"Adom! Halika na rito't kakain na tayo!" sigaw ni Enelda sa anak nitong si Adom habang inilalapag sa sahig na kawayan ang kaniyang mga niluto. Ngunit nang hindi sumagot sa kaniya ang anak ay siya na mismo ang lumabas sa kanilang bahay at tinungo ang kinaroroonan ni Adom.
Naglalaro naman ng lupa si Adom sa gilid ng kanilang bahay nang mapansin niyang papalapit sa kaniya ang ina nito. "Nay!" bulalas agad niya at saka mabilis na ipinagpag ang mga kamay sa laylayan ng kaniyang damit. "Tawag mo po ba 'to? Pasensya na po, Nay. Hindi to po yata tayo narinig," paumanhin niya sa nakangiting ina.
"Tama na muna ang paglalaro, Anak. Kain na muna tayo. Pawis na pawis ka na, oh!" ani Enelda nang makita ang tumatakas na pawis sa noo ni Adom. Subalit nang dumapo ang kamay niya sa likod ng anak ay nanlaki ang kaniyang mga mata nang maramdaman ang mas matinding pawis nito roon. "Basang-basa na rin pala pati ang likod mo, Adom. Hala! Pumasok ka muna sa loob at magbihis. Pagkatapos ay kakain na tayo!" galit ngunit may bahid ng pag-aalala sa tonong iyon ni Enelda.
Agad namang napakamot sa ulo si Adom. "Si Nanay talaga, ang sungit. Sige po, papasot na po ato. Ngiti lang, Inay!" aniya at saka tinalikuran ang ina.
Napailing na lamang si Enelda habang nakangiting sinusundan ng tingin ang kaniyang anak. Anong saya ang kaniyang nararamdaman sa tuwing binibiro siya nang ganoon ni Adom. Sa tingin niya'y isang paraan lamang iyon ng paglalambing ng anak upang hindi niya maituloy ang nagbabadyang galit. Idagdag pa ang pagiging bulol nito sa letrang K ay talaga namang mawawala ang galit mo sa oras na magsalita na ito.
Sa anim na taong itinaguyod niya si Adom sa magulong pamumuhay sa Maynila, masasabi niyang naging isang malaking biyaya talaga ito sa kaniya mula sa Maykapal na lumikha ng sangkatauhan. Hindi man nagmula sa dugo't laman niya ang anak na lalaki ay binuhay niya naman ito sa pamamagitan ng puso na punung-puno ng pagmamahal. Kaya naman lumaki si Adom na masayahin, masunurin, magalang, mabait, masipag, matulungin at higit sa lahat ay may takot sa Diyos. Ito ang mga katangian ng anak na maipagmamalaki niya sa ibang tao kahit na hindi ito lumaki sa isang marangyang buhay. Sa totoo nga niyan ay nahihiya siya sa katotohanan na tinutulungan siya ni Adom sa paghahanap-buhay—nagtitinda ito ng sampaguita sa Sto. Nino De Tondo Church kasama ang mga kaibigan nito habang siya naman ay nangangalakal sa umaga at nagtitinda ng balut sa gabi. Tutol man siya noong una sa naging suhestiyon ng anak na tulungan siya nito sa pagtitinda ay wala siyang nagawa sa pagpupumilit nito. Hinihiling na lamang niya sa Maykapal na sana'y gabayan nito ang nag-iisang anak upang mailayo sa sakuna habang naglilibot sa parte ng ka-Maynilaan.
"Nay, tapos na po ato! Gwapo na po ba ato ulit?" Nagpapogi pose si Adom nang makalabas ito sa kanilang maliit na kuwarto. Humalakhak ang kaniyang ina dahil sa ginawa niyang iba't ibang klaseng pagpapa-cute kung kaya mas lalo pa niyang pinaghusayan ang kaniyang ginagawa.
"Pumarito ka na nga rito, Adom. Hindi ka pa ba ginugutom at nagpapa-cute ka pa riyan?" natatawang tanong ni Enelda sa kaniya.
Lumapit si Adom kay Enelda at naupo na rin sa tabi nito. "Pinapatawa lang tita, Nay. Para naman mas matarami ta pa po sa pangangalatal. Tapos ato naman, tatantahan to ang mga tao roon sa simbahan para mas marami atong mabenta na sampaguita," dire-diretsong wika nito sa kaniyang ina.
Banayad na napangiti naman si Enelda sa kaniya. "Napakabait mo talagang bata ka. Halika nga rito..." Mahigpit na niyakap siya ng kaniyang ina at pagkatapos ay masaya silang nagpatuloy sa pagkain habang nagkukuwentuhan tungkol sa mga pangarap nito sa kaniyang buhay.
"Alis na po ato, Nay! Mag-iingat ta po, ah? Uuwi ta po ba nang maaga?" tanong ni Adom sa kaniyang ina na abala ngayon sa pagsasara ng gate nila na gawa sa pinagtagpi-tagping yero. Pinanood niya lamang ito sa ginagawa nito hanggang sa matapos at maharap siya nito nang maayos. Subalit laking gulat niya nang bigla siya nitong pisilin sa magkabilang pisngi dahilan upang kumurahaw siya sa sakit. "Aray, Nay! Tama na po!" pag-awat niya.
Tumatawang binitiwan naman iyon ng kaniyang ina. "Mag-iingat po ang nanay, Anak. Ikaw rin mag-ingat, ha? Kapag mainit na nang sobra, umuwi ka na agad. O 'di kaya naman ay kapag umulan. 'Wag kang magtatagal sa labas at lalong 'wag kang magpapagabi," ani Enelda.
"Opo, Inay. Uuwi po agad ato para maipaghanda tita ng gabihan," nakangiting tugon naman ni Adom.
"O siya, sige. Lumakad ka na roon at dito naman ako." Inginuso ni Enelda ang daan na tatahakin nilang mag-ina na sinundan naman ng tingin ni Adom. "Ano nga muna ulit ang magic words, Anak?" ani Enelda nang magtama muli ang kanilang mga mata.
Huminga nang malalim si Adom at matayog na tumitig sa mga mata ng kaniyang ina bago pinagsalikop ang mga daliri nito. "Ama, ingatan mo po tami ng ating Nanay. Marami po sanang benta para marami taming pera!" masayang ibinigkas ni Adom.
Nagtawanan silang mag-ina bago muling nagpaalam sa isa't isa.
Palukso-lukso si Adom habang binabaybay ang daan patungo sa Sto. Nino De Tondo Church. Saglit pa muna siyang huminto sa tapat ng bahay nina Abet, ang kaniyang matalik na kaibigan, upang tawagin ito at sabay na silang tumungo sa naturang simbahan. "Aleng Sonia, nand'yan pa po ba si Abet?" tanong niya sa kalalabas lamang na ina ni Abet.
"Oh, Adom! Halika, pasok ka muna." Inanyayahan ni Sonia si Adom na pumasok muna sa loob ng kanilang munting bahay. Sumunod si Adom sa kaniya at dire-diretso itong umupo sa sofa. "Si Abet kasi naliligo pa. Hintayin mo na lamang siya rito, ha? Kumain ka na ba?" tanong ni Sonia kay Adom.
Magiliw na ngumiti naman si Adom dito habang ikinukuyakoy ang mga paa nito sa sofa. "Opo, Aleng Sonia. Tumain na po tami ni Nanay. Tayo po ba?" balik tanong niya sa ina ni Abet.
"Oo kumain na kami. Sadyang matagal lang maligo 'yang kaibigan mo. Ewan ko ba sa batang 'yan! Pang-isang linggo na yatang ligo ang ginagawa no'n!" iiling-iling na sagot ng matanda.
Humalakhak naman si Adom. "Otay lang po, Aleng Sonia. Sanay na po ato tay Abet. Syempre, taibigan to po siya, eh. Ay, hindi! Tapatid na nga pala ang turing to sa tanya. Mas gwapo nga lang po ato," sabi nito sabay hagikgik.
Natawa rin si Sonia sa birong iyon ng batang kausap. Subalit nang marinig naman iyon ni Abet mula sa loob ng hindi kalayuang banyo ay agad itong lumabas kahit na walang saplot ang katawan nito. "Anong mas gwapo ka sa 'kin, Adom? Hindi yata ako makapapayag diyan!" apila nito sa sinabi ng kaibigan.
Agad na napalingon sina Adom at Sonia sa kinatatayuan ni Abet at sabay na nanlaki rin ang kanilang mga mata dahil sa nakikita. Mabilis na tinakpan ni Adom ang kaniyang mga mata subalit may espasyo naman ang bawat pagitan ng mga daliri nito kaya nakikita niya pa rin ang hubad na katawan ng kaibigan.
"Abet, tita to 'yong ibon mo!" gulat na sambit ni Adom.
"Ano ba 'yan, Abet? Pati putotoy mo, ipinapakita mo pa kay Adom. Mahiya ka nga!" bulalas ni Aleng Sonia sa kaniyang anak.
Tila napagtanto naman ni Abet ang kanilang tinutukoy kaya mabilis nitong tinakpan ang alagang ibon gamit ang dalawang mga kamay. Mabilis din siyang pumasok sa loob ng banyo at muling ipinagpatuloy ang paliligo roon.
"Pambihira! Hindi pa pala tapos ang isang 'yon," kumento ni Sonia bago tumungo na sa kusina.
Tatawa-tawa lang si Adom sa mga nangyayari habang ikinuyakoy muli ang kaniyang mga paa sa ilalim ng sofa.
Simula noong natutong maglaro si Adom sa labas ng kanilang bahay ay nakilala niya si Abet, ang nag-iisang anak nina Sonia na ang bahay ay hindi kalayuan sa kanila. Malungkot noon si Abet at tila pasan ang problema ng buong mundo habang nakaupo sa imbakan ng mga bote't bakal. Kung kaya nilapitan siya ni Adom at tinanong kung maaari ba silang maglaro at maging magkaibigan. Laking gulat naman ni Abet nang magsalita ito dahil sa wakas ay may isang bata ang katulad niya—pareho silang bulol sa iisang letra. Kaya simula noon ay nagkasundo sila at naging magkaibigan dahil pareho sila ng kalagayan. Ang pinagkaiba nga lang, habang lumalaki si Abet at tumuntong sa edad na pito ay naging maayos at tuwid na ang pananalita nito. Hindi katulad ni Adom na haggang ngayong anim na taong gulang na ay hindi pa rin nawawala ang pagkabulol nito sa letrang K.
"Alam mo, Adom? May maganda akong ibabalita sa 'yo." Mararamdaman ang excitement sa tono ng pananalita ni Abet. Naka-akbay siya kay Adom habang sabay silang naglalakad patungo sa simbahan. "Sabi ni Nanay, i-enrol na raw niya ako ngayong pasukan. Ibig sabihin, mag-aaral na ako!" tuwang-tuwa niyang ibinalita.
Nanlaki ang mga mata ni Adom dahil sa tuwa at kasabay niyon ang paghinto niya sa paglalakad. "Totoo, Abet? Wow! Magandang balita nga iyan. Saan ta raw papasot?" masayang tanong nito sa kaibigan.
"Sa Francisco Benitez Elementary School, Adom," diretsong sagot ni Abet. "Pero sabi ni Nanay, may konting exam pa raw doon, eh kasi hindi ako nag-kinder. Kinakabahan nga ako, Adom, eh. Paano kung mayroon tanong doon na one plus one? Hindi ko alam, Adom. Hindi ko alam ang sagot do'n!"
"Ha? One plus one lang hindi mo alam?" gulat na saad ni Adom kay Abet.
Nangunot tuloy ang noo nito. "Bakit ikaw, alam mo ba? Eh, hindi ka pa rin naman nakapag-aral, ah? 'Tsaka, bulol ka pa. Hindi ka pa puwede ro'n!" giit niya.
Napakamot naman ng ulo si Adom. "Oo, bulol nga ato, Abet... pero alam to ang sagot sa one plus one."
"Sige nga... ano?"
"Two!" agap ni Adom.
Nanliit ang mga mata ni Abet. "Sigurado ka ba sa sagot mo na 'yan?" naniniguradong tanong nito.
"Oo, sigurado ato, Abet! Tanong pa natin sa iba, eh!" pagmamalaki naman ni Adom.
"Sige. Tara!" pagsang-ayon agad ni Abet.
At nagkasundo ang magkaibigan na bilisan ang kanilang paglalakad upang makarating agad sila sa simbahan at maitanong na nila sa iba ang kanina pa nila pinagtatalunan.
THE JOURNEY OF ADOM © 2019
Mirassou