Chapter 190 - Chapter 19

"Ang daya ng mga babaeng iyon. Sabi nila ibabalik ka nila sa akin pagkatapos ng lunch. Aba! Anong oras na? Alas otso na ng gabi. Pati mga asawa at boyfriend nila, sa akin din sila hinahanap. Ang mga babae talagang iyon!" reklamo ni Emrei. Nagkita sila sa Rider's Verandah at naabutan itong nagkakape.

"Sorry, ha? Nagyaya pa kasi silang magpa-spa. Tapos nagkwentuhan kami nang nagkwentuhan. Ang daldal nila. Di naman ako makahindi."

"Masyado kang nag-enjoy kasama sila," anito sa tonong nagtatampo.

"Kasi mababait sila. Parang matatagal na kaming magkakaibigan. Nakaka-relate din ako sa maraming experience at ugali nila. Habang kasama ko sila, parang di na iba ang pakiramdam ko. I feel like I am one of them."

"Basta! Nakalimutan mo pa rin ako."

Lumapit sa kanila ang isa sa mga waitress na may dalang maliit na kahon. "Sir Emrei, pastries po. Ipinabibigay ni Chef Miles."

"Alam ko na kung ano ito. Suhol nila."

"Ikaw naman kasi ang nag-request sa kanila na isama ako para di ako mailang. Hindi ko alam na napansin mong nagpalusot lang ako na masakit ang ulo ko para di ako makapunta sa party."

"Paano mo mae-enjoy ang stay mo dito kung nagpi-freeze up ka kapag may ipapakilala akong tao sa iyo. Parang kaaway mo ang lahat ng nasa riding club."

"Sabihin na natin na may masamang experience ako sa mga taong mayaman. Isa pa, di naman talaga ako sanay na makihalubilo sa mga mayayaman. Hindi ako sanay sa dapat kong ikilos, sabihin at kung anu-ano pa. Ni hindi ko masabi kung ano ang kaibihan ng champagne sa sparkling water," pag-alaala niya sa sinabi ni Helena. "Baka mapahiya ka lang dahil sa akin."

"Ganoon pa rin ba ang pakiramdam mo?"

Umiling siya at tipid na ngumiti. "Hindi na. Kasi ipinaramdam sa akin ng mga bago kong kaibigan na may kapareho din ako dito sa riding club. Na tulad ko, may mga ordinaryong tao din sila. Saka sabi nila sa akin, huwag kong pansinin kung may manlalait sa akin dahil di ako pamilyar sa maraming bagay dito. Dapat maging natural lang ako. Di ko kailangang maging trying hard."

"May sarili kang character. And that is what I like about you. Gusto ko lang na ma-appreciate mo rin ang ibang tao sa paligid mo."

"And I am glad that I have new friends. Salamat, ha?" Hindi niya inaakala na magkakaroon siya ng kaibigan. At sa dinami-dami ng lugar, sa Stallion Riding Club pa. "Aaminin ko, tingin ko noon sa lugar na ito halos puro sosyal ang mga tao at matapobre. Kadalasan din kasi ganoon ang ibang mga tao sa akin."

"Tama ka. Kadalasan talaga mahilig ang mga tao na mag-classify sa bawat isa kung saan nabibilang o hindi. And I won't deny that Stallion Riding Club is really a place for the elite and moneyed people. Pero hindi ibig sabihin hindi na tayo pwedeng magkasundo. In my father's country in Al-Ishaq, I was treated like prince. Di ako makalapit sa mga simpleng tao. Di pwedeng makipagtawanan o makipag-kwentuhan. It is such a boring world. But there is nothing we can do. We are like royalties there. Kaya nga mas gusto naming dito na lang sa Pilipinas. Makakapunta kami kahit saan namin gusto. Pwedeng maging kaibigan ang kahit sino. Malaya kaming gawin ang kahit anong gusto namin."

So he was like a real prince. Pero mas pinili pa rin nito na maging simple lang. She was looking at Emrei in a new light. Binubuwag nito ang depensa na ihinarang niya sa sarili niya. And she was starting to melt. Samantalang dati ay wala naman siyang hinayaan na makialam kung paano siya makitungo sa iba.

"Ikaw din ba ang nagsabi sa kanila tungkol sa bag na design ko?"

"No. Nakita nila iyon na dala ng Mama ko sa isang party. Basta ang sabi lang ni Mama, ako ang nagbigay. Hindi na kasi sila makahingi sa akin ng bag dahil nang makita ni Mama sa condo ko ang bag ko, ipina-ship agad sa Al Ishaq at ipinamigay sa mga prinsesa at iba pang royalties doon. Tinanong ako ni Jenna Rose kung pwede kitang ipakilala sa kanya. Kahit naman hindi ka nanalo sa raffle, plano ko talagang makilala ka niya. Mabuti naman nagkita na kayo," paliwanag nito.

"Nang makita niya ang bag ko, niyakap niya agad ako. Sabi niya gusto niyang isali ang bag ko para sa fashion show niya. Parang ayoko nga noong una. Siyempre sikat siyang fashion designer, hindi ba?"

Hindi siya makapaniwala na nagustuhan ng mga kilalang tao ang bag niya. Samantalang parang ordinaryo lang naman iyon at simple. Pati nga ang iba ay nagkanya-kanyang order pa. At handa ang mga ito na magbayad nang hamak na mas malaki kaysa ordinaryong presyo. Nalula nga siya.

"Bakit ba mababa ang self esteem mo? Ikaw na ang nagsabi na nagkakagulo sila sa designs mo."

"Hindi lang ako sanay sa ganoong klaseng atensiyon. Di ko naman pangarap sumikat. Yumaman, oo. Pero sumikat, hindi. Basta masaya na akong makatulong sa nanay ko at maidala siya sa isang professional para magamot."

"Hindi ba magandang simula na ito? Makukuha mo na ang gusto mo."

"Part ba ito ng promo?"

Umiling ito. "No. You are just talented. And now it is paying off."

"Thank you, ha? Kung hindi dahil sa tulong mo, hindi ito mangyayari. Hanggang ngayon nga hindi ako makapaniwala dahil ang swerte-swerte ko," aniyang hindi maitago ang excitement sa boses at ngumiti.

Itinaas ni Emrei ang dalawang kamay. "Finally! Nakita na kitang ngumiti at masaya. You should be like that more often. At dahil diyan, may good news pa ako."

"May good news pa?"

"Starting tomorrow, you will set everything according to what you want. Kainin mo kung ano ang gusto mo para hindi ka na mailang. Gawin mo rin ang mga bagay na gusto mo. Tama na ang fairy tale-fairy tale theme na gusto ni Neiji. Hindi mo naman maa-appreciate. Basta bahala ka kung saan ka komportable."

"Paano kung ang dream date ko, kumain lang ng fishball at kikiam habang umiinom ng sago at gulaman?"

Nagulat ito. "Ha? Doon ka lang masaya?"

"Oo. Kasi favorite ko iyon. Saka iyon lang naman ang kaya ng pera ko kaya iyon lang ang madalas kong kainin. Kaya mo ba?"

Alanganing ngumiti si Emrei. "Di pa ako nakakatikim noon."

"Kalimutan mo na lang ang plano mo." Mahirap naman na ipilit niya ang gusto niya. Ginagawan na nga lang siya nito ng pabor na I-date siya. Di naman niya ito pwedeng pakainin ng fishball at kikiam. "Bumalik na lang tayo sa plano mong date. Anong gagawin natin bukas?"