Chapter 180 - Chapter 9

"HUWAG mong gawin ito, Marist. Pagsisisihan mo kapag ginawa mo ito," pakiusap ni Constancia sa kanya. Naglalakad siya sa hallway ng opisina ng Stallion Shampoo and Conditioner. Ayaw kasi niya ang premyo niya at gusto niyang itanong kung pwedeng palitan ang premyo niya. "Maraming babae ang nagpapakamatay para lang mapunta sa pwesto mo. Makakakapasok ka sa Stallion Riding Club at makakasama mo ang mga guwapong lalaki. Huwag mong palagpasin ang pagkakataong ito."

"Hindi naman ako interesado sa date-date na iyan! Pera lang ang kailangan ko!" giit niya. "Kung bibigyan nila ako ng pera, mas masaya pa ako

"Aba! Daig mo pa nga iyong may pera. Mantakin mo, kahit na mayayamang babae di basta-basta nakakapasok nang di naiimbitahan ng isa sa mga Stallion Boys. Tapos, ikaw na hamak na tindera ng bag makakapasok. Makaka-date mo ba ang isa sa mga pinakaguwapo at pinakamayamang lalaki sa Pilipinas. Swerte iyon."

"Wala akong pakialam sa kanila. Basta gusto ko ng pera," giit niya.

"Parang may pera ka na rin kapag nakapasok ka sa Stallion Riding Club. Kung pwede nga lang na makipagpalit ako sa iyo."

"O, sige. Eh, di ikaw na lang ang makipag-date kung gusto mo."

Lumapad ang ngiti nito. "Talaga? Sa akin na lang ang premyo mo?"

"Oo. Kung transferable ba ang premyo. At least may makikinabang."

Tuwang-tuwa siyang niyakap nito. "Naku! Kung iyan ang mangyayari, ako na siguro ang pinakamasayang babae sa mundo. At kapag nakapag-asawa ako ng mayaman, bibigyan kita ng isang milyon na gusto mo."

"Naku! Kahit na huwag na. Basta ayoko lang ng date."

Naiinis na kasi siya sa usap-usapan ng mga tao sa kanila. Iniisip agad ng mga ito na ang makaka-date niya sa Stallion Club ang pakakasalan niya at magiging mayaman din siya. Na inaabangan ng lahat ang mala-Cinderella niyang istorya. Ang iba nga ngayon pa lang ay nangungutang na sa kanya ng pera. Dahil oras daw na makapangasawa siya ng mayaman ay di na niya kailangan ng pera.

No, thanks. Wala akong planong maging si Cinderella. Wala akong interes sa mga lalaki nilang guwapo at mayaman. Di ko kailangang yumaman dahil sa lalaki. Pera lang ang kailangan ko. Galing sa akin mismo at di galing sa iba.

Maya maya pa ay pumasok na sila sa Sales and Promotion Department. Kinausap niya ang isa sa mga staff. "Good morning. I am Marist Davillo."

"Siya ang nanalo ng grand dream date sa Stallion Riding Club," dagdag pagpapakilala sa kanya ni Constancia. May pagmamalaki pa sa boses ng kaibigan niya. Parang gusto pa yata nitong tumayong abogado niya.

"Ah! Miss Davillo!" anang staff. "Masyado naman yata kayong excited na I-claim ang prize ninyo na date. Di pa nga kayo napapadalhan ng notice letter."

"Pwede bang makausap ang boss ninyo? Ang totoo, gusto ko sanang ipa-convert sa cash ang premyo ko," aniya.

Nagulat ang staff at napanganga sa kanya. "P-Po? Naku! Mukhang magkaka-problema po tayo diyan…"

"Hindi pwedeng ipa-convert?" maagap na tanong ni Constancia. "Di bale, I-transfer na lang ninyo sa akin ang premyo niya. Pwede ba? Kasi ayaw niyang pumasok sa Stallion Riding Club pero gustong-gusto ko."

Nagpapalit-palit ang tingin ng babae sa kanila. "Ang totoo, mas mabuti pong boss na namin mismo ang kausapin ninyo tungkol diyan. But I suggest that you wait for the notice letter to arrive before we discuss everything. Ilang araw pa po ang hihintayin ninyo pero pina-process na po namin."

Lulugo-lugo siyang lumabas ng opisina. "Ang labo naman no'n!"

"Oo nga. Sa tingin ko nga di sila basta-basta papayag na isuko mo ang date na iyan. Paano naman ang chance ko na makapasok sa loob ng riding club?"

"Basta ayoko ng grand date! Ayoko ng date!" giit niya.

"Saan ang date?" anang boses ng isang lalaki.

Nang iangat niya ang tingin sa nagsalita ay ang nakangiting guwapong mukha ni Emrei Rafiq ang nakita niya. She was awed for a while. Parang nahipan siya ng hangin at napatulala na lang dito. Di naman siya tulalain sa mga guwapong lalaki. Naiinis pa nga siya kapag nakakakita ng guwapong mukhang mayaman. Pero di talaga niya maiwasan na mawala sa sarili kahit sandali kapag nasa paligid si Emrei.

"Emrei!" tili ni Constancia.

Nawala ang pagkatulala niya sa makabasag-eardrum na tutuli na tili ni Constancia. Mabuti na lang at natauhan siya. Kundi ay mukha na naman siyang tanga. Daig pa niya si Constancia sa pagkatulala niya. Anong nangyayari sa kanya?

"Dito pa pala tayo magkikita-kita," komento ni Emrei.

"Oo nga. Parang destiny," anang si Constancia na di maitago ang kilig. "Alam mo ba na pinuntahan ka pa namin sa opisina mo pero di ka naman namin naabutan. Nasa meeting ka daw."

"Oo nga. Nakita ko kayo. Gusto ko sana kayong habulin pero di ko na kayo naabutan dahil nagsara na ang elevator. Sabi naman sa baba, nakaalis na kayo. Bakit nga pala ibinalik mo sa akin ang pera?" anang si Emrei at natuon ang mga mata sa kanya. Parang tumatagos ang tingin nito.

Pinilit niyang maging pormal ang anyo. Babalewalain na lang niya ang pagkailang niya dito. Di na lang niya iisipin na nanlalambot siya sa titig nito. "Hindi ko naman pwedeng kunin iyong sobra. Di na para sa akin iyon."

"Naku! Baka ma-hurt ang pride mo, Mr. Emrei. Ganyan lang talaga si Marist. Masyadong maprinsipyo sa buhay. Ayaw ng nagpapa-agrabiyado pero ayaw din niya nang nang-aagrabiyado."

Ngumiti si Emrei. "Hindi ko minamasama iyon. Natutuwa pa nga ako dahil may mga taong tulad mo. Gusto ba ninyong mag-lunch? May alam akong restaurant. I am sure magugustuhan ninyo ang pagkain nila."

"Naku! Huwag na…"

"Hay, naku! Killjoy ka na naman!" putol ni Constancia sa pagkontra niya. "Sige. Saan ba ang kainan na sinasabi mo?"