Chereads / Ahava / Chapter 2 - CHAPTER 1

Chapter 2 - CHAPTER 1

Nakaupo lamang ako dito sa mabatong lugar habang tinatanaw ang mga nilalang na hindi namin katulad. Sila ay ang tinatawag na Tao samantalang kami naman ay mga nilalang sa tubig na kung tawagin ay sirena.

Tuwing ganitong oras ay nagpupunta ako rito para libangin ang aking sarili sa pagtanaw sa mga tao. Matagal ko na itong ginagawa, ang tumanaw sa mga tao sa malayo kaya naman wala ng bago sa lagi kong ginagawa. Ang pagbabago lamang ay ang mga mukha nila. Hindi naman habambuhay tumatagal ang tao. Hindi tulad naming mga sirena na ilang libong taon kung mabuhay. Kahit ganun pa man nagagawa ko pa din naman makilala ang mga tao sa lugar na ito. Malakas ang aking pandinig kung kaya't kahit na may kalayuan ang aking distansya sa kanila ay nagagawa ko pa rin silang marinig. At malinaw rin ang aking mga mata na kahit sa aking distansya sa kanila ay malinaw sa akin kung ano ang kanilang ginagawa. Tulad na lamang ng mga taong maliliit o kung tawagin nila ay mga paslit o bata na masayang naglalaro sa kapwa nila. Ang mga lalaking tao o tatay kung tawagin ng mga bata ay masasayang nagpapayabangan patungkol sa mga isda nilang nahuli sa karagatan. At ang mga babaeng tao o nanay kung tawagin ng mga bata ay lumapit sa kani-kanilang kabiyak o asawa para tignan ang mga nahuling isda ng kanilang asawa at ng mabenta na ito sa kanilang pamilihan na kung tawagin nila ay palengke.

Hindi ko alam kung anong meron sa kanila at tuwang-tuwa akong pagmasdan sila sa malayo. Siguro dahil sa pinagsama-sama nilang ingay na hindi naman masakit sa pandinig bagkus ay parang musika sa akin ang ingay nila, ingay na mula sa tawa ng mga maliliit na bata, halakhak ng mga matatandang lalaki at mga pagbubungisngis ng mga matatandang babae. Kay simple nilang tignan at masasaya pa sila kung kaya't nawiwili akong magpabalik-balik sa lugar na ito. Bukod pa doon ay marami din akong natututunan na mga ibang lengguwahe sa kanila.

"Ano kayang pakiramdam ng maging isang kagaya nila?" tanong ko sa aking sarili.

"Bakit hindi natin subukan kapatid?"

Napasapo ako sa aking dibdib at lumingon sa aking tabi at doon nakita ko si Hydra ang pangalawa sa nakatatanda kong kapatid.

"Ikaw talaga Hydra napakahilig mong manggulat! Aatakihin ako sa puso sa iyo." medyo inis kong sabi.

"Hindi naman mabiro ang aming bunso oh. Sinagot ko lamang ang iyong katanungan aking kapatid." natatawa pa nitong sabi.

"Ano bang ginagawa mo dito Hydra?" tanong ko.

"Nais ko lamang ipaalam sa'yo na hinahanap ka na ni Ina. Alam ko naman kung saan ka naroroon kung kaya't agad kitang pinuntahan. At sinusundo na kita dahil baka ipasundo ka pa ni Ina sa ating mga kawal at tiyak na kapag nalaman ni Ina na dito ka nagpunta ay pagagalitan ka non." mahaba nitong sabi. Si Hydra ang mas matanda sa kaniya Ngunit kung kumilos ito ay parang bata pa rin kaya ito ay laging napapagalitan ni Ina. Masayahin siya't palabiro kung kaya't maraming gustong makipagkaibigan sa kaniya.

Maliban pa doon ay talagang napakaganda niya. May kulay pula siyang buhok na katulad na katulad sa aming ina samantala ang sa akin nama'y itim na itim. May kulay berde siyang buntot ang sa akin nama'y pula. Parehas lamang kaming matangos ang ilong at mapupula ang labi.

"Ah ganun ba. Sige tayo'y umalis na kung ganon." nagmamadali kong sabi na may halong lungkot. Napatingin naman sa akin ang aking kapatid.

"Hayaan mo Ahava sa susunod ka na lamang muling bumalik dito. Hindi naman mawawala ang lugar na ito kaya huwag ka ng malungkot" magiliw nitong sabi. Wala akong nagawa kaya napangiti na rin ako.

"Tara na Hydra. Ayan ka na naman sa mga biro mo" nakangiti kong sabi. Ito ang gustong-gusto ko kay Hydra nagagawa niyang pasayahin ang mga tao sa paligid niya.

At sa huling pagkakataon ay lumingon akong muli sa mga tao at don ay may napansin akong ibang mukha na ngayon ko pa lamang nakita. Ngunit hindi ko na ito napagmasdan pang mabuti dahil agad akong hinigit ni Hydra paalis sa lugar na iyon ng may lungkot sa aking puso 'pagkat alam kong matatagalan muli akong makabalik sa lugar na ito.

"Kanina pa ako naiinip. Nasaan na ba ang mga kapatid ninyo? Kanina lamang ay nandidito si Hydra ngayon nama'y siya ay nawawala rin? Si Ahava? Mga wala ba kayong bibig at wala kayong imik diyan?" galit na sabi ni Ina sa aking mga kapatid si Salacia ang panganay at si Aysu ang pangatlo. Ganito lagi si Ina parang walang preno ang bibig sa tuwing siya ay galit o naiinis.

"Ina nandito na po kami!" masayang sabi ni Hydra na tila ba hindi takot sa nakikita naming ekspresyon ni Ina. At lakas loob pa itong yumakap kay Ina. Wala na rin akong nagawa kung hindi maupo kasama ang dalawa ko pang kapatid. Nakita ko namang napairap si Salacia sa ginawa ni Hydra kay Ina samantalang si Aysu ay nagpipigil ng tawa dahil nakikita niyang kinukulit pa lalo ni Hydra si Ina.

"Tigilan mo na nga iyan Hydra dinadagdagan mo lamang ang aking pagkainis sa iyo! Maupo ka na." galit na wika ni Ina.

"Hihihihi" bungisngis pa Hydra at tumabi kay Aysu.

Nakapabilog kami ngayon dahil may gustong talakayin ang aming Ina ng masinsinan sa aming apat niyang anak. Bilang isa sa mga prinsesa kailangan ko talagang makinig lalo na't patungkol ito sa aming kaharian. Napakahalaga para sa akin ang maging isang prinsesa. Dahil isa akong prinsesa marami akong tungkulin sa aming kaharian gayon din ang aking mga kapatid. Kailangan naming protektahan ang aming nasasakupan laban sa mga masasama o mapagmalabis dahil minsan na rin itong nangyari noon sa aming mga ninuno kaya't pinananatili namin ang kapayapaan at kaayusan dito.

"Gusto ko lamang ipaalam sa inyo ang mangyayaring kasiyahan sa susunod na buwan sa gabi ng kabilugan ng buwan. Alam ninyo namang importante ito dahil darating din ang iba pang mga matataas na pinuno ng iba pang kaharian. At bukod pa doon ay patungkol din sa pagiisa ng lahat ng kaharian ang pagdiriwang. Nais ko sanang paghandaan ninyo ito. Aatasan ko kayong apat ng mga gawain ng sa gayon ay maging tiwasay at maayos ang magiging kahihinatnan ng pagdiriwang." mahabang lintanya na aming Ina. Kaming apat nama'y tumango dahil alam namin na hirap din si Ina sa pamamahala sa iba pang gawain para sa pagdiriwang.

"Salacia nais kong ikaw sana ang mamuno sa mga kawal para sa kaligtasan at gamitin mo rin ang iyong kapangyarihan para dagdag proteksyon sa ating lahat." seryosong wika ni Ina. Si Salacia ang pinakamatapang sa aming lahat. Siya lagi ang naaatasan sa kaligtasan ng kaharian dahil isa ito sa kaniyang abilidad. Si Salacia ay may kulay ube na buhok at ganun rin ang kaniyang buntot.

"Ikaw naman ang aatasan ko Aysu para sa mga palabas ng sa gayon ay malibang ang mga bisita." agad namang tumango si Aysu. Mahilig si Aysu sa mga pagtatanghal kung kaya't ganun na lamang ang tuwa ni Aysu sa inatas ng kanilang Ina. Si Aysu ang may kulay pilak na buhok at buntot sa aming magkakapatid. Siya rin anmamainakatahimik sa aming lahat pero madali lamang siyang lapitan kapag kami ay nangangailangan ng tulong.

Tumingin naman si Ina kay Hydra. " Ikaw naman Hydra ay aatasan kong magdisenyo sa lugar na pagdarausan ng pagdiriwang. Hangad ko sana ay maging maayos ang iyong gagawin." tila ba nagdadalawang-isip pa si Ina sa kaniyang iuutos kay Hydra habang si Hydra ay nagniningning ang mga mata sa galak niya dahil yon ay ang kaniyang hilig.

"Maraming salamat Ina sa tiwala. Pangako ko hinding-hindi ako magkakamali." masaya nitong wika kay Ina.

"At ikaw Ahava ay hihilingin ko sanang mamahala sa mga ihahandang mga pagkain at inumin. Pagkat batid kong ito ay iyong hilig." nakangiti nitong sabi sa akin. Ngumiti ako ng tipid kay Ina. Alam na alam talaga ni Ina ang lahat ng hilig namin.

"Hinahangad ko na sana'y magampanan ninyo ng maayos ang tungkulin ninyo. Maraming salamat at hindi ninyo tinanggihan ang aking utos sapagkat marami pa akong kailangang gawin." madamdaming ani ni Ina.

"Kaya't sige maaari na kayong umalis, maliban sa iyo Ahava."

Umalis na sa silid ang tatlo kong kapatid kaya kaming dalawa na lamang ni Ina ang naiwan sa loob ng silid.

"Ano ho iyon Mahal na Ina?" magalang kong tanong.

"Alam kong nagpunta ka na naman sa lugar na iyon" seryosong panimula ni Ina at alam ko na agad kung ano ang tinutukoy niya. "Paano naman nalaman ni Ina na nagpupunta ako roon?" sa isip-isip kong sabi.

"Hindi ko ho alam ang sinasa-" hindi ko pa man natatapos ang aking sinasabi ay hinarap ako ni Ina ng may lungkot sa mga mata at sinabing "Huwag ka ng magmaang-maangan pa anak. Mula pa noon alam ko na iyon. Hindi mo naman kailangang maglihim sa akin 'pagkat ako ay iyong Ina. Ang nais ko lamang malaman ay kung ano ang iyong dahilan at patuloy ka pa ring nagpupunta doon? Alam mo namang delikado tayo sa mga Tao. Tingin nila sa atin ay isang masasamang nilalang at salot sa lipunan. Baka kapag nakita ka nila'y hindi sila magdalawang-isip na saktan ka o baka mas masahol pa roon ay baka patayin ka nila." naluluhang sabi sa akin ni Ina. Lumapit ako sa kaniya at yumakap ng mahigpit.

"Ina patawad kung naglihim ako sa inyo at sa aking mga kapatid. Hindi ko ho alam ang isasagot sa tanong ninyo ngunit ang masasabi ko lamang ay masaya ako sa tuwing nakikita ko ang mga Tao sa lupa. Hindi ko naman po intensyon na magpakita sa kanila kaya't talagang sinisiguro ko ho na ako'y malay sa kanila. Huwag na ho kayong malungkot at umiyak Ina. Pagkat ako din ay nasasaktan dahil kayo'y nasasaktan." mahaba kong sabi at mas hinigpitan pa ang aking yakap kay Ina. Masyadong emosyonal pagdating sa aming mga anak niya si Ina siguro ay dahil sa natatakot siyang pati kami'y mawala sa kaniya tulad ni Ama.