Chereads / The Journey of Adom / Chapter 4 - KABANATA DALAWA

Chapter 4 - KABANATA DALAWA

"Nanay, mag-aaral na rin po ba ato ngayong pasutan?"

Natigilan si Enelda sa pagtatahip ng bigas dahil sa naging tanong na iyon ng kaniyang anak. Mataman niyang tiningnan si Adom na ngayon ay abala sa paghihimay ng tinapa upang ipang-sangkap sa lulutuin nilang ulam na ginataang kalabasa.

"Anak?" naninigurado ang tinig ni Enelda.

"Po?" tugon ni Adom.

"Anong sinabi mo kanina?" muling sambit niya.

"Ah, 'yong tungtol po ba sa pagpasot to sa istul, Nay? Papasot na po ba ato ngayong pasutan?" pag-uulit ni Adom na may kasamang pagkasabik sa tinig nito.

Napalunok si Enelda.

Hindi nito alam kung ano ang isasagot sa biglaang naisip ng kaniyang anak. Naitanong na rin ito sa kaniya ng ilan sa kaniyang mga kapit-bahay subalit hindi niya inaasahan na makakaramdam siya ng konting kirot sa dibdib nang manggaling na mismo sa anak ang tanong na iyon. Hindi naman sa ayaw niyang papasukin sa paaralan si Adom, ngunit ano nga ba ang maipangtutustos niya rito kung sa pang-araw-araw na pangangailangan pa nga lang nila ay naghihikahos na sila? Paano pa kaya kung mag-aral na si Adom sa eskwelahan?

"Anak, halika rito..." utos niya kay Adom at agad naman siyang sinunod nito. Bitbit ang tinik ng isda ay masiglang lumapit ang anak kay Enelda. "Gusto mo na ba talagang mag-aral ngayong pasukan, ha?" mahinahong wika ni Enelda rito.

Namilog ang mga mata ni Adom. "Opo, Inay! Puwede na po ato roon?" aniya.

Ngumiti si Enelda.

At kahit gulong-gulo ang isip nito sa mga maaaring mangyari ay walang pag-alinlangan niyang sinagot ang kanina pa itinatanong ng anak. "Sige, Anak. I-eenrol na kita ngayong pasukan. Basta ba mag-aaral ka nang mabuti, eh? Makakaasa ba ako sa 'yo roon?"

Masiglang tumayo si Adom. "Oo naman po, Inay. Yehey! Papasot na ato sa istul! Yehey!" Nagtatatalon ito sa tuwa habang bitbit pa rin ang tinik ng isda. "Nay, puwede po ba atong pumunta tina Abet?"

Nagtaka bigla si Enelda. "Oh, bakit? Anong gagawin mo roon?" tanong niya.

"Ibabalita to lang po ta taniya na mag-aaral na rin po ato, Inay. Puwede po ba?"

Humalakhak muli si Enelda at niyakap ang napakabibong anak. "O siya, sige! Iwan mo na muna 'yang tinik at baka madala mo pa 'yan sa bahay nina Sonia."

"Ay, oo nga pala! Sige po, Inay. Punta po muna ato ro'n. Babalit din po agad ato para matatain na tayo."

Tumango-tango si Enelda habang nakangiting sinusundan ng tingin ang tumatakbong si Adom papalabas ng kanilang bahay. Napailing siya at saka huminga nang malalim dahil sa naisip na tila hindi niya kailan man pagsisisihan ang naging desisyon, basta alang-alang lamang sa kaniyang anak.

"Abet! Abet! Abet!" tawag ni Adom mula sa labas ng bahay ng kaniyang kaibigan.

"Oh, Adom? Anong ginagawa mo rito?" nagtatakang tanong ni Abet.

"Ah... eh... puwede bang papasutin mo muna ato?" Lumampas ang tingin ni Adom sa loob ng bahay nina Abet at dumiretso na ito papasok doon. Hindi na niya hinintay pang sagutin siya ng kaibigan kung kaya napakamot na lamang sa ulo si Abet habang nakasunod kay Adom.

"Ano ba 'yon, Adom? Bakit biglaan naman yata ang pagpunta mo rito? Gabing-gabi na, ah!" muling tanong ni Abet.

Hinarap siya ni Adom nang may kinang sa mga mata. "May magandang balita tasi ato sa 'yo, eh! Pumayag na si Inay na mag-aral ato ngayong pasutan. Magtasama na tayong papasot, Abet! Magtasama na tayo!" masayang ibinalita nito sa kaibigan.

Tila napaisip naman si Abet. "Magandang balita nga 'yan, Adom. Pero 'di ba, six years old ka pa lang? Hindi ka pa puwedeng mag-grade one. Hindi pa rin kita makakasama," aniya.

"Ha? Ganoon ba 'yon? Eh, saan pala ato?" ngumuso si Adom nang mapagtanto ang ipinupunto ni Abet.

"Saglit lang, itatanong ko kay Nanay. Nay! Si Adom ba hindi puwede sa school ko?" sigaw ni Abet mula sa sala.

Dahil sa lakas niyon ay nagising nang hindi oras si Sonia at lumabas siya sa kanilang kuwarto. Hihikab-hikab siyang lumapit kina Abet at Adom na tila seryoso ang iniisip. "Ano ba 'yon Abet, ha? Gabing-gabi na, sumisigaw ka pa riyan!" pagalit na sambit nito sa kaniyang anak bago bumaling ng tingin sa kanilang bisita. "Oh, Adom? Anong ginagawa mo rito?" gulat na tanong niya rito.

"May magandang ibinalita lang po ato tay Abet, Aleng Sonia," nakangiting tugon ni Adom.

Kumunot ang noo ni Sonia. "Anong balita naman 'yon?"

"Nay, ito kasing si Adom, mag-aaral daw. Eh 'di ba, six years old pa lang siya? Hindi pa siya puwedeng mag-grade one kasama ko." Si Abet ang sumagot.

Naglipat-lipat ang tingin ni Sonia sa dalawa at saka napabuntonghininga nang mapagtanto kung ano ang kanilang problema. "Iyon lang ba ang ikinakalukot ng mga mukha niyo riyan, ha? Anak, mula day care hanggang elementary ang mayroon sa eskwelahang papasukan mo. Hindi man kayo magkasama ni Adom sa iisang silid-aralan, magkasama naman kayo sa iisang paaralan. Kaya 'wag na kayong mag-alala, magkakasama pa rin kayo..." pahayag ni Sonia na siyang ikinalaki ng mga mata ng dalawang bata.

"Talaga po?"

"Totoo, Nay? Yehey!"

Masayang sambit ng dalawa.

"Oo. Kaya ikaw, matulog ka na. May pupuntahan pa tayo bukas ng umaga, 'di ba?" Pinisil ni Sonia ang pisngi ng anak.

"Eh, 'di hindi po magtitinda butas si Abet sa simbahan Aleng Sonia?" pagsingit ni Adom sa pag-uusap ng mag-ina.

Bumaling si Sonia kay Adom bago ginulo ang buhok nito. "Hindi na muna siguro, Adom. May kukunin kasi kami bukas sa Malabon kaya baka gabihin kami nang uwi."

"Gano'n po ba? Sige po, uuwi na rin po ato. Bata tailangan na po ato ni Nanay sa bahay, eh! Abet, turuan ulit titang mag-one plus one pagbalit mo, ha? Mag-ingat po tayo butas," nakangiting pamamaalam ni Adom habang papalabas na siya sa bahay nina Sonia.

"Naku! Salamat, Adom. Napakabait mo talagang bata ka. O siya, mag-ingat ka rin pauwi, ha?"

"Sige po. Salamat, Aleng Sonia. Ba-bye, Abet!"

Kumaway ang mag-ina habang sinusundan si Adom palayo sa kanilang bahay. Nang hindi na nila ito matanaw ay isinara na ni Sonia ang pinto at sabay sila ni Abet na nagtungo sa kanilang kuwarto upang matulog.

Kinabukasan, lulukso-luksong muli si Adom habang binabaybay ang daan patungo sa simbahan. Saglit niya lang na sinulyapan ang bahay nina Abet at nang makitang nakakandado ang gate nito ay muli siyang nagpatuloy sa paglalakad.

"Good morning, Aleng Chit!" masiglang bati niya sa matanda na nag-aayos ng paninda nitong mga kandila sa gilid ng simbahan. "Ganda po ng damit natin ngayon, ah? Saan po ang latad?" namamangha nitong kumento sa kasuotan ng matanda.

Humarap ang matanda kay Adom at saka taas noong iminuwestra ang lahat ng suot niya: mula sa ibaba ay suot nito ang kulay brown na leather boots, kulay pink na leggings, kulay sky blue na sleeveless na pinatungan pa ng mabalahibong blazer, mala-Madam Auring ang kwintas, red dream catcher ang design ng hikaw, at higit sa lahat ay humihiyaw ang pulang-pula nitong mga labi.

Nanlalaki tuloy ang mga mata ni Adom sa gulat dahil sa ginawang iyon ng matanda. Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa bago nagpasyang magsalita. "Wow, Aleng Chit! Ibang-iba ta po talaga ngayon," aniya.

Tila pumalakpak naman ang dalawang tainga ng matanda dahil sa kaniyang narinig. "Talaga, Adom? Naku! Bubuwenasin 'yang mga paninda mong sampaguita. Bibili ako ng isa, eh! Suwerte akong buena-mano," malambing nitong sinabi.

"Talaga po? Oh, heto po ang isa. Bilhin niyo na po." Iniabot ni Adom ang isang bigkis ng sampaguita sa matanda at malugod naman nitong tinanggap bago ibinigay ang bayad. "Maraming salamat po, Aleng Chit. Sana lagi na lang pong ganiyan ang suot mo, para lagi po tayong swertehin," wika ni Adom bago tumungo na sa loob ng simbahan upang magdasal. Ito ang kaniyang nakagawian; ang magdasal muna bago niya gawin ang pagtitinda sa labas ng simbahan kasama ang kaniyang matalik na kaibigang si Abet at ang iba pang mga bata.

Hindi naman mawala-wala ang ngiti sa labi ng matanda hanggang sa nalipat na sa ibang nagtitinda roon ang kaniyang atensyon.

"Miss Ganda! Miss Ganda! Bilhin niyo na po itong sampaguita para po matauwi na po ato sa amin!"

"Tuya Pogi! Tuya Pogi! Bilhin niyo na po itong sampaguita para po matauwi na po ato sa amin!"

Ito ang paulit-ulit na sinasambit ni Adom sa tuwing may dumaraan na mga babae at lalaki mula sa loob at labas ng simbahan. Nilalapitan niya agad ang mga ito bago nakangiting aalukin ng kaniyang mga paninda. Kung minsan ay mayroong hindi nakakatiis sa matatamis niyang ngiti kaya napapabili niya ang mga ito. Subalit may ilan din na hindi siya pinapansin at dire-diretso lamang ang tingin.

"Miss Ganda! Miss Ganda! Bilhin niyo na po itong sampaguita para po matauwi na po ato sa amin!" ani Adom sa babaeng kalalabas lamang ng simbahan. Kung susuriing mabuti ang pananamit at aura nito ay nasa bente-singko anyos na siguro ito.

Huminto ang babae sa tapat ni Adom at saka tiningnan ang isang bigkis ng sampanguita na hawak-hawak nito. "Nag-iisa na lang ba 'yan?" tanong niya rito.

Mabilis na tumango si Adom dahil naramdaman niya na mapapabili niya ang dalagang kausap. "Opo, Miss Ganda! Bilhin mo na po para matauwi na po ato sa amin," muli niyang usal.

Napangiti ang dalaga kasabay ng pagyuko nito sa bata upang magpantay ang mga mata nilang dalawa. "How cute! Bulol ka sa letter K?" pag-iiba nito ng tanong.

Napakamot naman sa batok si Adom. "Ah... eh... ano po 'yon?" naguguluhang tanong nito.

Sa halip na linawin naman ng dalaga ang tanong na iyon ni Adom ay nagpatuloy ito sa kaniyang ipinupunto. "Naku, it's okay! Bata ka pa naman, eh. Maaayos pa iyan. Anyway, nag-aaral ka ba? Anong grade mo na?" muling tanong nito dahilan upang magtaka na nang lubusan si Adom.

"Hindi po ato nag-aaral ngayon, eh. Pero sabi po ni Nanay, I-eenrol na daw po niya ato sa pasutan," sagot pa rin naman niya.

"Talaga? That's good. Eh, ilang taon ka na ba?"

Kumunot na lalo ang noo ni Adom dahil sa dami ng tanong ng dalaga. Gayon pa man, patuloy pa rin naman siya sa pagsagot dito kahit na naguguluhan na.

"Six po."

"Oh, I see! So, for sure kinder ka pa lang. Gusto mo ba, ako ang maging teacher mo sa darating na school year, ha?"

"Po?" Nanlalaki ang mga mata ni Adom.

Subalit hindi iyon binigyang pansin ng dalaga. "For now, bibilhin ko na muna itong sampaguita mo, ha? Para makauwi ka na." Kumuha ito ng pera sa kaniyang bag bago iniabot iyon kay Adom at saka kinuha ang sampaguita sa kamay nito. "Ano nga palang pangalan mo?" muling tanong niya rito.

"Ah, eh... Adom po."

"Adom... unique. Anyway, mauuna na ako, ha? Umuwi ka na para makasama mo na ang nanay mo. See you soon, Adom!" Masayang kumaway ang dalaga kay Adom habang papalayo ito.

Naiwan namang naguguluhan pa rin si Adom habang sinusundan ng tingin ang dalagang nakasakay na sa tricycle.

THE JOURNEY OF ADOM ©2019

Mirassou