Mag-aalas otso na ng gabi ay wala pa rin si Charisse. Hindi maiwasan ni BJ ang mag-isip. Paano kung hindi na nga ito babalik? Maiwan siyang mag-isa sa bahay tapos siya ang magluluto, maglalaba, mamamalantsa at maglilinis? Tapos mag-isa siya sa buong bahay?
Naisip niya si Mang Danny, pwede naman siyang makiusap dito. Pero paano ang paglalaba at pamamalantsa? Sinong mamimimili sa bayan? Sana may kapalit agad si Charisse kung ganun. Hindi nya lang talaga maintindihan at bakit mainit ang dugo niya sa batang yun. Sa dami ba naman ng pwedeng maging katulong siya pa ang ipinadala. Paano ba pumasa yun?
Panaka-naka ang pagsulyap niya sa may pinto. Ngunit walang Charisse na dumating. Dahil nasa probinsiya sila, alas otso pa lang ay tahimik na tahimik na ang paligid. Hindi siya sanay sa ganito kaya hindi pa rin siya inaantok. Nagugutom na rin siya. "Nasaan na ba kasi yung babaeng yun?" Bigla niyang nasabi habang tumayo at dumungaw sa bintana. Madilim ang paligid. Makulimlim at natatakpan ng ulap ang buwan. Tanaw niya ang kalsada mula sa kinatatayuan at wala ni isang taong naglalakad doon.
Samantalang si Charisse naman ay kakarating lang sa terminal ng bus sa bayan. Pagkababa niya ng bus ay sinalubong agad siya ng isang driver ng traysikel na kausap niya bago umalis kanina. Tinulungan siya nitong magbaba ng mga pinamili.
"Naku salamat po talaga kuya."
"Walang anuman yun. Teka, bakit sa last trip ka nakasakay? Akala ko ba babalik ka kaagad?" Usisa nito. Feeling close sa kanya.
"Naku po mahabang kwento. Pasensiya na po sa paghihintay kuya." Ani Charisse at inilagay ang huling plastic bag sa loob ng traysikel. Sumakay na rin siya sa likod.
Mayamaya pa ay nasa harapan na sila ng bahay. Tinulungan naman agad siya nitong magbaba ng mga pinamili. "Tulungan na kitang magpasok nyan sa loob." Pagboboluntaryo pa nito.
"Ay hindi na po." Mabilis niyang tanggi. "Kaya ko na po yan. Ok lang po. Maraming salamat." Ngumiti pa siya dito.
"O cge, sabi mo eh. Sigurado ka talaga?"
"Opo. Siguradong sigurado."
"Teka, sino bang kasama mo dyan bakit hindi ka man lang sinamahan?" Usisa pa nito. Malapit ng mainis si Charisse. Konting konti na lang.
"Amo ko po siyempre. Paano naman niya ako sasamahan, di po ba?"
"Ahhh mag-isa ka lang pala. Ang laki ng bahay dapat dalawa kayo."
"Pwede po basta kayo papasweldo." Sagot niya.
"Ay...haha!"
Ngumiti lang din siya at nagpasalamat. Hinintay muna niyang makaalis ito bago binuksan ang gate at pumasok.
Naglalakad siya sa may hardin na bitbit ang mga pinamili. Tanaw niya mula sa kinaroroonan ang pinto ng bahay. Bigla itong bumukas at lumabas si BJ. Marahil ay narinig nito ang tunog ng traysikel na huminto sa tapat ng bahay. Natuwa naman siya nang makita ito. Nagkaroon siya ng pag-asang may tutulong sa kanyang magbuhat.
Ngunit sa kanyang pagkadismaya ay tumayo lang ito at pinapanood lang siya. Iika ika siya sa paglakad dahil sa bigat ng kanyang dala. Nangangawit na rin siya. Kunsabagay, bakit nga ba siya tutulungan nito kung siya ang boss. Pero hindi ba siya pwedeng magpaka-gentleman kahit minsan?
"Bakit ang tagal mo?" Salubong nito sa kanya.
"Magandang gabi rin ho sir." Sagot niya dito habang inilalapag ang mga pinamili sa harap nito. Pagkatapos ay binalikan ang dalawang plastic na naiwan nya sa may gate.
"Hindi mo sinagot ang tanong ko." Pahabol ni BJ. Umasta naman siyang parang hindi ito narinig. Patuloy siya sa paglakad at binilisan na lang niya para matapos agad at makapagpahinga na. Parang mas lalo yatang nakakapagod kung makipagdiskusyon pa siya sa amo.
Hindi niya ito pinansin at dumiretso siya sa kusina pero tinawag siya nito.
"Ano pong kailangan nila?" Matabang na tugon niya.
"Di ba tinatanong ka ng maayos? Matuto ka kayang sumagot ng maayos." Sabi nito na madilim pa rin ang mukha. "Pasensiya na po sir nagmamadali po kasi ako para matapos na kaagad at gabing-gabi na po."
Tiningnan lang siya nito. Walang ekspresyon sa mukha. Blank and cold. Bigla siyang na guilty na sa inasal kanina.
"Kumain na po ba kayo?" Bigla niyang naalala na baka nga nagugutom na si BJ kaya nagtatanong.
"Sa tingin mo?" Balik tanong nito.
Kinuha nya ang dalang pagkain at ipinaghanda ito. "Dadalhin ko po ba sa kwarto niyo o dito sa kusina po kayo kakain?" Tanong niya rito na hindi nagtaas ng tingin at tuloy tuloy sa ginagawa.
"Dito na lang." Maikli nitong tugon.
Tahimik na kumakain si BJ samantalang ipinagpatuloy niya ang paglalagay ng mga pinamili.
Nasa kalagitnaan na ng pagkain si BJ nang magtanong.
"Nasaan nga pala ang sigarilyong pinabili ko?"
"Ay meron po ba?" Maangmaangan niya. Pero ang totoo ay sinadya nya talagang hindi bilhin yun.
"Pinagsulat mo ako ng kailangan ko di ba tapos tatanungin mo ako?"
Kinuha nya ang listahan sa bulsa at kunwari ay nirereview.
"Naku po, sorry sir nakaligtaan ko yata. Next time na lang po, promise."
Biglang tumayo si BJ. Lumabas ng kusina at binalibag ang pinto. Naiwang nakatulala si Charisse. Nakatitig lang siya sa may pinto. "Anong problema nun?" Naitanong niya sa sarili. "Ganun ba ka big deal yun at pati pagkain iniwan?"
Napaupo siya. Napaisip. Ano kayang meron ang amo niya at parang may regla palagi. Lagi na lang mainit ang ulo nito.
Nagpasya siyang ligpitin na lang ang pinagkainan nito. Tinapos na rin niya ang ginagawa at kailangan na rin niyang magpahinga. Bukas na lang niya ulit iisipin ang masungit niyang amo.