Chereads / Angel of my Journey / Chapter 16 - Chapter 16

Chapter 16 - Chapter 16

Lumipas ang ilang buwan ngunit si BJ at Charisse ay aso't pusa pa din. Sanay na sanay na si Charisse sa kasungitan ng amo niya at ini-enjoy na lang niya ito. May mga panahon na sinasakyan niya ang topak nito at may mga panahon namang sinasalungat niya at iniinis ito.

"Gwapo sana masungit nga lang. Tsk...tsk....sayang." Sambit ni Charisse na nakatingin sa among palakad-lakad sa may hardin. Alas sais pa lang ng umaga at nagdidilig siya ng mga halaman. Nagulat nga siya nang makitang lumabas si BJ ng ganito ka aga. Naudlot tuloy ang pagkanta niya. "Haaayy naku sir sana katulad ka ng mga libro sa library, madaling basahin. Pero huwag nga lang yung English, kasi pareho kayong hirap ako sa spelling at mahirap din kayong intindihin! Hmp!" Ismid niya dito.

Samantala, paglingon ni BJ sa kinatatayuan ni Charisse ay siya namang pag-ismid nito. Napangiwi siya. "What's wrong with her?" Nagsasalita mga-isa, naaasar mag-isa?" Takang tanong niya sa sarili. "Hindi ko naman siya inaano!" Tuloy tuloy siya sa paglakad hanggang sa makarating sa likod ng bahay.

Nagsimula namang kumanta ulit si Charisse. Dinig yata ang boses nito hanggang sa labas ng bakod. "Akala niya siguro pumasok na ako sa loob ng bahay." Aniyang nakangiti. "Minsan nakakatuwa siyang pakinggan pero madalas na nakakaasar." Komento pa niya. Naupo siya sa swing na nandun at hinayaan si Charisse na tapusin ang isang kanta. Pagkatapos ay agad siyang tumayo at nilapitan si Charisse na kumikendeng pa habang nagdidilig ng mga halaman kasabay ng pagkanta.

"Matagal pa ba yan?"

"Ay kabayo!" Gulat na sigaw ni Charisse. Muntik na nitong mabitawan ang hose na hawak.

"Kabayo? Sa gwapo kong 'to mukha ba akong kabayo?" Sabi ni BJ na itinuro pa ang sarili.

Ngumiti naman si Charisse. "Hindi po ako may sabi niyan sir." Sagot nito na tunog nang-aasar.

Tumaas naman ang mga kilay niBJ.

"Ay ibig ko pong sabihin sir, nagulat lang po ako. Hehe...tsaka expression ko lang po yun, hindi po kayo yun." Bawi naman ni Charisse. "Kasi mas mukha kayong tigre." Gusto niyang idagdag sa sinabi.

Tumango naman si BJ. "Ah, talaga ba?"

"Opo! Siyempre po sir!" Mabilis niyang sagot na nakangiti. Sinabayan pa niya ng kindat.

"Huwag mo nga akong inuuto. Bilisan mo na diyan at nagugutom na ako."

"Po? Ang aga pa...." Hindi na itinuloy ni Charisse ang sasabihin. Tingin pa lang ni BJ, alam na niya ang kasunod.

"Kaya ang tagal matapos ang daming sideline!" Sabi nito sabay tinalikuran siya. Napatitig na lang siya sa likuran nito tapos binalingan ang mga bulaklak, ang mga namumukadkad na rosas na puti.

"Hoy, anong nangyari dun? Alas sais pa lang ng umaga gutom na? Yung kasungitan niya sanay na ako kahit madaling araw pa, pero yung gutom? Aba, himala!"

"Charisse! Pumasok ka na dito at marami akong iuutos sa'yo!" Tawag nito na ngayon ay nakatayo sa may pinto.

"Sir five minutes po, five minutes!" Sagot niyang nakataas pa ang kaliwang kamay, nakalahad ang limang daliri.

"Three minutes!" Sigaw nito.

"Five minutes po! Di pa ako tapos eh!" Pamimilit niya.

"Two minutes!" Mariing sagot nito.

"Sige po, three minutes!" Napipilitang sagot ni Charisse.

"Good!" Sabi nitong isinara na ang pinto.

"Grrrr!!!" Aatakehin na yata siya sa sakit sa puso dahil sa sama ng loob. Paano ba naman hindi niya madidiligan ang iba pang bulaklak. Kahit na nagdidilig din siya sa hapon ay gusto pa rin niya na pati sa umaga ay nakakainom ang mga ito. Sa tindi ba naman ng init ay siguradong lanta na ito pagdating ng hapon. "Nakakaasar! Bakit ba nakikialam siya? Ang aga-aga pa, dapat natulog na lang siya!"

Magmamaktol man siya ay wala itong pakialam kaya binilisan na lang niya ang ginagawa. Hanggang sa kaya lang niyang tapusin.

Makalipas ang ilang minuto ay pumasok na siya sa loob ng bahay. Pagkapasok na pagkapasok niya ay iniabot sa kanya ni BJ ang isang papel.

"You're late!" Sabi nito pagkaabot ng papel.

"May timer ka sir?" Manghang tanong niya na kinuha ang papel na iniabot nito.

"Of course!"

"Ako po kasi wala. Kaya po ako late."

"Huwag kang pilosopo ha?"

"Ha? Teka lang sir, totoo naman yung sinabi ko. Wala po akong relo at hindi po ako nagdala ng cellphone."

"I don't care. You should be responsible. You made a deal right?" Seryoso pa rin ang mukhang sabi nito.

"Oo nga po."

"Exactly! So you should find a way!"

"Sorry po. Hindi na po mauulit." Sabi na lang niya para matapos na.

"Dapat lang." Sabi nito sabay nakapameywang ang kaliwang kamay. "Basahin mo yan." Itinuro nito ang papel na hawak niya. Nagtatakang tinitigan ni Charisse ang nakatuping papel."Hindi love letter yan ha. Huwag kang umasa." Diretsang sabi nito.

"Po?" Nagulat si Charisse sa sinabi nito. "So iniisip niya na may gusto ako sa kanya? Ganun?" Aniya sa sarili. Ngumiti pa rin siya at sinabi. "Huwag po masyadong confident sir. Huwag po kayong mag-alala hindi ko po iniisip yan." Paniniguro niya rito.

"Alright then. Pakibili lahat ng yan at mag shopping ka kung gusto mo. Pwede ding bukas ka na umuwi."

"Ano po!?"

"Bingi ka ba o hindi ka lang talaga nakikinig?"

"Hindi ko po kasi na-gets yung sinabi nyo sir. Ibig ko pong sabihin, bakit po? Bakit bigla akong mag-sha-shopping at di uuwi?"

"Because I said so!" Mariing sabi nito. "Inuutusan kitang mamili di ba? Kailangan ko lahat ng yan. Tanghali ka na makakaalis so baka gabihin ka sa daan kaya dun ka na magpalipas ng gabi."

"Ah....ganun po ba?" Unang beses niya yatang narinig na sumagot ito ng medyo matino. "Gaano po ba karami 'to at mukhang gagabihin talaga ako?"

"Read it! And cook before you go! I'm starving!" Pagkasabi nun ay sumalampak na ito sa sofa.

Hindi makapaniwalang sinundan niya itong tingin. "Ano pang hinihintay mo?"

"Ay wala po, ito na nga po at maghahanda na." Pagkasabi ay pumasok na si Charisse sa kusina para maghanda ng almusal.

Mag-aalas diyes na ng gabi nang makarating si Charisse sa bahay. Sinikap niyang umabot sa huling biyahe ng bus pabalik. Ngunit bigla siyang kinabahan nang makitang wala kahit isang ilaw man lang ang nakasindi. Agad agad siyang bumaba ng traysikel. Nagpatulong na rin siya sa driver nito na ipasok sa may gate ang mga pinamili.

Nang masigurong nailock na niya ang gate ay tumakbo na siya sa loob ng bahay. Naka-lock naman ang pinto. Nagtataka siya kung nakit parang wala yatang tao. "Tulog na kaya si sir Sungit? Pero bakit walang ilaw sa labas?" Umakyat siya sa kwarto nito at kumatok ngunit walang sumasagot. Sunod niyang pinuntahan ay ang library. Ngunit wala ring tao doon.

Nalibot na niya ang buong bahay ngunit walang BJ. Mas lalo siyang kinabahan. "Hindi pwede 'to." Mangiyak-ngiyak niyang sabi. "Sir Sungit walang ganyanan."

Pinapakalma niya ang sarili. Ayaw niyang mag-isip ng masama. Ngunit hindi talaga siya mapakali. Hindi maaaring tulog ito. "Ayaw na ayaw nitong walang ilaw sa labas, at ngayong mag-isa siya saka siya nagpatay ng ilaw?"

Hindi talaga siya mapalagay. Naalala niyang may duplicate pala siya ng susi sa kwarto nito. Patakbo siyang bumalik sa kwarto niya at hinanap ang mga susi. "Haay, sa dami nito, nasaan kaya dito ang susi ng kwarto niya? Naku naman.....nanggigigil na talaga ako!" Bumalik siya sa kwarto nito at sinubukan lahat ng susi. Dalawa na lang ang hindi niya nasubukan nang biglang bumukas ang pinto. "Huli ka!" Ngunit sa kanyang pagkadismaya ay patay ang ilaw sa loob ng kwarto at wala siyang nahagilap kahit anino ni BJ doon.

Umiiyak na siya. Hindi niya alam ang gagawin. "Ano kayang nangyari dun? Baka naglayas? Na kidnap? Ay naku po!" Mas lalo siyang naiiyak. Nag-aalala siya baka mapahamak ito. "Paano kung....kung natunton kami ng mga taong naghahanap sa kanila?" Napaupo siya sa sahig. Bigla siyang nawalan ng lakas. "Paano nga kung nakidnap si sir Sungit? Anong gagawin ko? Saan ko siya hahanapin?" Hindi niya mapigilan ang mga luha. Umiiyak siyang nakatitig sa kawalan.

Matamlay siyang bumalik ng kwarto. Habang naglalakad ay iniisip niya kung paano niya ibabalita sa kuya niya ang nangyari. Siguradong papagalitan siya nun at hindi niya nabantayan ng maayos si BJ. At ang mga magulang nito, siguradong mag-aalala ng husto. Sa kanya pa naman ipinagkatiwala si BJ ngunit heto at pumalpak siya.

Madaling araw na ay nakatitig pa rin si Charisse sa kisame. Sa umaga na niya simulang hanapin ang nawawalang boss at kailangan niya ng lakas ngunit hindi siya nakaramdam ng antok. Parang pinipiga ang puso niya. Kanina pa siya umiiyak at namamaga na nga ang mga mata niya.

Mayamaya ay may humintong sasakyan sa tapat ng kanilang bahay. Mas lalo siyang kinabahan. Bumalikwas ng bangon si Charisse at tumakbo sa ikalawang palapag ng bahay. Habol ang paghinga sa kakatakbo ay sumilip siya sa may bintana. Tanaw na tanaw niya mula sa kinatatayuan ang sasakyan. Isang itim na van. Mga ilang minuto pa ay saka lang nagbukas ang pinto at lumabas ang apat na lalake. Nagulat siya at hindi makapaniwala sa kanyang nakita.