Nanlaki ang mga mata ni Gabryel. "You a romance novel writer?" Humalakhak ito. "Well, that is something new. Ni minsan hindi mo nabanggit sa akin na gusto mong magsulat ng romance novel. You dreamt of becoming a hard-hitting journalist."
"I used to. Pero sa dami ng kabi-kabilang patayan sa mga journalists dito sa Pilipinas at sa patung-patong na libel suits, mukhang mas appealing na magsulat ng novels. This is my contribution to entertaining and informing people."
"You made it on your own," he said with a smile. "I am sure marami ka na ring naisulat na nobela at marami ka na ring fans. Ibigay mo naman sa akin ang pen name mo at ang mga titles ng novels na naisulat mo para makakuha ako ng copy."
"Ano naman ang gagawin mo? Hindi ka naman nagbabasa ng novels."
"Ipapakita ko sa mga kakilala ko. Sasabihin ko sa kanila na ang author ng novel na iyon ang kauna-unahang babaeng bumasted sa akin."
"Corny ka pa rin hanggang ngayon." But he was still the same old Gabryel she knew. Laging nakasuporta sa kanya kahit kalaban niya ang mundo. "Huwag kang mag-alala. Sa susunod, ikaw naman ang gagawan ko ng love story."
Inilapit nito ang mukha sa kanya. "Anong love story? Iyong sa atin?"
She held her breath then grew cold and hot all over. Her system had suddenly gone haywire. Nangyayari lang iyon dati kapag malapit na malapit si Gabryel sa kanya. At ang ganoong pakiramdam ay nangyayari lang kapag attracted ang heroine niya sa hero nito. She never thought Gabryel still had that effect on her.
Tumawa siya nang pagak at itinulak ang noo nito palayo. "Anong love story natin? Gusto mong mawalan ako ng career?"
"Lalo ka `kamong sisikat dahil sa akin."
"Ang gusto ko, iyong mga lalaki sa commercial ng Stallion shampoo." Na-inspire siya sa mga lalaki sa commercial na iyon at plano nga niyang gawan ng love story.
"Iyong mga pangit na iyon? Huwag mo nga akong maikompara sa kanila. Wala sa kalingkingan ko ang mga iyon."
She rolled her eyes. "Oo na. Mas guwapo ka na sa kanila." Kung tutuusin ay hindi pahuhuli si Gabryel kapag humilera sa mga models sa commercial.
"Here is my calling card. If you need anything, just call me up. I have to go. Dumaan lang ako para ibigay ang regalo ko kay Kylie. Humabol nga lang ako dahil may pinuntahan pa akong party. And early this morning, I have to go home to Altamerano. Birthday kasi ni Mama."
Natutop niya ang mga labi. "Gosh! How can I forget?"
Blessilda Honasan's birthday was one of the most important and most awaited occasions in the town of Altamerano. Old money from almost everywhere in the country showed up to grace the occasion. Fashionable clothes and accessories highlighted the gala. Like her family, the Honasans had lots of influence and influential friends as well. At mula pagkabata ay namulat na siya sa ganoong uri ng pamumuhay. And for almost four years now, she was suddenly not a part of that circle anymore.
"You want to come with me?" yaya ni Gabryel.
"No, Brye. I have work to do. May deadline pa ako sa Monday."
"When will you come back to Altamerano? I am sure maraming tao na ang nakaka-miss sa iyo at gusto kang makita."
"Am I still welcome there?" Ang alam niya ay itinakwil na rin siya ng buong bayan dahil isa siyang pasaway na anak.
"Of course you are!"
Ngumiti siya nang malungkot. "Just give my kisses to your mom."
"Where are the kisses that you will give her?"
She tiptoed and kissed his cheek. "There."
"How about my kiss?"
"Bakit pati ikaw? Hindi mo naman birthday."
"Bakit? Dati mo pa naman ako hinahalikan. Sabi mo nga pa, French kiss ang gusto mo. Kaso, sabi ko conservative ako kaya sa pisngi lang."
Itinulak niya ito sa pinto. "Umalis ka na nga! Nagpapantasya ka na naman."
"May boyfriend ka na ba?"
"Siyempre. Puwede ba naman akong mawalan ng boyfriend? Sa ganda kong `to? Teka, nasa kuwarto ko, eh! Gigisingin ko lang." Paglabas ng kuwarto ay dala niya ang nakakuwadrong Philippine money bill collection. "Boyfriend ko."
"Mga tao sa pera? Puro patay na iyan. Saka mas guwapo ako sa mga iyan."
"Ang pera, hindi namamatay. Saka ikaw, marami ka tiyak girlfriend." Kahit naman noong mga bata pa sila ay habulin na ito ng mga babae.
Tumikhim ito. "Kung sasagutin mo ako ngayon, ikaw na lang ang babae sa buhay ko. At magkaka-boyfriend ka pa ng mas guwapo sa tao sa pera."
"The offer sounds tempting but I'll pass."
Sa kalagayan niya ngayon, hindi na siya bagay kay Gabryel. He was still an old money. It was what she was running away from.
Inihatid niya ito sa gate. "Puwede ba akong dumalaw rito?"
"Of course. Anytime. Halos hindi naman ako umaalis ng bahay."
He stared at her for a long time. "You are still beautiful, more beautiful than the last time I saw you."
Bigla siyang na-conscious at hinaplos ang kanyang magulong buhok. "Hindi naman yata ako naniniwala riyan. Ni hindi pa nga ako nagsusuklay."
"Hindi ko napansin na hindi ka pa nagsusuklay." Hinaplos nito ang buhok niya. "Ganyan ka naman dati pa. Maganda kahit hindi nag-aayos."
Pigil niya ang pagngiti. Nasabi na rin iyon ng ibang lalaki sa kanya. May mga nagkakagusto rin kasi sa kanya sa publication nila at sa subdivision. Pero parang kay Gabryel lang niya gustong maniwala. Magaling pa rin siyang mambola.
"Thanks, Brye. Your praises are great but I need cash."
Umungol ito. "Mas may appeal nga sa iyo ang pera kaysa sa akin. Huwag mong sabihin na wala ka ring balak mag-asawa?"
"Mag-aasawa lang ako kapag magkasingyaman na tayo."