Chereads / Angel of my Journey / Chapter 17 - Chapter 17

Chapter 17 - Chapter 17

Kumurapkurap si Charisse. Kinurot niya ang sarili baka sakaling namamalikmata lang siya. Pero hindi nga siya nagkamali sa kanyang nakita at hindi rin siya namamalikmata. Si BJ nga ang bumaba ng sasakyan kasama ang tatlo pang lalake na hindi niya kilala. Nagkukuwentuhan pa ang mga ito sa labas habang naninigarilyo bago tuluyang pumasok si BJ.

Hindi alam ni Charisse kung ano ang dapat niyang maramdaman. Matutuwa ba siya na bumalik at walang masamang nangyari kay BJ? O magagalit siya dahil umalis ito ng walang paalam, sumama sa mga taong hindi niya gaanong kilala at inilapit ang sarili sa kapahamakan? Hindi siya makapaniwala na nagagawa pa ni BJ na magpakasaya, magbabarkada at magliwaliw sa kabila ng kanyang sitwasyon. Napailing na lang siya na mas lalong nag-alala.

Nanginginig pa rin ang tuhod at mga kalamnan ni Charisse habang nakatingin sa labas ng bahay. Sa sobrang takot at pag-alala na naramdaman niya kanina ay parang hindi pa rin tumigil ang kaba sa dibdib niya. Pilit niyang kinakalma ang sarili. "Relax, ok lang siya di ba? Kaya huwag kang OA." Paulit-ulit niyang bulong sa sarili.

Nakaupo siya sa sahig nang umakyat si BJ. Tiningnan lang siya nito at dumiretso sa kanyang kwarto. Hindi rin nakapagsalita si Charisse. Saka niya napagtanto na lasing ang kanyang amo. "Ay naku naman! Kung hindi lang kita boss!" Aniyang tumayo at sinundan ang papasok na amo sa kanyang kwarto.

Magtatanghali na ng bumaba si BJ at dumiretso sa kusina na hawak ang sumasakit na ulo. Inihanda naman ni Charisse ang mainit na sabaw para sa kanya. Umupo si BJ sa harap ng mesa. Hindi nagsasalita. Hindi rin nagsasalita si Charisse, tahimik niyang inihanda ang agahan nito at lumabas ng kusina pagkatapos. Iniwan niyang mag-isa at kumakain si BJ. Gusto niya itong kausapin pero hindi niya alam kung paano magsimula. Siguro naman ay may karapatan siyang pagsabihan ito gayong magkasama sila sa iisang bahay at siya ang nagbabantay dito. Kagabi pa siya nagtitimpi ngunit ayaw niyang makipag-usap sa lasing.

Mayamaya pa ay bumalik siya sa kusina. Sakto namang patapos na si BJ sa pagkain. Nung una ay pinagmamasdan lang niya ito ngunit hindi siya nakatiis.

"Sir, saan po kayo galing kagabi? Nag-alala po ako, akala ko may masama ng nangyari sa inyo." Umpisa niya. Tumigil sa pagsubo si BJ at nagtaas ng tingin ngunit hindi ito nagsalita.

"Kaya nyo po ba ako inutusan sa bayan?"

Hindi pa rin nagsalita si BJ at sumubo ulit. Uminom ito ng tubig at sumandal sa upuan.

"Hindi po ba kayo natatakot sir? Di ba po nagtatago kayo? Paano kung makita kayo ng mga naghahanap sa inyo?" Patuloy niya.

"Pwede ba, tumahimik ka na lang?"

"Hindi po. Sagutin ko po kayo kung may masamang mangyari sa inyo. Responsibilidad ko po kayo. Kaya kung pwede ay maging responsable din po kayo sa kaligtasan nyo."

"You know what I don't care! Eh di managot ka!"

"Ganun po? Ang hirap naman, ako lang pala yung may pakialam. Sana man lang naisip mo ang mga magulang mo."

"Hoy huwag mo akong mapagsabihan ng ganyan ha." Ani BJ na tumayo. "Hindi mo alam kung anong nararamdaman ko, ang pinagdaanan ko at mas lalong hindi mo ako kilala. Don't question me about my love and respect for my parents because you have no idea!"

"Sir kalma, hindi po ako ang kaaway dito. Pinaalalahanan ko lang po kayo. Paano nga kung may masamang mangyari sa inyo? Isa pa, hindi nyo lubos na kilala yung sinamahan nyo. Dapat doble ingat po kayo."

"Bakit? Kailangan ba na kilalang-kilala ko sila? Yung mga kaibigan nga ng mga magulang ko ito yung ginawa sa amin eh."

"Sir hindi naman po..."

"Bagot ba bagot na ako dito, sawang-sawa na ako sa kakatago at kakamukmok dito sa bahay." Sabi ni BJ na may lungkot at pighati.

"Tiisin nyo lang po, matatapos din 'to sir."

"Kailan? Hanggang kailan tayo magtatago dito? Kung ok lang yun sa'yo pero hindi sa akin. May iniwan akong buhay sa labas! Yung girlfriend ko, iniwan ko rin."

"Girlfriend!?" Hindi naitago ni Charisse ang pagkagulat nung sinabi nitong may girlfriend siya.

"Oo bakit? May problema ka kung may girlfriend ako?"

"Ay wala po....wala po siyempre. Nagulat lang po ako."

"Nakakagulat ba yun?"

"Hindi naman po, hindi ko lang po in-expect na may papatol sa inyo. Sa Sungit nyo ba naman eh."

"Really!? Ganun ako kasungit? "

Tumango si Charisse at nag peace sign.

"Well, depende yun. Depende sa level ng utak ng taong kaharap ko."

"Aray naman sir. Grabe naman po kayo."

"Bakit guilty ka? Wala akong sinabing ikaw yun."

"Wala nga pero ang sungit mo sa akin eh." Bulong ni Charisse.

"May sinasabi ka?"

"Ahhh. Ang sabi ko po....kumusta na po kaya yung girlfriend nyo? Medyo matagal tagal na rin na hindi kayo nagkakausap."

Tiningnan siya ni BJ na para bang hindi ito naniniwala na yun nga yung ibinulong niya kanina.

"Well, hindi ko rin talaga alam kung may babalikan pa akong girlfriend."

"Ay! Hindi nga sir? Ganun lang kadaling bumitaw?"

"Hindi ko alam. Pero sa bigla kung pagkawala ni hindi ko na siya natawagan bago ako pumunta dito. So hindi na ako nag-eexpect."

"Bakit naman po hindi nyo tinawagan?"

"Nasa conference siya nung mga panahong yun. Ayoko ring mag leave lang ng message kasi gusto ko nga siyang makausap hanggang sa wala na. Pina-cut na nina mommy yung card ko, pina-block na yung sim ko. Wala na."

"Pwede naman po kayong makitawag sa akin sir di ba?"

"Sinubukan ko na, gamit yung phone ng kaibigan ko pero nagpalit yata ng number."

"Ay yun lang. Pero malay nyo sir nagpalit lang ng number para makalimot sa sakit or maka move on. Pero pagbalik nyo naghihintay lang pala siya."

"Sana nga ganun." Sabi ni BJ sabay buntong hininga.

"Oo naman sir. Kasi pag mahal ka talaga ng isang tao, maghihintay yun at maiintindihan ka nun."

"Sana." Akmang aalis na si BJ nang magsalita ulit si Charisse.

"Pero sir, huwag nyo na po ulit gawin yung ginawa nyo kahapon ha? Papatayin nyo ako sa nerbiyos eh. Naiintindihan ko po na nababagot kayo dito sa bahay kaya lang po hindi po makakatulong sa inyo ang pagsama sa mga taong hindi nyo lubusang kilala."

"Mga kaibigan ko sila." Giit nito.

"At kelan pa po sir? So ibig sabihin matagal nyo na po akong tinatakasan?" Hindi makapaniwalang tanong ni Charisse. Ngayon lang niya napagtanto na maaaring lumalabas nga ng bahay si BJ sa tuwing aalis siya papuntang bayan. Kampante siya sa mga kasama niya, malamang ay magkakilala na talaga sila.

"Ano naman ngayon? Ako pa rin ang boss, so bakit ko kailangan magpaalam sa'yo?"

Napatanga siya. Hindi niya in-expect na diretsahan siyang sagutin nito. Umiling siya. "Hindi ako makapaniwala." Tumalikod siya Kay BJ habang pinipigilan ang mga luhang pumapatak sa mga mata niya. "Sir alam ko naman po na ang baba ng tingin nyo sa akin eh." Umpisa niya habang pinapahiran ang mga luha. "Pero sana naman po, konting konsiderasyon naman. Dalawa lang tayo dito sa bahay sir, responsibilidad ko ang kapakanan mo. Sa akin ka inihahabilin ng mga magulang mo. Tiniis ko ang kasungitan mo kasi ayokong iwan ka mag-isa dito. Ayokong mas lalong mag-alala ang mga magulang mo. Ayokong mapahamak kayo. Tapos ito lang?" Pilit niyang inayos ang sarili at humarap dito.

"Alam kong hindi mo kailangan magpaalam sa akin sir kasi hindi nyo po kailangan ng permiso ko. Katulong lang ako di ba? Pero kung ano man po ang mangyari sa inyo, sa akin ang balik. Kasi tayong dalawa lang yung nandito. Naintindihan nyo ba ako sir?"

Matalim ang tingin na ipinukol sa kanya ni BJ ngunit hindi ito nagsalita. Hindi niya alam kung ano ang iniisip nito. Hindi na nga niya alam kung paano magpaliwanag dito o kung paano ito pagsasabihan. Nakakatunaw man ang tingin, matapang niya itong sinalubong. Kailangan malaman ni BJ na hindi siya nag-iinarte lang o nagdadrama. Mas mahalaga pa rin ang kaligtasan nila.

Unang nagbaba ng tingin si BJ. Matigas ang mukha nitong lumabas ng kusina. Nakahinga naman ng maluwag si Charisse. Para siyang sinasakal kanina sa mga tingin nito. Kung nakakasugat lang ang mga tingin nito ay matagal na siyang nasa emergency room.