"Friendship, dahan-dahan naman sa paglalakad. Nahihirapan ako. Saka huwag ka namang masyadong magmadali," angal ni Constancia kay Marist habang patawid sila ng kalsada papunta sa pabrika ng bag.
"Anong inaangal-angal mo diyan? Dahil sa kabagalan mo, tinanghali tayo," inis na sabi niya at nagpatiuna nang naglakad. "Dapat kanina pa tayong alas otso nang umaga nandito. Anong oras na? Alas onse na!"
"Kasi naman bakit kailangang maaga pa tayong umalis? Eh, di nasira ang beauty rest ko. Sabi ng nabasa kong fashion magazine…"
"May epekto ba naman sa iyo ang beauty rest na iyan? Lalo ka lang nanaba."
"Don't say that! Don't!" saway nito sa kanya. "Hindi ako tumaba!"
"Huwag kang mag-alala. Papayat ka rin basta sumama ka lang sa akin."
Bumuntong-hininga ito. "Tinatamad talaga akong maglakad."
Hindi niya pinansin ang reklamo nito. Namamakyaw kasi sila ng native bags sa pabrika sa Laguna. Saka niya iyon ititinda sa mga kakilala niya sa Maynila. May tinda rin siyang sapatos at damit. Pati na rin mga cosmetics ay pinasok na niya para mabuhay. At para sa katulad niyang mahirap, walang oras na dapat sayangin.
Pagdating sa pabrika ay tumuloy agad sila sa opisina ng may-ari. "Good morning po, Ninong Fidel!" bati niya at nagmano.
"Marist! Mabuti naman at dumating ka. Akala ko hindi ka makakarating. Nag-alala tuloy ako dahil baka may nangyari kay Ising."
"Ayos lang po si Nanay." May sakit kasi ang nanay niay at mahirap na maiwang mag-isa. "Binabantayan po ng kaibigan niya."
"Hello, Mang Fidel! Gumugwapo po tayo, ah!" bati naman ni Constancia.
"At lalo kang nagiging sexy, Connie!" ganti naman ni Mang Fidel.
Kinalabit siya ni Constancia. "Narinig mo, friendship? Sexy daw ako."
Iningusan niya ito. "Naniwala ka naman kay Ninong. Bolero iyan."
"Ito ang walang halong bola," sabi ng Ninong Fidel niya. "Tuwang-tuwa ang mga kliyente namin sa mga designs ng bag mo."
"Wow! Ang galing mo naman, best friend!" sabi ni Constancia. "Samantalang parang bayong lang naman ang design mo."
"Anong bayong lang? Creative iyon saka may quality ang gawa," depensa niya. Dati ay simpleng bag lang ang produkto ng ninong niya. Hindi niya nagustuhan kaya nag-suggest siya dito. Nagustuhan nito ang mga suggestion niya at inalok na mag-design ng bag para dito. Dalawang beses sa isang buwan siya kung mag-report dito. Una para mamili ng bag at pangalawa para magpasa ng designs niya.
"Oorder pa daw sila ng mas marami. Naghahanap pa nga sila ng ibang designs at oorder pa daw sila. May bago ka bang dala?" tanong ni Mang Fidel.
"Opo. Tinapos ko po talaga kahapon para maidala ko ngayon," aniya at inabot ang folder niya ng designs. "Gumamit po kayo ng mas maraming abaka at pandan. Mas mura kasi ang bag pero matibay kapag iyon ang ginamit ninyo."
"Pandan?" tanong ni Constancia. "Di ba sa pagkain lang iyon?"
"May ibang species ng pandan na mas malaki kaysa sa karaniwan. Pwede silang patuyuin at lalain para gawing bag. Mayroon no'n dito sa Pilipinas. Mas mabuti nang gumamit ng local materials kaysa naman mag-import pa tayo."
"Iyan ang gusto ko sa iyo, Marist. Di lang basta magaganda ang designs mo. Matipid pa. Kaya nga di masyadong mataas ang gastos ko mula nang mga designs mo ang gamitin ko. Baka nga mag-export na rin ako. May interesadong kliyente na dalhin ang mga bag ko sa abroad," kwento ni Mang Fidel.
"Aba! At pang-international na ang bag mo kapag nagkataon," anang si Constancia. "Kasosyalan iyon, friendship!"
Inabutan siya ni Mang Fidel ng anim na libo. "Pasensiya ka na kung ito lang ang maibibigay ko sa iyo ngayon. Hindi pa naman kasi katagalan itong pabrika ko at unti-unti pa lang akong nakakabawi. Huwag kang mag-alala. Kapag mas lumago itong pabrika, tataas din ang maibibigay ko sa iyo."
"Ang totoo, ako nga po ang nagpapasalamat sa inyo, Ninong. Hindi kasi ninyo kami pinabayaan ni Nanay." Ito ang tumulong sa kanya para mag-aral. Simpleng labandera lang naman kasi ang nanay niya. Tinulungan din siya ng ninong niya na makapagpalago ng negosyo niya kahit na maliit lang. Binigyan siya nito ng puhunan. Kaya masaya na siya na makatulong dito sa sarili niyang paraan.
"Sus! Nahihiya nga ako sa iyo. Aba! Kung naging designer ka sa malalaking kompanya, hindi lang ganyan ang sahod na makukuha mo," wika ni Mang Fidel.
"Hindi rin naman po ako tatanggapin na bag designer dahil di naman po ako nag-aral sa art school. Hanggang second year college nga lang po ako." Tumigil kasi siya sa pag-aaral nang magkasakit ang nanay niya. "Mabuti nga po kahit paano napakinabangan ninyo ang mga designs ko."
"Pa-humble ka pa diyan, friendship!" sabi ni Constancia. "Tutulungan kitang maging sikat na designer oras na makapag-asawa ako ng isa sa Stallion boys. Siyempre mayaman na rin ako kaya kapag ginamit ko ang bag na gawa mo, kaiinggitan ako ng ibang babae. Makikibili na rin sila ng bag mo."
"Stallion boys?" Ang mga Stallion boys ay ang mga kalalakihan na nai-feature sa commercial ng Stallion Shampoo and Conditioner. Naging sikat ang commercial na iyon dahil nagguguwapuhan ang mga lalaki. Pawang mayayaman din ang mga ito at galing sa Buena familia. At miyembro din ng exclusive na Stallion Riding Club.
"Aba! Maganda nga iyang pangarap mo, Connie," sang-ayon ni Mang Fidel. "Balita ko nga nuknukan daw ng yaman ang mga lalaking iyon. Halos lahat nga ng mga babaeng kakilala ko kahit iyong may asawa na, gusto sila."
Huminga siya nang malalim at tumingin-tingin sa mga bag na naka-display sa shelf. "Ninong, huwag na ninyong kunsintihin si Constancia. Lalong mag-iilusyon iyan. Kailan naman iyan makapasok sa Stallion Riding Club? Sabi milyon ang membership doon para sa mga lalaki. At di basta-basta nakakapasok ang mga babae kung di sila naimbitahan. Malamang mga mayayaman lang din ang mga iyon."
Ang Stallion Riding Club ay lugar lang para sa mga mayayaman. Di pwede doon ang mga tinderang tulad niya. Wala siyang interes para sa gawain na pang-mayaman. Ang tanging nasa isip lang niya ay magtrabaho para mabuhay. At kahit na may umimbita pa sa kanya na tumuntong sa riding club, di siya sasama. Allergic siya sa mayayaman o kahit na anong bagay na pang-mayaman.
"Malay mo matulad ako sa mga babae sa Stallion Series."
"Sus! Pocketbook lang iyon! Kathang-isip nga! Fiction!"
Dahil sa lintik na Stallion Series sa pocketbook ay lalong lumala ang ilusyon ng mga kababaihan sa mga lalaki sa Stallion Riding Club. Di ba nito alam na daig pa ng mga ito ang terrorista na nagpapakalat ng virus?
"Naka-email ko ang mga writers ng Stallion Series. Sabi nila naka-base daw sa totoong buhay ang halos lahat ng istorya na lumabas sa nobela nila. Kahit nga sila sa Stallion Riding Club din nila natagpuan ang mga prinsipe nila."
Nilingon niya ito. "Ang mga prinsipeng sinasabi mo, di kukuha ng prinsesang basahan. Natural kauri din nila ang pakakasalan nila. Bakit naman nila ise-share ang kayamanan nila sa mga mahihirap tulad natin?"
Sinapo nito ang pisngi na parang nangangarap. "Bakit naman hindi pwedeng mangyari iyon kung totoo ang pag-ibig?"
"Walang pag-I-pag-ibig sa kanila. Pagtatawanan at paglalaruan ka lang nila habang umaasa ka na mamahalin ka rin nila. Tapos ipapamukha pa nila sa iyo na gold digger at social climber ka. Nasaan na ang pag-ibig na sinasabi mo?"
Natigagal sina Mang Fidel at Constancia lalo na nang mabakas ang galit sa mukha niya. Wala halos makakibo sa mga ito. Di alam ang sasabihin.
"Friendship, cool ka lang," anang si Constancia.
Huminga siya nang malalim. Mahirap kapag masyado siyang nagpapadala sa emosyon niya. Di kasi niya maiwasan lalo na't tungkol sa pag-iibigan ng magkaibang uri ng tao ang pinag-uusapan. Iyon kasi ang dahilan ng paghihirap niya mula simula pa. "Ninong, kukuha na po ako ng mga orders ko. Connie, halika na."