Chapter 2 - pangalawang liham

ika-tatlumpo't isang araw ng Mayo, 1887

Ginoong Mabini, hindi maganda ang aking karamdaman ngayon. Ang sabi sa akin ng aking Tiya ay kailangan kong mahiga na lamang at huwag nang gumawa ng kahit ano. Ngunit, hindi ko pa rin napigilan ang sariling magsulat bago ako matulog. Gusto kong matapos na ito, Ginoo. Gusto ko na ring makalimot. At hindi ko magagawa iyon hangga't hindi kita binibitiwan.

Kaya, ikwekwento ko na ang susunod na mga nangyari at nang mabawasan ulit ang mga alaala ko sa iyo.

[ - ]

HINDI makapaniwala si Manuela na matagal na pala niyang nakikita si Apolinario o, tulad ng sabi nito na dapat itawag niya rito, Pole, ang palayaw ng binata. Lagi itong naglalakad sa lansangan malapit sa kanyang tahanan at maari niya itong tanawin mula sa bintana. May nakatali lamang siyang panyo sa ulo at nakapaa lamang ang binata. May hawak-hawak itong libro at halata ang konsentrasyon nito roon.

Ngayon lang niya napansin si Pole dahil hindi naman siya laging tumitingin sa labas. Lumapit siya sa bintana at ibinuka ang kanyang bibig para sana tawagin ito pero hindi niya nagawa. Sa halip, tumuntong na lamang siya sa bintana at pinanood ito. Malakas ang araw ngayon at mukhang sobrang init. Hindi niya alam kung bakit kinaya ng binata ang paglalakad kahit na ganoon ang panahon.

Nais niya sanang lapitan ito at samahan. Maaari niya namang bigyan ito ng sapin sa paa at ng payong. Siya pa ang maghahawak ng payong kung nanaisin man nito. Ngunit, ngayong pinapanood niya ang nawawala ng pigura ni Pole ay wala siyang ginawa kahit isa roon.

Pakiramdam niya kasi na kahit ano man ang gawin niya ay tatanggihan siya nito. Hindi niya rin alam kung naalala nga ba siya ng binata. Ilang araw na ang nakalipas simula nang makita niya ito.

"Anong ginagawa mo riyan, Manuela? Mahuhuli ka na sa klase, kanina pa naghihintay ang ating kalesa sa labas."

Itinaas niya ang kanyang mga mata upang tignan ang nagsalita. Ang Ina niya iyon na nakakunot noong nakatingin sa kanya. Tumayo na siya at tumalima sa sinabi nito.

May kalesa sila. May magdadala sa kanya sa eskwelahan. Hindi niya kailangan pang maglakad sa kalsada sa init ng ulan na walang sapin sa paa.

[ - ]

MAG-GAGABI na nang makita muli ni Manuela si Pole. Naglalakad ang binata pauwi at hindi na nito hawak ang librong dala nito dati. Tulad nang nangyari noong umaga, pinanood niya lang ang paglalakad nito. Wala pa rin itong sapin sa paa at natitiyak niyang hindi maganda iyon para rito. Ngunit hindi naman niya masabi, hindi niya rin magawang tawagin ito.

Ang nagagawa niya lamang ay isipin kung ilang beses nga bang naglalakad ang binata sa kalsada. Ilang beses na ba na hindi niya ito nakita gayong parang matagal naman na nitong ginagawa iyon. Nagpakawala siya ng buntong hininga. Alam niya ang sagot sa kanyang katanungan. Matagal ng sinabi iyon ng pinsan niyang si Socorro.

Wala kang pakialam sa iyong paligid, pinsan. Lagi kang may sariling mundo.

Lagi siyang may sariling mundo. Kaya bakit nga ba niya sinusundan ng tingin ang binatang nakilala lang niya ng isang gabi? Kung wala siyang pakialam sa paligid, bakit niya ito binibigyang pansin sa halip na simulan ang sariling mga takdang aralin?

Hindi na siya nag-isip. Sa halip, ihiniga na lang niya ang ulo sa braso at tinignan ang pigura nito bago ito kinain ng dilim at tuluyan ng nawala sa kanyang paningin.

[ - ]

ARAW-ARAW na pinagmamasdan ni Manuela si Pole. Hindi niya alam kung bakit niya ginagawa iyon. Ang alam niya ay hindi niya mapigilang lumapit sa kanyang bintana at panoorin itong naglalakad. Palagi na rin siyang pinapagalitan ng kanyang Ina dahil nakatulala lamang siya sa bintana sa halip na umalis at maghanda sa pagpunta sa eskwelahan.

Minsan pa nga ay ang Ina niya mismo ang nagsara ng bintana upang hindi na siya dumungaw roon. Hindi naman iyon nakapigil kay Manuela dahil nagagawa niya pa ring sumilip sa ilalim ng bintana at pinaghihirapang makita ang binata. Mukha na siyang nasisiraan ng bait sa ginagawa ngunit hindi niya mapigilan ang kanyang sarili.

Ilang beses na niyang sinubukang tawagan ang binata ngunit laging namamatay ang mga salita sa kanyang bibig bago pa man niya iyon mailabas. Mukha namang hindi rin nito napapansin ang kanyang ginagawa dahil parang isang direksyon lamang ang nakikita nito. Ngunit, minsan hindi niya maiwasang isipin na baka sinasadya nitong huwag siyang pansinin.

Hanggang sa isang araw, nagawa niya nang kausapin ito.

Mag-isa siya noon dahil sinamahan na naman niya ang magaling niyang pinsan para makipagkita sa nobyo nito. Napapailing na lang siya sa sarili dahil naisip niya pang pumunta roon. Ipinangako na niya sa sarili na hindi niya papatulan ang patutsada ni Socorro.

Ngunit napansin kasi nito ang panakanaka niyang pagtingin kay Pole at isinuhol nito iyon sa kanya. Ang sabi ng kanyang pinsan ay malapit lamang ang bahay na tinutuluyan ni Pole sa bahay ni Eustacio. Kaya kung sasama siya ay maari niyang makita ang binata.

Sadyang pinagsisisihan na niya ang pagsama sa pinsan ngayon. Mangangabayo kasi sila at ang dalawang magsing-irog ay iniwan siya at naunang nangabayo. Nang sinubukan niya naman ay agad na kumaripas ng takbo ang kabayo kahit na hindi niya pa naisasampa nang maayos ang kanyang katawan doon.

Kanina pa siya nagsisigaw habang sinusubukang ayusin ang sarili ngunit tila wala namang nakakarinig sa kanya. Nakapagdasal na rin siya sa Diyos at sa kahit na sinong santong kilala niya upang iligtas siya sa kanyang problema. Ngunit, walang sumasagot sa kanyang panalangin.

Nangingilid na ang mga luha sa kanyang mga mata at malapit nang bumitaw ang kanyang mga kamay dahil sa marahas na paggalaw ng kabayo. Wala pa rin siyang maaninag na kahit na sino na pwedeng mahingian niya ng saklolo.

Diyos ko, bibitaw na lamang po ba ako? Hindi ko na po alam kung saan ako dadalhin ng kabayo. Hindi ko na po kayang humawak pa.

Hindi nagtagal nabitawan na niya ang kabayo at pumikit na lamang siya. Ngunit, ang inaasahan niyang pagbagsak sa lupa at pagkalasug-lasog ng kanyang mga buto ay hindi naganap. Sa halip, may narinig lang siyang pagdaing ng isang boses na kilala niya at ang pakiramdam ng isang mga bisig na parang yumayakap sa kanya.

Iminulat niya ang kanyang mga mata at hindi napigilan ang sariling banggitin ang palayaw ng binata. "Pole."

"B-Binibini..." Mukhang tumakbo ang binata dahil nahihirapan itong huminga. May nagbubutil na ring pawis sa noo nito. "Hindi ka ba nasaktan, Binibini?"

"H-Hindi naman," naramdaman na niya ang hiya at namula ang kanyang mukha. Buti na lamang at hindi siya maputi dahil mapapansin ito ng binata. "Maari mo na akong ibaba, Ginoo. Batid kong hindi mo ako kayang buhatin."

"Hindi ka naman ganoon kabigat, Binibini. Sanay na akong magbuhat," isang maliit na ngiti ang iginawad nito sa kanya at nararamdaman niya ang pagbilis ng pintig ng kanyang puso.

"Paumanhin, Ginoo. Ngunit, hindi ata magandang tignan na ako'y iyong binubuhat. Ano na lang ang iisipin nila?" tanong niya rito sa pinapormal niyang tono. Ayaw niyang makahalata ito.

Tumalima naman ang binata at ibinaba na siya. "Wala namang tao rito, Binibini."

"K-Kahit na, Ginoo," umubo muli siya sa kanyang kamao upang maibsan ang kanyang hiya. "Bakit ka naparito, Ginoo?"

"Pole na lang, Binibini. Masyado ka namang pormal sa akin gayong marami na tayong napag-usapan noon. Hindi ka na estranghero sa akin."

Tinitigan niya ito at mukhang inosente lamang ang ekspresyon ng binata. Hindi pa rin siya makapaniwalang nakita niya nga talaga ito rito. Hindi ka rin estranghero sa akin, Pole.

"Binibini?"

Napakurap siya. Hindi niya pala iyon nasabi nang malakas. Nahihiyang napaubo muli siya sa kanyang kamao. "A-Ano... mayroon kang punto, Ginoo. Ngunit, bakit mo pa ako tinatawag na Binibini kung ikaw ay kailangan kong tawagin gamit ng iyong palayaw?"

"Nais mo bang tawagin kita gamit ng iyong pangalan? O mas nanaisin mong tawagin kitang Binibini o Senyorita?"

Nagulat siya sa sinabi nito. Nakangiti pa rin ang binata na parang wala itong sinabing kakaiba, na parang magkaibigan lamang silang nag-uusap sa isang napaka-kaswal na okasyon.

"Manuela na lamang, Pole. Hindi ako ang mayaman sa aming pamilya, ang mga magulang ko iyon."

Iyon ang kanyang naisip nang makita niya si Pole na naglalakad paroo't parito. Naisip niya na kung hindi man niya magulang ang kanyang mga magulang ay maaring siya ri'y mahirap. Hindi siya katulad ng pinsan niyang si Socorro na hindi itinatanggi ang taglay na yaman. Sa katunayan, nahihiya pa siyang malaman ng iba na anak siya ng isa sa mga mayayamang pamilya sa kanilang lugar.

"Masusunod..." Saglit na tumigil ito at tinitigan lamang siya. Nag-iwas siya ng tingin, para kasing alam nito ang iniisip niya. "Manuela."

Parang napakaganda sa kanyang pagdinig ang kanyang pangalan mula rito. Mabilis niyang hinarap ang binata at may sasabihin pa sana siya ngunit namatay na naman ang mga salita sa kanyang bibig. Hindi na kasi nakatingin sa kanya si Pole. Nakatingin na ito sa malayo.

"Kailangan ko nang umalis, Binibini," mahinang usal nito. "Nakita lamang kita at dahil walang tumulong sa iyo ay lumapit ako. Ngunit, kailangan ko nang bumalik sa aking tinutuluyan."

Tumango na lamang siya at tulad nang nangyayari sa pang araw-araw ay pinanood niya ito hanggang sa hindi na niya ito makita. Nalungkot man siya na hindi ito nagtagal ay masaya naman siyang nakausap na naman niya ang binata.

Kinabukasan, habang nakadungaw siya sa bintana at pinapanood ang binata, nagtaas ito ng tingin at nanigas siya sa kinatatayuan. Nakangiting tinanguan siya ni Pole bilang pagbati.

[ - ]

Doon nagsimula ang lagi mong pagbati sa akin. Alam mo naman pala na ako'y nakatitig sa'yo ngunit bakit pinatagal mo pa bago mo ako batiin?

Ngunit, ngayon ko rin napagtanto na alam mong naroroon ako. Mas matagal mong alam kung nasaan ako. Dahil kung hindi mo alam, bakit mo lalapitan ang isang dalagang pilit na nagtatago sa isang matangkad na halaman?

Naghanap ka ng pamilyar na mukha ng gabing iyon, Ginoong Mabini. At ako ang binibining lagi mong nakikita sa bintana kaya ako ang iyong nilapitan.

Dapat pala mas maaga kong napansin.

Hanggang dito na lamang sa araw na ito, Ginoo. Masakit na ang aking ulo at halos wala na akong lakas upang magsulat. Nawa'y kung nasaan ka man ay maganda ang iyong kalagayan.

Patuloy na nagmamahal,

Manuela