"SABI ni Chef Gino, pang-diet daw ang luto niya. Pero sa dami ng nakain ko, ewan ko na lang kung di pa ako tumaba," sabi ni Marist habang naglalakad sila ni Emrei sa gilid ng Taal Lake. Pinili nilang lumayo sa party at iniwan ang mga kasamahan na kasalukuyang nagkakagulo sa pagsasayawan.
"I don't really mind if you gain a weight a little. Masyado kang naging busy sa trabaho at di mo inaalagaan ang sarili mo kaya payat ka," komento nito.
"Last day ko na ito kaya nag-enjoy ako nang todo." Inunat niya ang dalawang kamay. "Nag-enjoy ako sa pagkain. Nag-enjoy ako sa music. Nag-enjoy ako kasama ang mga kaibigan ko. Di ko ine-expect na mag-e-enjoy ako sa party."
"I am glad that you enjoyed it. Sabi ko naman sa iyo, hindi ba? Lahat ng gusto mo masusunod. And the people here love you."
"I love them, too. Last day ko na siguro ito sa Stallion Riding Club pero hindi ako nagsisisi. This is really a great experience."
Marahil ay di na siya makakabalik pa doon. Pero may mga kaibigan siya na nangakong dadalaw at tatawag. May mga bago siyang na-experience. At higit sa lahat, natuto siyang pasayahin at pagbigyan ang sarili niya.
"Napasaya ba kita?"
Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ito. "Oo naman. Hindi naman magiging masaya ang pag-I-stay ko dito kung hindi dahil sa iyo." Ginagap niya ang kamay nito. "Thanks. I won't forget about you either. Kung alam mo lang, ikaw ang nagturo sa akin ng mahahalagang bagay sa buhay ko."
Hinaplos nito ang pisngi niya. "Pwedeng may I-request ako para sa last day nating dalawa?" tanong nito.
Kumabog ang dibdib niya. Heto na! Heto na! He'll ask for a kiss.
"Ano iyon?"
"Gusto kong makipag-date ulit sa iyo."
"Date?" usal niya na parang di makapaniwala sa narinig. "Niyayaya mo ulit ako na mag-date? Sigurado ka?"
"Oo," sagot ni Emrei. "Hindi ba sinabi ko na nga sa iyo."
Di niya alam kung ano ang sasabihin. Kanina lang ay handa na siyang isuko ang lahat ng ilusyon niya dito. Huling gabi na nilang magkasama kaya pwede na siyang gumising sa pangangarap niya.
Pero mukhang may katuloy ang panaginip niya. Mukha nang totoo ito ngayon.
"Bakit?" tanong niya.
"Anong bakit? Basta gusto kong mag-date tayo. Itinatanong pa ba iyon?"
"Tapos na ang grand dream date. Pwede namang ibang babae na ang I-date mo para hindi ka na napipilitan."
Hinaplos nito ang dulo ng ilong niya. "Silly. Sino ba ang may sabing gusto kong makipag-date sa iba? Ikaw talaga ang gusto kong maka-date."
She looked at him skeptically. "Ows? Paano naman nangyari iyon?" Wala nga siyang ginawa sa simula pa lang kundi tarayan ito. "Bakit naman ide-date mo ang katulad ko na walang class? Lagi pa kitang inaaway. Kita mo nga kanina, nakakain ka ng fishball at kwek-kwek. Di kaya mag-rebolusyon ang kaharian ninyo?"
"Kahit pakainin mo pa ako ng buhay na manok sa date natin, okay lang."
"HPero Emrei, alam mo naman na hindi talaga ako nakikipag-date. Kung hindi nga lang ako pinilit dito sa raffle, nunca na makipag-date ako."
"Akala ko ba nagbago ka na habang nandito ka?"
"Yes. I changed about a lot of things. But dating is not included yet."
"I just find you interesting. Bitin ang apat na araw na kasama kita para makilala nating mabuti ang isa't isa. I don't want it to end here, Marist."
"Ewan ko…" Pero sa loob-loob niya ay gusto niyang batukan ang sarili. Anong ewan ko? Kanina lang emote-emote ka na ayaw mong matapos ang kaligayahan mo. Tapos ngayon ayaw mong um-oo, sermon niya sa sarili.
Ginagap nito ang dalawang kamay niya. "Just give it a try. Subukan natin nang wala dito sa Stallion Riding Club at walang impluwensiya ng unang date natin. Let's treat it as a real date this time. Kung ayaw mo, di kita pipilitin."
Subalit lumungkot ang anyo nito sa huling sinabi.
She nudged his chin. "Hoy! Huwag kang magdrama diyan."
"Hindi ako nagdadrama. Hinihintay ko na magbago ang isip mo. Please agree to go out with me," anito sa tonong nakikiusap.
"Hindi naman nagbabago ang isip ko."
Bumuntong-hininga ito. "Ayaw mo ngang makipag-date sa akin."
Hinuli niya ang mata nito at ngumiti. "Gusto kong makipag-date sa iyo."
"Ha? Gusto mo?" gulat nitong usal. "Ang sabi mo…"
Nag-peace sign siya. "Kunyari ayaw ko. Nagdadrama lang ako. Naniwala ka naman sa akin na ayaw kitang maka-date."
Kinabig siya nito ng yakap. "Tinakot mo ako. Akala ko mababasted ako."
"Sa guwapo mong iyan, walang babaeng tatanggi sa iyo."
Inilapit nito ang mukha sa kanya. "Sa ating dalawa, ikaw yata ang mas magaling na mambola."
"Hindi iyon bola. I am just telling the truth."