Sa isang madilim, masukal, at masikip na iskinita sa Tondo, Maynila ay maririnig ang isang atungal ng batang sanggol. Nakahiga ito sa loob ng isang kahon na napapalibutan ng mga sira-sirang kagamitan at mga bakal na mayroong makakapal na kalawang. Maririnig din sa labas na malapit dito ang pagtahol naman ng isang naglalaway na aso sa matandang nasa edad singkwenta na mabagal at kukuba-kubang maglakad habang bitbit ang mga dala nitong diyaryo. Pinapalayo ng matanda ang aso sa pamamagitan ng kaniyang hiyaw at pagtataboy gamit ang isang kamay, subalit mas lalo lamang lumalakas ang pagtahol nito sa kaniya.
"Shoo! Shoo!" taboy niya sa asong kanina pa tumatahol. Nang hindi niya ito mapatigil gamit ang kaniyang hiyaw bilang pagtaboy ay kumuha na siya ng ilang pirasong pahina ng papel bago ginuyumos at iyon ang kaniyang ibinato rito. Tumakbo ang aso palayo sa kaniya at doon lamang siya nakahinga nang maluwag.
Madaling araw na subalit heto pa rin siya at patuloy na naglalakad. Dahil bukod sa naghahanap pa siya ng mga bote, plastik, bakal at mga diyaryong hindi na ginagamit ay naghahanap na rin ito ng kaniyang masisilungan. Wala siyang permanenteng tirahan, kaya kung saan lang siya abutin ng antok ay doon lamang din ito nagpapahinga at natutulog. At ngayong nasumpungan niya ang isang madilim at makipot na iskinita ay tinungo niya agad ang loob niyon bago marahang pinasadahan ng tingin ang kabuuan—tinitiyak niya kung may tao ba roon na mang-aangkin.
"Mabuti naman, walang tao…" mahinang sambit niya sa sarili nang makompirmang walang tao roon kahit isa. Subalit nang bigla muling umatungal ang sanggol ay doon nangunot ang kaniyang noo dahil sa pagtataka. "Bata? May bata?" aniya.
Luminga-linga siya sa paligid at hinanap ang pinanggagalingan ng pag-iyak na iyon ng sanggol hanggang sa dinala siya nito sa dulong bahagi ng iskinita. Saglit na tumigil sa pag-iyak ang sanggol ngunit ipinagpatuloy pa rin ng matanda ang paghahanap hanggang sa isa-isa niyang inalis ang mga nakaharang na bakal na sumusuporta sa kahon. At nang maialis niya ang mga ito ay nakita niya ang isang sanggol na pumapadyak-padyak habang nakangiting nakatingin sa kaniya—ngiti na tila natutuwa dahil sa wakas ay may tutulong na sa kaniyang makaalis sa lugar na iyon. Hindi makapaniwala ang matanda sa kaniyang nakikita; tinitigan niya itong mabuti at doon niya napansin na mayroon itong maliit na hugis pusong balat sa gilid ng tuhod nito. Hinaplos niya iyon nang marahan gamit ang hinlalaki bago napagpasyahang buhatin. At dahil sa ginawa niyang iyon ay saka niya lamang din nalaman na isang lalaki pala ang sanggol na kaniyang buhat-buhat.
"Anong ginagawa mo rito, Anak? Nasaan ang mga magulang mo?" tanong niya sa sanggol na patuloy sa pagpadyak. Isang malakas na halakhak ang isinagot sa kaniya ng sanggol dahilan upang walang paglagyan ang saya na kaniyang nararamdaman. "Natutuwa ka ba dahil narito ako ngayon sa tabi mo?" muli niyang tanong bago niya ito niyakap nang mahigpit.
Habang dinuduyan ng matanda ang sanggol gamit ang sariling katawan ay saka lamang nito napansin ang isang papel na natatabunan ng ilang pirasong damit sa loob ng kahon. Pansamantala niyang itinigil ang paghehele sa sanggol bago niya maingat na kinuha ang papel na iyon. Gamit din ang isang kamay ay nabuksan niya ang papel at binasa ang nakasulat doon.
Isa akong walang kwentang tao at walang kaalam-alam sa mundo. Ipinauubaya ko na sa iyo ang anak ko dahil hindi ako nararapat na maging ina niya. Hindi ko magagampanan ang isang bagay na kailan man ay hindi ko hiniling pero kusang dumating. Kaya sana, maalagaan at mapalaki mo siya nang maayos, mabuti at may takot sa Diyos. Mahal na mahal ko ang anak ko, subalit hindi ko kinakaya ang hamon sa akin ng mundo. Nawa'y maunawaan mo. Maraming salamat.
— Sabrina.
Muling tinitigan ng matanda ang sanggol pagkatapos niyang basahin ang liham mula sa ina nito. Sa kabila ng konting galit na umusbong sa kaniyang dibdib ay pumatak ang isang butil ng luha mula sa kaniyang kanang mata nang mapagtantong ulila na ang sanggol na kaniyang karga-karga. Iniisip niya kung anong buhay ba ang maibibigay niya sa sanggol, gayong maging siya ay naghihikahos din at patuloy na nakikipaglaban sa matinding hamon ng buhay. Nagtatalo ang kaniyang isip, dahil sa kabila ng hirap nito sa buhay ay matagal na rin niyang gustong magkaroon ng anak. Subalit hanggang sa pumanaw na ang kaniyang kabiyak ay hindi man lang sila nabiyayaan ng kahit isang supling. Kaya nang makita niya ang sanggol kanina ay ganoon na lamang ang tuwa na nararamdaman niya habang pinagmamasdan itong nakangiti rin sa kaniya.
Naguguluhan tuloy ang matanda kung kukupkupin ba niya ang sanggol o hahayaan niya na lamang ito roon.
Ngunit nang mas nanaig sa kaniyang isip ang hirap na matatamasa ng sanggol oras na kupkupin niya ito sa kaniyang piling ay muli niya itong inilapag sa kahon at saka inayos ang mga damit nito sa gilid. Inayos niya rin ang mga kinalawang na bakal na sumusuporta rito upang hindi magdulot ng kahit na anong sakuna sa sanggol kapag pumadyak-padyak itong muli.
Bitbit ang malaking plastik na naglalaman ng mga diyaryo ay mabigat ang kalooban na naglakad palayo ang matanda. Ilang hakbang pa lamang ang kaniyang nagagawa ay muli na namang umatungal ang sanggol dahilan upang pansamantala siyang tumigil sa paglalakad. Nilingon niya ang direksyon na kinaroroonan ng sanggol at lumuluhang napaisip. "Oh, Diyos ko! Ano po ba ang gagawin ko?" sambit niya habang nakatingin sa itaas.
Ganoon na lamang ang takot at kabang bumalot sa kaniyang dibdib nang biglang bumuhos ang malakas na ulan kasabay nang malakas na kulog at kidlat. Kaya kahit na nahihirapan sa paglalakad ay mabilis niyang tinungo ang kinaroroonan ng sanggol at agad na kinarga ito patungo sa lugar na maaari nilang silungan.
"Ito na marahil ang ibinigay na senyales sa akin ng Diyos, Anak…" nakangiting saad ng matanda sa sanggol nang makarating sila sa isang payapang lugar na hindi kalayuan sa iskinita. Marahan niyang pinunasan ang nabasang parte ng katawan ng sanggol at doon niya napansing nakangiti itong muli sa kaniya. Lumuluha ngunit nakangiti niya rin itong pinagmasdan; hinaplos niya ang buhok nito at sinambit ang mga salitang hudyat ng bagong simula para sa kanila. "Simula ngayon, Adom na ang itatawag ko sa iyo."
THE JOURNEY OF ADOM © 2019
Mirassou