Kilala ang Sphinx Corporation bilang isa sa pinakamalaking kompanya sa buong mundo. Nagbibenta sila ng iba't ibang uri ng laruan. Ang hindi alam ng karamihan, ang Sphinx ay kabilang din sa isang underground organization. Na kung saan, nagsasanay sila ng mga assassin. Ang Sphinx ang utak sa likod ng malawakang kidnapping ng mga sanggol sa pribado man o sa mga pampublikong ospital. Ngunit karamihan sa mga sanggol na nasa pangangalaga ng Sphinx ay 'yung mga inaampon nila mula sa mga bahay ampunan. Ang ilan sa mga assassin ay magbabalatkayo bilang mag-asawa na hindi magkaanak kung kaya napagkasunduan na lang na mag-ampon ng bata. Mas gusto ng organisasyon 'yung mga sanggol pa lamang at mga batang nasa murang edad pa lamang. Sa kadahilanang ang mga ganitong klase ng edad ay mas madaling turuan at kontrolin.
May tatlong stages na dapat lagpasan para maging isang ganap na tagapaslang. Una: Ang unang pagsasanay ng mga assassin ay ang pagkontrol ng emosyon. Mahalaga para sa isang assassin na hindi mababakasan ng kahit anong emosyon ang mukha. Sapagkat para sa kanila ang pagpapakita ng emosyon ay isang kahinaan. Ito ay nangangahulugan ding isang tiyak na pagkatalo. Dito nararanasan ng mga batang nasa isang taon hanggang apat na taong gulang ang iba't ibang klaseng paghihirap. Emosyunal, mental o pisikal man na pagpapahirap ay hindi pinapalagpas sa stage na ito. Mga paghihirap na hindi mo lubos na maisip na mararanasan ng isang bata sa kanyang murang edad. Ngunit kung inaakala mong dito na nagtatapos ang lahat ng pagpapahirap na ito ay nagkakamali ka. Ito ay simula pa lamang. Dito hinuhubog ang kakayahang panloob ng mga bata. Ito ang unang hakbang upang ang walang muwang, at inosenteng kabataan ay mabahiran ng hindi matatawarang poot, galit at pagkamuhing siyang lumukob sa pusong hinubaran ng karapatang maramdaman ang salitang awa. Pangalawa: Sa yugtong ito na kung saan ang mga batang nasa gulang na lima hanggang sampung taon ay tinuturuan nang lumaban. Dito itinuturo ang iba't ibang klase ng martial arts, paghawak at paggamit ng iba't ibang sandata at pagiging bihasa sa paggamit ng teknolohiya. Maliban sa mga nabanggit sa itaas, sa yugtong din ito tinuturuan ang mga batang assassin ng kanilang survival skills. Iniiwan sila sa isang pribadong isla na pag-aari ng Sphinx Corporation. Sa islang ito sinusubukan ang kakayahan ng mga bata na malagpasan ang mga pagsubok at patibong na inihanda sa kanila. Maliban sa gutom na kailangan nilang malagpasan ay kailangan din nilang kaharapin ang mga mababangis na hayop na naninirahan dito. Anim na buwan silang mananatili sa islang iyon kaya sila na ang bahala kung anong diskarte ang gagawin nila para makaligtas sa mga pagsubok na kanilang kahaharapin. Sa mga batang dinadala rito, halos wala sa kalahati ang umuuwing buhay. Ikatlo: Sa pinakahuling yugto na kailangang mapagtagumapayan ng mga batang assassin ay ang makaligtas sa misyon na ibibigay sa kanila. Sa misyong ito ay mayroon silang makakasamang professional assassin. Dalawang profass (professional assassin) ang gagabay at sasama sa mga baguhang assassin o mas kilala sa tawag na newass upang siguraduhing magtatagumpay ito sa misyong ibinigay sa kanila. Dead or alive, kailangang magawa ang misyon kaya nga may kasamang profass ang newass upang siguraduhing magagawa pa rin o mapapatay pa rin ang target na ibinigay sa kanila. Para sa Sphinx, walang lugar ang pagkakamali sa pagsasagawa ng misyon.
Ang lahat ng yugtong iyon ay pinagdaanan ng tatlong sikat na tagapaslang na sina Leonardo, Jewel at Shayne. Sila ang tinaguriang 3 Diablos. Na ayon nga sa mga nakasaksi sa krimeng kanilang ginawa, ito ay nakahihindik, nakababaliktad ng sikmura at ang bawat anggulo ng mga biktima ay hindi mo makakayang tingnan sapagkat ang imaheng iyong makikita ay hindi mawawaglit sa iyong isipan kahit kailan. Ito ang magsisilbing bangungot mo pagsapit ng gabi. Sadyang nakapanlulumo at nakapanghihina ng tuhod ang kahabag-habag na sinapit ng mga biktima.