hindi pwede! Importante sa akin ang competition na ito. I promised JED that I would conquer the world. At hindi ko siya pwedeng makita hangga't di nangyayari ito. I am doing this for love." Oras na manalo siya sa competition at makapag-training sa Paris, siguro naman ay mare-recognize na siya ni JED bilang isang mature na babae at bilang achiever. Na di na siya bata.
"Naks! Masyado naman 'yang madrama, Jen. Seryoso kaya siya doon?"
"I think he likes me. Personal pa niya akong kinausap para lang sabihin sa akin na mag-aral akong mabuti. Magtitiis akong hindi siya makita para lang magawa ko ang promise ko sa kanya. Kaya ibig sabihin, kailangan ko ring magtiis na di manood ng event ninyo. Dito lang ako sa kuwarto ko at gagawa ng masterpiece. Malay mo, kapag nanalo ako dito pwede pa akong sumingit na manood ng concert niya. Pwede na siguro iyon, di ba?"
"Oo na. Sige na. Huwag ka nang sumama sa ngalan ng pag-ibig."
"Thanks for understanding, best friend. Don't worry. Sa mismong exhibit mo ako pupunta. Pero exhibit lang naman iyan ng mga higher year sa inyo. E hamak na mas magaling ka naman sa mga iyon."
"Bobolahin mo pa ako…Oh, no!" narinig niyang bulalas nito.
"Illyze, may problema ba?" nag-aalala niyang tanong.
"Buksan mo ang TV, dali!" utos nito.
Bumulaga agad sa kanya ang isang car accident sa EDSA pagbukas niya ng TV. Muntik nang malaglag ang puso niya nang makita kung sino ang nabangga. "Si JED? Nabangga si JED!"
Galing daw ito sa isang party at mukhang lasing ang driver nito na siyang nagmamaneho. Naka-confine ang binata sa St. Luke's. Habang pinapanood ang balita ay nagbibihis na siya kaya di na niya halos inintindi ang sinasabi ng reporter.
"Jen, ano bang nangyayari sa iyo?" tanong ni Illyze nang balikan niya ito sa telepono. "Akala ko hinimatay ka na diyan."
"Hindi. Pupuntahan ko si JED sa St. Luke's. I have to see if he is okay." Nakagat niya ang labi upang pigilin ang pag-iyak. "I hope he is really okay." Dahil di niya alam ang gagawin kung mas malala ang nangyari dito.
Paglabas ng kuwarto ay nakasalubong niya ang Ate Jenevie niya. "O, saan ka pupunta at bihis na bihis ka?"
"Nakita ko kasi sa news na naaksidente si JED. Pupuntahan ko sa ospital. Gusto ko lang malaman kung okay lang siya, Ate." At di siya nito mapipigilan.
"Para namang papapasukin ka nila para makita siya."
"Basta pupunta pa rin ako!" mariin niyang wika.
"O, sige. Basta bumalik ka dito pagkatapos mong makabalita ng tungkol sa kanya. Umalis ka na para maaga kang makauwi."
Hinalikan niya ito sa pisngi. "Thank you, Ate."
Parang may pakpak ang paa niya habang papunta ng ospital. Dumaan muna siya ng supermarket para bumili ng prutas. Pagdating sa ospital ay puno ng mga tao ang entrance. Lahat kasi ng fans ay nag-I-insist na makapasok para makita si JED.
"Thank you for coming and for your concern to JED. He is out of danger according to the doctors," anunsiyo ni Eunice Ferona, ang personal assistant ni JED. "However, I am afraid he can't accept visitors at the moment. He needs total rest. It is the doctor's advice and I hope that everyone will understand. Pwede ninyong iwan ang mga regalo ninyo kay JED. We'll make sure na makakarating sa kanya ang lahat."
"Hindi ako pwedeng umuwi nang hindi man lang siya nakikita," wika niya.
"Lalo naman ako," anang babaeng katabi niya. "Galing pa ako sa Zamboanga. Nag-eroplano pa ako papunta dito para lang makita ang aking mahal, no?"
Nilingon niya ang katabi. "Farrah Mae!" bulalas niya nang makilala ang babae.
"Fridah Mae ako!" pagtatama nito. "At nandito ka rin?"
"Siyempre, fairy ako ni JED. Lalakas siya kapag nakita niya ako."
"Ako lang ang kailangan niya. Kaya umuwi ka na!" pagtataboy nito.
"Excuse me," untag sa kanila ni Eunice. "Are those for JED as well?"
"Miss Ferona, I am Jenna Rose Escudero. Natatandaan po ba ninyo ako?"
"Ako rin. Si Fridah Mae Narcisso. Gusto ko sanang makita si JED."
"Oh, yes! You are the stampede victims," Eunice recognized with a tight smile. Parang ayaw nitong makita sila. "I'll just bring your gifts to JED. Hindi pa rin siya pwedeng tumanggap ng bisita ngayon. I am so sorry."
"Baka naman pwedeng silipin lang siya kahit sandali," pakiusap niya. "Hindi po ako mag-iingay at hindi ako manggugulo. He doesn't even have to know I am there. Basta makita ko lang siya."
"No!" mariing tanggi ni Eunice.
"Oo nga. Sandali lang naman," hirit din ni Fridah Mae.
Nawala ang pekeng ngiti ni Eunice. "Which part of the word 'NO' you don't understand? Your concern is appreciated but we won't jeopardize JED"s health. For a freaking moment, have mercy! Gusto lang magpahinga nung tao. Kung magpipilit pa rin kayo, mapipilitan akong ipakaladkad kayo palayo dito."
Nagulat siya sa inasal nito. "Hindi mo naman kami kailangang pagbantaan. Nakikiusap naman kami nang maayos sa iyo."
"Aalis na kami. Hindi mo kami kailangang itaboy," anang si Fridah Mae. Inirapan nito si Eunice at saka siya hinatak palayo. Humantong sila sa KFC at doon nagsentimyento. "Ang impaktitang iyon. For just a freaking moment!" gagad nito kay Eunice. "Akala naman niya pagkaganda-ganda niya. Para namang pipikutin natin si JED. Gusto lang naman natin siyang makita."
"Anong gagawin natin? Hindi ako matatahimik hangga't hindi ko natitiyak na okay na siya. I have to see him so badly." Maiiyak na siya sa pag-aalala. Kahit pa nga sinabi ng assistant ni JED na out of danger na ito.
"Kailangan nating matakasan ang mangkukulam na iyon." Nakuyom ni Fridah Mae ang palad. "May plano ako. Gusto mong sumali?"