Chapter 144 - Chapter 6

HALOS panggigilan ni Sindy ang ball pen habang isinusulat ang draft niya. Masaya ang istorya pero hindi niya maramdaman. Inis kasi ang naghahari sa kanya. Hindi nakatulong sa kanya ang magandang tanawin sa park. Habang nakaupo sa paboritong thinking bench, pinag-iinitan niya sa istorya ang pamilya niya at si Gabryel.

Pagkapa niya sa Oreo cookies na baon niya ay ubos na iyon. Ayaw pa niyang bumalik sa bahay para kumuha ng pagkain dahil masisira ang momentum niya.

"Gusto mo bang magpa-deliver ako para mag-lunch na tayo?"

"Anong pa-deliver ng lunch..." Nang mag-angat siya ng tingin ay nasa harap na niya si Gabryel. Ang taksil na si Gabryel. Engrossed siya sa pagtatrabaho kaya hindi niya ito napansin. "Wala ako sa mood mag-lunch. Magtatrabaho pa ako."

Umupo ito sa tabi niya. "Mukha ngang enjoy ka sa pagsusulat mo. Tungkol ba saan iyan? Ikuwento mo naman sa akin."

Ngumiti siya nang matamis. "Tungkol sa isang lalaki na traidor. His name is Gabryel. He betrayed his friend and was fed to a battalion of ants later."

Bahagyang tumawa ito. "I hope I am not that Gabryel."

"I hope you are that Gabryel." Matalim na tiningnan niya ito. "I trusted you. Akala ko, hindi mo sasabihin kina Mama kung nasaan ako. But you did."

"What's wrong with telling them where you are?"

"As if you don't know them! Nilait nila ako, ang trabaho ko, ang bahay ko, ang kinakain ko at lahat na! Iyon ang dahilan kung bakit ayaw kong ipaalam sa kanila kung saan ako nakatira. They will never acknowledge my accomplishments. You don't know how morally damaging it is!" Ni hindi siya makatulog nang nagdaang gabi dahil umaalingawngaw sa isip niya ang sinabi ng mga ito.

He held her hand to comfort her. "I am sorry, Sindy. Nang sabihin kong ipinababati mo si Mama, narinig nila. They asked me privately where you are. They looked so concerned. Naisip ko na baka miss ka na nila. Aside from occasional phone calls and greeting cards, you never get to see them. I had no choice but to tell them. Naisip ko kasi na baka nami-miss mo rin sila."

"I miss them and I love them, Gabryel. But they only came here to see how miserable I am. They enjoyed taunting me."

"They just want you to see sense. Hindi lang nila matanggap na iba na ang pamumuhay mo kompara sa iniwan mong buhay. Nasasaktan din sila."

Napailing siya. "Gusto ko lang namang irespeto nila ang talent ko." Pero ano ang itinawag ng mga ito sa masterpiece niya? Cheap fiction.

"I didn't mean it to happen. Believe me, Sindy."

Nilingon niya ito. "I still feel betrayed. Kaya huwag ka munang magpakita sa akin kung puwede. You are still the reason why they bulldozed me last night."

"O, sige. Iiwan muna kita. Pero iiwan ko sa iyo ito."

Nang lumingon siya ay isang teddy bear ang inilapag nito sa tabi niya. May hawak ang teddy bear na puso na may nakasulat na I'm Sorry. Pasimpleng dinampot niya ang stuffed toy nang matiyak na malayo na ang kotse ni Gabryel.

Niyakap niya ang stuffed toy. Mukhang alam na ni Gabryel na may kasalanan ito sa kanya. It was just like the old days. Alam nito kung paano pahupain ang galit niya.

Kung tutuusin ay gusto niya si Gabryel kung hindi lang ito nasobrahan sa promotion ng pamilya niya. And she had this mind setting that whatever her family wanted for her, she was bound to refuse it. Saka naisip niya na kaya lang siya nililigawan ni Gabryel ay dahil sa kagustuhan ng pamilya nito. He didn't really like her. But at least they were really good friends.

Pinindot niya ang ilong ng cute na teddy bear. "Ikaw, patatawarin ko. Kasi cute ka. Pero hindi si Gabryel. Kasi guwapo siya. At ang mga guwapo, sa novel lang napapatawad. Kasi sa totoong buhay, peste sila."

Saka na niya patatawarin si Gabryel. Mga kaunting panahon pa.

ALAS-ONSE na ng umaga natapos sa paglalaba si Sindy. Hindi siya nag-agahan kaya kumakalam na ang sikmura niya. Nang buksan niya ang cabinet ay iilan lang ang pagpipilian niya. Kung hindi instant noodles ay canned food. Wala na kasi siyang lakas para magluto pa.

Hindi siya makapag-decide kung pancit canton na chilimansi o original ang iluluto niya nang may mag-doorbell. "Huwag naman sanang Meralco o kaya tubig. Wala pa akong suweldo ngayon." Pero hindi pa naman oras ng bayaran. Sino naman kaya ang dadalaw sa kanya?

"Hi!" nakangiting bungad sa kanya ni Gabryel pagbukas niya ng pinto.

"Nandito ka lang kahapon. Sabi ko, huwag ka munang magpakita." Mainit pa ang ulo niya dahil gutom siya. Wala siya sa mood.

"Papasukin mo naman ako. Mainit dito sa labas."

Hindi rin naman niya matitiis si Gabryel kaya pinagbuksan niya ito ng gate. Mukha pa mandin itong mabango dahil naka-light blue long-sleeved polo ito at brown trousers. "Mukhang galing ka pa sa opisina. Ano'ng ginagawa mo rito?"

"I had an early business meeting. Wala akong schedule for lunch. Napadaan ako sa Chinese restaurant at naalala ko na favorite mo ang Chinese cuisine. Kaya ibinili kita at pumunta na rin ako rito."

Natakam siya nang maamoy ang mabangong aroma ng pagkaing dala nito. "Wow! Natatandaan mo pa ang paborito ko."

"Sabi ng mama mo, nag-aalala raw siya sa iyo dahil baka puro instant food na lang daw ang kinakain mo. Saka may Jamaican Blue Coffee at Kenyan blend din ako na binili para sa iyo. Kung wala kang coffeemaker, puwede akong magdala para may magamit ka."

Natigilan siya sa pagkuha ng dimsum at ibinaba ang chopsticks. "Are you trying to insult me, Brye?"

"Of course not. Why would I do that?"

"Ipinamumukha mo sa akin kung ano ang wala ako. Katulad ka rin ni Mama."

"That's not true. I am just trying to take care of you as a friend. At ayokong may ma-miss ka na maraming bagay."

"I can take care of myself. Siguro nga, iba na ang buhay ko. I am not a pampered princess anymore. I am just a simple working classman now. Kaya kahit ano'ng gawin ninyo, `di na ako magpi-fit in sa mundo ninyo."

Naging seryoso ang mukha ni Gabryel. "You have too many defenses, Sindy. Sino ba ang binabakuran mo? Ang pamilya mo. Ako na kaibigan mo. Stop treating us like enemies. We love you."

Tinamaan siya sa sinabi nito. She was acting too hard on him. "Thanks for everything, Gabryel. Pero kaysa ako ang intindihin mo, trabaho mo na lang. I don't think I am a significant one anymore."

"I'll be back. I won't stop until you forgive me."

Ilang minuto ring nakatitig siya sa pagkain nang makaalis si Gabryel. Maybe he was right. She had too much defenses. Sumubo siya ng isang dimsum at nasundan iyon. "Okay lang na bumalik ka. Basta dadalhan mo uli ako ng food."

Nang harapin niya ang draft ng nobela niya, bigla ay hindi na niya nagustuhan ang hero. Parang gusto niyang palitan. Gusto niya iyong katulad ni Gabryel.

"Bakit ba nasingit ang lalaking iyon? Hindi naman siya ang hero ko." Kailangan niya itong burahin sa utak niya dahil magugulo ang lahat ng plano niya.