"SA LOOB TAYO buong araw ngayon," wika ni Cass kay Ansel matapos nito maligo at makapalit. Wala naman itong sinabing planong gawin ngayon kaya minabuti niyang magsabi agad bago ito makaisip nang kung ano. Tinignan lang naman siya nito at tumango. "Tawag lang ako ng pa-breakfast," sabi nito at basta basta lang siyang tinalikuran nito.
Ito ang kasalukuyang problema niya. Matapos kasi nang nangyari sa ferris wheel, parang bumalik na naman ito sa pagiging ice-cold. Hindi na ito masyadong nagbibiro at hindi na ito nagpipilit na gumawa sila ng gusto nitong gawin.
Sa mga nakaraang araw nga ay siya ang pinapili nito ng activities. Hindi na rin ito masyadong umiimik at pakiramdam niya ay dumidistansya na naman ito. And well, she can't have that.
Nagiging magkaibigan na nga sila tapos babalik na naman siya sa strangerzone? Hindi siya makakapayag. Kahit 'di nabawasan ng yabang ang binata ay isa pa rin itong mabuting kaibigan. Kaya ngayon, may plano siya para makipag-close muli sa binata.
Nang dumating na ang breakfast nila, doon niya lang sinabi rito ang plano niya. Nakapag-request na rin siya sa mga staff kahapon kaya wala na silang magiging problema. "Mag-bi-binge tayo ng movies?" Tanong nito. "Paano mo naman nalaman ang favorite movies ko?"
Nakangiting itinaas niya ang kanyang phone. "Si Greta, of course."
Kung ito rin naman ang nagtanong ay parehas nilang tatanungin si Greta. Ito lang kasi ang actual na constant sa kanilang dalawa at ang naging bridge para makapag-usap sila noon. And Greta both knew them so well.
Nagtaas lang ito ng kilay ngunit may sumilay na rin na ngiti sa mga labi. Natuwa naman na siya at ilang araw ring pinagdamot iyon ng binata sa kanya.
"Sure kang magugustuhan mo ang favorite movies ko?" Parang nanghahamon na tanong ni Ansel.
Napangiti naman siya. "Of course." Si-nearch na niya ang mga iyon at mukha namang interesting sa kanya. "The real question here is kung magusgustuhan mo ba ang sa akin?" Kung ang kay Ansel ay ang mga favorite movies niya ang papanoorin nila, ang sa kanya naman ay ang favorite cartoon show niya. Iyon kasi ang huling kinahuhumalingan niya kaya gusto niya sanang mahawa ito sa pag-fa-fan girl niya sa naturang cartoon. At nasabi na rin sa kanya ni Greta na hindi ito mahilig sa cartoons kaya at least may pag-uusapan sila kung sakali.
He smiled. "I'll try to."
"MR. STARK, I DON'T feel so good," usal ni Spiderman habang lumalapit ito kay Tony Stark at katulad ng mga naunang naging abo, ito naman ang sumunod. Mas dumami ang luha na pumatak sa mga mata ni Cass at inaabutan na lang siya ng tissue ni Ansel.
Kanina pa kasi sila nanonood ng mga movies ng Marvel Cinematic Universe, ang isa sa mga paborito ng binata na pelikula. Ngunit sa Avengers: Infinity War lang siya pinakainatake ng emosyon. Nahihiya na tuloy siyang harapin ang binata kaya tahimik na umiiyak na lang siya habang nakatalikod dito.
"Are you okay?" Tanong ni Ansel nang ang naririnig na lang niya ay ang ending credits scene ng naturang pelikula. Sinubukan rin nitong paharapin siya at hindi na siya nag-papigil. Humarap siya rito kahit pulang-pula na ang mga mata niya at sumisinghot pa siya. "...Caz."
Nag-iwas siya ng tingin at sinubukang tumawa. "I-Ikaw naman kasi... hindi mo naman sinabing may tragedy pala," nauutal na sabi niya, nag-search naman siya pero mostly ini-skim niya kaya may kasalanan rin siya. Pero hindi niya sasabihin iyon rito. "Kung alam ko lang hindi na ako manonood."
Ang buong akala niya kasi ay maganda ang magiging ending ng naturang pelikula. Maganda at acceptable naman sa kanya ang ending ng mga nauna. May mga namatay rin naman at may mga nakaka-heart ache na eksena, ngunit iyon lang talaga ang nagpa-full-on waterfalls sa mga mata niya.
"Caz..."
"Ano?"
Masuyong inilagay ng binata ang mga kamay nito sa magkabilang pisngi niya at itinaas ang mukha niya paharap rito. "Huwag kang magagalit ah," mahinang usal nito.
"Bakit naman?" Napapasinghot na tanong niya. Ano ba 'yan? Para na akong mangit na bata.
Marahang tumawa ito at masuyong pinunasan ang mga luha niya. "I think you're beautiful," mahinang usal pa rin nito. "Anyone who can cry over something as small as a movie has a pure heart."
Napailing siya sa sinabi nito. "Saang libro o movie mo naman napulot yan?" Tanong niya, ngunit napangiti na rin siya.
He called her beautiful when she already looked like a mess. Sino ba naman ang hindi makaka-apreciate rito ng konti? Or in her case, kikiligin ng konti. What? Kikiligin?
"Sa kung saan ko lang napulot. But seriously, I think you're beautiful, okay?"
"Okay, sige, purihin mo pa ako. Maganda 'yan."
The smile on his face grew gentler and his hands felt warmer on her face. Napasinghot ulit siya. At pinagpasyahang hintayin kung anuman ang papuring sasabihin nito.
"Caz?"
"Yes?"
"I think you're kind. I think you're smart. I think you're brave. And I think..."
Napangko lang siya sa kinauupuan nang unti-unti nitong tawirin ang distansya ng mukha nila sa isa't isa. Pakiramdam niya makakalimutan na ata niyang huminga nang mabilis niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Malakas na rin ang kabog ng kanyang puso at parang nabibingi na siya.
Ngunit bago pa siya may kung anong maramdaman na dumampi sa kanyang mukha ay narinig niya ang doorbell. Narinig niyang napausal ng mura ang binata bago umalis ito sa kanyang tabi.
Siya naman ay napamulat at nahihiyang itinago ang sarili sa kumot. Napatakip siya sa sariling mukha at napatili. Did I just... Gusto niyang sampalin ang sarili. She can't believe it. Will she really allow the guy to kiss her just because he was praising her and he's...
Napatili ulit siya.
"O, anong nangyari sa'yo?" Narinig niyang tanong ni Ansel at naramdaman niya rin ang pagpilit nitong itaas ang kumot niya.
"W-Wala ah, plano ko lang magsisigaw sa loob ng kumot ko," nautal na palusot niya. Mahirap na at baka makahalata ang binata. Mukha pa namang in-e-expect niya talagang mahalikan siya nito. Ano ka ba, Cassidy? Ang landi mo. Wala pa ngang nakakakuha ng first kiss mo at ikaw na mismo nagsabi na ibibigay mo 'yun sa special na tao tapos ipapamigay mo lang sa mokong na 'to? Sansala sa kanya ng lohikal na parte ng kanyang utak.
Hindi naman kami nag-kiss! Pagtatanggol niya naman sa sarili. At dahil wala na siyang focus, hindi niya napansin na pumasok na pala ang binata sa kumot niya, napatili na lang siya nang bigla siyang hawakan nito sa braso.
"Wow naman, Caz," walang emosyong sabi nito. "Ano na namang ginawa ko sa'yo?"
"W-Wala," inalis na niya ang kumot at mukhang hindi pa rin nakukumbinsi ito. Kaya iginaya na lang niya ang tingin sa pagkain at kumuha na siya. "Tara, kain na tayo. Yung favorite show ko naman ang panoorin natin, ah," hindi pa rin niya nililingon na sabi rito. Siya pa mismo ang kumuha ng remote para ilipat na ang palabas dahil kanina pa naka-standby ang display ng flat screen TV.
"Basta hindi ka iiyak ulit," narinig niyang sabi nito at kumuha na rin ito ng pagkain. Nang lingunin niya ito, naka-poker face na naman ito na para bang walang tensyon na naganap sa kanila kanina. Nakaramdam siya nang pagkadismaya sa pagbabago nito ng ekspresyon. Ngunit, pinigil na lang niya ang pakiramdam niyang iyon. Nginitian na lang niya ito. "I'll try not to."
PINAPANOOD NI ANSEL ang dalaga sa halip na tumingin sa TV. Mukhang napansin naman nito iyon ngunit hindi nito nagawang tumingin sa kanya. Saglit lang iyon dahil hindi nagtagal mas nag-focus na ito sa pinapanood kahit halata namang ilang beses na nitong pinanood ang naturang palabas.
Pinili niyang hindi na lang sabihin ang tungkol sa naganap sa kanila kani-kanina lang. Nang abutan niya kasi ito pagbalik niya ay nagtago ito sa kumot at sumisigaw. Pakiramdam tuloy niya ay ayaw nito ang ginawa niya at palihim nitong binabatukan ang sarili.
Hindi niya rin alam kung bakit niya ginawa iyon. Alam niyang may namumuo na siyang damdamin para rito pero hindi naman ibig sabihin noon ay gusto niya nang biglain ito. He makes a move when he's sure. He's definitely not sure that time.
It's just seeing her cry made him flinch.
Ayaw niyang makitang umiyak ito. Ngunit, ang malaman na umiyak ito para lang sa isang eksena sa pelikula ay pakiramdam niya parang nadagdagan lang ang paghanga niya rito. Dumidistansya sana siya para magkaroon sila ng breathing space at para mapag-isipan niya ang kanyang nararamdaman.
Pero ngayon, ayos na siya. Kung natuloy mang magkagusto na talaga siya rito ay wala na sa kanya iyon.