Chapter 182 - Chapter 11

"PURO trabaho ka na naman? Anong plano mong gawin sa date na napanalunan mo? Buburuhin mo na lang?" sermon ni Constancia habang inaayos niya ang mga gamit niya. Tinanghali siya ng gising dahil tinapos pa niya ang mga designs niya.

"Saka ko na aasikasuhin iyan. Kita mo na ngang natutuliro ang tao. Importante sa akin iyong lakad ni Ninong. Pera iyon." May kliyente kasi na gusto din daw siyang makausap bilang designer. "Bahala ka na lang muna kay Nanay."

Gustong-gusto niyang ipadala sa isang institusyon ang nanay niya para matutukan ang paggaling nito. Saka na niya iisipin ang premyo niya.

Bumusina ang sasakyan ng Ninong Fidel niya at tuluyan na siyang nagpaalam kay Constancia at sa nanay niya. "Saan po tayo pupunta, Ninong?" tanong niya.

"Sa bandang Tagaytay. Matulog ka muna kung gusto mo dahil malayo pa ang biyahe natin," anito at hudyat iyon para pumikit siya.

Dahil wala siyang tulog nang nagdaang gabi ay tuluyan na siyang nakatulog. Nang maalimpungatan siya ay nakatigil na ang sasakyan nila. "Nandito na tayo."

Nang bumaba sila sa harap ng isang elegante pero komportableng clubhouse ay pupungas-pungas pa rin siya. Tumuloy agad siya sa restroom para mag-retouch. Wala na siyang oras intindihin kung nasaan siya o I-appreciate ang magagandang bagay sa paligid niya. Nasa isip lang kasi niya ay ang presentation niya.

Pumasok sila sa animo'y isang conference room. "Sir, nandito na kami," anang Ninong Fidel niya. "Siya si Mr. Neiji Villaranza."

Bahagyang nawala ang kaba niya dahil nakangiti si Neiji. "I am Marist Davillo. Nice meeting you, Sir."

"Sir, maiwan ko po muna kayo," anang Ninong Fidel niya at lumabas. Gusto yata ni Mr. Villaranza na makausap siya nang sarilinan.

Kinamayan siya ni Neiji. "Congratulations, Marist! And welcome to the Stallion Riding Club! This will be the start of your four-day stay here."

Natigagal siya nang tumaas ang blinds at bumulaga sa kanya ang magandang tanawin sa labas. Well-manicured grass carpeted the view outside. May mga kabayo na pagala-gala sa paligid. May dumadaan din na mamahaling kotse o kaya ay nagkikisigang kabayo na sakay ang mga guwapong lalaki. It was like a paradise.

Lagot! Nasa Stallion Riding Club nga ako. It was the last place on Earth that she would like to go to. Bumaling ang tingin niya kay Neiji. "Sir, ang alam ko po nandito po ako para mag-present ng design ng bags."

"I am the President of the manufacturing company of Stallion Shampoo and Conditioner. Part ng surprise namin sa iyo na dalhin ka dito nang di mo nalalaman. We asked your ninong to take part in our plan."

Kung ganoon ay palabas lang pala ang lahat. Hindi ito kliyente na interesado sa mga desigsn niya. Nagpuyat lang pala siya para sa wala.

"Bakit hindi na lang ninyo basta sinabi na pupunta ako dito?"

"Nalaman kasi namin na ayaw mong tanggapin ang premyo mo."

Kilala ko na kung sino ang nagsumbong. Si Constancia!

"I am afraid wala akong hilig sa mga romantic dates. Ang totoo, nagpunta agad ako sa opisina ninyo matapos kong manalo para magtanong kung pwedeng I-convert na lang sa cash prize ang napanalunan ko. O kaya ibigay sa iba."

Umiling ito. "I am afraid it is non-transferable and non-convertible to cash. Malinaw iyon sa sulat na ipinadala ko sa inyo. You are the winner and the prize is yours. Kahit pa sabihin mo na ayaw mo."

"Pwede rin namang hindi ko kunin." Ang alam niya sa mga contest, nafo-forfeit ang premyo kapag di kinukuha ng winner.

"Wala rin namang nakalagay sa rule na kailangan mo pang pumunta sa amin para lang makuha mo ang premyo. O kailangan namin ng permiso kung tatanggapin mo ang premyo o hindi. As the owner of our company, we owe it to our customers that our products our successful. Kaya ibabalik din namin iyon sa inyo. Kaya sisiguraduhin naming mag-e-enjoy ka sa grand date mo."

Parang umiikot ang paningin niya. Pinagsamang gulat at kawalan ng tulog. Pero isa lang ang tiyak sa kanya. Ayaw niyang magtagal pa sa lugar na iyon. "Thank you, Sir Neiji. Pero sasama na po ako sa ninong ko pauwi."

"Umalis na agad siya pagkahatid niya sa iyo. At hindi ka rin makakaalis dito sa riding club nang walang permiso mula sa akin."

"Pipilitin ninyo ako na mag-stay dito sa loob ng apat na araw?" bulalas niya. "Hindi ninyo pwedeng gawin ito. May buhay din ako. May nanay ako na dapat alagaan at may trabahong naghihintay sa akin. Wala akong oras para mag-date lang. Hindi maghihintay ang mundo sa akin."

Nainis tuloy siya dito. Ang mga mayayaman talaga. Magawa lang ang gusto, walang pakialam sa buhay ng ibang tao. Lahat ng gusto ipinipili.

"We make sure that everything is well taken care of. May mga taong mag-aalaga sa nanay mo habang wala ka. At matatawagan mo siya anumang oras mo gustuhin para kumustahin mo siya. Ganoon din sa trabaho mo."

Subalit di pa rin siya natutuwa. Para sa katulad niya na pinaplano ang lahat ng bagay, ayaw niyang pinangungunahan siya sa mga desisyon niya. Ayaw niya sa mga bagay na nawawalan siya ng kontrol.

Ngayon pa lang ay di na siya makahinga. Maganda nga ang Stallion Riding Club. Parang paraiso. Pero daig pa niya ang nakakulong sa koral ng kabayo. Wala siyang ipinagkaiba sa isang preso.

"Yours won't be a simple date. It would be a dream date. Ang lahat ng problema mo sa panahong nandito ka, kami ang bahala."

"Okay," sang-ayon na lang niya. Wala rin naman siyang magagawa. Nasa teritoryo niya ito. Pagtitiisan na lang niya ang apat na araw niya doon.

"Syempre, hindi kumpleto ang dream date mo kung walang Prince Charming."

Ugh! Heto na po kami! Sino naman kayang makaka-date ko? Anong klaseng lalaki kaya siya? Malamang walang kwentang lalaki na walang ginawa kundi magpaguwapo araw-araw at magbilang ng pera. At tingin sa babae ay laruan.

Bumukas ang pinto at isang lalaki ang pumasok. "Hello!"

Natigagal na lang siya nang makita kung sino. "E-Emrei?"