Chapter 9 - Gino Santayana Chapter 6

NASA lalamunan na ni Miles ang puso niya nang dumating sila sa hotel. Halos wala naman kasing sinasabi sa kanya si Alain. Ganoon ba ang date? Parang wala naman siyang pakialam sa akin. Baka naman hindi lang niya alam ang sasabihin.

"Kinakabahan ka ba?" sa wakas ay naitanong nito.

"Not really," usal niya. Kahit ang totoo ay nanginginig na ang tuhod niya. She was used to dealing with people from high society. Bilang isang service crew. Hindi pa niya naranasan na um-attend sa eleganteng party. Hindi niya alam kung paano niya pakikisamahan nang normal ang mga ito.

Papasok na sila ng ballroom nang may tumawag kay Alain. "Alain! I never thought I'd see you here. I thought you are not coming." Nakilala niya ang babae bilang isa sa mga kasamahang agent ni Alain sa kompanyang pinapasukan nito. Ito ang crush ni Marlon dahil sa magandang buhok ng babae kahit na maikli lang.

"Of course I won't miss the occasion, Darlen." Hinawakan ni Alain ang braso niya. "This is Miles, my date. Miles, this is Darlen, my colleague."

Ngumiti siya. "Hi! It is a pleasure to meet you."

"I know you!" sabi ni Darlen. "You are that girl from…"

"I am from DOME Shangri La," dugtong niya.

"Yes. One of the service crews," kaswal na sabi ni Darlen. If there was something belittling on her tone, she just ignored it. Bumaling ito kay Alain. "Hindi ko alam na may ka-date ka pala."

"Why are you chatting here?" tanong ni Gino nang lumapit sa kanila. "I thought the party is in the ballroom."

"Papasok na kami," wika ni Alain.

"Is she your date?" tanong ni Gino. "Hi, I am Gino Santayana."

Ginagap nito ang palad niya at hinalikan ang likod niyon. "I'm…" Nakalimutan niyang bigla kung ano ang pangalan niya. Pakiramdam kasi niya ay dumaloy ang kuryente sa kamay niya mula sa labi nito. And he was looking at her as if she was a completely different woman. As if she was so beautiful.

Tumuwid ito ng tayo. "You look familiar."

"I am Miles…"

Recognition flashed in his eyes. "Oh, yes! Miles! Hindi na kita nakilala. God! Look at you! You are so pretty tonight!"

"Thank you, Mr. Santayana," aniya at di mapigilang ngumiti.

That was the comment she had been waiting for. Mga salita na hindi man lang sinabi sa kanya ni Alain. Kay Gino pa pala niya maririnig.

Ano naman ang aasahan ko sa lalaking iyan? Natural playboy si Gino. Alam niya kung ano ang makakapagpasaya sa isang babae. Expert na iyan. Nauto na naman niyang maganda ako. Kapag si Alain ang nagsabi, saka ako maniniwala.

"Looks like you don't have a date tonight, Gino," Darlen noticed.

"For a change," usal nito. "Come on. Let's go inside."

Nakaalalay sa tabi niya si Gino. Mas nakadikit pa nga ito sa kanya kaysa kay Alain na siyang ka-date niya. At kapag nililingon niya ito ay nakatingin ito sa kanya at nakangiti. Matapos iyon ay lilingon ulit siya kay Alain pero parang gustong bumalik ng tingin niya kay Gino.

Huwag kang masyadong dumikit sa akin, Gino. Please! Ayokong pagtaksilan si Alain. First date namin ito at huwag mo akong demonyohin. Bakit kasi di ka na lang nagsama ng ka-date mo para di ako ang inaakit mo?

"Hindi ko alam na kilala mo pala si Gino," aniya kay Alain nang nasa table na sila at nagsisimula na ang dinner.

"Mas nauna ako ng isang batch sa kanya," sabi ni Alain. "Pareho kaming student ng Saint Benilde. We are not the best buddies but we are friends. And he had always been a playboy."

"At ikaw, wala pa ring girlfriend hanggang ngayon," ganti ni Gino.

Humagikgik naman si Darlen. "You got it right, Gino." Sa kanya naman tumingin si Darlen. "How about you, Miles. From what school were you from?"

"Pamantasan ng Pasig," kaswal niyang sagot.

"What? Is there such a school?" bulalas ni Darlen at bahagyang tumawa. Na para bang mula pa sa ibang planeta ang school niya.

"I never heard it before," dagdag pa ni Alain. Ni hindi man lang siya dinepensahan kahit paano. Parang nakilait pa ito sa school niya.

Oo nga, di siya galing sa sikat na eskwelahan. State university lang ang pinanggalingan niya. Pero maganda naman ang quality ng turo sa kanila. Di na lang siya nagsalita. Sa lugar yata na iyon, bawal ang taga-public school.

"Hindi ninyo iyon alam?" anang si Gino. "Nakakaawa naman kayo. Doon ako madalas dati dahil doon galing iyong girlfriend ko na naging candidate ng Binibining Pilipinas. Hindi ba ninyo natatandaan?"

"Ha? Talaga?" di makapaniwalang wika ni Darlen. "Wala akong matandaan."

Parang ayaw niyang maniwala na may girlfriend nga ito doon. Kasi wala naman siyang matandaan na galing sa school nila na napasali sa Binibining Pilipinas.

"Now you know. Kaya nga gandang-ganda ako kay Miles. Kasi doon siya galing sa school ng ex-girlfriend ko. School ng magaganda," wika pa ni Gino. "Ngayon huwag na ninyong kalilimutan ang school niya. Okay?"

Itinago na lang niya ang ngiti nang kindatan siya ni Gino. She was starting to like him. Really, really like him.