Chapter 234 - Chapter 1

"I need you. And you need to remember who's your man."

Kasabay ng kantang iyon ay ang pag-ilanlang ng malalakas na tilian sa Araneta Coliseum. Major concert iyon ng bandang Switch. Naka-base ang mga ito sa Pilipinas subalit nagsisimula na ring gumawa ng pangalan sa Asia. Guwapo ang halos lahat ng member ng band nito subalit ang puso niya ay nasa part-Canadian, part-Filipino na vocalist ng banda na si Jason Erwin Dean o mas kilala bilang JED.

"You are my man, JED!" tili ni Jenna Rose habang nakikipagsigawan sa sigawan ng iba ring kababaihan na patay na patay dito. Katulad niya ay walang pakialam ang mga ito kung makipaggitgitan sa iba pang mga nanonood. Nagkakaapakan na sila at nagkakahalu-halo ng amoy pero tuloy pa rin ang tilian.

Mga artista, socialites, models at mga estudyante. Bawat isa ay gustong mapansin ni JED. Kahit nga yata ang mga babaeng may asawa na at anak ay naroon din sa Araneta. Kahit saan kasi pumunta si JED ay puro tili lang ang naririnig.

Ipit na ipit na nga siya sa railings na naghihiwalay sa mga audience sa patron's box at sa stage pero wala siyang pakialam. Basta makalapit lang siya kay JED. Matagal na yata niyang pangarap na makita ito sa personal.

Umugong muli ang sigawan nang umuklo si JED sa mismong harap niya at tinitigan siya habang kumakanta. "Tell me how is it that you came into my life. And I can't stop. You blow me out and I am so lonely. I need you and you need to remember who's your man."

Napanganga na lang siya habang kumakanta ito. It was like the time was suspended and it was just the two of them. She felt like she died and had gone to heaven by just looking at those piercing amber eyes. Ni hindi siya nakagalaw para man lang para kunan ito ng picture.

Naestatwa lang siya habang hawak ang camera. Sa gilid ng mata niya ay natahimik pati ang mga babaeng nagtitilian dito at sa kanya na lang napatitig. Kung malaglagan siguro siya ng bomba nang mga oras na iyon, di pa rin siya gagalaw kahit na nagtatakbuhan na ang lahat. Mas gusto niyang titigan na lang si JED.

Nang tumayo si JED at bumalik sa gitna ng stage ay saka lang niya napindot ang capture button saka kumislap ang camera. "Sayang, sister! Di mo siya nakunan habang nakatitig siya sa iyo," anang bading na katabi niya. "Kung ako siguro ang tinitigan niya, baka himatayin na ako. Maha-heart attack ako!"

"Muntik na nga akong himatayin, eh!" aniya at saka lang nagawang tumili kung kailan wala na sa harapan niya si JED. Parang mababaliw siya. Tinitigan lang siya ni JED ng ilang segundo pero parang siya na ang pinakamagandang babae sa loob ng coliseum. "Marry me, JED!" tili pa niya.

"Hoy! Hindi ikaw ang tinitigan niya. Ako!" anang babae sa bandang likuran niya. "So huwag kang mag-ilusyon dahil mas maganda ako sa iyo."

Tinaasan lang niya ng kilay ang babae. "Whatever!" Basta ang alam niya ay siya ang tinitigan ni JED. "Marry me, JED!" tili ulit niya.

"He already said yes to me!" sabi ulit ng inggratang babae. "Kaya huwag ka nang mag-ilusyon dahil ikakasal na kami."

"Hoy! Ikaw ang nag-iilusyon na mamahalin ka niya. Ako nga ang maganda. Ako! Ako!" Inirapan niya ito sabay hampas sa mukha nito ng mahaba niyang buhok.

"Oo na. Oo na. Puro na lang kayo ilusyunada," sabi ng bading. "Wala na. Tapos na. Umalis na si JED." Saka nito itinuro ang bandang papunta na sa backstage habang kumakaway sa mga audience.

Napahawak siya sa railing at kulang na lang ay sumampa ng stage. "JED, don't you go yet! Huwag mo muna akong iwan!" Hanggang titig nga lang ito sa kanya. Ni hindi man lang niya nahawakan ang dulo ng daliri nito.

Sumampa din ang babae railing sa tabi niya. "Huwag ka munang umalis! Paano na ang pagmamahalan natin?"

"Ibalik ninyo ang bayad namin!" sigaw niya. Mahaba na ang concert na iyon. Tuloy-tuloy kasi ang mga kanta at halos walang pahinga ang banda sa pagtugtog. Pero bitin pa rin siya. "Jed, come back!"

"Hindi mo pa ako nakikilala! Ako si Fridah Mae Narcisso. Ako ang pakakasalan mo," sigaw ng babaeng katabi niya.

Humalakhak ang bading. "Ang OA naman ninyo! Nag-break lang naman ang banda nila. Hindi naman ninyo kailangang magdrama diyan." Natensiyon lang siya nang biglang umalis sila JED. Ayaw kasi niya itong mawala sa paningin niya.

Napakalma siya. Break lang pala. Akala niya ay tapos ang ligaya niya. "Alam ko naman na nag-break lang siya. Gusto ko lang magdrama," palusot niya.

"Gusto ko lang sulitin ang ibinayad ko dito!" nakapamaywang na sabi ni Fridah Mae pagbaba ng railing. "Mahal ang pamasahe ko dahil galing pa ako sa Zamboanga. May exam pa ako bukas at maaga ang flight ko. Hindi mo lang alam kung ano ang hirap na tiniis ko para lang mapanood si JED."

"Ako rin. Nag-ipon ako para lang makapunta dito," wika naman niya.

Nag-part time job siya sa isang fashion house para lang makaipon ng pera. Nagtitipid sila bahay dahil Law ang kinukuha ng Ate Jenevie niya kahit pa nga scholar ito habang siya naman ay magastos din dahil Fashion Designing ang course niya. Hanggang pang-Lower Box lang ang naipon niyang pera. Mabuti na lang at inilibre siya ng ticket ng boyfriend ng ate niya na si Rolf kaya nasa patron box siya ngayon. Suportado kasi ni Rolf ang kagagahan niya kay JED. Habang killjoy naman ang ate niya. Wala daw siyang mapapala sa pagkabaliw niya kay JED.

"Naiintindihan ko ang mga hirap ninyo para lang mapanood si JED," anang bading. "Pero ako na ang Mrs. Jason Erwin Dean." Ipinakita nito ang plain gold ring band. "Ito ang wedding ring namin. Read this encryption."

Namula siya sa inis nang makitang 'I will love you forever-JED' ang nakaukit sa singsing. "At ang bruhang baklang ito. Mas malakas ka pang mag-ilusyon sa akin. Kung kalbuhin kaya kita diyan?"

Inirapan siya nito. "Bakit? Kayo lang ba ang may karapatang mag-ilusyon?"

"Ayan na si JED!" tili ni Fridah Mae.