Tulala si Adom habang nakapangalumbaba ito sa tabi ng kaniyang kaibigang si Abet na abala naman ngayon sa pagbibilang ng mga balat ng kendi. Kanina pa siya nito pasimpleng tinitingnan subalit kahit isang beses yata sa ginawang iyon ng kaniyang kaibigan ay hindi niya man lang ito binigyan nang pansin.
Nang hindi na matiis ni Abet ang nakikita niya kay Adom ay pansamantala na niyang itinigil ang pagbibilang bago tinapik ang balikat ng kaibigan na kanina pa nakatunganga. "Hoy, Adom! Kanina ka pa tulala r'yan, ah? Anong iniisip mo?"
"Ha? tanina ta pa ba riyan?" Tila natauhan namang bigla si Adom sa ginawang iyon ni Abet.
"Oo, kanina pa ako rito. Kasama mo kaya ako, 'di ba? Sabi mo, maglalaro tayo ng pera-perahan pero ako lang naman 'yong nagbibilang tapos ikaw tulala. Ano bang iniisip mo? Parang sobrang lalim naman yata niyan? Buong mundo ba 'yan?" may halong pagbibiro na tugon nito.
"Hindi Abet, no!" singhal ni Adom saka hinarap ang kaibigan. "Tahapon tasi, may nabentahan atong babae. Sabi niya, see you soon daw. Anong ibig sabihin no'n?" aniya.
"Hala! Maganda ba?" biglang tanong naman ni Abet.
"Ha? Batit mo naman natanong 'yan?"
"Eh kasi sabi nila, kapag pangit daw may masamang balak iyon sa 'yo. Kaya tanong ko kung maganda ba?" paliwanag nito.
Tila hindi naman kombinsido roon si Adom. "Maganda naman siya, Abet. Pero tahit gano'n, hindi naman yata tama na pagbasehan natin ang itsura ng mga tao, 'di ba? Tasi sabi ni Nanay, hindi raw nababase sa panlabas na anyo ang ugali ng mga tao."
Napaisip naman bigla si Abet sa sinabing iyon ng kaibigan. "Kung sa bagay, tama ka rin naman. 'Yon lang kasi ang paulit-ulit na sinasabi sa akin ni Nanay, eh! 'Wag daw akong magtitiwala sa mga kaduda-dudang tao."
"Gano'n ba? Siguro may taniya-taniyang dahilan lang ang mga nanay natin, noh? Sila na lang taya ang magtinda ng sampaguita sa simbahan?" pagbibiro ni Adom.
Nagtawanan silang dalawa at ipinagpatuloy na nila ang kanilang paglalaro.
"Oo nga pala, Adom. Sasabay na ba kayo sa 'ming magpa-enrol? Next week kasi, i-eenrol na ako ni Nanay, eh!" Sa gitna ng kanilang pagbibilang ng mga balat ng kendi ay naitanong iyon ni Abet kay Adom.
Tila napaisip naman si Adom sa sinabing iyon ng kaibigan. "Oo nga pala, no? Sige, itatanong to tay Nanay mamaya," sagot nito.
Nagkibit-balikat na lamang si Abet sa isinagot na iyon ni Adom bago nagputuloy muli sa pagbibilang.
Dumating ang araw na kinasasabikan ng ibang mga kabataan at lalong-lalo na ni Adom. Maaga siyang gumising upang makapag-asikaso ng mga kailangan nilang dalhin ng kaniyang ina patungo sa eskwelahan na papasukan niya sa susunod na buwan. Masayang-masaya siya sa mga oras na ito sapagkat sa wakas ay magiging isa na rin siya sa mga nakikita niyang estudyante na pumapasok sa paaralan noong nakaraang taon. At isa pa, magkasama pa sila ni Abet sa iisang eskwelahan kaya ganoon na lamang ang pagkasabik nito sa darating na pasukan.
"Handa na ba ang mga gamit mo, Anak?" nakangiting paalala ni Enelda kay Adom na ngayon ay nagsusuklay ng kaniyang buhok sa harap ng maliit at bilog na salamin.
Saglit nitong itinigil ang ginagawa bago nakangiting nag-angat ng tingin sa kaniyang ina. "Opo, Inay! Itaw na lang po ang hinihintay to para matatain na tayo," tugon niya.
"Aba! Mukhang excited na talaga ang anak ko, ha? O siya, sige. Halika na rito't nang makakain na tayo." Inilapag ni Enelda sa sahig ang dala-dala nitong dalawang plato at nag-umpisa na silang kumain.
"Oh, Enelda! Sakto lang din pala ang pagpunta namin dito," bungad ni Sonia nang makarating sa tapat ng gate nina Enelda. Kasama nito si Abet na ngayon ay lumapit at tumabi sa kaibigan na si Adom. "Maaga kasing nagising si Abet, eh. Ewan ko ba sa batang 'yan, excited na excited!" nangingiti nitong sambit habang pinagmamasdan ang anak na nauunang maglakad kasama si Adom.
"Naku! Pareho lang sila ni Adom. Nauna pa ngang magising ang batang 'yan sa 'kin," pahayag naman ni Enelda.
"Talaga? Pareho lang palang excited ang mga anak natin," ani Sonia at nagtawanan silang dalawa habang nakasunod sa mga anak nila.
Mabuti na lamang, maganda ang panahon ngayon. Tirik ang araw kung kaya nakakapaglakad sila nang malaya patungo sa Francisco Binetez Elementary School kung saan mag-eenrol sina Abet at Adom.
"Adom, kinakabahan ako..." mahinang sambit ni Abet habang nauuna silang maglakad.
Nagtaka naman si Adom. "Ha? Saan?" tanong nito.
"Eh kasi, first time kong papasok sa iskul. Hindi ako nag-kinder na gaya mo."
"Talaga? Eh, 'di ba may tawag diyan?"
"Tawag? Anong tawag?"
"Tamad?"
"Ha? Hindi ako tamad, Adom, ah! Alam mo iyan! Kaya lang, kinakabahan talaga ako. Paano kung—"
"Hep! Hep!" pagpigil ni Adom sa pangangamba ng kaibigan. Inakbayan niya ito bago inilapit ang kaniyang bibig. "Alam mo Abet, hindi ta naman nag-iisa, eh. Tinatabahan din taya ato, pero mas lamang nga lang sa atin ang pananabit. Ganito, isipin mo na lang na masuwerte tayo tasi matatapag-aral tayo. Tasi, 'di ba 'yong iba hindi?" bulong nito sa kaibigan.
Huminga nang malalim si Abet at tila gumaan ang dibdib dahil sa sinabing iyon ni Adom. "Alam mo, tama ka. Masuwerte ako kasi makakapag-aral ako. Masuwerte ako kasi may Adom ako na kaibigan ko," nakangiti niyang sinabi. Nagpatuloy sila sa paglalakad na wala nang kahit na anong kaba sa dibdib.
Nang makarating ay dumiretso agad sila sa administration office ng naturang eskwelahan upang doon iproseso ang pag-eenrol sa kani-kanilang mga anak. At pagkatapos ay iminungkahi naman sa kanila ng principal na puntahan nila, kasama ang mga bata, ang gusali na kinaroronan ng kani-kanilang mga silid-aralan. Agad naman nila iyong sinunod at magkahiwalay na tinungo ang mga gusaling tinutukoy ng ginang kanina.
"Magkita na lamang tayo mamaya sa canteen, Sonia," ani Enelda na ikinatango ni Sonia bilang tugon bago tuluyang magkahiwalay ang daan nila.
"Masaya ka ba ngayon, Anak?" tanong ni Enelda habang hawak nito ang kamay ni Adom patungo sa silid-aralan ng mga kinder garten.
Nag-angat naman ng tingin si Adom at saka ngumiti rito. "Oo naman po, Inay. Masayang-masaya po ato ngayon. Salamat po, ah? Tasi pumayag ta pong mag-aral ato tasabay ni Abet."
Napangiti rin si Enelda. "Basta para sa 'yo, Anak. Lahat gagawin ng nanay," aniya. Umupo siya upang mayakap ang anak at niyakap din naman siya nang mahigpit ni Adom.
"Magandang umaga po." Dalawang beses na kumatok si Enelda sa pinto ng magiging silid-aralan ni Adom at nakita niya ang isang babae na abala sa pagliligpit ng ilan sa mga gamit sa loob ng silid. Napalingon ito sa kaniya at saka nagmadaling pinunasan ang takas na pawis sa noo bago lumapit sa kanila. "Hello po! Ako po si Enelda, at ito naman po ang anak kong si Adom," pagpapakilala ni Enelda.
Namilog naman ang mga mata ni Adom nang makilala nito kung sino ang kausap ng kaniyang ina. "Itaw po si Miss Ganda, 'di ba?" sabay turo niya sa babaeng kaharap.
Ngumiti ito sa kaniya. "Oh! Hello, my dear! Sabi ko naman sa 'yo, 'di ba? See you soon," nakangiting saad ng babae bago bumaling ng tingin kay Enelda. "Hi po, Ma'am. I'm Raiza Ladiao, ako po ang magiging teacher ni Adom..." pagpapakilala nito sabay lahad ng kamay.
Agad naman iyong tinugon ni Enelda. "Ah... eh... hello rin po. Kilala mo na po ang anak ko?" naguguluhan niyang tanong.
Pumalakpak ng isa si Raiza. "Naku! Sorry, Ma'am. Madalas ko na po kasing nakikita itong anak niyo sa loob at labas ng simbahan. Kaya ayon, tinanong ko na rin po ang pangalan niya. And gladly to hear from him na, mag-aaral na po pala siya this school year," masiglang pahayag nito.
Napatango na lamang si Enelda, tila hindi inaasahan ang mga nalaman. "Gano'n po ba? Mabuti naman pala kung gayon. Hindi na mahihirapan si Adom na makisama sa magiging teacher niya," kumento nito bago bumaling ng tingin sa anak na tila hindi pa rin makapaniwala sa nakikita. "Anak, ito si Teacher Raiza, ha? Siya ang magiging teacher mo sa darating na pasukan. Batiin mo siya, Anak..."
Napakurap si Adom dahil sa iniutos ng kaniyang ina. "H-Hi po, Teacher Raiza. Ato po si Adom," aniya.
Lumapad namang muli ang ngiti sa labi ni Raiza. "Hi, Adom. Masaya akong makita ka ngayon. Kita ulit tayo sa first day of class, ha?" aniya sabay lahad din ng kamay dito.
Tila nawala naman ang kaba at pagdududa ni Adom sa kausap nang makita nito sa mga mata ng babae ang kabutihan ng puso. Malugod niya iyong tinanggap at natapos ang araw na iyon na puno ng mga bagong karanasan.
THE JOURNEY OF ADOM © 2018
Mirassou